Umuugong ang sigawan sa loob ng bar matapos ang pagkanta ni Glenn. Nasa harap ang ilang babae na hindi magkamayaw sa pagtili sa kanya.
"Glenn."
Nilinga niya ang assistant ng bar na si Harold. May ibininulong ito sa tenga niya kaya agad siyang bumaba ng stage.
Natigilan naman ang lahat ng babae.
"Nasaan sila?" nagmamadaling tanong niya sa gwardiya na nasa labas ng bar.
"Nasa gilid."
Patakbo siyang lumabas.
"Kuya Glenn!"
"Jacob at Arci!"
Yumakap sa bewang niya ang dalawang kapatid ng nobya. Nag-aalala siyang bumaba sa mga ito.
"Anong nangyari?"
"Nasa bingu-han po si Nanay. Kaya sa inyo kami dumiretso," sagot ni Arci.
Hinimas niya ang buhok nito.
"Okay lang. Akong bahala sa inyo."
"Heto, kumain muna kayo."
Dinala ni Glenn ang dalawang bata sa kwarto ng kanilang banda sa likod ng bar. Ibinigay niya rin pagkain na dapat para sa banda sa dalawang bata.
Kinuha niya ang cellphone at sinilip ang oras. Hindi niya matawagan si Arianne dahil alam niyang abala iyon sa casino.
Umupo siya silya at pinagmamasdan ang dalawa.
"Kumain lang kayo," ani Glenn.
"Salamat, Kuya," sagot ng mga ito habang abala sa pagkain.
"Kuya," sinulyapan siya ni Arci.
"Hmm?"
"Si Ate, nadala na niya si Aaron sa magandang hospital," nagmamalaking saad nito na ikinangiti niya.
"Oo nga. Ang galing talaga ni Ate. Hindi siya pumayag sa sinabi ni Nanay," naman ni Jacob.
"Syempre," siniko ni Arci ang kapatid.
"Nangako si Ate na iaahon niya tayo sa hirap kahit anong mangyari," dagdag nito.
Napaseryoso naman si Glenn.
Natakot siya bigla sa narinig.
"Kuya Glenn, may tubig pa?"
"Kuya Glenn?"
Gulat siyang napatingin kay Arci.
"May tubig pa kayo?" inosenteng tanong nito.
Pilit ang ngiti niya nang tumindig.
Nagtungo si Glenn sa mesa kung nasaan ang mga bote ng tubig. Naging mahigpit ang kapit niya roon.
Kailangan na niyang makahanap ng mas magandang trabaho para sa nobya. Tiwala naman siya rito at sa pag-ibig nito sa kanya.
Pero alam niya rin ang pagmamahal na mayroon ito para sa pamilya.
Kayang-kaya nito isakripisyo ang lahat.
Kahit siya.
Halos mahilo si Arianne kakaiikot. Nang sulyapan ang malaking orasan na nakasabit sa casino ay magaa-alas tres na.
"Ay, ano ba?!"
Napatingin siya sa di-kalayuan. Natagib ng isang babaeng patayo na ang isang baso.
May lalakeng dudukwang doon nang sumigaw siya.
"Ako na po riyan, Sir!"
Patakbo siyang lumapit at nagtungo sa sahig na agad niyang pinunasan. Nakita niya ang ilang paa ng mga bisita sa casino. Kitang-kita niya ang mamahaling sandalyas ng mga babae. Halos wala ring kalyo ang mga paa nito.
Patuloy siya sa pagkusksos nang may mahulog na wallet na itim.
Nakita niya ang pares na sapatos ng lalake.
"Sandali ho!"
Pinunasan niya ang kamay bago pinulot iyon at tumayo.
"Sandali ho, Sir!" sigaw ni Arianne na ikinahinto ng lalake.
"Wallet niyo, ho."
May ilang segundo bago pumihit ito paharap. May alangan ang ngiti niya nang makita ang isang lalake.
Nasa singkwenta ang edad.
Mestizo.
At kahit may edad na ay hindi natatakapan nito ang angking kagandahang lalake.
"Wallet niyo po, Sir," ulit ni Arianne nang lumapit.
Ngumiti sa kanya ang kaharap at tinanggap ang inaabot niya.
"Thank you."
"Walang anuman ho, Sir."
Sinulyapan nito ang pinunasan niyang sahig bago bumaha ang pagpakumbaba sa mukha.
"Pasensiya ka na sa kalat."
"Ayos lang ho. Trabaho ko ho 'to."
"Simon, let's go!" sigaw ng babae na nakatapon ng inumin sa sahig. Naghihintay ito sa di-kalayuan.
"Pasensiya na ulit."
"Wala hong anuman, Sir. Ingat ho kayo."
Tumalikod na ito at pinanood niya kung paano umabrisyete ang babae sa lalake.
Napangiti siya nang maliit.
"Arianne, bilis ang kilos para makauwi na!" sigaw ni Kevin.
"Yes, Sir!"
Hindi niya alam ang uunahin. Nang makapasok sa kusina ay naroon naghuhugas si Kia.
"Arianne, nakita ko kaharap mo si Sir Simon, ha?"
"Simon?" ulit niya at pinunasan ang ilang baso na tapos nang hugasan nito.
"Iyong may-edad kanina 'yong mabait."
Doon niya naalala ang kaharap. Nagulat siya nang banggain ni Kia sa balakang.
"Ang gwapo 'no?"
"Ha?"
"Si Sir Simon, may tamis pa," kinikilig na saad nito.
"Alam mo bang halos lahat ng dating waitress dito. Nagpapansin kay Sir Simon kaso ang lolo mo masyadong loyal do'n sa sugarol niyang jowa. Nakita mo 'yong babae?"
Nilinga ni Arianne ang kasamahan.
"Iyong naka-floral na dress?" usisa naman niya.
"Oo. Mas gurang pa kay Sir Simon. Ansama pa ng ugali, akala mo kung sinong mayaman. E, kasambahay lang naman daw ni Sir Simon bago jinowa."
Nag-iisip siyang ipinagpatuloy ang ginagawa. Nang mulling tumabi sa kanya si Kia.
"Alam mo, kung sa ako lang. Mas pipiliin ko 'yong may-edad tapos ibibigay sa akin ang lahat," saad ng kaibigan.
Napakurap ang mata niya.
"Iyong may-edad pero maraming pera. Kasi alam mo, sa reyalidad ng ngayon. Buhay ang may mga pera. Tayong mahihirap patay sa gutom."
"Kaya ikaw," nagulat siya nang banggain siya ni Kia.
"Kapag may nagkagusto sa iyong mayaman dito. Patusin mo na-"
"Ma-may boyfriend ako," seryosong putol niya kay Kia.
"Mayaman ba?"
Napakurap ang mata niya.
"Kaya ka bang iaahon sa lusak kung nasaan ka?"
"Kaya bang ibigay ang pangangailangan mo?"
"Kaya ka bang buhayin nang maayos?"
"Kaya bang palitan ng sarap ang buhay mong mahirap?"
Iniwas ni Arianne ang tingin.
"Isa siyang bokalista ng banda."
"Malaki ba ang sahod?" usisa nito.
Hindi siya sumagot.
"Hindi, 'di ba?"
"Arianne."
Seryosong nilinga niya si Kia.
"Payong kaibigan. Pumili ka ng kailangan mo sa buhay. Hindi ka mapapakain ng pagmamahalan na 'yan," payo nito.
"Sabay kaming aahon sa hirap-"
"Pareho kayong mahirap. Paano 'yong mangyayari?"
Ibinaling ni Arianne ang atensyon sa ginagawa. Nagpatuloy naman na si Kia sa paghuhugas.
Madaling araw na nang lumabas siya ng casino. Sapo niya ang mga balikat na nangawit.
"Ate!"
Nawala ang antok niya nang marinig ang boses na iyon. Mula sa gilid ng bar kung nasaan ang ilang motor ay patakbong lumapit ang mga kapatid.
"Anong ginagawa niyo rito?" tanong niya habang nakayakap ang mga bata sa bewang niya.
Sinulyapan niya si Glenn.
"Nagpunta sila sa bar," wika nito.
"Bakit?" tanong niya sa mga kapatid.
"Nagugutom na kami pero hindi pa rin tumatayo si Nanay mula sa bingu-han," sumbong ni Arci.
"Kaya nagpunta kami kay Kuya Glenn, pinakain niya kami at sinamahan dito," dugtong naman ni Jacob.
May malungkot na ngiti niyang sinulyapan ang nobyo.
Paano ba niya maipapagpapalit ang tulad nito sa pera lang?
Sa ginhawa?
At sa yaman na kailangan niya?
Huminto ang motor ni Glenn sa kanto. Ang bumaba lang ay si Arianne habang ang dalawang kapatid nito ay nakakapit pa rin sa likuran niya.
"Sigurado ka ba?" tanong niya rito.
Seryoso lang itong tumango.
"Gusto mo samahan kita?"
"Hindi na."
Tumango naman si Glenn.
Nilinga ni Arianne ang mabasa-basa pang kalsada na may kulay na dilaw na ilaw mula sa poste.
Sa ginagawa ng ina niya ay unti-unti na talagang nauubos ang pasensiya niya. Nagsimula siyang maglakad, rinig niya agad ang nagkakatuwaang mga kapitbahay at ang paglalaro ng mga ito ng bingo.
Napahinga siya nang matanaw ang ina na nakaupo at nagtatantos ng bingo card.
Lumapit at tumapat siya rito.
"Nay?"
"Sa letrang B, baligtaran!" sigaw ng kapitbahay.
"Puro na!" sabik na saad ni Mercedes na hindi napapansin si Arianne.
"Nay?"
"Nay!" mangiyak-iyak na sigaw niya na nakapagpahinto sa lahat.
Nanginginig ang bawat laman niya nang kaswal siyang tingalain ng ina. Nangingilid ang mga luha niya nang pagkatitigan ito.
"Anong problema mong bata ka?" tanong nito.
"Anong problema ko?" sarkastikong ulit niya habang nakangiti.
"Oo. Bakit ka nagsisigaw dito-"
"Alam niyo ba kung nasaan ang mga kapatid ko?" putol niya na ikinatigil ng ina.
Tumingin si Mercedes sa paligid.
"Baka, baka nandyan lang-"
"Alam niyo ba kung anong oras na?" muling gigil na putol ni Arianne.
Binalikan siya ng tingin ng ina habang nakakunotnoo.
"Teka nga, bakit parang pinapagalitan mo 'ko?"
"Hoy, Arianne. Anak lang kita, umuwi ka na."