IKALABING-TATLONG KABANATA-- LIHIM NA PAGTINGIN

1631 Words
KASALUKUYANG nasa kalagitnaan ng pag-eensayo si Astora at Ursa nang makita ni Astora si Mira at nakatalikod na nakaupo sa ilalim ng isang puno 'di kalayuan sa kanila kaya pansamantala muna niyang itinigil ang kanilang pagsasanay at nilapitan ang batang Parisyan. “Kumusta ka Mira?” bati ni Astora sa batang Parisyan kasabay ng pag-upo sa tabi nito. Mabilis namang ngumiti si Mira sa Binibining ilang araw na rin niyang hindi nakita. “Mabuti po ang aking kalagayan, Binibining Astora,” “Astora na lamang ang itawag mo sa akin. Paumanhin kung hindi kita nabisita magbuhat nang ako ay magbalik sa Palasyo,” “Huwag po ninyo akong alalahanin, batid ko na hindi madali ang pagiging isang Punong Gabay lalo pa’t napakaraming masamang nilalang ang kasalukuyang namiminsala sa Babylon,” “Tama ka. Napansin kong malungkot ka at nag-iisa kaya kita nilapitan. Mayroon bang bumabagabag sa iyong isipan?” Tumingala si Mira marahil ay upang pigilin ang nagbabadyang pagbagsak ng mga luha nito. Napansin naman ito ng Punong Gabay na kanya ring ikinalungkot kaya upang maibsan ang mabigat na dinadala nito ay niyakap niya si Mira na naging dahilan naman ng pag-agos ng masaganang luha sa maganda nitong mukha. “Alam kong naaalala mo pa rin ang iyong yumaong mga magulang at kahit hindi mo sabihin ay alam kong hindi mo pa rin matanggap na magkapanalig ng muli ang Alkasia at Sanyar,” “Alam ko po na hindi tama ang magtanim ng sama ng loob subalit, hindi ko talaga maatim isipin na ang Haring naging dahilan ng aking pagkakawalay sa aking mga magulang ay siya ring kasalukuyang pinupuri at pinagsisilbihan ng ilan sa aking mga kalahi,” “Mira…” Nagulat sina Astora nang may biglang magsalita sa kanilang likuran. Si Haring Artemiar. Naglakbay ito patungo sa Sanyar upang magbigay ng tulong sa mga Parisyan na pansamantalang naninirahan doon bilang tanda ng kanyang pagsisisi sa kanyang mga maling nagawa. Nasa likuran nito si Haring Kimor at Renzir. “Mahal na Gabay, maaari mo ba kaming hayaang makapag-usap ng batang ito?” tanong ni Artemiar kay Astora. Napatingin muna ang Punong Gabay kay Mira bago tuluyang lumisan kasama si Haring Kimor at Renzir. Bago magsalita ay lumuhod si Artemiar bilang pagpapahayag ng kanyang paghingi ng tawad na ikinabigla naman ni Mira. “Nauunawaan ko ang iyong nararamdamang pagkamuhi sa akin, Mira. Hindi ko din hihilingin sa iyo na ako ay patawarin lalo pa’t naisalaysay na sa akin ni Kimor ang sinapit ng iyong mga magulang sa ilalim ng aking pamumuno,” pagsisimula ni Artemiar. “Wala akong karapatan kahit na banggitin ‘man lamang ang kanilang mga ‘ngalan, subalit lubos akong humihingi ng kapatawaran sa aking mga nagawa, hindi lamang para sa iyong mga yumaong magulang kung hindi dahil na rin sa iyong maagang pag-iisa sa buhay—at pagkawasak ng iyong pamilya,” pagpapatuloy pa nito na lalong naging mitsa ng pag-agos ng luha sa mga mata ni Mira. “Tama ka mahal na Hari, kahit pa ano ang iyong gawin ay hindi na nito maibabalik pa ang mga nawala sa akin, lalo na ang aking mga magulang kaya’t kailan man ay hindi kita mapapatawad,” lumuluha ngunit galit na saad ni Mira at tumakbong palayo sa Hari. Naiwan namang nakaluhod si Artemiar na mababakas sa mukha ang labis na pagkalungkot at pagkamuhi sa sarili. Kasalukuyang nakaupo si Jibreel sa balkonahe ng kanyang silid at pinagmamasdan ang mga bituin sa kalangitan nang mayroon siyang naramdaman na mahinang pagyanig at sigawan sa pasilyo. Agad siyang lumabas ng kanyang silid, natawa siya ng makita na sinusuntok si Renzir ni Ursa na makikita sa mukha ang labis na pagkapikon, ang mga ito pala ang dahilan ng pagyanig na kanyang naramdaman dahil nasira ng mga ito ang isang bahagi ng pasilyo. “Napaka-walang-hiya mo!” sigaw ni Ursa habang patuloy na pinapaulanan ng suntok si Renzir na mukhang ginagamit na ang lahat ng kanyang natutunan sa pakikipaglaban upang maiwasan ang mga suntok ni Ursa, subalit, kahit anong ilag ng Gurdashi ay sadyang mas mabilis sa kanya ang Binibini kaya ngayon ay pulang-pula na ang mukha ng heneral dahil marahil sa mga malalakas na suntok na tinamo nito. “Teka muna Bini—aray!!!” hindi na natapos ni Renzir ang nais sabihin matapos niyang tumalsik sa kasalungat na direksyon at bumalandra sa sahig matapos siyang ibalibag ni Ursa. Aawatin na sana ni Jibreel si Ursa nang mapansin niyang nakatingin sa kanya si Renzir na ‘tila isang paslit na humihingi ng tulong matapos mapagbuhatan ng kamay ng kanyang ina subalit biglang bumukas ang pinto sa harapan ng mga ito na siya palang silid ng Punong Gabay. Iniluwa ng pinto si Astora na halata ang pagkairita dahil sa naudlot nitong pagpapahinga. Lalong natawa si Jibreel nang halos sabay na napaluhod sina Ursa at Renzir habang ang mga kamay ay nasa kanilang mga harapan. “HINDI BA KAYO TITIGIL? KUNG AYAW NINYONG MAGPAHINGA HAYAAN NINYO ANG IBA NA MAKAPAGPAHINGA!” bulyaw ni Astora kina Ursa na ngayon ay parang mga paslit na nakaluhod. “P-patawad po pinuno, ito kasing shokoy na ‘to biglaang pumasok sa aking silid.” Pagtuturo ni Ursa kay Renzir na ngayon ay hawak-hawak ang namumulang pisngi na mukhang malapit ng mapaiyak. “Hoy! H-hindi ko sinasadya na pumasok sa iyong silid! A-akala ko kasi sa akin ang silid na iyon dahil mabilis ko lamang itong nabuksan!” pagpapaliwanag pa ni Renzir. “Anong hindi sinasadya?!! Maari bang hindi mo ‘yon sinasadya samantalang TUMABI KA PA SA AKING HIGAAN… AT... AT…ARGH!” muli pang bulyaw ni Ursa na halos ikabingi ni Renzir na nakaluhod sa tabi nito, lalong pang napasimangot si Renzir nang pukpukin siya ni Ursa sa ulo gamit ang nakakuyom na ma kamay nito. Natawa naman lalo si Jibreel sa kanilang dalawa. Bago pa makatikim ng galit ni Astora ang mga ito ay lumapit na si Jibreel upang kunin ang kanyang namumulang kaibigan. “Patawad sa ginawang pag-gambala sa inyo ni Renzir mga mahal na Gabay,” hinging paumanhin ni Jibreel sa mga Gabay bago niya tuluyang hilain si Renzir patungo sa kanyang silid. “Ano ba ang pumasok sa iyong isipan at pumasok ka sa silid ni Binibining Ursa, Renzir?” pagtatanong ni Jibreel kay Renzir habang pinipigilan ang sariling matawa. “Hindi ko naman talaga sinasadya, Kamahalan. Mukha bang papatulan ko ang bayolenteng babaeng ‘yon? “Anong problema, Renzir? Maganda naman ang Binibining Ursa, higit sa lahat isa siyang Gabay na hinahangaan at labis na iginagalang sa kahit na saan pa mang Kaharian dito sa Babylon,” pagtudyo pa ni Jibreel na ikinaseryoso naman ni Renzir. “Malabong magustuhan ko ang Binibining Ursa, Jibreel. Sapagkat may iba nang nagpapatibok ng aking puso na kahit kailan ay alam kong hindi mapapa-sa’kin.” Malungkot na pag-amin nito. “Kaya ba naglango ka sa alak at nagkamali ng silid na inuwian?” tanong ni Jibreel na ikinatango naman ni Renzir bilang pagtugon sa hula nito. “Sino ang ma-swerteng babaeng ito, Renzir?” “Mas makabubuti kung hindi mo na lamang ako tatanungin at kukulitin patungkol sa bagay na ito, Kaibigan.” Malungkot na tumayo si Renzir at lumisan sa silid na labis namang ipinagtaka ni Jibreel. KINABUKASAN magkasamang naglalakad sa hardin sina Astora at Ursa. Naalala ni Astora ang mga naganap noong nagdaang gabi kaya naman inalam ang totoong nangyari kay Ursa. “Ursa?” pag-agaw ni Astora sa atensyon ni Ursa na kasalukuyang nilalaro ang mga bulaklak na kanilang nadadaanan. “Bakit, Astora?” “Ano ba talaga ang nangyari kagabi at ‘tila galit na galit ka sa Gurdashi ng mga Sanyas?” “Kagaya ng sinabi ko kagabi sa iyo, pinuno. Ako ay mahimbing na natutulog nang biglang bumukas ang aking silid at nakita ko si Renzir na nakatayo sa pintuan. Matapos pa ang ilang sandali ay nagulantang ako nang bigla niyang hubarin ang kanyang kasuotang pang itaas at lumundag patungo sa aking hinihigaan…” mahabang pagpapaliwanag ni Ursa. “At dahil lang doon ay nagalit ka na at pinaulanan siya ng suntok?” panunudyo pa ni Astora sa kaibigan. Napansin niyang namula si Astora kaya naman lalo pa niya itong kinulit na sabihin ang mga naganap. Dahil na rin sa kakulitan ng kanyang pinuno, nahihiya man ay inilahad ni Ursa ang iba pang mga naganap. “Yung walang-hiyang yon, pagkatapos niyang tanggalin ng mabilisan ang kanyang saplot ay at humiga sa aking higaan ay bigla niya akong n-niyakap at…” “At ano?” “Hinalikan,” Napatili si Astora sa nalaman, tinapik-tapik pa niya si Ursa na mababanaag sa mukha ang nadaramang labis na hiya. Si Astora naman ay patuloy ang panunudyo dito hanggang sa mapadaan si Renzir at lumapit sa kanilang dalawa. “Isang mapagpalang umaga sa inyo mga Binibini!” bati ni Renzir. Nagtaka naman ang Gurdashi sapagkat imbis na batiin din siya ni Ursa ay inirapan lamang siya nito at si Astora naman na kanina pa malapad ang mga ngiti mula nang siya ay dumating at kasalukuyang tinatapik-tapik si Ursa. “Tila yata naging maganda ang araw mo Binibining Astora?” dagdag pa ni Renzir. “Masaya ako ngayong araw Gurdashi, naaalala mo pa ba ang mga nangyari kagabi?” “Alin sa mga yon? Iyon bang muntik na akong mapatay sa suntok ng iyong kaibigan?” “Oo, at ang dahilan ng ginawa sayo ni Ursa.” Napahagikgik si Astora sa kanyang tinuran na agad namang naintindihan ni Renzir kaya siya ay namutla at nautal-utal sa pagsasalita. “H-hindi ko kayo m-maunawaan, B-Binibining Astora.” Pagdadahilan pa ng heneral bago tumingin kay Ursa na namumula na ang mukha. “Sigurado ka, Renzir? Hindi mo maalala? O, gusto mong ipa—” “M-m-mabuti pa ay mauuna na ako sa inyo—Mga kawal!” paalam ni Renzir at patakbong nagtungo sa mga kawal na napadaan malapit sa kanila. Si Ursa naman, bukod sa makikita pa rin ang pamumula ng mukha nito ay mabilis din na umalis na nakasimangot habang nagdadabog. Ang kaninang mga bulaklak na nilalaro lamang nito ay nasisira na sa tuwing lalampasan ang mga ito ni Ursa dahil sa kamay nito na iwinawasiwas niya na marahil ay dahil sa pagkainis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD