IKALABING-DALAWANG KABANATA-- AZEROTH

2041 Words
KATULAD ng kanilang napagkasunduan, matapos ang masayang piging na idinaos sa Kaharian ng Sanyar ay nagtungo na sa Alkasia at Uryon ang mga Gabay kasama ng mga Hari. Si Astora at Ursa naman ay nanatili sa Sanyar upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan nito at ang mga Parsiyan na pansamatalang naninirahan dito. Naglalakad sa isang malawak na hardin sa loob ng Palasyo sina Astora at Ursa nang biglang dumating ang magkaibigan na Prinsipe Jibreel at Gurdashi Renzir. “Magandang Umaga sa inyo mga Binibini!” masiglang bati ng Gurdashi ng mga Sanyas sa dalawang Gabay. Nagpaalam naman si Ursa kay Astora na hindi man lamang nililingon ang mga bagong dating. “Hindi yata kami gusto ng Gabay na ‘yon,” pagbibiro ni Renzir kay Astora habang nakatingin sa papalayong si Ursa. “Magandang Umaga din sa iyo, Heneral, ipagpaumanhin ninyo marahil ay hindi lamang sanay si Ursa na makihalubilo sa iba pang mga Babylonian,” hinging paumanhin naman ni Astora. “Talaga? Sa tagal na nang kanyang pananatili sa Babylon ay dapat natuto na siya kahit paano ng tamang pakikipag-usap sa mga Babylonian,” komento pa ng Gurdashi na ipinagkibit-balikat lamang ng Punong-Gabay. “Siya nga pala, mauuna na ako mahal na Gabay,” pagpapaalam ni Renzir kay Astora na tinanguan lamang ng huli, siniko pa nito ang katabing Prinsipe bago tuluyang umalis. Naiwan sa hardin si Astora at Jibreel na sa pakiwari ng Punong-Gabay ay may nais pang sabihin sa kanya. “Mayroon ka pa bang sasabihin, Prinsipe Jibreel?” “A-eh—maaari mo ba akong turuan ng iba pang mga estilo sa pakikipaglaban, Binibining Astora?” utal na pakiusap nito. “Nais mong sanayin kita? Ngunit ayon sa aking mga nakita sa nakalipas na digmaan ay wala na akong maituturo pang kaalaman tungkol sa pakikipaglaban sa iyo, Jibreel” matapat na tugon ni Astora sa kaharap na ikinalungkot naman nito. “S-subalit kung iyo talagang nais na sanayin kita ay halika at sumunod ka sa akin,” dagdag pa ni Astora. Sa isang malaking puno sa ‘di-kalayuan naman ay nakatanaw sa kanila si Renzir na maaaninag ang lungkot sa kaniyang mukha. Halos atakihin si Renzir sa puso dahil sa labis na pagkabigla nang may isang nilalang na magsalita sa kanyang gawing kanan. “Malungkot ang mga mata ng Gurdashi ng Sanyar, dahil ba ito sa mga nasawi niyang kawal sa nagdaang digmaan o dahil sa sakit na nararamdaman sa kanyang mga nasasaksihan?” diretsong tanong ng nilalang sa Heneral. “Ano ang iyong mga pinagsasasabi, mahal na Gabay? Bakit ka bigla na lang lumilitaw sa mga lugar na hindi ka naman dapat na naroroon?” mahahalata ang pagkairita sa tono ng Gurdashi. “Ikaw ang biglaan na lamang lumitaw sa lugar na ito, Gurdashi. Bago ka pa mag-umpisang magmukmok habang nakatanaw sa aking Pinuno at inyong Prinsipe ay kanina pa ako naririto sa punong ito at namamahinga.” “Kung gayon ay ipagpaumanhin mo ang aking pag gambala sa iyo, Binibining Ursa!” hinging paumanhin ni Renzir bago tuluyang talikuran ang Gabay. “Tutol ako sa ipinapakitang atensyon ng inyong Prinsipe sa aming pinuno, huwag ka na sanang dumagdag pa sa mga dahilan upang mahirapan si Astora na gampanan ang kanyang mga tungkulin bilang Gabay ng Babylon.” habol na komento pa ni Ursa. “Wala kang dapat na ipag-alala. Hindi ako magiging sagabal sa inyong pinuno” matapat na tugon ng Gurdashi at naglakad papalayo. Naiwan naman si Ursa na malamig na nakatingin sa papalayong heneral. Sa gitna ng kagubatan na sakop ng kaharian ng Parsis ay makikitang nagpapatrolya ang mga kawal ng Sanyar at ilang mga kawal ng Alkasia at Uryon. Habang sila ay naglalakad ay may narinig silang malakas na sigaw na nagmumula sa isang Babylonian. Mabilis na hinanap ito ng mga kawal, nadatnan nila ang isang Parsiyan na umiiyak at hindik na hindik sa kung ano man ang nasa harapan nito. Maging ang mga kawal ay nahindik sa kanilang mga nasaksihan. Isang napakalaking lobo na may isang sungay sa kanyang ulo at tatlong buntot ang nagpapanginig sa takot sa kawawang Babylonian maging sa mga kawal ng Babylon, sakay ng lobo ay isang nilalang na mayroong dalawang sungay, maiitim at mabalahibong balat at may hawak na malaki at matalim na palakol. Nang mapansin ng mga halimaw na ito ang mga kawal sa gawing likuran nito ay agad inatake ng mga ito ang mga kawal na sa kasamaang-palad ay walang nagawa laban sa mabangis na lobo at walang pusong sakay nito. Ilang beses pang nasundan ang mga pag-atakeng ito sa iba’t-ibang panig ng Babylon. Naalarma naman ang mga Hari at ang mga Gabay kaya sila ay agad na nagpulong na ginanap sa Kaharian ng Alkasia sa pangunguna ni Haring Artemiar. Dumalo sa pagpupulong sina Haring Kimor, Alab, Vartos, Urbed, Renzir, Adelyon, Astora at ang iba pang mga Gabay na sina Betelgeuse, Raygel, Antares, Ursa at Orion. Kasalukuyan silang nakaupo sa isang bilog na mesa sa ‘silid taktika’ ng Alkasia. “Ilang Babylonian na ang napapaslang ng mga hindi pa nakikilalang mga nilalang nitong mga nagdaang araw,” pagsisimula ni Haring Artemiar. “Mayroon bang nakakaalam sa wangis ng mga nilalang na ito, Artemiar?” tanong ni Vartos. “Ayon sa aking nakalap na impormasyon na nagmula mismo sa isang Parsiyan na muntik nang atakihin nito na masuwerte namang nailigtas ng ating mga nasawing kawal, Isang malaking lobo na may sungay sa kanyang ulo ang nagtangkang umatake sa kanya—” “Lobo? Sa aking pagkakaalam ay huli silang namataan noong matapos ang sinaunang digmaan bilang kapanalig ng mga Babylonian subalit bakit sila nagbalik at umaatake pa sa mga mamamayan ng Babylon?” biglaang tanong naman ni Kimor “Isa yan sa aking mga ipinagtataka sa ngayon, Kimor.” “Nakarating na sa lahat ng mga mamamayan sa bawat Kaharian ang mga ito, madami sa kanila ang nababahala at natatakot sa kanilang kaligtasan lalo na’t ang huling pag-atake ay naganap mismo sa loob ng isang tahanan sa isa sa mga teritoryo na sakop ng Alkasia,” pag-uulat ni Adelyon na ikinatahimik ng lahat lalo na ang pinuno ng mga Gabay. “Ito lamang ba ang nakalap nating mga impormasyon, Haring Artemiar?” tanong naman ng Gabay na si Antares. “Mayroon pa, Mahal na Gabay. Ayon sa Babylonian ay may isa pang nilalang na kasama ang lobo, isang nilalang na kailanman ay hindi pa niya nakikita sa Babylon,” tugon ni Artemiar na ikinaseryoso naman ng mukha nang lahat ng mga Gabay lalo na si Astora. “Ano raw ang wangis ng nilalang na ito, Artemiar?” tanong naman ni Raygel na mababakas sa mukha ang pag-aalala. “Mayroon itong napakaitim na katawan, mayroon din itong dalawang sungay sa ulo at malaking palakol,” sagot ni Artemiar. Sa narinig ay napatingin ang tagapayong si Alab kay Astora. Tingin na ‘tila alam nito kung ano ang nilalang na tinutukoy ni Artemiar. “Diablo,” sambit ni Astora na ikinagulat ng lahat. “Ngunit, Binibining Astora, sa salaysay ng aking ama noong ako ay paslit pa lamang, natalo ninyong mga Gabay ang mga diablo na ito pati na rin ang kanilang pinuno, subalit, papaanong mayroon pa rin na mga diablo sa Babylon hanggang sa ngayon?” naguguluhang tanong naman ng Gurdashi ng mga Sanyas. “Matapos ang digmaan sa pagitan ng inyong mga Kaharian ay napagpasyahan ng aming pinuno na muling tumungo sa kweba kung saan namin ipiniit ang ‘Itim na Hari’ dahil pakiwari namin ay may kinalaman ito sa mga naganap kay Artemiar” pagsingit ni Ursa. “At hindi nga kayo nagkamali, dahil sa pagkakatakas na ito ng ‘Itim na Hari sa kanyang bilangguan ay agad siyang naghasik ng lagim sa Babylon,” maiksing saad ni Renzir. “Tama ka, Gurdashi. Kaya agad kaming nagbalik sa Sanyar upang kayo ay balaan at pangalagaan laban sa ‘Itim na Hari,” pagsang-ayon naman ni Betelgeuse. “Subalit mga mahal na Gabay, papaano nakatakas ang demonyong ito mula sa kanyang pagkakapiit?” tanong naman ni Urbed kay Betelgeuse na agad namang sinagot nito. “May nagpakawala sa Itim na Hari.” “Sino naman kaya ang magpapakawala sa isang nilalang na minsang nang tinangkang sakupin ang Babylon?” dagdag pang tanong nito na hindi na muli pang sinagot ng mga Gabay dahil sa isang kawal na pumasok sa silid upang mag-ulat. “MGA MAHAL NA HARI!” sigaw ng kawal na agad namang lumuhod upang magbigay pugay sa mga matataas na Babylonian na nasa sa kanyang harapan. “Mag-ulat ka kawal,” mahinahong utos naman ni Kimor sa kawal na patuloy pa din sa kanyang pagluhod sa kanilang harapan. “M-muli pong umatake ang mga di pa nakikilalang nilalang sa gawing hilaga ng Alkasia. Sa pagkakataong ito ay hindi ito nag-iisa, 4 na lobo ang umatake at pumaslang sa labing isang Babylonian doon, sakay ng mga lobong ito ay mga nilalang na may dalawang sungay!” salaysay ng kawal. Dahil sa narinig ay biglaang napatayo si Astora, Antares at Orion upang tumungo sa lugar na tinukoy ng kawal, inatasan niya ang ilan pang mga Gabay na maiwan at protektahan ang Palasyo ng Alkasia kung sakaling may mga Diablong magtangkang atakihin ito. Pagdating ng tatlong Gabay sa hilagang parte ng Alkasia ay nakita nila ang mga nakahundasay na katawan ng mga Babyloniang biktima, na labis na ikinagalit ni Orion at Antares. Subalit, bigo silang mahanap sa lugar ang mga nilalang na may gawa nito. “Patawad sa aming huling pagdating, munting Babylonian,” wika ni Antares sa isang katawan matapos lumuhod upang hawakan ang mga munting kamay ng kawawang paslit. “Mga mahal na Bathala, bakit ninyo pinahintulutang mangyari ito sa inyong mga minamahal na likha? Nawa’y payapang makapaglakbay ang kanilang mga kaluluwa patungo sa inyong tahanan.” piping dasal naman ni Astora sa mga Bathala ng Babylon. Agad na nagtungo pabalik sa palasyo ng Alkasia sina Astora kung saan sila ay sinalubong ng tatlong mga Hari na naghihintay sa kanila. Sina Gurdashi Renzir at Urbed ay kapwa nagbalik na sa kaniang mga Kaharian upang ito ay protektahan sa maaaring pagsalakay ng mga diablo. Naiwan naman kasama ng mg Hari ang iba pang mga Gabay. “Ano ang naganap sa pagtungo ninyo sa hilaga, Punong-Gabay?” pagtatanong ni Vartos sa mga bagong dating. Napatingin si Astora kina Orion at Antares na kapwa bakas pa rin sa mga mukha ang pagkasuklam. “Hindi na namin nakita pa ang mga Diablong umatake sa iyong mga mamamayan, Artemiar.” tugon ni Astora sa tanong ng Hari habang nakatingin kay Artemiar na labis nitong ikinalungkot. “Hindi ko sila mapapatawad! Papaslangin ko silang lahat!” galit na pahayag ni Antares bago tuluyang umalis sa bulwagan ng palasyo. Umalis din si Orion na hindi nagsasalita subalit mararamdaman ang kanyang poot sa mga kaaway. Muli pa silang nagpulong upang masolusyunan ang mga nagaganap na pag-atake ng mga Diablo sa Babylon na muling dinaluhan ng mga Hari at ni Astora at Ursa. “Napakarami na ng mga nasasawi sa pag-atakeng ginagawa ng mga ating kaaway, pati ang mga walang muwang na paslit ay kanilang pinapaslang! Mga walang puso!” matigas na pahayag ni Antares. “Huminahon ka Antares, hindi masosolusyunan ng iyong galit ang ating mga suliranin.” saway ni Astora sa kaibigan. “Paumanhin, Pinuno, Nadala lamang ako ng aking galit.” Mabilis na paghingi ng paumanhin naman ni Antares. “Nauunawaan ko ang iyong nararamdaman, Antares. Hindi lamang ikaw ang napopoot at nababaabag sa mga kaganapang ito,” dahil sa sinabing ito ni Astora ay napatingin si Antares sa kanyang mga kasama sa silid taktika, lahat ay seryoso ang mukha ngunit mababasa sa kanilang mga mata ang galit at dedikasyon na mapigilan ang mga nagaganap na pagpaslang sa Babylon. “Mawalang-galang na mga Gabay, subalit lubos kong hindi maunawaan kung bakit ang mga lobo na noo’y kapanalig ng mga Babylonian sa sinaunang digmaan laban sa mga diablo at kilala bilang isa sa mga sagradong nilalang sa Babylon ay kapanalig na ng mga Diablo at pumapaslang ng mga walang kalaban-laban na Babylonian?” tanong ni Alab sa mga Gabay na sinagot naman ni Kimor. “Dalawa lamang ang posibleng dahilan, Kaibigan. Una, tuluyan nang tinalikuran ng mga lobo ang pakikipag kaibigan sa mga Babylonian at nakipagsabwatan sa mga Diablo o—” “Ginamitan sila ng kapangyarihan ni Azeroth upang pasunurin sa kanyang mga kagustuhan.” Pagsingit ni Ursa sa usapan ng magkaibigan. “Azeroth? ‘Yan ba ang tunay na pangalan ng Itim na Hari, Mahal na Gabay?” muli pang tanong ni Alab na matipid namang tinugon ni Ursa. “Oo.” Matapos ang pagpupulong ay nagpaalam na at naglakbay pabalik sina Haring Vartos, Orion at Raygel sa Kaharian ng Uryon. Gayundin sina Haring Kimor, Astora at Ursa sa Kaharian naman ng Sanyar.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD