TULUYAN na ngang nilisan ng anim na Gabay ang kaharian ng Sanyar upang pasubalian ang kanilang hinala patungkol sa mga naganap na paglaganap ng kasamaan sa Babylon.
“Sigurado ka ba sa iyong desisyon na lumayo sa Sanyar, Pinuno? Ramdam ko ang lihim mong pagtatangi sa Prinsipe,” nag-aalalang tanong ni Ursa.
“Mayroon akong tungkulin na dapat gampanan sa Babylon, Ursa. Walang puwang ang pansariling interes dahil tiyak akong makagugulo lamang ito sa ating adhikain na panatilihin ang kapayapaan sa mundong ito,” malungkot na saad ni Astora bago muling lingunin si Jibreel na hindi pa rin inaaalis ang tingin sa kanilang paglayo.
Habang patuloy ang paglayo ng grupo ni Astora kina Jibreel ay patuloy din ang kurot sa kanyang dibdib sa isiping baka hindi na niya muli pa itong makita at makasama.
Ang mga kawal ng hukbo ng Babylon ay tinutulungan ang isa’t-isa upang tuluyang isara ang tarangkahan ng Sentro ng Sanyar sa pangambang mayroon pang ibang halimaw ang natitira sa paligid.
Inaalalayan din nila ang mga sugatan nilang kasamahan upang dalhin sa mga Babaylan (Manggagamot) na naghihintay sa kanila.
Napansin ni Renzir ang malungkot na kaibigan na nakatanaw pa din sa landas na tinahak ni Astora at ng kanyang mga Gabay kaya nagpasya na siyang lapitan ito.
“Pinababalik na tayo ng ‘iyong ama sa palasyo, Prinsipe Jibreel. Magpapahanda siya ng isang malaking salu-salo dahil sa pagwawagi natin laban sa mga halimaw,” wika ni Renzir.
Subalit, wala siyang natanggap na tugon galing sa Prinsipe.
“Jibreel?” tawag niya sa pangalan nito na sinabayan pa niya ng pagtapik sa balikat upang pukawin ang atensyon nito.
“H-ha? Bakit, Renzir?”
“Iniisip mo pa rin ang Binibining Astora, tama ba?”
“Hindi ko alam kaibigan kung muli ko pa ba siyang masisilayan,”
“Bakit hindi mo ipinagtapat sa kanya ang iyong tunay na nararamdaman kanina habang kayo ay magkausap?”
“Dahil kahit pa ipagtapat ko ito sa kanya ay wala pa ring kasiguruhan na tutumbasan niya ang aking nararamdaman dahil sa kanyang mga tungkulin bilang Gabay sa Babylon at Pinuno ng kanyang hukbo,”
“Hindi mo malalaman ang kanyang magiging tugon kung hindi ka magtatanong. Kaibigan, minsan kailangan nating maging matapang na talunin ang ating mga agam-agam sa isipan sa paraan nang pagharap sa mga ito. Isang beses lamang tayong mabubuhay sa mundong ito kung kaya’t dapat nating gawin ang ating mga nais na gawin habang tayo ay mayroon pang pagkakataon na gawin ang mga ito,”
“Sa tingin mo ba ay pareho kami ng nararamdaman?”
“Walang tiyak na bagay sa mundo, Kaibigan, kailangan mo lamang matutong sumugal sa buhay.”
“Maraming Salamat, Renzir! Hindi ko akalain na bukod sa pagiging mahusay na Gurdashi at kaibigan ay may alam ka rin sa buhay pag-ibig,”
Nagtawanan lamang ang magkaibigan at bumalik na sa palasyo ng Sanyar.
Inabutan nila sina Haring Kimor, Haring Vartos at Haring Artemiar na nakatayo sa bulwagan ng Palasyo at hinnihintay ang bawat kawal na magbabalik upang salubungin ang mga ito.
Nang makabalik na ang lahat ng mga kawal ay lumuhod ang Hari ng Alkasia na si Artemiar upang humingi ng kapatawaran sa lahat ng kanyang mga nagawa.
“AKO AY TAOS PUSONG HUMIHINGI NG KAPATAWARAN SA BAWAT ISA SA INYO DAHIL HINAYAAN KO NA GAMITIN AKO NG KASAMAAN SA MGA MASASAMANG GINAWA NITO SA BABYLON! TATANGGAPIN KO RIN ANG KAPARUSAHAN NA IGAGAWAD SA AKIN NG MGA MABUBUTING HARI NA SINA HARING KIMOR NG SANYAR AT HARING VARTOS NG URYON,”
Matapos itong masaksihan ng mga kawal ng Alkasia ay isa-isa rin silang lumuhod upang humingi ng kapatawaran sa kanilang mga nagawang kasamaan sa buong Babylon. Itinayo naman ni Kimor si Artemiar.
“Tama na ang paghingi mo ng kapatawaran para sa iyong mga masamang nagawa kahit pa hindi mo ito kagustuhan. Hindi na kailangan pang ikaw ay patawan ng kaparusahan. Nawa’y tulungan mo kami na panatilihin ang kapayaan sa ating mundo magmula ngayon, Artemiar,” madamdaming pakiusap ni Haring Kimor.
“Utang ko sa inyong lahat ang aking ikalawang buhay. Dahil sa inyong pagtutulungan ay nakalaya ako sa mga kamay ng itim na kapangyarihang lumukob sa akin. Makakaasa kayo na gagawin ko ang lahat upang tulungan kayo na panatilihin ang kapayaan,” sagot naman ni Artemiar.
“MAKINIG KAYONG LAHAT! MGA SANYAS, MGA UR, MGA ALKASIR AT MGA PARISYAN! LAHAT NG LAHI SA BABYLON AY AKING INAANYAYAHAN NA DUMALO SA MALAKING PIGING NA IHAHANDA NAMING MGA HARI PARA SA INYONG LAHAT TATLONG PAG-BILOG NG BUWAN MULA NGAYON!” sabik na pagbibigay alam ni Vartos sa lahat.
Nagpalakpakan sa tuwa ang lahat ng nakarinig at nakasaksi sa mga naganap. Agad na kumalat sa buong Babylon ang anunsyong ito.
Kinabukasan ay agad na nag-utos si Haring Vartos sa mga Ur na mangaso para sa darating na piging, pinasamahan naman ni Artemiar sa kanyang mg kawal ang mga mangangaso.
Ang mga Sanyas naman ang siyang naatasan na gumawa ng mga tinapay at manguha ng mga prutas katulong ang mga Parsiyan.
Kasabay ng mga ito ay ang patuloy at mahigpit na pagbabantay ng mga kaharian sa buong Babylon.
Ang bawat Kaharian ay may mga itinatalagang mga kawal na siyang mag-iikot sa kanilang mga teritoryong nasasakupan.
Habang wala pang pumapalit sa namayapang Hari ng Parsis ay ibinigay ni Artemiar sa mga Sanyas ang pamamahala rito.
Dumating na ang ikatlong pagbbilog ng buwan mula ng muling malasap ang kapayapaan sa Babylon.
Matatanaw sa tarangkahan ng Sentro si Haring Kimor at ang Gurdashi ng Sanyar na si Renzir upang salubungin ang bawat Babylonian na darating para sa piging.
Kinalaunan ay magkasunod na dumating sina Haring Vartos at Haring Artemiar kasama ang kani-kanilang mga Gurdashi.
Nagbigay galang si Renzir sa mga Hari, gayundin ang ginawa nina Adelyon at Urbed sa Haring si Kimor.
Napakaingay ng paligid marahil dahil na rin sa saliw ng musika na pumapailanlang sa pandinig ng bawat Babylonian na naroon.
Nakalatag ang limang naglalakihan at naghahabang mga mesa sa gitna ng mga nagsasayang Babylonian na punong-puno ng masasarap na pagkain tulad ng mga tinapay, prutas, karne at mga alak.
Makikita ang saya sa mukha ng bawat isa sa kanila. Sa gitna ng kasiyahan ay nagbigay ng maiksing mensahe ang tatlong Hari na kasalukuyang magkakatabing nakaupo sa itaas ng isang mababang gusali sa harap mismo nang pinagdadausan ng piging.
“SA GABING ITO AY ATING AALALAHANIN ANG MGA BAYANING NAGBUWIS NG BUHAY UPANG IPAGTANGGOL ANG ATING KALAYAAN LABAN SA HALIMAW AT SA NAGING TANGKANG PANANAKOP NG ALKASIA NA ALAM NATING LAHAT NA HINDI KAGUSTUHAN NG KANILANG HARI, SA GABI RING ITO AY AMING PINASASALAMATAN ANG ATING MGA BATHALA SA KANILANG MULING PAGTULONG NA MAKAMIT NANG BABYLON ANG KAPAYAPAANG MINSAN NA NITONG TINAMASA GAMIT ANG MGA GABAY NA PINAMUMUNUAN NI BINIBINING ASTORA! KASABAY NG SAYA AY ANG LUNGKOT NG PAGKAWALA SA MARAMI NATING MGA KALAHI DAHIL SA NAGANAP NA DIGMAAN,” mahabang pagsisimula ni Haring Vartos.
“DAHIL SA NAGING AMBAG NG ALKASIA SA NAGANAP NA DIGMAAN NA NAGING DAHILAN NG PAGPANAW SA MARAMI NATING MGA KABABAYAN AY IPINANGANGAKO KO NA KA-ISA AKO NG DALAWANG MABUBUTING HARI NA ITO SA PAGPROTEKTA SA KAPAYAAN AT KALAYAAN NANG BABYLON! ISINUSUMPA KO ITO SA ‘NGALAN NG AKING MGA NINUNO AT AKING ANAK NA TULAD NG MARAMI AY NASAWI SA NAGANAP NA DIGMAAN!” madamdaming pahayag ni Artemiar.
“HUWAG NATING KALIMUTAN ANG SAKIT NA ATING NARANASAN SA PAGKAWALA NG KAPAYAPAAN SA ATING MGA KAHARIAN, SAPAGKAT ANG SAKIT NA ITO AY ATIN DING MAGIGING SANDATA UPANG PATULOY NA PANGALAGAAN ANG KAPAYAAN AT ATING MGA KALAYAAN! NAWA’Y MASIYAHAN KAYONG LAHAT SA AMING MGA INIHANDA PARA SA INYO!” pagtatapos ni Kimor.
Matapos ang maiksing mensahe ng mga Hari ay muling pumainlanlang sa katahimikan ng gabi ang tunog ng musika at ingay ng bawat Babylonian na nagsasaya sa piging.
SA KABILANG dako naman ng Babylon, ang mga Gabay ay nakarating na sa kanilang dapat na paroonan.
Pumasok sila sa isang kweba, makikita dito ang mga nag-gagandahang mga mineral na iba iba ang kulay at hugis, hindi ito basta-basta makikita sa Babylon, mayroon din ditong mga dyamante sa bandang itaas ng kweba na mistulang mga nagniningning na bituin sa ganda.
Matapos ang ilan pang sandali ng paglalakad ay narating nila ang isang parte ng kweba na mayroong malaking kahon na gawa sa pinakamatitibay na bato sa Babylon, laking gulat nila sa kanilang nakita, nahati sa gitna ang napakalaking bato na nakatakip sa matibay na kahon na siyang piitan ng pinakamasama at pinakamalakas na nakaharap noon ng mga Gabay.
“Tama ang aking hinala, siya nga ang may kagagawan ng lahat nang kaguluhan na nangyari sa Babylon!” galit na wika ni Astora.
“Sigurado akong palihim niyang binubuo ang kanyang hukbo ng hindi natin namamalayan,” pag-segunda ni Betelgeuse kay Astora.
“Ano na ngayon ang ating gagawin, Pinunong Astora?” tanong naman ni Antares.
“Ano pa nga ba ang dapat nating gawin, Antares? Kailangan nating pigilan ang nilalang na iyon na makapaghasik pang muli ng kasamaan sa Babylon,” iritang sagot ni Orion sa katanungan ni Antares.
“Ano na ang iyong pasya, Astora?” pagkumpirma naman ni Raygel na ikinatingin ng lahat kay Astora.
“Babalik tayo ng Sanyar upang balaan silang lahat!” utos ni Astora sa mga Gabay.
Hindi mahanap ni Renzir ang kanyang kaibigan sa gitna ng kasiyahan kaya naman nagdesisyon siyang hanapin ito.
Sa kanyang paglalakad ay nasalubong niya ang mga Gurdashi ng Uryon at Alkasia na kapwa may mga hawak na kopita ng alak.
“Saan ka tutungo, kaibigan? Halina’t samahan mo kaming magsaya ni Adelyon,” pag-anyaya ni Urbed kay Renzir.
“Maraming Salamat mga Gurdashi, subalit, hinahanap ko ang Prinsipe Jibreel,” pagtanggi ni Renzir sa anyaya ni Urbed.
“Napakagalang mo yata sa amin, Renzir! Mukhang mas matutuwa ako kapag nag duwelo tayo kaysa ang makipag-usap sayo!” Pagsabat ni Adelyon na ikinatawa naman nilang tatlo.
“Nadaanan namin ang Prinsipe na nakaupo sa tabi ng bukal malapit sa tarangkahan, hindi na namin siya ginambala pa sapagkat tila malalim ang kanyang iniisip,” dagdag pa ni Adelyon.
“Siyang tunay? Maraming Salamat mga kaibigan, pangako ko na sasamahan ko kayo maya-maya lamang!” paalam ni Renzir sa mga heneral upang puntahan ang Prinsipe.
Natagpuan nga ni Renzir sa bukal tulad ng tinuran nila Adelyon. Umupo siya sa tabi nito upang ipaalam na naroon siya.
“Ano’t hindi ka nakikipagsaya sa piging, Jibreel? Hindi ka ba masaya sa tinamasa nating tagumpay laban sa mga halimaw?” tanong ni Renzir.
“Hindi sa ganoon, kaibigan. Lubos akong nagagalak dahil nanumbalik na ang kapayapaan sa Babylon...”
“Pero?”
“Pero parang may kulang sa kasiyahang aking nadarama,”
“Dahil ito sa Punong-Gabay, tama ba ako?”
“Nakakahiya mang aminin subalit, tama ka, Renzir. Pakiwari ko ay nawalan ng sigla ang aking sarili mula nang lumisan si Astora sa Sanyar kasama ang iba pang mga Gabay. Nais ko sanang sumama sa kanyang paglalakbay upang hindi siya mawala sa aking paningin,”
“Bakit hindi ka nakiusap sa kanya na pahintulutan kang sumama sa kanila?”
“Dahil batid ko na bilang isang Prinsipe at tagapag-mana sa trono ng Sanyar ay may pananagutan akong pangalagaan ang Kaharian sa bawat oras. Papaano ko ito magagawa kung lilisanin ko ang ating Kaharian para lamang sundin ang ninanais ng aking puso’t isipan?”
“Tama ang iyong ginawa. Minsan sa ating mga buhay ay kailangan nating mamili; ang ikaliligaya ba ng ating sarili o ang kapakanan nang bawat indibidwal na nakapalibot sa atin?
Alin man sa dalawa ang ating piliin ay may masasaktan at mapag-iiwanan, nagkataon lamang na ang pinili mo ay ang kabutihan ng karamihan, mas pinili mong saktan na lamang ang iyong sarili kaysa ang saktan ang mga nakapalibot sayo. Lubos kitang hinahangaan sa ginawa mong ito, Kamahalan,”
“Napakagaling mong magbigay ng payo, Renzir. Umibig ka na ba kahit minsan man lamang?”
“Hindi na ‘yan mahalaga pa,”
Nagtawanan ang dalawa na mabilis din namang natapos dahil sa ibinalita sa kanila nila Adelyon at Urbed.
Humahangos na dumating sina Renzir at Jibreel sa gusali kung nasaan ang mga Hari.
Mababakas sa mukha ni Jibreel ang tuwa nang matuklasan niya kung sino ang bisitang tinutukoy ng mga Gurdashi ng Alkasia at Uryon.
Kasalukuyang kausap ng kanyang ama si Astora kasama ang lima pang mga Gabay na pawang mga nakasuot pa ng kanilang mga ginintuan baluti.
“Binibini!” pag-agaw ni Jibreel sa atensyon ng Punong-Gabay na ikinalingon naman nito sa kanya.
“Bakit ka nagbali—” hindi na natapos pa ni Jibreel ang sasabihin ng magsalita si Astora.
“Dahil may panganib na parating. Bumalik kami upang balaan ang lahat ng Kaharian para sa mga kaganapang paparating,” malamig na paliwanag ni Astora.
“Anong panganib ang iyong tinutukoy, Punong-Gabay?” naguguluhang tanong ni Adelyon.
“Nagtungo kami sa kweba kung saan naming iniwan ang kulungang bato ng ‘Itim na Hari’ na siyang ginapi naming noong sinaunang digmaan. Subalit, nang kami ay makarating doon ay nakita naming nakawala na ang Itim na Hari sa kanyang piitan,” malumanay na pahayag ni Orion na nasa tabi ni Astora.
“Kung ganoon ay mayroon na naman palang banta sa kapayaan ng Babylon,” malungkot na wika ni Artemiar.
“Hindi ka nagkakamali, Hari ng Alkasia.” Pagkumpirma ni Antares.
“Ano na ngayon ang dapat nating gawin?” tanong ni Renzir.
“Kailangan nating maghanda sa mga posibleng pag-atake ng mga alagad ng Itim na Hari. Mananatili kaming mga Gabay dito upang bantayan ang maaring maging pagkilos ng pwersa ng Itim na Hari,” saad ni Astora.
“Sa ngayon ay dumito na lamang kayo sa palasyo, Binibining Astora. Mas magiging komportable kayo sa mga silid na narito kaysa sa mga ilalim ng puno na inyong pinagpapahingahan sa mga kagubatan ng Babylon,” mungkahi ni Jibreel na hindi naman tinutulan ng Punong-Gabay.
“Antares, Betelgeuse, sumama kayo kay Haring Artemiar sa Alkasia at gabayan ninyo sila roon. Agad kayong magpadala ng mensahero kung sakaling may ‘di magandang mangyari at agad kaming darating,” utos ni Astora sa dalawang Gabay.
“Masusunod, Pinuno!” tugon ng dalawa.
“Raygel, Orion, kayo naman ang magtungo sa Uryon kasama ni Haring Vartos upang sila ay pangalagaan. Sa sandaling may mangyari ay agad din kayong magpadala ng mensaherro upang kayo ay aming matulungan,” dagdag pa ng Punong-Gabay.
“Kung ‘yan ang iyong nais, Pinunong Astora!” sagot naman ni Orion at Raygel.
“Kami naman ni Ursa ang mangangalaga dito sa Sanyar,” wika pa ni Astora na tinanguan lamang ng Gabay na si Ursa.
Matapos ang maiksi at biglaang pagpupulong ay ipinagpatuloy na ng lahat ang pagsasaya sa gabi ng piging na hindi naman tinutulan ni Astora sapagkat wala pa siyang nararamdaman na pagkilos ng pwersa ng kasamaan.
Kasalukuyang nakikisaya ang ibang mga Gabay sa piging, maliban kay Astora na nakatingala lamang sa kalangitan at pinagmamasdan ang mga bituin.
Naramdaman niyang may isang nilalang na nagmamasid sa kanya sa ‘di-kalayuan.
“Sino ka at ano ang iyong kailangan?” malumanay niyang tanong sapagkat di sya nakakaramdam ng masamang tangka galing dito.
“Patawad kung ikaw ay aking nagambala, Binibining Astora.” Hinging paumanhin ni Jibreel na siya namang ikinagulat ni Astora ng malaman kung sino ang nagmamasid sa kanya.
“Ikaw pala, Prinsipe Jibreel. May kailangan ka bang sabihin sa akin?”
“W-wala. Hindi lamang kita nakita na nakikisaya sa piging kaya sinubukan kitang hanapin,” pag-amin ni Jibreel.
“Bakit mo ko kailangang hanapin? Prinsipe ka sa kahariang ito kaya nararapat lamang na naroon ka sa piging at nagsasaya kasama ang inyong mga mamamayan,” pahayag ni Astora.
“At ikaw naman ang bayaning nagligtas sa buong Babylon, kaya kami nakakapagsaya ngayon ay dahil sa iyong mga naging tulong kaya nararapat lamang din na imbis na nag-iisa ka rito ay nakikipagsaya ka sa mga nilalang na iniligtas mo,” ganting pahayag naman ni Jibreel na ikinangiti ni Astora.
“Halika na sa piging, ayoko na mapag-isa sapagkat ginambala mo na ako.” Biro pa ng Punong-Gabay bago sila sabay na nagtungo sa piging sa Sentro ng Sanyar.
Inabutan nina Jibreel at Astora na nagkakasiyahan at sumasayaw sa saliw ng musika ang mga Babylonian na nakisaya sa piging maging ang ilan sa mga Gabay ay makikita ring sumasayaw tulad na lamang ni Betelgeuse na todo ang pag giling-giling sa ibabaw ng isang mesa.
Sa tabi niya naman ay sina Antares at Raygel na kitang-kita sa mukha ang pandidiri at pagkadismaya sa ipinamamalas na talento ng kanilang kasama.
Sa ‘di-kalayuan naman ay makikita sina Adelyon at Orion na naglalaro ng palakasan gamit ang kanilang mga braso.
Sa kanila namang tabi naroon si Urbed na tinatawanan at tinutudyo pa si Adelyon dahil sa nalalapit nitong pagkatalo kay Orion sa kanilang munting paligsahan.
Si Renzir at Ursa naman ay may pinag-uusapang tila napakahalaga dahil hindi man lamang namalayan ng mga ito ang kanilang pagdating kung hindi pa ipinakilala ni Haring Kimor si Astora sa kanyang mga nasasakupan.
“MGA KAPWA KO BABYLONIAN! MAINIT NATING SALUBUNGIN ANG PAGDATING NG PUNONG-GABAY NA SI ASTORA! ANG BAYANING NAGPANATILI NG KAPAYAAN SA BABYLON LABAN SA KASAMAAN!" Mayabang na pagpapakilala ni Kimor.
Nagpapalakpakan ang lahat ng mga Babylonian na naroon habang si Astora ay naglalakad patungo sa entabladong pinag-anunsyuhan ni Kimor.
Nakangiting pumapalakpak maging ang mga Gabay na kapwa itinigil ang mga kalokohang ginagawa upang salubungin ang kanilang pinuno.
Kasama ng mga ito sina Renzir, Adelyon, Urbed, Kimor, Vartos, Artemiar na sabay-sabay na lumuhod sa kanyang harapan, maging si Jibreel na kanina lamang ay nakasunod sa kanya, ngayon ay nakaluhod na rin sa kanyang gawing likuran.
Sa ginawang ito ng mga matataas na pinuno ay namangha ang lahat at yumukod na rin bilang pasasalamat at pagpapakita ng paggalang sa Punong-Gabay.
SA ISANG malayong lupain sa Babylon nagkukubli ang Itim na Hari habang nakamasid sa mga kaganapan sa Sentro ng Sanyar at sa mga nagsasaya nitong mamamayan gamit ang kanyang itim na kapangyarihan.
Sa kanyang likuran matatagpuan ang libo-libo niyang mga alagad na handang magkalat ng kasamaan sa Babylon.