NAGKALAT na sa tarangkahan ng Sanyar ang mga nakapasok na halimaw.
Walang takot naman na inaalay ng mga kawal ang kanilang sariling buhay upang labanan ang mga ito, subalit, kahit ang mga magigiting na Gurdashi ng Babylon ay nahihirapan ding gapiin ang mga halimaw sapagkat ang mga ito ay may di matatawarang lakas na di kayang tumbasan ng mga bayani sa Babylon.
Marami na sa mga kawal ang nasasaktan at napapaslang ng mga halimaw, maging si Haring Kimor ay kabilang sa mga ito, nasa kanya namang tabi si Jibreel at Vartos upang protektahan ang sugatang Hari.
Dahil sa lakas ng pwersa ng mga kaaway ay unti-unting umuurong ang hukbo ng Babylon papasok sa Sentro ng Kaharian, ang lahat ng mga mamamayan sa maaapektuhang lugar ay una nang nailikas nila Jibreel kasama ang iba pang mga sugatan na kawal.
“Ama! Marami sa ating mga kawal ang nasawi na sa pag-atake nang mga halimaw na ito!” pagbibigay impormasyon ni Jibreel.
“Ang mga mamamayan sa Sentro, sila ba ay nailikas na ninyo?” tanong ni Kimor.
“Nauna na naming silang inilikas patungo sa inyong Palasyo kung kaya’t sila ay ligtas pa sa ngayon, Kimor. Subalit, sa sandaling tayo ay mabigo na pigilan ang mga halimaw na ito ay wala ni isa man lang sa kanila ang magiging ligtas pa!” sagot ni Vartos sa tanong ni Kimor habang pinipigilan ang isang halimaw na makalapit sa kanila.
“Ano na ngayon ang ating gagawin, Kamahalan? Masyadong malakas ang pwersa ng mga halimaw at kakaunti na lamang ang bilang natin kumpara sa kanila!” tanong ni Renzir sa kanyang Hari, kasama niyang dinaluhan ang mga ito sina Adelyon at Urbed.
Unti-unti na ring lumalapit sa kanilang kinaroroonan ang iba pang mga kawal.
Sa kanilang likuran nakatayo ang Palasyo ng Sanyar kung saan pansamantalang nagkukubli ang mga mamamayang itinakas nila Jibreel at Vartos.
Ang halimaw na Artemiar ay nasa kanila ng harapan ngayon, sa likuran naman nito ang mga kawal na naging halimaw na rin.
Napansin ni Adelyon na may maliit na liwanag sa may kanang dibdib ng halimaw na agad naman niyang ipinagbigay alam sa mga Hari.
Nang kanilang mamataan ang liwanag at mapagtanto kung ano iyon ay sabay-sabay silang umatake subalit, dahil na rin sa itim na kapangyarihang gumagabay at lalong nagpapalakas sa halimaw ay bigo silang talunin ito.
Muling umatake ang ilang mga kawal sa kaliwang bahagi ng halimaw, kasunod nila ay ang pag atake naman ni Vartos at Adelyon sa kanang bahagi.
Sina Kimor at Urbed naman ang umatake sa harapan nito, sa ginawa nilang ito ay bahagyang nagulumihan ang halimaw at kanilang inasahan na magagapi nila ito sa surpresang pag-atake.
Ngunit bago pa man maisakatuparan ni Jibreel at Renzir ang pag-atake sa likuran ay inatake ng halimaw si Kimor na halata sa ekspresyon ng mukha ang magkahalong pagkabigla, takot at pagkadismaya na hindi na niya muli pang masisilayan ang kapayapaan sa Babylon.
“AMA!” sigaw ni Jibreel nang makita ang direktang pag-atakeng ginawa ng halimaw sa kanyang ama.
Nabigla ang lahat sa mabilis na pag-atake ng halimaw kay Kimor.
Ngunit laking pagtataka nila dahil pagkawala ng usok mula sa pag-atake ay natanaw nila ang dalawang Babylonian na nakatayo sa harap ng halimaw.
Ang isa ay sigurado silang si Haring Kimor at ang isa naman ay isang matipunong lalaki na kulay abo ang buhok na nakatali patungo sa likurang bahagi ng mahahabang tainga nito.
Nakasuot din ito ng kalasag na katulad ng suot nina Astora at Andromeda, ang nagliliyab nitong gintong sibat ang ginamit nito na pansalag sa mahahabang kuko ng halimaw sa pag-atake nito kay Kimor.
“Nasaktan ka ba, Hari ng mga Sanyas?” tanong ng nilalang kay Kimor.
“H-hindi, Maraming Salamat, Pero sino ka?”
“Ako si Antares. Isa ko sa mga sinaunang Gabay ng Baby—”
Natigil ang kanilang pag-uusap nang muling umatake ang halimaw gamit ang isa pa nitong kamay kaya’t mabilis na pinaalis ng Gabay si Kimor.
Agad namang nagtungo si Kimor sa kinaroroonan ng mga kasama.
“Sino ang Babylonian na naglitas sa ‘iyo, Kimor?” tanong ni Vartos.
“Antares daw ang kanyang ‘ngalan at isa siya sa mga Gabay ng Babylon,”
“Gabay? Bakit ‘tila yata biglaan ang pagdating ng Gabay?”
“Hindi ko rin alam, kaibigan. Ngunit sa kanyang pagdating ay muling lumakas ang loob ng marami sa ating mga kawal, tingnan mo ang mga mukha nilang lahat,”
Nakita nga ni Vartos ang panunumbalik ng sigla ng kanilang hukbo na ipinagpapasalamat niya sa pagdating ng Gabay na si Antares.
Dahil sa nakikita nilang lakas ng Gabay sa pakikipaglaban sa halimaw ay ipinaubaya na nila ito sa kanya at sila na lamang ang humarap sa hukbong halimaw nito.
Nagpatuloy ang labanan sa pagitan ng mga Babylonian at halimaw, muli pa ay paunti-unti na nilang nagagapi ang mga halimaw pero hindi nila inasahan ang mga sumunod pang pangyayari.
Nanhilakbot sina Jibreel sa kanilang nasasaksihan, ang mga halimaw na kanina lamang ay alam na nila kung papaanong tatalunin ay bigla na lamang tinubuan ng mga hugis espadang patalim sa kanilang mga likuran.
Ang mga mata nito ay mas higit na naging mapupula pa kung ikukumpara sa mga mata ng halimaw na Artemiar, mas lalo ring tumibay ang katawan nito na animo’y nilagyan ng pinakamatibay na baluti
Muli pang sinubukang atakihin ni Renzir ang mga ito subalit hindi man lamang nakagawa ng kahit kaunting gasgas ang talim ng kanyang espada sa matibay na katawan nito, siya naman ang inatake ng halimaw na hindi niya nagawang iwasan, bumaon sa kanyang tiyan ang matatalas na kuko ng halimaw na naging dahilan ng kanyang pagbagsak.
Muli pa sana siyang aatakihin nito nang dumating ang Punong-Gabay na si Astora at mabilisang pinaslang ang halimaw gamit ang espada nitong nababalutan ng isang napakaliit at nagliliyab na ipo-ipo.
Maya-maya pa ay napansin na lamang nilang lahat na hindi lamang si Astora ang dumating kundi ang apat pang mga Gabay.
Ang isa na nagpakilalang si ‘Betelgeuse’ na mayroong itim na buhok at mapupungay na mata at may hawak na dalawang espadang kapwa nagliliyab ang sumaklolo kay Antares na nakangiti sa pagdating ng mga kasama.
Sinaklolohan naman ng Gabay na si ‘Ursa’ na mayroong balingkinitang katawan tulad ni Astora. Mayroon itong berdeng mga buhok na may haba hanggang sa kanyang gitnang likuran, may dala itong isang ginintuang pana na hindi gumagamit ng palaso tulad ng mga Babylonian, ang bawat palasong lumalabas sa mismong mga kamay nito ay tila isang pampasabog na pumapaslang sa mga halimaw kahit pa sila ay nasa malayo.
Lumitaw naman sa harapan nina Haring Vartos at Haring Kimor ang Gabay na si ‘Raygel’ nang may magtangkang lumapit na mga halimaw sa mga ito.
Si Raygel ay isang nilalang na mayroong dilaw na mga buhok na umaabot lamang sa kanyang mahahabang tainga ang haba. Ang kanyang sandata ay isang nagliliyab din na palakol, hinati niya sa dalawa ang halimaw na nagtangkang lumapit sa mga Hari.
Sa di-kalayuan ay sinaklolohan naman ng Gabay na si ‘Orion’ sina Adelyon at Urbed na kapwa hirap sa paglaban sa mga mas lumakas pang halimaw.
Si Orion ay mayroon ding kulay pulang mga buhok katulad ni Astora, mayoon itong malaking bakal na batuta na may mga patalim sa magkabilang gilid.
Ang bawat Gabay ay may kanya-kanyang katangian at kapangyarihan. Mabilis nilang nalipol ang hukbo ng halimaw ni Artemiar hanggang sa ito na lamang ang matira.
Labis ang ligayang nadarama ng mga Babylonian sa pagdating ng kanilang mga bagong kapanalig. Saglit na kinausap muna ni Astora sina Renzir na kasalukuyang inaalalayan ni Jibreel na tumayo.
“Masaya akong makita kang ligtas, Binibining Astora!” sambit ni Jibreel.
“Patawad sa aking huling pagdating, Jibreel, Renzir,” tugon naman ni Astora.
“Mabuti pa ay ilayo mo na rito ang sugatang Gurdashi ng Sanyar, Prinsipe Jibreel,” dagdag pa nito.
“Sandali! kaya kong lumaban na kasama ninyong mga Gabay, Binibini!” pagpigil naman ni Renzir nang akmang ilalayo na siya ni Jibreel.
Subalit, sa halip na sundin ay tumatawang kinaladkad na lamang ni Jibreel si Renzir upang sundin ang utos ni Astora.
“Nakikita ko sa iyong reaksyon ang galak sa pagbabalik ng Punong-Gabay, Kamahalan,” sinserong saad ni Renzir habang papalayo kay Astora.
“Ikaw lamang ang nag-iisip niyan, Kaibigan,” Nahihiyang pagtanggi naman ni Jibreel.
“Hindi mo maipagkakaila sa akin ang katotohanan, Jibreel. Lalo pa’t nagniningning ang iyong mga mata nang siya ay iyong masilayan.” Panunudyo pa ni Renzir sa kaibigan.
Sinalubong nila Kimor at Vartos sina Jibreel at ang sugatang si Renzir, sila ay nasa di-kalayuan kung nasaan ang halimaw na si Artemiar na kasalukuyang pinalilibutan ng mga Gabay sa pangunguna ni Astora.
*ILANG ORAS BAGO MAGSIMULA ANG DIGMAAN*
“Dumating sa kubol na kinaroroonan ng walang malay na si Astora ang isang nilalang. Mabilis nitong napatulog ang mga kawal na nagbabantay kay Astora, maging ang mga Babaylan na umaasikaso rito gamit ang isang mahiwagang alabok.
Kasunod nito ay may maliit na patalim itong itinusok sa dibdib ni Astora na siyang naging dahilan ng impit na pagdaing nito.
Ilang sandali lamang ang lumipas ay nagmulat ng mga mata si Astora, agad namangg tinanggal ng nilalang ang tela na bumabalot sa mukha nito.
Nagulat si Astora nang makilala kung sino ang kaharap. Si Orion na isa din sa mga Gabay ng Babylon.
Inilahad nito na may nagaganap na digmaan ang mga taga Babylon laban sa hukbo ng mga halimaw, ipinagbigay alam din nito na nauna nang nagtungo doon si Antares upang saklolohan ang mga Babylonian na ikinatuwa naman ni Astora. 0
Paglabas niya sa kanyang kubol ay naghihintay na sa kanya ang mga Gabay na sina Ursa, Betelgeuse, at si Raygel na kapwa lumuhod sa kanyang harapan upang magpakita ng pag-galang sa kanilang pinuno.”
SAMANTALA, kasalukuyang pinalilibutan ng anim na Gabay ang halimaw na Artemiar upang hindi na ito makalayo at makapanakit pa ng mga taga-Babylon.
Sa harap ng halimaw ay naroon si Astora hawak ang kanyang nagliliyab na espada, inutusan niya si Ursa na patamaan ito ng palaso sa katawan na agad namang sinunod ng huli.
Bahagyang nagulat si Ursa dahil hindi man lamang tinalaban ang halimaw sa kanyang ginawang pag-atake.
Sunod na inutusan ni Astora si Orion upang lusubin ito ngunit bago pa man magawang patamaan ito ni Orion ay nagawa na siya nitong atakihin at mapatalsik patungo sa isang malapit na gusali.
Agad namang nairita si Orion sa ginawang ito ng halimaw at balak sanang muli itong lusubin ngunit pinigilan siya ni Astora.
“Tigil, Orion! Matibay ang katawan ng halimaw na ito at may angkin din siyang liksi dahil sa naganap na pagbabago sa kanya kanina lamang,” wika ni Astora.
“Tama ang Pinuno! Nadagdagan ng lakas ang halimaw na ito, hindi katulad ng siya ay aking sagupain kanina,” saad naman ni Antares.
“Bahagya akong nagulat ng hindi siya tinalaban ng aking palaso, subalit, tila alam ko na ang kahinaan ng nilalang na ito, Pinuno.” Pagbibigay-alam naman ni Ursa.
“Madali lamang natin itong magagapi mga kasama, nilukuban lamang siya ng itim na kapangyarihan kaya siya ay nagbago ng anyo mula sa pagiging isang Babylonian patungo sa pagiging halimaw,” pahayag ni Betelgeuse.
“Tama ang payasong si Betelgeuse! Pinuno, pabayaan na lamang natin na labanan itong mag-isa ni Betelgeuse,” pang-aasar naman ni Raygel.
“Kung gusto ninyo ay ako na lamang ang tatapos sa halimaw na iyan at manuod na lamang kayo kasama ng mga Babylonian na kanina pa nanonood sa atin sa 'di-kalayuan” irita pa ring suhestiyon ni Orion.
Pinakikinggan lamang ni Astora ang bawat suhestiyon ng kanyang mga kasama, bukod pa rito ay labis siyang nagagalak na muli silang magkakasamang lalaban ng kanyang mga kaibigan.
Naalala rin niya ang ginawang pagpanig ni Andromeda sa kasamaan at ang lahat ng mga naganap kamakailan lamang.
Naputol ang kanyang pag-iisip nang atakihin siya ng direkta nito na agad naman niyang nasalag.
“PINUNO!” sabay-sabay na sigaw ng mga Gabay ng makitang inatake ng halimaw si Astora.
Nagpakawala ng isang napakalakas na suntok si Astora upang maging paunang atake sa halimaw, napaatras ang halimaw dahil sa lakas ng suntok ng Punong Gabay.
“Wohoo! Napakalakas mo tal—” hindi na natapos pa ni Betelgeuse ang sasabihin nang bigla siyang paulanan ng mga patalim ng halimaw galing sa likuran nito.
Magkasunod na umatake sina Ursa at Antares sa halimaw subalit, madali lamang itong nasalag ng halimaw, pinatamaan sila nito ng mala-bakal sa tigas nitong buntot na naging dahilan ng kanilang pagbagsak sa lupa.
Sunod na umatake si Orion at Raygel sa likuran nito at tagumpay na naputol ang mga malalaking patalim sa likuran nito na naging dahilan sa pagbagal ng mga kilos nito.
Halinhinang umatake ang mga Gabay sa halimaw upang ito ay pabagsakin ngunit nabigo sila dahil sa tibay ng katawan nito.
Napansin ni Astora ang maliit na liwanag sa dibdib nito, tinitigan niya itong mabuti at napag-alaman niyang ang pinanggagalingan ng liwanag na ito ay ang katawan ng walang-malay na Haring si Artemiar.
Nakakulong sa katawan ng halimaw ang tunay na Artemiar. Ipinagbigay alam ito ni Astora sa kanyang mga kasama.
“HUWAG NINYONG AKSAYAHIN ANG INYONG MGA LAKAS SA PAG-ATAKE SA KATAWAN NG HALIMAW! ATAKIHIN NINYO ANG MALIIT NA LIWANAG NA MATATAGPUAN NINYO SA KANYANG KANANG DIBDIB, NAKAPALOOB DOON ANG KATAWAN NG HARI NG ALKASIA NA SIYANG PINANGGAGALINGAN NG BUHAY NG HALIMAW!” sigaw ng Punong-Gabay sa mga kasama.
Hindi na nag dalawang sabi pa ang Punong-Gabay, agad na sinunod ng mga Gabay ang utos ng kanilang Pinuno.
Pinaulanan ni Ursa ng mga palasong sumasabog ang halimaw upang makuha ang atensyon nito na kanya namang nagawa.
Sabay na inatake nina Raygel, Orion, Antares at Betelgeuse ang halimaw na naging dahilan ng pagbagsak nito nang patihaya sa lupa.
Nayanig ang paligid dahil sa lakas ng pagbagsak nito, lumikha si Astora ng apat na naglalakihang buhawi upang pigilin ang pag galaw ng mga kamay at paa ng halimaw, pagkatapos ay pinag-tulungan nila na mailabas sa halimaw ang katawan ni Artemiar.
Nang kanila ng matagumpay na mabawi si Artemiar sa katawan ng halimaw ay unti-unti itong naging bato at naglaho ng kusa. Nagpunyagi ang lahat ng mga nakasaksi sa matagumpay na pakikipaglaban ng mga Gabay.
Nilapitan sila nila Kimor, Vartos, Jibreel, Renzir, Adelyon, Urbed at lahat ng kanilang mga hukbo at nagpasalamat sa kanilang ginawang pagtulong na gapiin ang mga halimaw.
Ibinigay naman ni Antares ang buhat-buhat niyang si Atemiar kina Urbed at Adelyon.
“Kung gayon ay hindi kagagawan ni Artemiar ang mga kasamaang lumaganap sa Babylon sapagkat mayroon lamang nilalang na nagmamanipula sa kanyang isipan?” tanong ni Kimor sa mga Gabay.
“Tama ka, Sanyas! Ilang araw na ang nakakalipas nang maramdaman naming mga Gabay ang isang masamang enerhiya na nagmumula sa Palasyo ng Alkasia kung kaya naman agad naming inalam kung kanino ito nagmumula.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nasumpungan namin si Artemiar na nilulukuban ng maitim na kapangyarihan, at noong marinig namin na magkakaroon ng digmaan ang Sanyar at Alkasia ay agad naming hinanap si Pinunong Astora subalit, bigo kaming matagpuan siya kaya naman kami ay agad na nagtungo sa pook kung saan magaganap ang digmaan.
Habang kayo ay nagkakagulo at nagmimithing paslangin ang isa’t-isa ay natagpuan namin ang aming pinuno sa panig ng mga Sanyas at ang isa pa naming kasama na si Andromeda sa panig naman ng Alkasia” mahabang salaysay naman ni Ursa.
“Ibig sabihin ay nakita ninyong lahat ang mga naganap lalo na noong nagtangkang patayin ng Gabay na si Andromeda ang Binibining Astora? Pero bakit hinayaan lamang ninyo na mangyari ang lahat ng iyon bago kayo nagdesisyong makilahok sa labanan?” panunumbat ni Jibreel.
“Sapagkat hindi pa napapanahon upang kami ay magpakitang muli sa Babylon,” saad ni Raygel.
“Noong makita naming sugatan ang aming Pinuno ay batid na namin na may lason na siya sa kanyang katawan kaya’t agad kaming nanalangin sa mga Bathala upang tulungang makaligtas ang aming Pinuno. Subalit upang tulungan ng mga Bathala ang aming Pinuno ay hiningi nilang kapalit ang kalahati ng aming mga kapangyarihan at ibinigay sa amin ang lunas sa lason ni Andromeda” pahayag ni Orion.
“Kayo pala ang dahilan nang paggaling ni Binibining Astora,” wika ni Renzir.
“Tama ka Gurdashi, utang ko sa aking mga kasama ang aking ikalawang buhay,” saad naman ni Astora.
Akmang tatalikod na ang mga Gabay upang umalis ay nagtangkang lapitan ni Jibreel ang Punong-Gabay pero kaagad siyang hinadlangan ni Raygel na itinutok pa ang palakol nito sa leeg ng Prinsipe.
“Pabayaan mo siya, Raygel.” Utos ni Astora sa kasama.
Agad namang ibinaba ni Raygel ang kanyang sandata.
“May sasabihin ka pa ba, Prinsipe Jibreel?”
“M-masaya akong makita kang ligtas, Binibini. Sa iyong paglisan ba ay tuluyan mo nang iiwan ang Sanyar ‘tulad ng inyong ginawa noong matapos ang sinaunang digmaan?” mahahalata ang hiya sa paraan ng pagtatanong ni Jibreel.
“Hindi kami kailanman nawala sa Sanyar, Uryon, Parsis at kahit pa sa Alkasia. Katulad ng aking sinabi dati sa inyo ang mga Gabay ay darating sa oras na inyong pinaka kailangan. Huwag kang mag-alala, muli pa tayong magkikita Prinsipe ng mga Sanyas! Nawa’y ingatan at pangalagaan ninyo ang kapayapaan sa Babylon.” Malungkot na tugon ni Astora.