IKASIYAM NA KABANATA-- PAGKAKAISA

2075 Words
NASA GITNA ng laban ang mga Sanyas sa pamumuno ni Renzir nang kanyang mamataan ang mga Ur sa pamumuno ng kanilang Hari, nanghina ang moral ng hukbo ng Sanyar nang kanilang mapagtanto na mas dumami pa ang bilang ng mga kaaway na kanilang kakaharapin. Laking gulat ng lahat maging ng mga Alkasir sa ginawa ng mga kawal ng Uryon. Sa halip na sundin ang napagkasunduang pagtulong sa Alkasia ay ang kabaliktaran nito ang ginawa ng mga mangangaso, kanilang pinaslang ang lahat ng mga kawal ng Alkasia na kanilang makikita, dahil sa ginawang ito ng mga mangangaso ay nagalak ang mga Sanyas sa tulong na ibinigay ng mga Ur. Matapos mapaslang ang mga Alkasir at makatakas ang Punong-Heneral nito na si Adelyon ay lumapit ang hukbo ni Haring Vartos kina Renzir upang tulungan ang mga sugatan. Nagbigay galang si Renzir kay Vartos at nagpasalamat para sa pagtulong nito, inanyayahan niya ito na sumama sa kanilang kampo upang ipagbigay alam sa kanilang Hari ang magandang balita, pinaunlakan naman ito ni Vartos. Naunang pumasok sa kubol ni Kimor si Renzir. “Kamahalan, mayroon kayong panauhin,” pagbibigay alam ni Renzir. “Panauhin? Wala akong balak makipagkita sa kung sino man, ako ay nasa gitna ng isang digmaan,” matabang na tugon naman ni Kimor. “Ako man ay nasa digmaan din, Kimor.” Pagsingit ni Vartos sa usapan nila Kimor na ikinagulat naman ng huli. “Anong ginagawa ng taksil kong kaibigan dito, Renzir?” “Hindi ako nagtaksil sa iyo, Kimor,” tangkang pagpapaliwanag ni Vartos. “Hindi ba’t nagpadala ka ng mga kawal ng Uryon sa Alkasia? Hindi ba at pumanig ka sa mga mananakop na Alkasir?” “Renzir, Bakit hindi mo ikwento sa iyong Hari ang mga naganap kanina?” utos ni Vartos na agad namang sinunod ni Renzir. “Mahal na Hari, si Haring Vartos ang naging daan upang kami ay magwagi sa labanan kanina lamang. Siya at ang kanyang hukbo ay pinaslang ang mga Alkasir na aming katunggali.” Pagpapaliwanag ng Punong-Heneral na ikinalito naman ni Kimor. “Bakit mo kami tinulungan, Vartos? Ano ang kapalit ng lahat ng ito?” pagkumpirma ni Kimor. “Wala akong ninanais na kapalit, gaya mo ay nais ko rin na magbalik na ang kapayapaan sa Babylon. Nagpadala lamang ako ng hukbo sa Alkasia upang linlangin si Artemiar na ako ay pumapanig na sa kanyang mga masasamang adhikain upang lubos niyang isipin na siya nga ang magwawagi sa digmaang ito. Nang ako ay nakasisigurong si Artemiar ay tiwala na sa kanyang magiging panalo ay gumawa na ako ng hakbang upang tulungan kayo. Nabalitaan ko rin ang nangyari sa Punong-Gabay. Marahil kayo ay lubusang nagtataka sapagkat hindi maalis ng iyong mga manggagamot ang lason na nasa katawan niya, ang lason na ito ay nanggaling sa sandata ni Andromeda, ang Gabay na nakalaban ng Punong-Gabay. Ang sandata ni Andromeda ay sinasabing may taglay na lason na hindi kayang gamutin ng kahit na sino pa mang Babaylan (Manggagamot),” mahabang salaysay ni Vartos. “Kung gayon ay wala na tayong magagawa pa para kay Astora?” tanong ni Kimor kay Vartos. “Paumanhin, ngunit hindi ko na masasagot pa ang iyong katanungan, Kimor. Ipaubaya na lamang natin ang lahat sa ating mga Bathala.” Dahil sa labis na pagkasuklam na nadarama ni Haring Artemiar kay Haring Vartos ay agad niyang pinaghanda ang kanyang buong hukbo sapagkat nabalitaan niya na nasa kampo ng kanyang mga kaaway ang Haring nagtaksil sa kanya, binabalak niyang tapusin na ang digmaan sa mga ito at maghari sa buong Babylon. Nasa kanilang pagpupulong naman sina Vartos at Kimor nang ipagbigay alam sa kanila ni Renzir ang pagmartsa ng mga Alkasir patungo sa kanilang kinaroroonan, ini-ulat din nito na ang kanilang hukbo, kasama ng mga pinuno at ni Prinsipe Jibreel ay nakahanda sa pakikidigma. Sa paglabas ng mga Hari sa kubol na kanilang kinaroroonan ay nadatnan nila ang kanilang hukbo na naghihintay sa kanilang mga pinuno. Sumakay ang dalawa sa kanilang mga kabayo at nagtungo sa unahan ng hukbo. Muling nagtagpo ang mga pinuno ng magkabilang panig upang muling pasukuin ang isa’t-isa. “Artemiar, iligtas natin ang buhay ng ating mga kawal, tigilan na natin ang sigalot na ito at hayaang muling manumbalik ang kapayaan sa Babylon,” saad ni Kimor. “Hah! Pagkatapos ng pagtataksil na ginawa ni Vartos sa akin? Hindi ko mapapatawad ang sino mang magtataksil sa akin, Pamumunuan ko ang Babylon, ipapakita ko sa lahat ng Kaharian na Alkasia ang pinakamalakas at pinakamaunlad na Kaharian sa lahat!” “At ano naman ang iyong mapapala kung sakaling iyong makamit ang mga ito? Marami sa iyong hanay ang napaslang na at mapapaslang pa ngayong araw, ito ba ang iyong ninanais na mangyari, Artemiar?” tanong ni Vartos. “Wala akong panahon na pakinggang ang hinaing ng isang taksil na nilalang. Hindi ako mag-aatubiling isakripisyo ang buhay ng aking mga kawal kung ang magiging kapalit nito ay ang pagbagsak ng inyong mga pinakamamahal na Kaharian!” “Nabubulugan ka na sa iyong mga ambisyon, Artemiar! Hindi ka nararapat na maging Hari ng iyong mga nasasakupan!” “Kayo ang nabubulagan sa pag-aakalang kapantay ng inyong mabababang Kaharian ang Alkasia. Kung hindi lamang nilason ng ibang Matataas na Hari at Reyna ang isipan ng aking Inang Reyna Emilia ay hindi niya kakatigan ang paniniwalang inyong kinagisnan at patuloy na pinaniniwalaan,” galit na pahayag ni Artemiar. Napansin nila Kimor at Vartos ang nagliliyab na apoy sa mga mata ng kanilang kaharap. Iba ang naging pakiramdam ni Kimor sa mga nangyayari kung kaya naman agad din niyang tinapos ang pakikipag-usap sa kasalungat na panig. Nang sila ay magbalik na sa kanilang hukbo ay hindi pa rin nawawaglit sa kanyang isipan ang hindi niya maipaliwanag na pakiramdam ng titigan niya sa mga si Artemiar. Napansin naman ni Vartos na may malalim na iniisip ang kaibigan. “Palapit na ang takdang oras ng digmaan, Kimor. Hindi na dapat lumipad pa ang iyong isipan, ibuhos mo ang iyong buong isipan na maipanalo ang labanang ito para sa Babylon,” wika ni Vartos. “Patawad, subalit hindi talaga ako mapakali sa aking kakaibang naramdaman habang ating kausap si Artemiar kanina lamang,” “Tinutukoy mo ba ay ang apoy sa mga mata ni Artemiar?” “Oo. Akala ko ay ako lamang ang nakapansin nito,” “Pakiwari ko, Kimor, mayroong kung anong pwersa ang kumokontrol sa isipan ng Hari ng mga Alkasir. Simula pagkabata ay atin ng kilala si Artemiar at matalik na kaibigan niya si Parris, ‘di rin siya lubos na masama. Kaya naman naiintindihan ko ang iyong pagtataka sa mga ikinikilos ngayon ng ating dating Kaibigan,” “Salamat sa iyong pag-unawa. Tapusin na natin ang digmaang ito upang makumpirma natin kung ano nga ba ang nangyayari kay Artemiar,” Maya-maya pa ay maririnig na sa tabing-ilog ng Sanyar ang trumpeta ng mga Alkasir na hudyat ng kanilang pagsalakay. Agad na inalerto ni Renzir at Urbed ang kanilang mga hukbo. Inilabas ng mga pinuno ang kanilang mga sandata. Maririnig ang malalakas na sigawan ng mga papalapit na Alkasir. Nagbigay na rin ng utos si Kimor upang salubungin ang kanilang mga kaaway. Muling nagtagpo ang pwersa ng magkalabang panig, ang isa upang manakop at ang isa upang ipagtanggol ang kalayaan nila. Si Jibreel, sakay ng kanyang kabayo ay makikitang nakikipaglaban sa mga Alkasir, si Joco naman ay pumapaslang din ng mga kaaway na kanyang makikita. Nagtagpo ang dalawang Prinsipe at muling nagtagisan ng lakas. Dahil sa angking lakas at galing ni Renzir sa pakikipaglaban na kanyang natutunan sa kanyang mga naging paglalakbay ay nagapi niya at napaslang ang Prinsipe ng Alkasia, sinaksak niya ito sa parte ng dibdib nito na hindi nababalutan ng baluti. Habang nasa gitna ng pakikipag buno sa mga kawal ng Sanyar ay may nakapagbalita kay Artemiar sa nangyari sa kanyang anak, labis itong ikinagalit ni Artemiar kung kaya’t hinanap nya kung saan naroroon si Jibreel. Nang kanya itong matagpuan ay natanaw niya ang wala ng buhay na katawan ni Joco sa lupa sa bandang likuran nito, lalong nagliyab ang nadaramang galit ng Hari dahil sa sinapit ng kanyang anak. Biglang nabalutan ng itim na kapangyarihan si Artemiar na siya namang ikinagulat nina Kimor at Vartos na nasa di-kalayuan at nakikipaglaban sa mga Alkasir. Unti-unting nagbabago ang anyo ni Artemiar, lumalabas ang matatalim na pangil nito sa bibig at matatalas na kuko sa kanyang kamay, nagkaroon din ito ng nag-iisang sungay sa kanyang noo, nagbago ang sukat ng pangangatawan nito at naging kasinglaki ng isang halimaw na kayang magpatumba ng isang may ‘di kataasang gusali. Nangilabot ang lahat nang naging saksi sa mga naganap, sina Adelyon at Renzir ay kapwa natigilan sa gitna ng kanilang duwelo. Kasunod ng pagbabago ng anyo na ito ni Artemiar ay kumilos siya upang puntahan si Joco at paslangin si Jibreel. Lahat ng madaanan nito ay walang habas niyang pinapaslang kahit pa ang mga kawal ng Alkasia, lahat ay nagtatakbuhan palayo sa halimaw subalit hindi natitinag sa kanyang kinatatayuan ang magiting na Prinsipe ng Sanyar, ngunit siya ay agad na tumilapon ng hawiin siya ng malalaki at malalakas na braso ng ni Artemiar. Lalong nanhilakbot ang lahat ng makita nilang kainin ng buo ng halimaw ang katawan ni Prinsipe Joco, matapos nito ay nagpakawala ng isang malakas na sigaw ang halimaw na halos ikabingi ng lahat nang nakaranig nito. Muling pang kumilos ang halimaw at sinunggaban ang ilang mga kawal ng Uryon at Alkasia, kinain niya ang lahat ng ito na siyang naging dahilan ng pagtakbo ng napakaraming kawal patungo sa Sanyar. Lahat ng kawal ng Alkasia, Uryon at Sanyar ay nagkaisa na huwag pahintulutang makapasok ang halimaw sa Kaharian ng Sanyar kung saan silang lahat ay naroroon gamit ang napakalaking bakal na harang, inutusan nina Adelyon at Renzir ang lahat na magtulungan sa pagpigil na mabuksan ng halimaw ang bakal na harang. “Ano na ang ating gagawin kay Artemiar, Kimor? Sa sandaling mabuksan niya ang harang sa bulwagan ng Kaharian ay sigurado akong mapapaslang tayong lahat na nakapaloob rito!” nababahalang tanong ni Vartos “LAHAT NG MGA KAWAL NA WALANG NATAMONG PINSALA SA KANILANG MGA KATAWAN AY TULUNGAN ANG MGA KAWAL NA SUGATAN AT SILA AY DALHIN SA MGA NAKA-ANTABAY NA BABAYLAN SA LIKURAN! MGA ALKASIR, SANYAS, AT UR KAYO NGAYON AY MAGTUTULUNGAN UPANG MAKALIGTAS SA HALIMAW NA PAPASLANG SA ATING LAHAT! INYONG KALIMUTAN ANG NAGING HIDWAAN AT TULUNGAN ANG ISA’T-ISA PARA SA INYONG MGA BUHAY AT SA KINABUKASAN NG BABYLON!” pagbibigay utos naman ni Kimor sa lahat ng kawal na nasa kanyang harapan. Bilang tugon sa pamumuno ni Kimor ay lumuhod ang lahat at nagbigay galang bago sundin ang kanyang ipinag-uutos. Lahat nang kayang lumaban ay nagtutulungan sa pagpapanatili sa bakal na harang upang ito ay hindi tuluyang mabuksan. Ilang sandali pa lamang ang nakakaraan mula ng magbigay ng utos si Kimor ay may isang kawal ng Alkasia na nasa tarangkahan ng Kaharian ang sumigaw. “KAMAHALAN! TINGNAN NIYO ANG TABING-ILOG!” Pagkarinig nito ay agad na sinulyapan nina Kimor, Vartos, Adelyon, Urbed, Renzir, at Jibreel ang itinuturo ng kawal. Nabigla sila kanilang nasaksihan. Ang lahat ng mga kawal na napaslang sa labanan ay unti-unting bumabangon galing sa kanilang kamatayan at nagbabagong anyo ng tulad kay Artemiar subalit mas maliit dito. Ang kanina lamang na nag-iisang halimaw ay nagkaroon na ng sariling hukbo na papaslang at uubos sa mga Babylonian. Ang lahat ng halimaw ay pinu-pwersa na mabuksan ang tarangkahan ng Kaharian. Samantala, si Astora ay wala pa ring malay sa kanyang kubol at patuloy na dinadaluhan ng mga Babaylan ng Sanyar. Sa labas ng kanyang kubol ay nagpakita ang isang di-kilalang nilalang at pinatulog ang mga kawal na nasa labas nito pati na rin ang manggagamot sa tabi ni Astora gamit ang isang mahiwagang alabok. May itinarak na maliit na patalim ang nilalang sa dibdib ng Punong-Gabay na siya namang naging dahilan ng impit na pagdaing nito. Tuluyan na ngang nakapasok ang hukbo ng mga halimaw sa tarangkahan ng Sanyar sa pamumuno ng halimaw na Artemiar. Katulad ng ginawa ni Artemiar ay pinapaslang at ginagawa ring lamang-tyan ng mga mas maliliit na halimaw ang bawat kawal na kanilang nakakaharap. Sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy pa rin sa paglaban sa kanila ang mga kawal ng Babylon kasama ng kanilang mga pinuno. “Nagagalak akong isipin na nasa iisang panig lamang tayo at hindi nagpapatayan,” wika ni Adelyon kina Renzir at Urbed na nasa kanyang tabi at nakahanda na para sa haharaping labanan. “Gayun din kami, Adelyon,” tugon ni Urbed sa winika ni Adelyon. “Huwag mong kalimutan ang ‘di natin natapos na duwelo Gurdashi Adelyon,” saad naman ni Renzir na ikinatawa nilang tatlo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD