LAKING gulat naman ni Astora ng magliwanag din at magbago ang anyo ng sandata ng nilalang na may itim na kasuotan.
Agad niyang napagtanto na isa sa mga Gabay ang nilalang na may kasuotang itim kung kaya naman ay agad siyang pumadyak sa kabayong sinasakyan upang lapitan ang kabilang panig at alamin kung sino sa kanyang mga kaibigan ang ngayon ay pumapanig na sa kasamaan.
Sa nakitang paglapit ni Astora patungo sa kanila ay agad na nag-utos si Artemiar sa mga may palaso na asintahin si Astora na agad namang sinunod ng mga Alkasir, dumilim ang kalangitan dahil sa mga palasong nasa himpapawid na alam ni Astora na siya ang pinatatamaan, iwinasiwas niya ang kanyang sandata sa hangin upang gumawa ng isang maliit na buhawi upang salagin ang mga palaso.
Sa ginawa ni Astora ay nag utos si Artemiar sa kanyang hukbo na umabante na at sumugod sa mga kalaban, ganoon din ang ginawa ni Kimor.
“SUGOD!” sigaw ng mga Hari sa magkabilang panig.
Nang magkasagupa ang dalawang panig ay agad na nagkrus ang sandata ng mga Pinuno nito.
Si Kimor laban kay Artemiar, si Joco laban kay Jibreel, si Renzir laban naman kay Adelyon at si Astora laban sa ‘di pa nakikilalang Gabay.
“Kumusta ka Jibreel?? Handa ka na bang harapin ang iyong kamatayan, Prinsipe ng mga Sanyas?” asik ni Joco.
“Tila yata napalaki ng iyong tiwala sa iyong sarili, Alkasir! Tingnan na lang natin kung sino sa ating dalawa ang unang babagsak!” sagot naman ni Jibreel.
Tuluyan na ngang nagtunggali ang dalawang Prinsipe, sinubukan ni Jibreel na patamaan ng kanyang espada si Joco sa binti upang ito ay mawala sa balanse ngunit siya ay nabigo, sa halip ay inundayan naman siya nito ng espada na kanya namang mabilis na naiwasan.
Si Joco naman ang sumunod na umatake.
Sa ‘di-kalayuan naman ay makikitang nagtatapatan ng lakas ang dalawang magigiting na Gurdashi, parehong bihasa sa pag gamit ng sandata ang dalawang mandirigma kaya naman wala ni isa man sa kanila ang sumusuko.
“Isang karangalan para sa akin ang makalaban ka, Renzir! Kaya naman malugod kong kikitilin ang iyong buhay,” mayabang na pahayag ni Adelyon.
“Ipagpaumanhin mo, Heneral. Subalit wala akong plano sa araw na ito kung hindi ang bumalik sa aming Kaharian at uminom ng masasarap na inumin sa Sanyar. Kung sa ibang pagkakataon lamang tayo muling nagtagpo ay aanyayahan kita na samahan ako sa pag-iinom.” Nakangiting tugon naman ni Renzir kay Adelyon habang magka-krus ang kanilang mga espada.
“Maganda sana ang iyong mungkahi kung ikaw ay mabubuhay pa sa pagtatapos ng digmaan na ito!”
Muling nagtagisan ng lakas at galing sa sandata ang dalawang heneral, hanggang sa masugatan ni Adelyon si Renzir sa kanyang braso na siyang naging dahilan ng paghina sa pwersa ng mga atake nito.
Sa isang banda naman ay nakaharap na ni Astora ang nilalang sa itim na kasuotan na hinihinala niyang isa sa kanyang mga kaibigan na Gabay.
“Magpakilala ka Gabay!” utos ni Astora.
Subalit imbis na magpakilala ay inatake siya ng di pa nakikilalang Gabay na agad din namang nasalag ni Astora.
Dahil sa lakas ng kapangyarihan ng dalawang Gabay ay bahagyang yumanig ang lupa na naramdaman din maging ng lahat ng nasa digmaan.
Si Astora naman ang umatake na nasalag din ng Gabay, muling nag-utos ang Punong-Gabay.
“Inuulit ko Gabay, Magpakilala ka!”
Sa muling pagbibigay ng utos ni Astora ay tinanggal na ng Gabay ang telang bumabalot sa kanyang mukha na siyang ikinagulat ni Astora.
Bumungad sa kanya ang isang napakagandang nilalang. Kulay asul ang maiksi ngunit magandang buhok nito, malamlam ang mata na animo’y may malupit na karanasang pinagdaanan.
Sa ilalim ng kasuotang itim nito ay nakapaloob ang Ginintuang baluti nito na kagaya ng kay Astora ay mayroon ding simbolo ng Gabay.
Ngumiti lamang kay Astora ang nilalang na nasa kanyang harapan.
“Kumusta, Pinuno?”
“A-Andromeda? P-Pero bakit ka pumapanig sa mga Alkasir na alam mong hindi gagawa ng mabuti sa Babylon?”
“Hindi mo na kailangan pang malaman ang aking dahilan sa pagpanig sa Alkasia!”
“Sumumpa tayong po-protektahan ang mundong ito kapalit ng ating mga buhay laban sa kasamaan, hindi ang kabaliktaran! Papaano mo nagawang talikuran ang sumpang iyong binitiwan, Andromeda?”
Habang nasa pakikipag-usap sa kaharap ay muling sinariwa ni Astora ang mga kaganapan magmula sa sinaunang digmaan hanggang sa pagbibigay niya ng kautusan sa iba pang mga Gabay upang maghiwa-hiwalay sa Babylon.
“Ang pitong Gabay na nilikha ng mga Bathala ay nasa hardin ng Paraiso at naghihintay lamang sa tamang panahon ng kanilang pagdating sa Babylon.
Ang bawat isa sakanila ay mga mandirigma na mayroong iba’t-ibang abilidad at kapangyarihan. Ilang araw pa ang nagdaan mula sa kanilang pagkakalikha ay nagpakitang muli sa kanila ang mga Bathalang sina Saphira, Raftel. Jafar at Zephir.
Ibinalita ng mga ito na dumating na ang takdang panahon ng kanilang pagtulong sa mga Babylonian, ipinaliwanag ng mga ito ang kasalukuyang sitwasyon sa Babylon.
Ilang sandali lamang matapos ito ay ipinadala na ng mga Bathala ang hukbo ni Astora gamit ang liwanag na kanila ding ginamit upang makarating sa Babylon.
Sa pagdating ng Hukbo ni Astora ay nakita niya ang takot sa mukha ng mga Babylonian na sigurado siyang haharap sa isang madugong labanan, kaya upang palakasin ang loob ng mga ito ay kanyang binunot ang maliit na sandata sa kanyang tagiliran, nang kanya itong itaas ay nagliwanag at nagbago ang anyo nito, ginawa rin ito ng anim pang mga Gabay na sinundan ng malakas na hiyawan galing sa mga Babylonian na nasa kanilang likuran.
Bilang hudyat ng pagsisimula ng digmaan ay naunang lumusob ang Ginintuang Hukbo ng mga Gabay sa mga demonyong dayuhan.
Lahat ng humaharang sa kanila ay isa-isang tumitimbwang at napapaslang, si Andromeda na nasa likuran ni Astora ang kumikitil sa buhay ng mga demonyong nagtatangkang atakihin ang mga Matataas na Hari at Reyna ng Babylon.
Nagpamalas ng kakaibang liksi at lakas si Andromeda sa harap ng mga kaaway, wala ni isa man sa kanyang mga nakalaban ang nagwagi at nakapagpatumba sa kanya, itinutok niya ang kanyang espada sa isang pulutong ng mga kaaway, lumabas ang isang hugis ibon na nagliliyab at agarang tinutupok ang lahat ng mga demonyong madaraanan nito.
Namangha ang lahat sa ipinapakitang lakas ng Ginintuang hukbo ni Astora, lalong nagniningas ang kanilang kagustuhan na magwagi at protektahan ang mundong kanilang kinalakihan.
Sa ika-apat na araw ng digmaan ay marami na sa pwersa ng mga Babylonian ang sugatan at nangamatay, sa laki ng pwersa ng mga kaaway ay kanilang natatapatan ang lakas na ipinamamalas ng hukbo ni Astora at ng mga Babylonian.
Sa naging huling araw ng digmaan ay nagpasya si Astora na atakihin ang Itim na Hari na siyang nagdadala ng mga demonyo sa lagusan patungo sa Babylon.
Si Astora kasama ang anim pang Gabay ay pinilit makarating sa kinaroroonan ng Itim na Hari, kanila itong nagapi sa tulong ng kanilang pinagsama-samang lakas at kapangyarihan.
Ikinulong nila ang Itim na Hari sa isang mahiwagang kahon na gawa sa pinakamatitibay na bato sa Babylon na siyang nagsilbing kulungan nito hanggang sa ngayon.
Ang batong kulungan ay kanilang nilagyan ng engkantasyon upang hindi magising at makalabas ang masamang nilalang na nakapaloob dito.
Matapos ang sinaunang digmaan ay inanyayahan ni Haring Yusuf ang mga Gabay upang makisaya sa kanilang idadaos na piging para sa kanilang pagwawagi laban sa mga mananakop, pinaunlakan ito ng mga Gabay, araw at gabi ay nagsasaya ang lahat pati na ang mga Gabay.
Sa gitna ng pagsasaya ng lahat ay nagpakitang muli ang mga Bathala sa harapan ng mga Babylonian.
Binati nila ang lahat para sa panalong kanilang natamo laban sa kasamaan at pinasalamatan ang hukbo ni Astora para sa kanilang naging malaking parte sa pagkapanalo ng mga Babylonian, ngunit dahil sa huling sumpang binitiwan ng Itim na Hari bago ito tuluyang nagapi ng mga Gabay ay inatasan ng mga Bathala sina Astora at mga kasama na mamuhay at manatili sa Babylong upang gabayan ang mundo patungo sa kabutihan.
Sumumpa si Astora at ang anim na iba pa na kanilang pangangalagaan ang Babylon laban sa kasamaan at sa mga nagnanais sakupin ito.
Nang magbalik sa kalangitan ang mga Bathala ay inalok ng mga Hari ang mga Gabay na manirahan sa mga lupaing nais nilang ipagkaloob bilang pasasalamat sa ginawang tulong ng mga ito, subalit tinanggihan ito ng mga Gabay na mas pinipiling bantayan ang Babylon sa paraang hindi namamalayan ng mga mamamayan nito.
Saglit na nagpaalam si Astora sa mga kaharap upang magdasal at muling humingi ng basbas sa mga Bathala upang kanilang magampanan ang tungkuling ini-atang sa kanila ng mga may likha, nagtungo siya sa isang bukal malapit sa tarangkahan ng Palasyo, tinanggal niya ang baluti sa kanyang ulo at katawan, matapos nito ay kanya ring inalis ang kulay puting tela na bumabalot sa kanyang mukha at nilanghap ang sariwang hangin sa Babylon, lumuhod si Astora at nag-umpisa ng manalangin.
Pagkatapos humingi ng basbas sa mga Bathala ay nagbalik na si Astora sa kanyang hukbo, ipinag-uutos niya sa mga ito na humanap ng kanya-kanyang tirahan sa iba’t-ibang lugar sa Babylon na mariing tinutulan ni Andromeda sapagkat nais nito na manatili lamang silang magkakasama na labanan ang mga kalaban kung sakali man na may muling dumating upang sakupin ang Babylon, subalit buo na ang pasya ng kanilang pinuno kung kaya naman ay wala na rin itong nagawa.
Nagpaalam na sila sa mga Matatas na Hari at Reyna ng Babylon na halata ang pagkadismaya sa ginawa nilang pagtanggi sa mga alok ng mga ito.
Nagpaalam na ang mga Gabay sa bawat isa at tuluyan ng lumisan sa Kaharian ng Sanyar. Ito ang huling pagkikita ni Astora at ng kanyang mga Gabay.”
Natapos ang pagbabalik-tanaw ni Astora ng muli siyang atakihin ni Andromeda at ng ilan pang mga Alkasir na madali namang nagapi ng Punong-Gabay at malubha namang ikinasugat ni Andromeda.
Nang akmang muling aatake si Astora ay itinutok ni Andromeda ang espada nito kina Jibreel at sa mga Sanyar na nasa gawi nito, alam ni Astora kung ano ang binabalak ng katunggali at hindi nga siya nagkamali; nagpakawala ng dalawang magkasunod na atake si Andromeda patungo kina Jibreel; dalawang nagliliyab na ibon na tutupok sa Prinsipe ng mga Sanyar at mga kasama nito.
Agad na nagtungo si Astora sa gawi nila Jibreel at itinaas ang kanyang espada upang gumawa ng dalawang malalaking buhawi na kayang tapatan ang kapangyarihang pinakawalan ni Andromeda.
Sa ginawang ito ni Astora ay nagkaroon ng pagkakataon ang Gabay na si Andromeda upang lubhang saktan si Astora sa pamamagitan ng pagsaksak sa tagiliran nito.
Nagtamo siya ng malubhang sugat na siyang naging dahilan ng kanyang panghihina at paghandusay sa lupa.
Nakita ni Jibreel ang mga naganap at agad niyang dinaluhan si Astora na wala ng malay, ilang segundo lamang ay dumating naman si Kimor upang lusubin si Andromeda ngunit mabilis lamang itong nakaiwas sa kanyang ginawang pag-atake.
Sinabihan lamang siya ni Andromeda na sapat na sa kanya na makitang sugatan ang kanyang dating pinuno at mabilis na umalis.
Samantala, naiwan naman sina Jibreel at Kimor na nag aalala sa kalagayan ng Punong-Gabay kaya’t mabilis na nag utos si Kimor na patunugin ang trumpeta upang maging hudyat ng kanilang pagbabalik sa kanilang kampo sa tapat ng tarangkahan ng Sanyar.
Sa ‘di-kalayuan, si Artemiar na kasalukuyang nakikipag-tunggali sa ilang mga Sanyar ay namataan ang biglaang pag-atras nina Kimor at mga kawal nito, nagpupunyagi naman ang mga Alkasir sa kanilang bahagyang pagkapanalo laban sa mga kaaway.
Nag-utos din si Artemiar sa kanyang hukbo na umatras na muna at gumawa ng kampo sa kanilang kinaroroonan.
“Mahal na Hari, Hindi ba natin sasamantalahin ang kanilang pag-atras upang lubusang umabante patungong Sanyar at tuluyan silang lupigin?” pagtatanong ni Adelyon na nasa tabi na ni Artemiar.
“Hindi na kinakailangan pa, dahil nais kong paslangin si Kimor gamit ang aking mga kamay sa paraan ng isang patas na labanan!” tugon naman ni Artemiar.
Dumating sa kampo ng mga Sanyas sina Haring Kimor, Renzir, at Jibreel na dala-dala ang sugatang si Astora sakay ng kanilang mga kabayong may sungay.
Labis ang pag-aalala ng lahat sa Punong-Gabay, ngunit walang makakapantay sa pag-aalalang ipinapakita ni Jibreel.
Dinaluhan si Astora ng mga pinakamahuhusay na manggagamot sa Sanyar, ngunit wala isa man sa mga ito ang may sapat na kakayahan upang gamutin ang natamong sugat ng Punong-Gabay.
Ipinagbigay alam ng mga manggagamot na ang sugat na natamo ni Astora sa labanan ay hindi lamang isang simpleng sugat, may kaakibat itong lason na wala sa kanila ang nakakaalam kung papaano aalisin sa katawan ng isang nilalang.
Ikinalungkot ito ng lahat nang nakarinig at ipinanalangin na lamang ang kalagayan ni Astora sa kanilang mga Bathala.
Habang si Astora ay nakahimlay at palubha ng palubha ang kalagayan ay patuloy pa rin ang digmaan sa pagitan ng dalawang Kaharian sa pamumuno ng kanilang mga Hari at mga Gurdashi.
Apat na araw na ang lumilipas ngunit wala pa ring malay si Astora o pagbabago man lamang sa kalagayan nito na siyang lubos na ikinababahala ng mga kapanalig nito.
Sa patuloy na pakikidigma upang supilin ang mga mananakop na Alkasir ay maraming Babylonian ang nasasawi.
Sina Jibreel at Renzir ang kasalukuyang namumuno sa pwersa ng mga Sanyas sapagkat si Haring Kimor ay nagpasya na bantayan ang walang malay na si Astora.
Ayon sa kanya ay ito na lamang ang kanyang magagawa upang pasalamatan ang dalaga sa ginawang pagliligtas nito sa kanyang pinakamamahal na anak.
Isang hapon, si Jibreel at Renzir ay kababalik pa lamang galing sa labanan, sila ay dumaan sa kubol kung saan naroroon ang sugatang si Astora upang malaman ng personal ang kalagayan ng Punong-Gabay, inabutan nila doon si Haring Kimor at isang manggagamot na siyang tumitingin sa dalaga.
“Kumusta ang kalagayan ng Binibining Astora?” tanong ng Prinsipe sa manggagamot.
“Hindi mabuti, Kamahalan. Patuloy ang paglubha ng Punong-Gabay, lahat ng manggamot sa ating Kaharian ay sumubok nang gumawa ng paraan upang matanggal ang lason sa Binibini, ngunit kami ay laging nabibigo na gawin ito,” sagot ng manggagamot.
“Saan ba nagmula ang lason na ito? Wala naman akong nakita na gumawa ng hakbang upang lasunin ang Binibini?”
“Naniniwala po ako na ang lason ay nanggaling sa sandatang ginamit upang saktan ang Binibining, Astora.”
Naalala ni Jibreel na ang mga lason ay maaari ring ilagay sa mga sandata gamit ang isang sinaunang engkantasyon, na tanging mga sinaunang Babylonian lamang ang nakakaalam.
Nagulantang ang lahat ng biglang sumigaw si Astora at mamilipit sa sakit.
Ginawa ng manggamot ang lahat ng kanyang nalalaman upang maibsan ang sakit na nararamdaman ng kawawang Binibini, ilang saglit lamang ay tumigil na ito sa pagsigaw at bumalik sa malalim na pagkakahimlay.
Labis ang pag-aalalang nararamdaman ni Jibreel para kay Astora na siyang sumagip sa kanyang buhay.
“Tila yata labis ang iyong pag-aalala kay Binibining Astora, Kamahalan?” tudyo ni Renzir sa kaibigan.
“H-Ha? Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Jibreel na lubhang ikinatawa naman ni Renzir.
“Ang akin lamang ipinararating ay nahahalata na sa iyong mga ikinikilos na may nararamdaman ka para sa Punong-Gabay” saad ni Renzir na ikinapula naman ng mukha ni Jibreel.
“H-huwag mo akong paglaruan, Renzir. Batid nating lahat na iniligtas ako ng Punong-Gabay at sampu sa ating mga kawal, ako ay tumatanaw lamang ng utang loob.”
“Iba ang tumatanaw ng utang na loob sa pilit itinatago ang nabubuong pagmamahal sa kanyang puso, Kaibigan,” muling paliwanag ni Renzir na siyang lalong ikinapula naman ng mukha ng Prinsipe.
“Ewan ko sayo, maiwan na muna kita, dadalawin ko lamang ang mga kawal nating sugatan,” naiilang na paalam ni Jibreel sa kausap.
Umiinom ng alak si Haring Artemiar dahil sa galak na nararamdaman sa kanyang kubol sa itinayong kampo sa tabing-ilog ng Sanyar, nasa kanyang tabi naman ang anak niyang Prinsipe na si Joco.
“Apat na araw na simula nang gapiin ni Andromeda ang Gabay na kapanalig ng mga Sanyas. Sa pakiwari ko ay tuluyan na itong binawian ng buhay. Sa pagkaka-alala ko sa mga ibinahagi ni Andromeda bago maganap ang digmaan ay siya lamang ang bukod tanging may gamit ng sandata na mayroong lason na hindi kayang gamutin ng kahit na sino pa mang manggagamot dito sa Babylon,” salaysay ni Joco sa kanyang ama na napangiti sa kanyang mga tinuran.
“Siyang tunay, Joco? Kung gayon ay dapat pala nating ipagpasalamat na sa atin pumanig ang Gabay na si Andromeda, ipatawag mo siya upang siya ay aking mapasalamatan at mabigyan ng kaukulang gantimpala,”
“Sinubukan ko na siyang hanapin sapagkat may nais akong isangguni sa kanya, subalit bigo akong matagpuan si Andromeda. Ipinahanap ko na rin siya sa ating mga kawal sa ating mga hanay ng mandirigma ngunit maging sila ay bigo ring matagpuan ang Gabay. Pakiwari ko ay umalis na siya matapos niyang magawa ang ninanais niya,”
“Pabayaan mo na siya, ang mahalaga ay nagawa niyang magapi ang tinatawag na Punong-Gabay. Nasaan nga pala ang mga mandirigma ng Uryon? Bakit sa ilang araw ng mahigpit na pakikipaglaban sa mga Sanyas ay hindi ko pa sila nakikitang lumaban at pumaslang man lamang ng mga kaaway?”
“Simula noong unang araw ng digmaan ay hindi ko na sila pa nasilayan, Ama. Marahil ay nabahag na ang buntot ng mga matitinik na mangangaso at bumalik na sa kanilang duwag na Hari!”
Nagtatawanan ang mag-ama ng biglaang pumasok si Adelyon sa kubol na kinaroroonan nila na mahahalata sa ekspresyon ng mukha ang pagkabigla at pangamba sa kung ano man ang nais i-ulat nito sa Hari ng mga Alkasir.
“Mahal na Hari, pinagtaksilan tayo ng mga Ur!” pag-uulat ni Adelyon.
“ANO? ANONG SINASABI MO?” Napatayo sa kanyang kinauupuan ang Hari dahil sa pagkabiglang nararamdaman.
“Kami po ay nasa kalagitnaan ng isang mainit na pakikipagtunggali sa mga Sanyas nang biglang dumating sa aming gawing likuran si Haring Vartos kasama ang kanyang hukbo ng mga mangangaso, na lubos kong ikinagalak dahil malapit na kaming magapi ng mga Sanyar, ngunit laking gulat ko ng pagpapaslangin ng mga Ur ang ating mga kawal, ako lamang ang natira sa dalawang pulutong na umalis kaninang umaga upang makidigma. Lahat sila ay pinaslang nang mga dumating na mangangaso, tumakas lamang ako upang makapag-ulat sa inyo!”
“MGA TAKSIL!” muli pang sigaw ni Artemiar dahil sa labis na pagkasuklam sa Hari ng Uryon.