IKAPITONG KABANATA-- DIGMAAN

2629 Words
SA kanilang paglalakbay upang magbalik sa Sanyar ay mayroon silang namataan na isang grupo ng mga Parsiyan na nag-uusap sa tabi ng daan, bagama’t hindi ugali ni Jibreel ang makinig sa usapan ng iba ay hindi niya napigilan sina Renzir at Astora na pakinggan ang pag-uusap ng mga ito. “Narinig ko sa aking kaibigan na isang Alkasir na malapit na ang pagtatapos ng pagsasanay ng kanilang hukbo upang makidigma sa mga Sanyas!” paglalahad ng isa sa mga Parsiyan. “Kung ganoon ay tama nga ang aking hinala na isusunod ng Alkasia na pabagsakin ang Sanyar matapos nilang pabagsakin ang ating Kaharian. Nararapat lamang na tayo ay mag handa sa parating na digmaan,” dagdag pa ng isa sa mga ito. “Tama ka! Nararapat lamang na tayo ay maghanda na upang hindi na tayo muli pang mapinsala ng digmaan na parating.” “Nabalitaan ko rin na sumumpa nang katapatan ang Uryon sa Alkasia. Pagkakaisahan nilang pabagsakin ang Sanyar.” “Kaawa-awang mga Sanyas, kanila ring daranasin ang ating mapapait na karanasan sa ilalim ng pamumuno ng Alkasia kung sakaling sila ay mabigong protektahan ang kanilang kaharian.” Matapos ang pag-uusap na ito ng mga Parsiyan ay agad din namang umalis ang mga ito upang magtungo sa kani-kanilang mga tahanan. Naiwan naman ang grupo nila Astora sa kanilang pinagkukublihan ng ilan pang mga sandali bago tuluyang lumisan at bumalik sa kanilang Hari upang i-ulat ang kanilang mga napag-alaman. SA KAHARIAN NG ALKASIA Kasalukuyang nasa isang pagpupulong si Artemiar kasama ang kanyang mga Heneral at isang di pa nakikilalang nilalang na nababalot ng kasuotang itim na tela na mayroong pambalot sa kanyang ulo upang itago ang kanyang mukha, kaugnay sa papalapit na digmaan. “Kamahalan, Iminumungkahi ko na lusubin na natin sa lalong madaling panahon ang Sanyar upang hindi na sila pa makapaghanda,” mungkahi ng isa sa mga Heneral “Hindi natin sila dapat na lusubin kaagad dahil hindi natin alam kung ano ang mga pagbabagong naganap sa hanay ng mga Sanyas na maaari nating ikatalo, iminumungkahi ko na magpadala ng espiya sa Sanyar upang tiktikan ang galaw ng mga Sanyas sa loob ng ilang araw upang ating malaman ang ating magiging hakbang upang sila ay gapiin,” pagkontra naman ni Adelyon na siyang Gurdashi ng Alkasia. “Ngunit Gurdashi Adelyon, papaano naman natin ito gagawin? Sa huling ulat ng ating mga kawal ay mahigpit ang pagbabantay na ipinatutupad ng Sanyar sa kanilang mga teritoryo lalo na sa kanilang Palasyo kung kaya’t tayo ay lubhang mahihirapan sa inyong iminumungkahi,” “Ayon sa aking espiya, nagpapalit ng bantay kawal sa tarangkahan sa tuwing sasapit ang dilim, sa pagkakataong iyon ay lumuluwag ang pagbabantay sa tarangkahan at maaari na itong pasukin ng ating espiya,” “Kung gayon, Gurdashi, isakatuparan na natin ang iyong balak sa lalong madaling panahon,” “Nasa ating Hari ang huling pagpapasya at wala sa akin,” Tumingin ang lahat kay Artemiar na nasa malalim na pag-iisip, matapos ang ilang sandali ito ay nagwika na at nagbigay ng kautusan. “Magpadala ng espiya sa Sanyar upang alamin ang kanilang mga ginagawang paghahanda, matapos ang isang araw ay nais kong malaman ang resulta ng pagtitiktik. Sa oras na magbalik ng espiya ay agaran tayong lulusob sa Sanyar upang sila ay gapiin.” “MASUSUNOD KAMAHALAN!” sagot ng lahat nasa silid. Sa pagbabalik naman ng grupo nila Jibreel sa Palasyo ng Sanyar ay agad silang sinalubong ng mga kawal na nagbabantay sa bulwagan ng Palasyo. Iniutos naman ni Astora sa isa sa mga ito na maghanda ng isang pang silid, tabi ng sa kanya para sa batang Parsiyan na si Mira na labis namang ikinatuwa ng paslit at ipinahatid ang si Mira sa kanyang silid. Matapos nito ay agad na nagtungo sina Astora, Jibreel, at Renzir sa trono ng Sanyar upang magbigay ulat kay Haring Kimor. “Maligayang pagbabalik sa inyo! Kayo ba ay nakapagpahinga na? kumusta ang inyong isinagawang pagmamatyag sa Parsis?” tanong ni Kimor. “Mayroon kaming mahalagang bagay na kailagang i-ulat sayo, Kimor,” sagot ni Astora. “Ano naman ito Mahal na Gabay at tila seryosong-seryoso ka?” “Kinakailangan mo ng ihanda ang iyong hukbo para sa nalalapit na digmaan,” “Nakahanda na ang ating hukbo, Mahal na Gabay.” “Mainam, Siya nga pala, Pinagtaksilan ka na ng Uryon. Sila ay kapanalig na ng Alkasia.” Labis na nabigla ang Hari sa impormasyong ito ni Astora. Nalulungkot siyang isipin na maging ang Uryon ay kanya na ring kaaway ngayon. Agad naman itong napansin ni Astora. “Kung nais mong protektahan ang iyong mga nasasakupan ay huwag kang magdadalawang isip na labanan ang mga pwersang nagtatangkang sakupin ang iyong Kaharian, Kimor.” “Hindi ko lamang lubos maisip na ako ay pagtataksilan ni Vartos, hindi ko din batid kung bakit niya ito nagawa.” “May mga nilalang na kaya kang pagtaksilan kapalit ng mga bagay na kanilang ninanais, kahit pa ang mga nilalang na ito ay matagal mo ng nakakasama. Hindi ka dapat magpaapekto sa mga ito dahil sa iyo nakasalalay ang kaligtasan ng buong Sanyar at mga mamamayan nito.” “Tama ka sa lahat ng iyong tinuran, Mahal na Gabay. Maraming Salamat sa iyong matalinong payo.” “Kung ako ay iyong naunawaan ay mabuti. Magpapaalam na ako upang magpahinga.” Matapos mag-ulat nina Astora, Jibreel at Renzir ay agad na inihanda ni Renzir ang hukbo ng Sanyar, ininspeksyon niya ang mga gamit pandigma na nakaimbak sa isang malawak na silid, matapos nito ay kanyang ipinamahagi ang mga sandatang ito sa lahat ng mga kawal ng Sanyar. Dumating naman sa Sanyar ang espiya ng Alkasia na ipinadala ni Artemiar upang magtiktik sa mga aktibidad ng mga Sanyas. Nang kanyang makumpirma ang mga kaganapan sa Palasyo ay agad din siyang naglakbay pabalik ng Alkasia upang mag-ulat sa kanyang pinuno. “Kamahalan!” humahangos na pagtawag ni Adelyon sa atensyon ng kanyang Hari, nang siya ay pagtuunan nito ng pansin ay agad niyang inilahad ang ini-ulat ng kanyang espiya. “Nagbalik na ang ating ipinadalang espiya, ayon sa kanya ay naghahanda na ang Sanyar para sa digmaan kung kaya’t hindi natin maisasakatuparan ang ating planong pag-atake sa kanila sa lalong madaling panahon,” “Inaasahan ko na ang balitang iyan, ngunit hindi pa rin magbabago ang aking pasya patungkol sa ating pag-atake sa kanila. Ipagbigay alam mo sa ating hukbo na tayo ay sasalakay sa Sanyar sa pagbilog ng buwan na magaganap matapos ang tatlong araw. Ihanda ang hukbo para sa pagsalakay!” “Kung yan ang iyong nais kamahalan, Masusunod! URYON “Nagtalaga na ng araw ng pagsalakay ang Alkasia laban sa Sanyar, Kamahalan. Nais malaman ng ating mga kawal at nasasakupan kung tayo ba ay magpapadala pa ng dagdag na hukbo sa Alkasia sa araw ng digmaan” pagbabalita ni Urbed kay Vartos. “Ano ang saloobin ng mga Ur sa pasya na aking ginawa kamakailan, Urbed?” “Sila po ay lubos na nahahabag sa maaaring sapitin ng mga Sanyas kung sila ay matalo sa digmaan. Sila din po ay nababahala sapagkat hindi sila nagtitiwala sa mga pangako ng Hari ng Alkasia,” “Ano naman ang iyong saloobin, Punong-Heneral?” “Kaisa ako ng ating mga mamamayan, Kamahalan. Hindi ako lubos na nagtitiwala sa mga Alkasir dahil sa kanilang masamang hangarin sa Babylon, ngunit ako ay isang hamak lamang na kawal ng ating Kaharian, kayo pa rin ang masusunod at magpapasya hinggil sa digmaang magaganap,” Malalim na nag-isip si Haring Vartos patungkol sa mga saloobin ng kanyang nasasakupan. Maya-maya pa ay nabigay siya ng kautusan kay Urbed. “Magpadala ka ng limang-libong dagdag na kawal sa Alkasia bukas, pumili ka ng heneral na maaasahan at mapagkakatiwalaan, matapos mong pumili ay agad mong ipadala sa aking harapan ang heneral na iyong mapipili” utos ni Vartos na ikinalungkot naman ni Urbed. “Bakit, Kamahalan?” “May nais lamang akong ipag-utos sa kanya. Pagkatapos ng lahat ay maghanda ka na para sa digmaan sapagkat tayo ay makikilahok sa mga magaganap,” “Masusunod, Kamahalan!” malungkot na tugon ni Urbed na agad namang napansin ni Vartos ngunit kanya na lamang ipinagsawalang bahala. SA PALASYO NG SANYAR Nasa kanyang trono si Kimor nang lumapit sa kanya si Renzir. “Masamang balita, Mahal na Hari!” babala ni Renzir. “Magwika ka,” “Nagbalik na ang espiyang aking ipinadala sa Alkasia upang makibalita sa mga kaganapan doon, kanyang napag-alaman na aatake ang Alkasia sa ating Kaharian bukas sa muling pagbilog ng buwan," Nabahala si Kimor sa masamang ulat ni Renzir at agad na nagbigay ng utos. “Ihanda mo ang ating hukbo. Dumating na ang araw na aking kinatatakutan,” malungkot na utos ni Kimor. Nagbigay galang muna si Renzir bago tuluyang lumisan. Ipinatawag naman ni Kimor sina Astora at Jibreel sa isang taga-pagsilbi na nasa kanyang tabi. Agad namang sumunod ang taga-silbi at nagtungo sa silid nina Astora at ng Prinsipe. Ilang minuto lamang ang lumipas ay nasa harapan na ni Haring Kimor ang mga Babylonian na kanyang nais makausap. “Ano at ako ay iyong ipinatawag, Kimor?” tanong ni Astora na sinegundahan naman ni Jibreel na nasa kanyang tabi. “Bukas na lulusob sa Sanyar ang mga Alkasir, Mahal na Gabay.” “Kung ganoon ay nararapat na tayong maghanda, Ama!” “Na siya nang ginagawa ni Renzir ngayon, Jibreel. Tulungan mo siya sa paghahanda sa ating mga kawal, anak. Masakit man sa akin ang mangyayaring digmaan ay hindi tayo dapat na magapi ng mga kaaway sapagkat tayo lamang ang inaasahang depensa ng ating mga mamamayan at ng buong Babylon” “Masusunod, Mahal kong Ama!” pagtugon ni Jibreel sa kanyang ama. Nagbigay galang muna ito bago tuluyang lumisan. “Maghahanda muna ako, Kimor” paalam din ni Astora. “Mahahabaging mga Bathala, kami ay inyong patnubayan at huwag pababayaan” piping dasal naman ni Kimor bago tuluyang umalis sa trono at magtungo sa kanyang silid upang maghanda. Sina Jibreel at Renzir ay kasalukuyang nagbibigay ng kautusan sa mga kawal ng Sanyar na siyasating mabuti ang kanilang mga sandata bago magtungo sa tabing ilog na siyang tanging daraanan ng mga Alkasir sa kanilang pag-atake sa Sanyar upang matiyak nila ang kanilang sariling kaligtasan. Samantala, si Haring Kimor naman ay kasalukuyang inilalabas sa isang lumang kahon ang baluti ng kanyang ama na si Haring Yusuf na ginamit nito noong ito ay lumahok sa sinaunang digmaan. Ang baluti na sumasakop sa ulo, katawan braso at binti ay kulay ginto bilang tanda ng mataas na katayuan sa hukbo ng nagsusuot nito, ito ay mayroong tatak ng isang Babylonian na may pakpak at may hawak na halaman na siyang sagisag ng Sanyar. Inilabas din ni Kimor ang sandatang ginamit ng kanyang ama na haggang sa mga panahong iyon ay kasing talim pa din tulad noong ito ay unang pandayin ng pinakamagaling na panday sa Alkasia, noong ang bawat Kaharian ay nagkakaisa at payapa pa. Lumuhod ang Hari upang humingi ng patnubay at awa sa mga Bathalang minsan ng tumulong sa kanila. Nanalangin siya na nawa’y ibalik ng ligtas ng mga Bathala ang kanyang mga magigiting na kawal upang sila ay muling makapiling ng kanilang mga pamilya. Dumating na ang araw na pinakahihintay ni Haring Artemiar. Ang araw kung saan niya binabalak na lupigin ang hukbong ihaharap ng Kaharian ng Sanyar sa kanya. Suot ang gintong baluting pandigma na mayroong sagisag ng araw at espadang minana pa niya sa kanyang Inang Reyna Emilia ay nagmartsa si Artemiar kasama ang kanyang buong hukbo sakay ng kanyang kabayo. Sa kanyang gilid sa may gawing kaliwa ay ang kanyang Gurdashi na si Adelyon suot din ang kanyang pandigmang baluti, sa gawing kanan naman ni Artemiar ay naroon si Prinsipe Joco na makikita sa mukha ang pagkasabik na digmain ang mga Sanyas at sakupin ang buong Babylon. Sa tabi naman ng Prinsipe ay ang nilalang na nababalutan ng kasuotang itim na mayroong takip sa kanyang mukha at may dalang isang maliit na sandata. Sa kanilang likuran naman ay ang mga magigiting na kawal ng Alkasia at mga ipinadalang kawal ng Uryon na handang i-alay ang kanilang mga buhay makamit lamang ng kanilang Hari ang inaasam na tagumpay. Nang sila ay makarating sa daan patungo sa Sanyar na mayroong katabing isang malawak na ilog ay kanilang nadatnan ang mga Sanyas. Nakahanay ang mga kawal ng hukbo base sa kanilang gamit na sandata, mga gumagamit ng sibat sa unang linya, gumagamit ng espada naman sa ikalawa at mga bihasa naman sa palaso ang nasa pinakalikuran. Ang mga ito ay pinamumunuan ni Haring Kimor na nakasuot din ng kanyang ginintuang pandigmang baluti na may sagisag ng Sanyar, bitbit ang kanyang espada. Sa gawing kaliwa nito ay ang Gurdashi nito na si Renzir na tulad ni Adelyon ay bihasa rin sa pakikidigma at tapat sa layunin ng kanyang Hari. Sa gawing kaliwa naman naroon ang Prinsipe ng mga Sanyas na si Jibreel suot ang kanyang kulay asul na pandigmang baluti at sa tabi nito ay isang binibini na hindi pa nakikilala ni Artemiar. Nagtagpo ang dalawang Hari at kanilang mga Punong heneral sa gitna ng pook digmaan upang mag-usap ng panandalian. “Tama nga ang aking nabalitaan na kapanalig mo na ang Uryon ngayon. Umatras na kayo at wag ng tangkain pang sakupin ang Sanyar, Artemiar. Hindi kinakailangang dumanak ang dugo sa lugar na ito,” pahayag ni Haring Kimor. “Binigyan kita ng pagkakataon upang magdesisyon sa kahahantungan ng lahat ng bagay noong tayo ay nagsagawa ng diplomatikong pag-uusap ngunit hindi mo ginawa ang aking kagustuhan, Kimor. Alam mong hindi ako mapipigilan ng sino man sa aking mga nais. Dadanak ang dugo ng maraming Sanyas sa lugar na ito at pagkatapos ay babagsak ang Sanyar sa aking pamumuno. Bibigyan kita ng isa pang pagkakataon dahil tayo ay naging magkaibigan din naman noon. Isuko mo ang iyong Kaharian at nangangako akong kayo ng iyong anak ay mabubuhay pa ng mas matagal sa Babylon,” sagot ni Haring Artemiar. “Inuulit ko, Artemiar, hindi kami papasakop kanino man, lalo na sa isang malupit na Hari gaya mo. Ibibigay ko sayo ngayon ang digmaang ninanais mo,” “Mainam kung ganoon! Tandaan mo ito, Kimor. Ang bawat dugo ng mga Sanyas na dadanak sa lugar na ito ay dapat isisi sa katigasan ng iyong ulo. Lahat ng buhay na mawawala sa araw na ito ay bunga ng iyong pagmamatigas na pasakop sa akin. Uubusin ko ang bawat isang Sanyas sa iyong hukbo at iyong mga kapanalig,” Matapos nito ay bumalik na ang mga Pinuno sa kani-kanilang mga hukbo upang ibigay ang hudyat ng digmaan. Bago pa magsimula ang digmaan ay nagbitiw ng mga salita si Haring Kimor sa kanyang hukbo. “MGA MAGIGITING NA KAWAL NG SANYAR! AKO, ANG INYONG HARI AY LUBUSANG NAGPAPASALAMAT SA INYONG MGA SAKRIPISYO PARA SA ATING KAHARIAN. TAYO NGAYON AY NASA GITNA NG ISANG DIGMAAN AT WALANG KASIGURUHAN NA ATIN ITONG PAGWAWAGIAN, NGUNIT UPANG PANGALAGAAN ANG ATING MGA MAMAMAYAN NA HINDI KAYANG LUMABAN PARA SA KANILANG KALAYAAN, TAYO AY TITINDIG LABAN SA KASAMAAN AT I--AALAY MAGING ANG ATING SARILING MGA BUHAY HINDI LAMANG PARA SA SANYAR KUNG HINDI PATI NA SA BUONG BABYLON!” Maririnig ang malakas na sigaw ng mga Sanyas. Sigaw na kanilang ini-aalay para sa Kalayaan ng Babylon. Naghanda na ang bawat isa para sa kanilang laban na haharapin. Itinaas ni Haring Kimor ang kanyang sandata upang maging hudyat para sa parating na labanan. Ginawa din ito nina Renzir at Jibreel. Hinugot naman ni Astora ang kanyang ginintuang sandata sa kanyang gilid, namangha ang lahat ng magliwanag ang sandata ng Punong-Gabay at lumaki hanggang sa ito ay maging kasukat ng katawang ng isang Babylonian na lalong nagpalakas sa loob ng mga Sanyas at naging sanhi ng mas malakas pang hiyawan. Nakita naman ni Artemiar ang liwanag na nagmula sa sandata ng Binibining nasa tabi ng Prinsipe ng mga Sanyas at napagtanto niyang ito ay kabilang sa mga Sinaunang Gabay ng Babylon. Subalit, sa halip na mabahala ay ngumiti pa ang Hari na tila hindi man lamang nakadama ng kahit kaunting takot dahil sa nalaman. Gaya ng ginawa ni Kimor ay itinaas din nina Artemiar, Adelyon at Joco ang kanilang mga sandata bilang hudyat nang pagsisimula ng digmaan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD