IKAANIM NA KABANATA-- MIRA

2544 Words
SI ASTORA ay nasa kanyang silid ilang araw buhat ng siya ay magbalik sa Palasyo ng Sanyar. Nasa balkonahe siya ng kanyang silid habang nakamasid sa mga bituin na nangniningning sa kalangitan at sa buwan na siyang nagbibigay liwanag sa kadiliman ng gabi. Inaalala niya ang mga kaganapan noong siya at ang anim na iba pa ay likhain ng Apat na Bathala mula sa alabok ng mga bituin sa kalawakan upang maging mga Gabay sa Babylon. “Labis na nabahala ang mga Bathalang sina Zephir, Raftel, Jafar at Saphira sa pagdating ng kanilang mga katunggali sa mundong kanilang nilikha. Kasalukuyang pumapaslang ang mga ito ng mga Babylonian at naghahasik ng kasamaan sa Babylon. Kaya naman nang Makita ni Saphira sa kanyang bukal ng buhay ang mga Matataas na Hari at Reyna na nagpupulong upang labanan ang mga demonyong dayuhan ay nakaisip siya nang paraan upang matugunan ang panalangin ng kanilang mga minamahal na nilikha. Agad siyang nagtungo kina Raftel, Jafar at Zephir na kasalukuyang nakaupo sa kanilang mga gintong trono habang pinanonood ang mga kaganapan sa Babylon, upang imungkahi ang kanyang naiisip. Matapos marinig ang mungkahi ni Saphira ay kaagad na kumuha ng Pitong bituin si Zephir sa kalawakan at hinulma alinsunod sa wangis ng mga Babylonian. Binasbasan nila ang mga ito na maging mga nilalang na bihasa sa pakikipaglaban na may taglay na 'di pangkaraniwang lakas at kapangyarihan. Si Jafar naman ang lumikha sa mga sandata ng mga mandirigma na walang kasing tibay at hindi masisira ng kahit na sino man. Ang Bathalang si Raftel naman ang nagbigay ng magkakaibang kapangyarihan sa mga sandata na ka-isa ng mga mandirigma upang pangalagaan at gabayan ang Babylon. Matapos nito ay tinawag ni Saphira na ‘Astora’ ang isa sa mga nilikhang mandirigma na ang ibig sabihin ay ‘Bituin’, na kanya ring ginawaran ng dagdag pang kapangyarihan, talino at mabuting puso at itinalagang Pinuno ng hukbo. Matapos bigyan ng kanya-kanyang baluti ang Pitong mandirigma ay kanila itong inatasan na lupigin ang mga demonyong dayuhan sa oras na sila ay dalhin ng mga Bathala sa lupain ng Babylon. Matapos ang walong araw ay ipinadala na ng mga Bathala ang kanilang hukbo sa Babylon upang magpaabot ng tulong sa mga Babylonian na haharap sa madugong digmaan, na siya namang lubos na ikinatuwa ng Matataas na Hari at Reyna nito. Matapos ang Sinaunang Digmaan ay nagpaalam na sa mga Hari at Reyna ang mga Gabay sa Babylon upang mamuhay ng hindi nakikilala ninoman sa kabila ng pagtutol ng mga Hari at Reyna nito. Nagbigay ng kautusan si Astora sa iba pang mga Gabay na maghiwa-hiwalay at bantayan ang buong lupain ng Babylon alinsunod sa utos ng kanilang mga Bathala, na kaagad namang sinunod ng anim pang mga Gabay. Ang anim ay hindi na muli pang Nakita ni Astora buhat sa kanilang paghihiwalay. Ilang daan taon pang namuno sa Babylon ang Matataas na Hari at Reyna bago isa-isang pumanaw dahil na rin sa kanilang labis na katandaan. Naunang namaalam si Haring Franduk ng Uryon na sinundan naman nina Reyna Emilia ng Alkasia at Reyna Carolina ng Parsis. Sa mga huling sandali ng buhay ni Haring Yusuf ay nagbalik si Astora sa Sanyar dahil na din sa kahilingan ng Hari. Muling sinariwa ni Yusuf sa kanyang alaala ang mga naganap sa Sinaunang Digmaan at ang pagdating ng Ginuntuang hukbo ni Astora. Hiniling niya kay Astora na sa sandaling siya ay mamamaalam na sa Babylon ay patuloy na pangalagaan ng mga Gabay ang Babylon sa mga may masamang balak dito na sinang-ayunan naman ni Astora. Ipinagbigay alam din ni Yusuf na ang kanyang anak na si Kimor ang hahalili sa kanya sa sandaling ito ay nasa hustong gulang na, hiniling din ni Yusuf na protektahan ni Astora si Kimor sa mga Babylonian na magtatangkang saktan ito upang maagaw ang pamumuno sa Sanyar na siya namang muling sinang ayunan ni Astora. Matapos ang pamamaalam ni Haring Yusuf sa Babylon ay pansamantalang namuno sa Sanyar ang kanyang kapatid na si Rexar. Si Astora naman ay nanirahan malapit sa Palasyo at namasukan bilang isang taga-silbi ng walang nakaalam ng kanyang tunay na katauhan upang tuparin ang kanyang pangako sa namayapang Hari. Matapos ang mga kaganapan sa Sanyar at masiguro na ni Astora na hindi mapapahamak ang paslit na prinsipe ay umalis na siya sa Sanyar at nag umpisang magpagala-gala sa Babylon." Natapos ang pagbabalik tanaw ni Astora ng may kumatok sa pinto ng kanyang silid “Sino ang nariyan?” tanong ni Astora. “Ako ito, Binibini. Maaari ba kitang makausap?” tanong ng nilalang sa likod ng pinto. “Sige, ilang saglit lamang,” tugon ng Punong-Gabay. Matapos mag ayos ni Astora sa kanyang silid ay binuksan na niya ang pintuan at iniluwa nito si Prinsipe Jibreel “Paumanhin sa aking pag gambala sa iyo, mahal na Punong-Gabay.” “Ano ang iyong kailangan, Ezek—Jibreel?” “Nais ko lamang makasiguro na tunay ngang ikaw ang Punong-Gabay na tumulong sa aking ‘Ado’ (Lolo) Yusuf noong Sinaunang dig—" “Ano naman ang aking mapapala kung kayo ay aking lilinlangin? Sa haba ng panahon na aking inilagi sa Babylon, kailanman ay hindi pa ako nanlilang ng kahit na sino pa man, kaya’t kung hindi ka man maniwala sa akin ay hindi kita pipilitin sapagkat ako ay may tungkulin sa Babylon at sa mga Bathala na kailangang gampanan,” Matapos sabihin ito ay muli ng isinara ni Astora ang pinto ng kanyang silid at naiwan naman sa kabilang panig si Jibreel na nabigla sa ginawa ni Astora at walang nagawang bumalik na lamang sa kanyang silid upang magpahinga. Kinabukasan, inimbitahan ni Haring Kimor ang Punong-Gabay na saluhan sila sa agahan na pinaunlakan naman ni Astora. Sa isang mahabang mesa ay nakahanda ang naparaming pagkain na tila nasa isang piging ang mga kakain. Sa dulo ng mesa ay nakaupo ang Hari, sa tabi naman nito ay si Jibreel, sa harap naman ni Jibreel ay nakaupo si Renzir na tila langong-lango pa sa alak na marahil ay ininom nito kagabi. Umupo si Astora sa kabilang dulo ng mesa, katapat niya ang Hari. “Ipagpaumanhin mo Punong-Gabay kung ngayon lamang kita naimbitahan at nasaluhan sa iyong agahan,” pagpapaumanhin ni Kimor. “Hindi mo ako kailangang alalahanin, Kimor. Hindi naman ako pumarito upang saluhan lamang kayo sa inyong pag-aagahan,” malamig na tugon ni Astora. “Tila yata dahil sa tagal ng iyong pag-iisa sa paglalakbay ay bahagya mo ng nakalimutan ang gumalang sa Hari, Punong-Gabay,” matapang na pahayag ni Jibreel na agad namang sinaway ng kanyang ama. “Patawad sa magaspang na pag-uugali ng aking anak, mahal na Gabay. Ngunit ano na ang inyong binabalak para sa parating na digmaan laban sa Alkasia?” tanong ni Kimor. “Lalahok ako sa digmaan upang pigilan ang paghahasik ng kasamaan ng Alkasia.” “Hindi ba natin hahanapin ang anim na iba pang mga Gabay upang hingian sila ng tulong?” “Hindi na kinakailangan pa Kimor. Tulad ng aking sinabi dati, ang mga Gabay ay kusang lalabas kung sa tingin nilang kinakailangan na sila ng Babylon. Kung hindi sila magpapakita hanggang dumating ang digmaan ang ibig lamang sabihin nito hindi pa sila kinakailangan ng Babylon.” “Subalit magiging matagumpay nga kaya ang digmaan kung ang Punong-Gabay lamang ang tanging Gabay na tutulong sa atin, Ama?” biglaang tanong ni Jibreel sa kanyang ama “Mukhang minamaliit ng inyong Prinsipe ang aking kapangyarihan, siguro ay mas mainam kung kayo na lamang ang humarap sa Alkasia upang panatilihin ang kapayaan?” ganting pahayag ni Astora. “Naniniwala akong sapat na ang Binibining Astora upang matalo ng Sanyar ang Alkasia at ating maibalik ang kapayapaan sa Babylon. Naniniwala din ako na walang ipinahihiwatig na masama ang Prinsipe Jibreel sa kanyang mga binitiwang mga salita,” pagsingit ni Renzir sa umiinit nang talakayan kasabay ng pagtingin niya ng masama kay Jibreel na siya namang ikinatawa ng lalaki. “ Patawarin mo ako sa aking itinuran, Binibining Astora. Hindi ko nais na masaktan ang iyong damdamin sa aking mga tanong,” sinserong paghingi ng tawad ni Jibreel na hindi naman pinansin at pinakinggan ni Astora. “Ilan ang bilang ng buong hukbo ng Sanyar, Gurdashi?” tanong ni Astora kay Renzir. “Walumpong-libong mga kawal na bihasa sa mga sibat at espada, dalawampung-libong mga mandirigma na sanay gumamit ng palaso at sampung-libong mga naka-kabayong kawal, mahal na Gabay,” tugon ni Renzir. “Mainam, ngayon ay atin na lamang hihintayin ang araw ng digmaan. Ako ay pansamantalang lilisan sa palasyo upang mag obserba sa paligid at sa pag galaw ng Alkasia.” “Kung gayon ay hinihiling kong isama mo ang aking anak at si Renzir na samahan ka sa iyong ninanais gawin, Punong-Gabay,” pakiusap ng Hari. “Kung ‘yan ang iyong nais, Haring Kimor,” pagpayag naman ni Astora. Kinahapunan ng araw ding iyon ay nagtungo sila Astora, Renzir at Jibreel sa Kaharian ng Parsis upang mag obserba sa mga kaaway na ng mga panahong iyon ay siyang namumuno sa naiwang kaharian ni Haring Parris. Kapwa nakasuot ng mga pangkaraniwang kasuotan sina Astora upang hindi maging kapansin-pansin sa pugad ng kaaway na kanilang papasukin. Matapos makapasok sa teritoryong sakop ng Parsis ay may nakita sila na isang nasusunog na tahanan, sa labas nito ay ang mga katawan ng mga Parsiyan na sa tingin nila ay ang mga nakatira sa tahanang iyon. Maya-maya pa ay mayroong isang batang Parisyan ang lumapit sa kanila upang humingi ng tulong. Umiiyak ang bata ng sila ay lapitan. “Maawa na po kayo, tulungan po ninyo ako mga Ginoo at Binibini,” pagsusumamo ng paslit. “Ano ang iyong pangalan? At ano ang nangyari sa iyo munting parisyan?” tanong ni Astora sa bata. “Ako po si Mira, nilusob po kami ng mga kawal ng Alkasia.” “Nasaan ang iyong mga magulang, bakit hindi mo sila kasama?” Nang marinig ng batang parisyan ang tanong ni Astora ay muli itong tumangis, pagtangis ng isang inosenteng nilalang na nakaranas ng karimarimarim na kaganapan. Nagpahid ito ng mga luha bago muling nagsalita. “Sila po ang aking mga magulang at ang nasusunog na kubol ay ang aming tirahan,” malungkot na pagturo ni Mira sa kanyang mga walang buhay ng magulang. Nang makita ni Jibreel at Renzir ang sitwasyong sinapit ng mga kawawang Parsiyan ay kapwa nagtagis ang kanilag mga bagang at nagdilim ang kanilang mga anyo sa labis na pagkasuklam sa mga Alkasir. “Bakit ginawa ito ng mga Alkasir sa iyong pamilya, munting Binibini?” tanong pa ni Renzir sa paslit. “Nais pong kamkamin ng mga kawal ang aming mga nalalabing pagkain, agad naman po silang sinunod ng aking ama dahil sa takot sa mga kawal. Pagkatapos nilang kainin ang aming mga pagkain ay pinipilit nila sa aming mag-anak na maging tapat sa kanilang Hari upang kami ay hindi nila paslangin. Ngunit mariing tumutol ang aking ama na siya namang ikinagalit ng mga kawal, sinabi sa kanila ng aking ama na kahit na patay na aming Hari ay hinding-hindi sila susumpa ng katapatan sa Alkasia. Pinagtulungan ng mga kawal na bugbugin ang aking ama at nang sila ay kuntento na ay kanila kaming itinali ng aking ama’t ina sa isang puno na nasa tabi ng aming tahanan. Kinuha nila mula sa pagkakagapos ang aking ina at—halinhinang nilapastangan sa aming harapan. Noong pakiwari ng aking ama na ako ay lalapastangin din ng mga kawal ay gumawa sya ng paraan upang ako ay pakawalan, nang ako ay makawala sa aking pagkakagapos ay agad akong nagkubli sa di-kalayuan. Kitang-kita ko ang galit sa mukha ng mga kawal nang mapag-alamang ako ay nakatakas, agad nilang pinaslang ang aking ama’t ina at sinunog ang aming tahanan,” malungkot ngunit matapang na paglalahad ng batang Parsiyan. “Patawad sa aming huling pagdating, Mira. Ngunit ako ay lubos na humahanga sa iyong katapangang ipinamalas sa kabila ng trahedyang iyong nasaksihan,” saad ni Renzir. “Mayroon ka pa bang ibang kaanak na mapupuntahan, Mira?” tanong naman ni Jibreel. Umiling lamang si Mira bilang tugon. “Nais mo bang tumira sa aming Palasyo sa Kaharian ng Sanyar?” dagdag pa ni Renzir na labis na ikinatuwa ng paslit at ikinagulat naman nina Astora. “Opo. Nais ko pong sumama sa Kaharian ng Sanyar, Ginoo!” maligayang tugon ni Mira. “Mira, siya ang Prinsipe ng aming Kaharian, si Prinsipe Jibreel.” pormal na pagpapakilala ni Renzir kay Jibreel. Namilog naman ang mata ng bata sa labis na paghanga sa prinsipe. Isinama nina Astora sa kanilang paglalakbay patungo sa Sentro ng Parsis ang batang Parsiyan upang kanila na ring maging gabay patungo dito at hindi maging kahina-hinala sa paningin ng mga kawal ng Alkasia. Hindi naman naging suliranin si Mira sa mga nagmagandang loob na tumulong at nagsama sa kanya sa kanilang paglalakbay, ito ay ikinatutuwa naman ng tatlo. Nang sila ay makarating na sa Sentro ng Parsis ay nalungkot sila sa kanilang nasaksihan, ang dating Sentro ng Kaharian na puno ng mga maliligayang Babylonian at maaaring pagbilhan ng maraming bagay ay ibang-iba na ang itsura ngayon. Ang Sentro ng Parsis ngayon ay tila naging isang pook ng digmaan dahil sa dami ng mga nasirang tahanan, mga naghihirap at inaabusong mamamayan. Marami sa mga kabataan dito ay mga payat at tila hindi pa nakakain sa loob ng ilang araw tulad ni Mira. Sa kanilang pag-iikot sa Sentro ay mayroon silang narinig na mga tumatawang tinig sa di-kalayuan, nilapitan nila ito upang malaman kung ano ang dahilan ng kaguluhan. Nakita nila ang isang matandang Parsiyan na pilit pinabubuhat ng mga mabibigat na kagamitan ng ilang mga kawal na pinagmumulan ng kanilang narinig na tawanan. Hindi ito natiis ni Astora kaya agad siyang lumapit sa matanda upang ito ay tulungan na ginawa din nina Jibreel, Renzir at Mira. Sa ginawa nilang ito ay tila napikon ang mga kawal at sila ay agad na kinompronta. “HOY! SINO ANG NAGBIGAY SA INYO NG KARAPATAN UPANG TULUNGAN ANG MATANDANG PARISYAN NA YAN?” bulyaw ng isa sa mga kawal. “Karapatan? Ang lakas naman ng loob mong tanungin ako gamit ang mga katagang yan? Hindi ba’t kayo ang walang Karapatan na gawin ito sa isang nilalang na likas na mas mahina sa inyo?” tugon ni Astora. “Aba’t! Napakalakas naman ng loob mo na sumagot ng pabalang sa mga kawal ng Alk—” Hindi na natapos pa ng kawal ang kanyang sasabihin ng bigla siyang saksakin ni Astora sa kanyang leeg. Agad na bumagsak ang katawan ng walang buhay na kawal, sa ginawang ito ni Astora ay agad na naghanda sa paglaban sina Jibreel at Renzir na inutusan pa si Mira na magtago muna. Lumusob ang iba pang mga galit na kawal kina Astora, naghahanda namang umatake sina Renzir ng utusan sila ni Astora na huwag makikialam. Kasabay ng pagsugod ni Astora sa mga kalaban ay siya namang pagbagsak ng mga ito paisa-isa, na labis na hinangaan ni Renzir, Mira at Jibreel na tahimik na nagmamasid lamang sa isang tabi. Matapos ang naganap na labanan ay bumalik na si Astora kina Jibreel na tulala pa din at gulat na gulat sa ipinamalas na galing ni Astora. “Ipaalala mong hindi kita dapat na galitin, Binibining Astora,” biro ni Jibreel “Na siyang nagawa mo na bago pa tayo maglakbay, Jibreel,” biro rin ni Renzir kay Jibreel na ikinangiti lamang ni Astora at Mira. “Tigilan na ninyo ang inyong mga kalokohan, umalis na tayo bago pa tayo maabutan ng iba pang mga kawal,” pahayag ni Astora. “Saan pa tayo muling tutungo, Binibini?” tanong ni Jibreel. “Pabalik ng Sanyar.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD