SAMANTALA, patuloy sa paglalakbay si Astora sa Hilaga ng Sanyar upang maghanap ng payapang lugar na kanyang maaaring gawing tahanan nang maulinigan niya ang isang kaguluhan sa kagubatang kanyang tinatahak.
Pinipilit ng mga Alkasir ang isang pulutong ng mga Babylonian na magbigay ng kanilang katapatan sa Hari ng Alkasia.
“Kung kayo ay hindi susumpa ng katapatan sa aming Hari, kayo ay ituturing na kalaban ng Alkasia at ngayon din ay papaslangin ng walang paghahatol galing sa konseho ng aming Kaharian!” pananakot ng punong kawal sa mga Babylonian.
“Hindi ninyo ito maaaring gawin sa amin! Kami ay sakop ng Kaharian ng Sanyar! Ang aming katapatan ay para lamang sa mapag arugang mga Sanyas at hindi sa mga mapanakit at sakim na mga Alkasir,” sagot naman ng isa sa mga Babylonian.
“Matapang ka para sa isang mababang uri ng nilalang! Hayaan mo at akin nang wawakasan ang iyong walang silbing buhay!”
Nang akmang papaslangin na ng Alkasir ang matapang na Babylonian ay lumabas na sa kanyang pinagkukublihan si Astora upang pigilan ang mga magaganap.
“TIGIL!” sigaw ni Astora na dahilan naman upang mapatingin sa kanya ang lahat ng naroroon.
“At sino ka naman Babylonian? Ano ang iyong karapatan upang ako ay pigilin sa aking mga ninanais na gawin?” tanong ng punong-kawal.
“Isa lamang bang walang kalaban-labang Babylonian ang kaya ninyong takutin at saktan mga Alkasir? Tila yata hindi kayo tinuruan ng inyong sakim na Hari ng tamang asal!” panlalait pa ni Astora sa mga Alkasir na lubha nilang ikinagalit.
“LAPASTANGAN! PASLANGIN ANG BABAENG IYAN! “galit na sigaw ng Punong-kawal.
Agad na tumalima ang mga kawal sa utos ng kanilang pinuno at agad na nilusob si Astora.
Ngunit bago pa man makalapit ang isa sa kanila kay Astora ay naihagis na ni Astora ang kanyang espada patungo sa kinaroroonan nito na tumusok naman sa kaliwang dibdib ng kawal na naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay.
Sumugod pa sa kanya ang tatlo pang kawal kasama ang Pinuno ng mga ito, kinuha ni Astora ang kanyang sandata sa katawan ng napaslang na kawal, inuna niyang labanan ang dalawang kawal na papalapit sa kanyang gawing likuran, ginawaran niya ang mga ito ng tig-isang sipa tapos ay sinaksak ng espada sa kanilang mga leeg, kasabay ng pagbagsak ng mga kawal ay siya namang pagdating ng isa pang kawal kasama ng pinuno nito.
Subalit inulit lamang ni Astora ang kanyang nauna ng ginawa sa iba pang mga kawal.
Napaslang ni Astora ang lahat ng mga kawal na nagtangkang saktan siya, nagpasalamat naman ang mga Babylonian kay Astora sa ginawa niyang pagsaklolo sa kanila.
“Marami pong Salamat sa inyong pagtulong sa amin, Binibini.” pagpapasalamat ng isa sa kanila.
“Walang anuman, ako ay lubos na humanga sa lakas ng inyong loob na salungatin ang utos ng mga kawal na may hawak na sandata, maaari ko bang malaman kung bakit hindi ninyo ginawa ang kanilang nais?”
“Hindi po maaatim ng aming mga damdamin na ibigay ang aming katapatan sa lahing sumira sa aming Kaharian,”
Napagtanto ni Astora na mga Parisyan pala ang kanyang mga tinulungan.
“Simula nang mapaslang ang aming Hari at kanyang mag-anak, at bumagsak ang Parsis ay taos-puso kaming tinulungan ng mga Sanyas sa pangunguna ng kanilang Hari, kung kaya’t hindi naming maaaring ipagkaloob ang aming katapatan sa mga Alkasir dahil una na naming itong nai-alay sa Sanyar,” dagdag pa ng isa sa mga Parisyan.
“Nagagalak akong malaman na mayroon pa ding mga mabubuting Babylonian ang handang i-alay ang kanilang buhay wag lamang pasakop sa kasamaan,” saad ni Astora.
“Dahil po kami ay umaaasa pa rin na ang Babylon ay tutulungang muli ng mga Bathala gamit ang mga Gabay tulad ng kanilang pagtulong noong Sinaunang Digmaan upang mapanatili ang kapayaan at kaligtasan sa ating mundo.
Muli, Binibini, kami ay lubos na nagpapasalamat sa iyong pagtulong,” pagpapaalam ng mga Parisyan.
Naiwan naman si Astora sa gitna ng kagubatan na nakangiti na tila alam na ang kanyang gagawin. Babalik siya sa palasyo ng Sanyar.
Kinaumagahan matapos ang pagdating ni Alab at pagbabalik ni Prinsipe Jibreel sa Palasyo ay siya namang pag-alis ni Haring Kimor kasamang muli si Renzir upang magtungo sa Kaharian ng Alkasia upang magsagawa ng Diplomatikong pakikipag-usap sa Hari ng Alkasia.
SA PALASYO NG ALKASIA
“Ikinagagalak ko ang ating muling pagtatagpo, dati kong kaibigan,” bati ni Artemiar kay Kimor.
“Gayundin ako, Artemiar. Salamat sa iyong pagpayag na magkaroon ng diplomatikong pagpupulong sa pagitan ng Sanyar at Alkasia,” tugon naman ni Kimor.
“Ano ang dahilan ng diplomatikong pag-uusap na ito? Naisip na ba ninyo na hindi ninyo kayang gapiin ang Alkasia sa isang Digmaan?”
“Hindi ko ninanais makidigma laban sa Alkasia, Artemiar. Ngunit hindi ko rin maaaring isuko ang aking Kaharian at ang kalayaan ng lahat ng aking nasasakupan sa iyong mga kamay.”
“Kung gayon ay digmaan nga ang magiging sagot sa ating hindi pagkakaintindihan, Kimor. Napabagsak ko na ang Parsis at isusunod ko na ang iyong Kaharian!”
“Tama ka, napabagsak mo nga ang Parsis at napaslang ang ating kaibigan na si Parris pati na ang kanyang buong angkan na hindi mo dapat ginawa!”
“At ano ang nais mong gawin ko? Ang hayaan siyang mamuno sa Parsis upang labanan lamang ako? Hah! Isa iyang malinaw na hindi pag gamit sa aking kaisipan na kilalang henyo pagdating sa labanan!”
“Ano ba ang nangyari sa iyo, Artemiar? Hindi ka naman dating sakim at masamang nilalang, ano ang nag-udyok sayong gawin ang lahat ng mga ito? Kung nabubuhay pa sana ang iyong Inang Reyna Emilia ay hindi ito mang—”
“MAGTIGIL KA! WALA KANG KARAPATANG BANGGITIN ANG NGALAN NG AKING INA!
Ang aming Kaharian ang pinakamakapangyarihan sa lahat ngunit nilason iba pang Matataas na Hari at Reyna ang isipan ng aking Ina upang isipin na pantay-pantay lamang ang lahat ng Kaharian.”
“Na siya namang tunay,Artemiar! Ang lahat ng Kaharian ay may kanya-kanyang katangian na nagpapalago at nagpapalakas ng kanilang pundasyon upang maging isang matibay na Kaharian katulad ng ginawa ng mga Matataas na Hari at Reyna ng Babylon!
Ngunit sa iyong ginawang paglapastangan sa kanilang mga naging paghihirap at sakripisyo upang makamit ang kapayaan sa ating mundo, ay hindi na muli pang maibabalik ang kapayapaang minsan na nating tinamasa sa tulong ng mga Bathala at mga Gabay!
Hindi ganid ang dapat mong pairalin sa iyong pamumuno, Artemiar, kundi ang pagmamalasakit mo hindi lamang sa iyong mga nasasakupan kung hindi para sa lahat ng nilalang sa Babylon!”
“Kahit na ano pa ang iyong sabihin ay hindi mo na mababago pa ang aking pasya Kimor! Balita ko ay ipinahahanap mo ang mga Gabay upang patnubayan ka sa iyong binabalak na pagpapabagsak sa akin.
Subalit kahit pa magtagumpay kang hanapin sila ay hindi ninyo magagapi ang pinakamalakas na Kaharian sa Babylon.
Ngayon Kimor, ikaw ay mamimili, sasailalim ang buong Sanyar sa aking kapangyarihan o matutuloy ang ating digmaan na sisiguraduhin kong uubos sa lahi ng mga Sanyas! Alin man sa dalawa ang iyong piliin ay labis akong magagalak sa magiging resulta.”
“Katulad ng aking nauna nang pahayag, Artemiar. Hindi papasailalim sa iyong malupit na pamumuno ang aking kaharian at mga nasasakupan. Kung digmaan ang iyong hiling, ito ay aking tutuparin.”
Matapos ang diplomatikong pulong ay agad na nagbalik sa Sanyar si Haring Kimor at Renzir.
Sinalubong sila ni Jibreel at Alab upang itanong kung ano ang bunga ng kanilang pakikipag pulong sa Alkasia, pagkaupo ni Kimor sa kanyang trono ay isinalaysay na niya ang lahat ng naganap sa Alkasia.
“Tunay ‘ngang ganid ang Hari ng Alkasia, Ama! Kung kaya’t nararapat lamang na hindi sila mamuno sa buong Babylon,” galit na saad ni Jibreel.
“Ano na ang ating magiging sunod na hakbang, Ama?”
“Kinakailangan na nating makita ang mga Gabay bago pa tayo tuluyang lusubin ni Artemiar at ng kanyang buong hukbo, kailangan na rin nating palakasin ang ating hukbo upang hindi tayo magapi ng mga Alkasir,”
“Pahintulutan ninyong muli na maglakbay ako upang hanapin ang mga Gabay, Kamahalan,” singit ni Renzir.
“Sige, Humayo ka na at—”
“Hindi mo na kailangan pang lumisan ng Palasyo, Punong heneral."
Nabigla ang lahat sa tinuran ng nilalang na ngayon ay nasa kanila ng harapan.
“Binibining Astora?” gulat na tanong ng Hari.
Biglaan ang pagluhod na ginawa ni Alab na nasa tabi ng Hari nang masilayan si Astora na lalo namang ikinagulat ng lahat ng nasa bulwagan ng trono ng hari, maging ang mga kawal na nagbabantay sa paligid nito at mga taga-silbi na nasa isang gilid lamang.
“Ano ang iyong ginagawa, Alab?” naguguluhang tanong ni Kimor sa kaibigan.
“Hindi ba ninyo siya natatandaan, Kamahalan?” sagot ni Alab na nananatili pa ring nakaluhod.
“Hindi ko maunawaan ang iyong nais iparating, kaibigan,”
“Kamahalan, ang Punong-Gabay na inyong hinahanap ay nasa inyo ng harapan,”
Namilog ang mata ng lahat sa kanilang nadinig sa mga bibig ng dating tagapayo, ilang segundo muna ang lumipas bago nakabawi ang lahat sa kanilang pagkabigla.
Walang ano-ano’y lumuhod ang Hari ng Sanyar kasunod nito ay sina Jibreel at Renzir na ngayon ay nasa kanya ng tabi upang magbigay galang sa Punong-Gabay na nakatayo sa kanilang harapan dahil halos kapantay na sa mga Bathala ang pagtingin ng mga Babylonian sa mga Gabay na una nang ipinagtanggol ang Babylon sa mga demonyong dayuhan.
“Tumayo ka, mabuting Hari. Gayundin kayo mga Sanyas. Ako ay narito upang magbigay ng kasagutan sa inyong mga suliranin,” saad ni Astora.
“H-Hindi ko po inaakala na kayo ang Punong-Gabay na aking ipinapahanap, Panginoon, ” bati ng Hari kay Astora.
“Huwag mong itawag sa akin ang titulong para lamang sa mga Bathala ng Babylon. Astora o Punong-Gabay na lamang ang inyong itawag sa akin”
“Masusunod po ang inyong nais, Punong-Gabay!”
“Tama nga ang aming hinala ni Renzir sa iyong tunay na katauhan, Binibining Astora,” singit ni Jibreel na tinanguan lamang ni Astora.
“Bakit hindi mo agad isiniwalat sa amin ang iyong tunay na pagkatao, Punong-Gabay,” tanong ni Renzir.
“Kung akin bang ipinagtapat ang katotohanan ako ba ay inyong paniniwalaan, Ginoong Renzir? Pakiwari ko ay hindi sapagkat ako ay bago pa lamang sa inyong paningin.
Hindi ko rin naman binalak na bumalik dito at magpakilala sa lahat, subalit ako ay tinatawag na ng aking tungkulin upang ilayo sa kasamaan ang Babylon,”
“Kung ganoon ay tutulungan ninyo kami sa aming pakikidigma laban sa Alkasia?” Tanong ni Kimor.
“Tama ka, Kimor. Tulad ng aking ipinangako sa mga Matataas na Hari at Reyna ng Babylon at sa aking sumpa sa mga Bathala kayo ay aking muling gagabayan patungo sa kapayaan,” sagot ni Astora na labis naming ikinatuwa ng Hari ng Sanyar.
“Punong-Gabay kung inyong mamarapatin nais ko sanang malaman kung nasaan ang iba pang mga Gabay upang sila ay aking ipahanap at tipunin,” tanong muli ni Kimor.
“Ang aking mga kaibigan ay hindi ninyo basta-basta malalapitan, sila ay tatalima lamang sa akin.
Hindi rin sila magkakasama sa iisang tahanan, ang mga Gabay ay pakalat-kalat lamang sa Babylon upang magmatyag sa mga nagaganap sa lahat ng mga Kaharian.”
“Hindi ko maunawaan, kung alam na ninyo ang ginagawang kalapastanganan ng Alkasia ay bakit hindi pa din kayo kumilos upang pigilin ito?”
“Ang mga Gabay ay walang karapatan na makialam sa mga maliliit na hidwaan ng mga Babylonian, kami ay maaasahan lamang sa sandaling bigyan ng tanda ng mga Bathala upang kayo ay tulungan o 'di kaya ay kapag alam namin na ang pinagmumulang ng kaguluhan ay ang pwersa ng mga kalaban na una na naming nilabanan ilang siglo na ang nakakaraan.”
“Maaasahan ba namin ang tulong ng iba pang mga Gabay sa pakikidigma laban sa Alkasia?”
“Ang sagot sa iyong katanungan ay mga Gabay lamang ang nakakaalam, sila ay darating kung sila ay lubos na kinakailangan, ngunit sila din ay hindi tutugon kung sa tingin nila ay hindi kayo karapat-dapat na bigyan ng tulong.”
Matapos ang mahabang talakayan ay nag-alok ang Hari kay Astora ng isang silid upang kanyang matuluyan habang hindi pa nagkakaroon ng digmaan na tinanggap naman ni Astora nang siya ay lubos na makapagpahinga at makapagdasal upang humingi ng patnubay sa mga Bathala bago ang napipintong labanan.