SA PALASYO NG URYON
“Dumating na sa Kaharian ng Alkasia ang sampung pulutong ng kawal na ating ipinadala bilang tugon sa hinihingi ni Haring Artemiar kapalit ng ating kaligtasan sa ilalim ng kanilang pamamahala kung sakaling magwagi sila sa magaganap na digmaan,” balita ng Punong-Heneral ng Kaharian ng Uryon na si Urbed.
“Magaling! Ngayon, siguro naman ay hindi na maghihinala pa sa atin si Artemiar.” Maligayang tugon naman ni Vartos.
“Tuluyan na nga nating tinalikuran ang ating alyansa sa Sanyar” mahinang bulong ni Urbed.
“Hindi ko man nais na pagtaksilan si Kimor ay wala akong magagawa kung hindi ang pumanig sa Alkasia na siyang pinaka-makapangyarihang kaharian sa ngayon, ”
“May nadinig akong balita na hinahanap ni Haring Kimor ngayon ang mga Gabay upang humingi ng tulong at patnubay, Kamahalan, ”
“Inaasahan ko nang ito ang magiging hakbang ni Kimor, ang hanapin at kalapin ang mga Gabay,”
“Siyang tunay, Kamahalan? Hindi ko maunawaan, bakit pa natin kailangang pagtaksilan ang Sanyar kung maaari naman natin silang tulungan na lamang hanapin ang mga Gabay upang matalo ang Alkasia?”
“Dahil walang kasiguraduhan kung atin bang matatagpuan ang mga Gabay. Baka bago pa tuluyang mahanap ang mga sinaunang tagapagtanggol ay nauna ng bumagsak ang ating mga Kaharian”
“Ano ang binabalak ninyo, Kamahalan?”
Imbis na sagutin ang tanong ni Urbed ay nakangiting lumisan na lamang sa kanyang trono si Vartos at nagtungo sa kanyang silid.
Naglalakbay naman si Astora sa Hilagang parte ng Sanyar, upang maghanap ng payapang lugar na maaari niyang gawing tahanan.
Sa kanyang paglalakbay ay mayroon siyang natagpuan na isang libingan, Elegante ang lugar at halatang may isang mataas na panunungkulan sa kaharian ang nahihimlay dito.
Matapos mamangha sa taglay ng kagandahan ng libingan ay nagpatuloy na siya sa kanyang paglalakbay nang bigla na lamang siyang atakihin ng mga nilalang na alam niyang hindi nanggaling sa kahit na saan pa mang kaharian sa Babylon, mayroon itong matatalas na ngipin, at pulang mga mata na tila nagbabagang asupre kung siya ay tingnan.
Mabilis niyang nagapi ang mga nasabing nilalang gamit ang espadang kanyang nabili sa isang pamilihan sa Sentro, isa itong mahaba at manipis na espada na mayroong kulay itim na mga talim.
Matapos ang nangyaring maiksing labanan ay ibilik na niya ang kanyang sandata sa dapat nitong kalagyan, sa kanyang kaliwang tagiliran. Nagpatuloy na sa kanyang paglalakbay.
SA SILANGANG PARTE NG SANYAR
Kasalukuyang nagpapahinga sila Jibreel at Renzir sa ilalim ng mga puno at buwan.
“Alam mo ba ang wangis ng dating tagapayo ng aking ama, Renzir?” tanong ni Jibreel
“Patawad, Kamahalan ngunit hindi ko pa siya nasisilayan. Ako ay paslit pa lamang ng magbitiw sa kanyang tungkulin si tagapayong Alab, ito ay base lamang sa aking narinig sa aking ama na siyang Punong heneral ng Sanyar noong mga panahong iyon,” sagot naman ni Renzir
“Ganoon ba? Mukhang lubha tayong mahihirapan sa ating misyon ngayon, kaibigan. Magpahinga na tayo upang maaga tayong makalisan bukas.”
Habang namamahinga ang grupo ni Jibreel ay mayroong lumapit sa kanilang matandang Babylonian upang humingi ng tulong na siya naming ikinagulat ng lahat dahil malalim na ang gabi ay nasa labas pa ito ng kanyang tahanan.
“Tulungan ninyo ako mga Ginoo!” Takot na paghingi ng tulong ng matanda.
“Amang, ano po ang ginagawa ninyo sa labas ng inyong tahanan sa ganitong oras ng gabi?” tanong ni Renzir sa matanda.
“Maawa kayo mga Ginoo, tulungan ninyo ako! Nais akong paslangin ng mga halimaw na humahabol sa akin!”
Maya-maya pa ay lumabas mula sa kadiliman ng gabi ang mga halimaw na may wangis ng lobo ang itaas na parte at wangis oso naman ang ibabang parte ng katawan, tatlo ang mga halimaw na humahabol sa matandang lalaki.
Kahit na hindi sigurado kung papaano tatalunin nina Renzir at Jibreel ang mga halimaw ay buong tapang pa rin nilang nilusob ang mga ito, gayundin ang ginawa ng kanilang mga kasamang kawal.
Iwinasiwas ni Jibreel ang kanyang sandata sa halimaw na siya namang ikinasawi nito ng tamaan niya ang bandang leeg nito.
Bagama’t napaslang din ni Renzir ang isa pa sa tatlong halimaw ay nakatamo naman siya ng sugat sa ginawang pag atake ng halimaw, sugat na sigurado siyang magmamarka sa kanyang katawan.
Natalo na rin ng mga kawal ang natitira pang halimaw kung kaya’t lumabas na sa kanyang pinagkukublihan ang matandang Babylonian upang magpasalamat sa mga tumulong sakanya.
“Maraming Salamat sa inyong ginawang pagtulong sa isang matandang katulad ko mga Ginoo, utang ko sa inyo ang aking buhay,”
“Wala pong anuman Amang,” tugon naman ni Jibreel.
Napatingin ang matanda kay Renzir at napansing may sugat ito.
“Ipagpatawad mo Ginoo! Nasugatan ka pa dahil lamang sa pagliligtas sa akin”
“Huwag po ninyong alalahanin ito, Amang, Ayos lamang po ako.”
“Sumama kayo sa aking tahanan upang mabigyan ko ng lunas ang iyong sugat Ginooo at huwag kang tatanggi sapagkat utang ko sa inyo ang aking buhay, ito na lamang aking magagawa para mabayaran ang aking utang na loob sa inyo, ”
Upang malunasan si Renzir ay napagdesisyunan ni Jibreel na sumama sa matandang Babylonian upang malapatan ng lunas ang sugatang braso ni Renzir.
Namangha sila sa malaking tahanan ng matanda lalo na at napag alaman nila dito na mag isa lamang siyang naninirahan dito.
“Tila napakalaki po yata ng inyong tahanan para sa inyo amang,” manghang saad ni Jibreel
“Ganoon ba, iho? Hindi mo na siguro mapapansin kung malaki o maliit ang iyong tahanan kung nasanay ka na sa pagtira dito,” sagot ng matanda.
“Saan nga pala kayo patungo mga Ginoo? Tila yata nanggaling pa kayo sa isang mahabang paglalakbay, mapanganib sa kagubatan tuwing gabi kung kaya naman kayo ay aking iniimbitahan na dito na magpalipas ng gabi bilang pasasalamat sa inyong pagliligtas sa akin kanina.” pahayag ng matanda habang nilalapatan ng lunas ang mga sugat ni Renzir na nakaupo sa kanyang harapan na maaaninag pa ang butil-butil na luha sa mga mata marahil dahil sa hapding nararamdaman na tinutudyo naman ni Jibreel.
“Hinahanap po namin ang dating tagapayo ng Haring Kimor na si Alab, sa utos ng hari ay kailangan namin siyang dalhin kaagad sa palasyo,” sagot naman ni Renzir na tila nakabawi na sa hapding naranasan sa mga kamay ng matandang Babylonian.
“At ano naman ang kailangan ninyo sa dating tagapayo?” dagdag na tanong pa ng matanda.
“Ah kasi gust—"
“Hindi na po namin ito maaaring sabihin sa inyo Amang, ipagpaumanhin po ninyo,” putol ni Jibreel sa muntik nang pagsagot ni Renzir sa tanong ng matanda.
“Kung gayon ay tapos na ang inyong misyon mga Ginoo,”
Nagtataka namang nagkatinginan si Jibreel at Renzir ng marinig ang sinabi ng matanda sa kanila
“Amang, ano po ang inyong ibig sabihin?” tanong naman ni Renzir.
“Tapos na ang inyong paglalakbay sapagkat natagpuan na ninyo ang hinahanap ninyo.”
“K-kayo po ang dating tagapayong si Alab?”
“Ako nga mga Ginoo. ”
Muli pang nagkatinginan ang dalawa ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na dahil sa pagtataka ngunit dahil sa nararamdamang saya sapagkat natagpuan na nila ang kanilang hinahanap matapos ang ilang araw ng paglalakbay.
SA PALASYO NG ALKASIA
Hinarap na ni Haring Artemiar ang mga kawal ng Uryon sa tarangkahan ng Palasyo.
“Magbigay pugay kayo sa Hari ng Alkasia!” utos ni Adelyon sa mga Ur.
Lumuhod naman agad ang mga mangangaso upang magbigay pugay kay Artemiar
“Simula ngayon, kayo sasailalim sa aking mga utos! Simula din sa araw na ito ay hindi lamang si Vartos ang ituturing ninyong Hari, kundi ako rin. Lahat ng aking ipag-uutos ay inyong susundin dahil kung hindi ay agad kayong papaslangin,” saad ni Artemiar.
“Ako ba ay nauunawaan ninyo mga Ur?” tanong pa ng Hari.
“OPO, KAMAHALAN!” sabay-sabay na sagot naman ng mga kawal ng Uryon.
“Magaling! Bukas ng umaga ay mag-uumpisa na kayong magsanay kasabay ng aking mga kawal upang paghahanda sa nalalapit na digman laban sa mga Sanyas! Kung kaya’t gamitin ninyo ang araw na ito upang magpahinga at maghanda” utos pa ni Artemiar.
Pagkatapos ay pumasok na siya sa palasyo upang maupong muli sa kanyang trono.
Labis ang galak na nararamdaman ni Jibreel at Renzir ng malamang natagpuan na nila ang dating tagapayong si Alab.
Kasalukuyan pa rin nilang kausap si Alab.
“Bakit ako nais makaharap muli ng Hari? Mayroon bang suliranin si Kimor?” tanong ni Alab.
“Mayroon po siyang nais isangguni sa inyo tagapayo, marahil ay batid na ninyo ang pananakop ng Alkasia,” sagot naman ni Jibreel.
“Ipagpaumanhin mo Ginoo, sino ka nga ulit?” tanong ni Alab kay Jibreel
“Siya po ang anak ni Haring Kimor, siya si Prinsipe Jibreel,” tugon ni Renzir
Dahil sa narinig ay akmang luluhod si Alab upang magbigay pugay sa Prinsipe ngunit agad siyang pinigilan nito.
“Hindi na ‘ho ninyo kinakailangan pang gawin iyan tagapayong Alab” pigil ni Jibreel.
“Napakalaki na ng iyong ipinagbago, Kamahalan, noong ako ay magbitiw bilang tagapayo ng iyong ama ay isa ka pa lamang sanggol na nasa mga bisig ng iyong Inang Reyna, at nakikita kong lumaki kang matipunong gaya ng iyong ama at may busilak na kalooban tulad ng sa iyong ina, kung ang iyong ina lamang sana ay nasa Babylon pa tiyak akong magagalak siya sa iyong paglaki,"
“Marami pong Salamat sa iyong papuri tagapayong Alab,"
Matapos malaman ni Alab na mayroong kailangang isangguni sa kanya ang kanyang malapit na kaibigang si Kimor ay agad siyang nagpasya na sumama sa paglalakbay pabalik ng Sanyar kinabukasan sa Prinsipe at sa Punong heneral ng Hukbo.
“ALAB! KAIBIGAAN!” sigaw ni Kimor ng makita kung sino ang papalapit sa kanyang trono.
“Mahal na Hari!” pagbati naman ni Alab kasabay ng kanyang pagluhod upang magbigay pugay sa Hari at sa kanyang dating kaibigan.
“Masaya akong Makita kang muli, Alab” madamdaming saad ng Hari na lumapit pa sa dati niyang tagapayo upang gawaran ito ng mahigpit na yakap.
“Natagpuan ako ng iyong anak at nasabi niya sa akin na mayroon kayong isasangguni sa akin. Bagama’t hindi ako ang inyong tagapayo ay nais ko pa rin kayong matulungan sa inyong suliranin,"
“Tama ka. Kaibigan. Sa kasalukuyan ay aking hinahanap ang mga Gabay upang humingi ng tulong at patnubay laban sa Kaharian ng Alkasia na siyang naghahasik ng kasamaa ngayon sa buong Babylon.
Marahil ay narinig mo na ang balita na bumagsak na ang Parsis sa mga Alkasir at kanilang pinaslang si Haring Parris at kanyang buong angkan,”
“Siyang tunay! At ako ay lubos na nalulungkot sa sinapit ng mabuting Hari,"
“Kung gayon, Alab nais ko sanang muli mong iguhit ang wangis ng Pinuno ng mga Gabay na iyong nasilayan noong ikaw ay isang paslit pa lamang,”
“Na aking gagawin upang kayo ay matulungan, Kamahalan.”
Itinanong ni Jibreel sa tagapayo kung papaano niya nasilayan ang wangis ng Punong-Gabay, kung kayat hindi na nag-atubiling ilahad ni Alab kung papaano niya ito nasilayan.
“Noong matapos ang Sinaunang digmaan sa pamumuno ng mga Gabay ay nagkaroon ng munting piging ang apat na kaharian na idinaos dito sa Sanyar.
Inimbita ng mga Matataas na Hari at Reyna ang mga Gabay upang makisaya sa kanila ngunit tumanggi sila at nagpaalam na upang lumisan at humanap ng kanilang magiging tahanan.
Pilit silang binibigyan ng mga lupain ng mga Hari at Reyna ngunit patuloy ang kanilang pagtanggi sa mga alok ng mga ito, bago tuluyang lumisan ang mga Gabay ay nagtungo muna ang kanilang pinuno sa isang bukal malapit sa tarangkahan ng Palasyo upang magdasal at makipag-usap sa mga Bathala.
Ako ay naman ay naroon sa bukal upang kumuha ng maiinom na tubig ngunit ako ay natakot sa papalapit na Gabay kaya ako ay nagkubli na lamang sa isang puno malapit sa bukal, kasabay ng pagluhod ng Punong-Gabay ay siya namang pagtanggal nito ng gintong baluti mula ulo hanggang sa kanyang katawan, matapos nito ay kanya ring tinanggal ang puting tela na bumabalot sa kanyang mukha,” salaysay ni Alab
“Ano ang itsura ng Punong-Gabay?” sabik na tanong ni Renzir na sinang-ayunan naman ni Jibreel.
“Dahil hindi ako nakita ng Punong-Gabay sa aking pinagkukublihan ay nagpatuloy lamang siya sa kanyang pagdarasal, kitang-kita ko ang kanyang napaka-among mukha,
Ang kanyang kulay pulang buhok na tila isang nagbabagang apoy sa ilalim ng liwanag ng buwan,
At ang aking ikinagulat ay nang aking mapagtanto na isa palang babae ang Punong-Gabay,”
Matapos marinig ang wangis ng Punong-Gabay ay gulat na nagkatinginan sina Jibreel at Renzir.
Matapos ang ilang sandali pang pag uusap ng Hari at ni Alab ay nagtungo na si Alab sa kanyang magiging pansamantalang silid sa Palasyo.
Nasa balkonahe naman sina Jibreel at Renzir na kapwa umiinom ng alak at nakatingin sa malalawak ng kagubatan malapit sa Palasyo ng Sanyar.
“Lubha akong nagulat sa deskripsiyon kanina ni tagapayong Alab sa wangis ng Punong-Gabay,” saad ni Jibreel.
“Ganoon din ako, Jibreel,” tugon naman ni Renzir.
“Ngunit maaari nga kayang siya ang Punong-Gabay na tinutukoy ni Alab?"
“Hindi maaaring magsinungaling si Alab sa harap ng aking Amang Hari, Renzir. Kaya’t nakatitiyak akong totoo ang lahat ng kanyang tinuran, bukod pa dito’y ano naman ang kanyang mapapala kung hindi siya magsasabi ng totoo?”
“May punto ka, Kamahalan.”
“Kinakailangan natin siyang makitang muli upang malaman natin ang buong katotohanan.”
“Na siya ko namang gagawin, Kamahalan.”
“Salamat, Kaibigan.”
Nagpaalam na si Renzir upang magtungo sa kanyang silid at magpahinga.