Naisip ko na ito na ang pagkakataon para sabihin sa kanila ang mga gusto kong sabihin kaya huminga muna ako nang malalim bago nagsalita. "Ginawa ko naman po ang lahat papa para magustuhan niyo ako at ipagmalaki niyo ako. Kahit nga ginagawa niyo akong katulong ayos lang sa 'kin. Pero 'yong ipagkait niyo sa'kin ang makatapos ng pag-aaral ay hindi po ako makakapayag!"
"Ayan ba ang natutunan mo sa paaralan? Ang sumagot sa magulang mo? Hindi kami nagpakahirap ng mama mo para lumaki kang bastos at walang modo! Kung ipagpipilitan mo ang gusto mo ay lumayas ka na rito!" Galit na sabi ni papa at hinila ako sa lugar kung saan ako nakatayo.
Pagkatapos ay naramdaman ko na lang na parang nag-init at kumapal ang pisngi ko. Hindi ko alam na kaya niya pala akong sampalin. Sa ilang taon na ganito ang trato nila sa 'kin ay hindi nila ako pinagbubuhatan man lang ng kamay.
Ngayon lang...
"Pa, bakit ba ganyan na lang ang galit niyo sa 'kin? Anak niyo naman ako di ba? Pero bakit ganyan kayo sa 'kin? Hindi porke't nabuntis si ate ng kasintahan niya ay matutulad ako sa kanya. Bakit kasi ayaw niyong magtiwala na kaya ko?" Umiiyak na sabi ko kay papa.
Maging si mama ay napansin kong nagulat din sa ginawa ni papa pero agad ring nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha noong mapansin niyang hilam sa luha ang aking mukha habang malungkot na nakatingin sa kanila.
"Oo, anak ka namin! Ang dugong nananalaytay diyan sa katawan mo ay galing sa'min! Kaya wala kang karapatang usisain kami ng mga bagay na 'yan. At ang ate mo na wala ring utang na loob pagkatapos naming ibigay ang lahat at pag-aralin ay magpapabuntis lang pala sa lalaking 'yon!" Galit na sabi ni mama sa 'kin habang bakas ang disgusto sa kanyang mukha.
Nakasalampak lang ako sa sahig at tahimik na umiiyak. "Oo alam ko ma, ibinigay niyo ang lahat kay ate. Dahil siya ang mas matalino sa 'ming dalawa at nakikita niyo na may pag-asa siyang mas umunlad pa. Pero ma, hindi lang naman si ate ang anak niyo! Kaya kong tapusin ang pag-aaral ko at makakuha nang matataas na marka para sa inyo. Ginagawa ko naman po ang lahat para naman matuwa kayo sa akin at ipagmalaki niyo ako bilang anak. Kaya sana naman po maging magulang naman kayo para sa akin kahit ngayon lang, pa."
"Sana talaga lalaki na lang naging anak namin ng papa mo. Para kahit makabuntis siya ay hindi malaking problema sa'min ng mama mo dahil makakatulong pa rin siya sa'min. Kung hindi lang siguro matigas ang ulo mo at sumusunod ka lang sa gusto namin ay hindi sana tayo aabot sa ganito." Seryosong sabi ni mama bago sila tahimik na naglakad papunta sa sala na parang walang nangyari na nanuod ng palabas sa telebisyon.
Tahimik lang ako na umiiyak habang nililigpit ang kinainan namin sa lamesa.
Bahala na, mamayang gabi susubukan kong pumunta sa bahay nina lolo't lola sa Pasig. Dalawang sakay lang naman 'yon mula sa'min. Papatunayan ko sa kanila na hindi kami magkapareho ng ate ko.
MALALIM na ang gabi nang mapagdesisyonan kong isukbit ang bagpack na naglalaman ng iilang pirasong damit at mga gamit ko sa school.
Mahirap para sa akin ang umalis sa poder nina mama at papa pero kailangan niyang gawin dahil gusto kong matupad ang pangarap kong mapatunayan sa kanila na kaya kong makapagtapos ng pag-aaral.
Habang naglalakad ay naramdaman ko na lang na unti-unting pumatak ang masaganang luha sa pisngi ko.
Pakiramdam ko ay sasabog ang dibdib ko dahil sa pagpipigil ko na mapahikbi. Ayaw kong magising sina mama at papa dahil alam kong pipigilan lang nila ako sa gagawin kong pag-alis.
Nasa tapat na ako ng kuwarto nina mama at papa. Hindi ko napigilan ang sarili ko na tingnan sila sa huling sandali.
Unti-unti kong binuksan ang pinto ng kuwarto nila. Nakita kong mahimbing silang natutulog habang magkayakap.
"Paalam mama. Paalam papa. Pangako sa muling pagkikita natin ay may maipagmamalaki na ako sa inyo." Malungkot na sabi ko saka pinunasan ang mga luhang pumapatak sa mga mata at pisngi ko.
Naalala ko pa noong bata pa kami ni ate ay palagi niyayakap kami nina mama at papa kapag natutulog.
Nagkukukwentuhan. Nag-aasaran. Naglalaro. Naghaharutan.
Pero dahil sa pagkakamaling nagawa ni ate ay nagbago ang lahat.
Dahan-dahan ko ng isinara ang pinto ng kuwarto nila. Ipinagpatuloy ko na ang paglalakad pababa ng hagdan.
Tiningnan ko ang orasan kong pambisig. Nakita kong ala-una ng madaling araw na. Pagbaba ko ng hagdan ay agad kong tinanggal ang pagkaka-lock ng seradura ng pinto.
Pagkabukas ko ng pinto ay naramdaman ko agad ang hangin na dumampi sa balat ko. Mabuti na lang naka-T-shirt ako kaya hindi ako gininaw. Ni-lock ko muna ulit ang seradura ng pinto saka sinirado.
Mabigat ang mga hakbang ng paa ko habang papalabas ng gate ng bahay namin. Hindi ko napigilang ĺumingon saglit pagkatapos ay ipinagpatuloy ko ulit ang paglalakad sa kalsada.
Mabuti na lang maliwanag ang dinadaanan kong sidewalk kaya hindi ako natatakot maglakad. Panatag ako na walang masamang tao ako na makakasalubong dahil may mga romorondang mga barangay tanod.
Ilang minuto lang akong naglakad papunta sa may kanto ng sakayan ng tricycle palabas ng Crossing papuntang Santolan, Pasig.
Mabuti na lang may huminto agad na tricycle kaya nakasakay agad ako.
"Kuya papuntang Crossing po sa sakayan papuntang Pasig Palengke." Magalang na sabi ko saka sumakay na.
Parang wala ako sa sariling nakatingin lang sa paligid ng nadadaan ng tricycle.
"Ineng nandito na tayo."
Napaigtad na lang ako mula sa pagkakatulala nang marinig ko ang sinabi ni manong.
Agad kong dinukot sa bulsa ang wallet ko para kumuha ng pambayad. "Magkano po manong?" Magalang na sabi ko.
Naghintay ako ng ilang segundo bago siya sumagot.
Tiningnan muna siya nito bago nagsalita. "Dalawampung piso lang ineng."
Pagkabigay ko ng bayad ay naglakad na ako papunta sa sakayan ng jeep papuntang Pasig Palengke.
Habang nakatayo ako sa harap ng Jolibee at naghihintay ng jeep ay nalulungkot pa rin siya sa gagawin niyang pa-alis sa tahanan nila.
Naisip ko na lang na tiyak na magugulat sina lolo't lola sa gagawin kong paglalayas pero hindi na talaga ako puwedeng mag-stay sa bahay namin.