HINDI ko matapos tapos ang mga pinupunasan kong muwebles kakatingin kina Yael at Carmen. Silang dalawa ang nagpunas sa kalat na naidulot ko kay Carmen, ngunit habang nagpupunas ay nag uusap silang dalawa. Si Yael ay abala sa pag aayos ng ilang kagamitang natalsikan ng tubig na may sabon habang si Carmen nama’y panay ngiti lang at mukhang hindi matigil kakatanong.
Hindi ko naman maintindihan ang sarili kung bakit kailangan kong mag paapekto sa kanila. Hindi ganito ang gusto kong maramdaman. Kusa na lang itong pumasok sa loob ko nang wala man lang pahintulot mula sa akin.
Huminga ako nang malalim at inabala ang na lang ang sarili upang matapos na’t makapagpahinga na, at baka masagi na naman ako ng muwebles dahil sa kawalan ng atensyon ko sa kasalukuyang ginagawa.
Napuna ko ang pag siko ni Santina kay Penelope, tinuro naman ni Santina ang direksyon nina Carmen gamit ang kanyang nguso. Palihim na natawa si Penelope at hinampas pa nang pabiro si Satina.
“Bagay sila,” komento ni Penelope. Pinag ekis niya ang kanyang dalawang braso sa tapat ng kanyang dibdib at tumango. Umiling ako’t inabala muli ang aking sarili sa pagpupunas.
“Hindi naman sinabi ni Carmen na magkaka interes siya kay Yael.” Natigilan ako’t napatingin sa kawalan. Interes. Ibig sabihin ba ng salitang iyon ay nakukuha ni Yael ang atensyon ni Carmen?
Muli akong bumaling sa kanilang dalawa. Hindi nga malayong magkainteres si Carmen kay Yael. Matipunong ginoo at maganda ang pagmumukha ni Yael kahit simple lang. Natural na nakangiti ang kanyang mga mata at kahit magulo man ang ayos ng kanyang buhok, masasabi kong nababagay ito sa kurba ng kanyang mapangang mukha. Kung aayusin siya, magmimistula siyang kaparehong antas ni Oier.
“They are bagay since they are both dukha,” maarteng pahayag ni Penelope at sinundan ng malakas na tawa. Natawa naman si Satina at saka sila naglakad patungo sa kani kanilang kwarto.
Naglakad na lang ako papuntang labasan nang makita sa giliran ng aking mga mata ang pagbaling ni Yael sa aking direksyon. Nilabhan ko ang mga trapong aking ginamit nang maramdaman ang presensya ng tao sa aking likuran.
“Seleng, gusto mo ng tulong?” alok ni Yael sa akin. Tipid ko siyang ningitian at saka umiling.
“Mas kailangan ni Carmen ng tulong mo, ako’y patapos na sa aking ginagawa.” Tugon ko sa kanya.
“Tapos na ako kay Carmen,” aniya. Nahinto ako’t muling nakipagtitigan sa kanyang mukha. Hindi ko nagustuhan ang kanyang paraan ng pagkakasabi dahil para niyang tinapon si Carmen.
“Yael, gusto mong hilahin ko dila mo?” tanong ko. Kumunot ang kanyang noo at napauwang ang kanyang labi.
“Ha? May nasabi na naman ba akong hindi mo nagustuhan?” napatingin lang siya sa akin wari naguguluhan. ”Ano ba iyon, Seleng, nang mahila ko ang sarili kong dila?” patuloy niyang tanong.
“Yael? Busy ka ba? Pwedeng patulong?”
Magsasalita na sana ako kung hindi lang sumulpot si Carmen. Napalingon si Yael sa kanya at nagdadalawang isip kung kanino titingin. Sa huli, nauna akong umalis roon upang iwanan silang dalawa.
Pagkatapos mabasa ni Carmen ng kanyang dala dalang tubig nag bihis siya ng bestida katulad ng sa estilo sa akin. Hindi naman iyon malaking bagay sa akin pero sa tuwing nakikita ko siyang nakasuot ng katulad ng porma ko’y tila ba nanliliit ako.
Namahinga ako sa sariling kwarto at inabala na lang ang aking sarili sa pagbabasa ng librong kinuha ko sa silid aklatan. Tungkol ito sa magkaibigang sinubok ng panahon, ang babae ay isang pulis at ang lalake nama’y isang kriminal. Ngunit, ni isang impormasyon sa kwento ay walang pumapasok sa aking isipan.
Sumandal ako sa headboard ng higaan at ibinaba ang librong aking hawak hawak. Napatingin ako sa labas ng bintana at sumagi muli sa aking isipan ang eksena kung saan nagtitigan si Carmen at si Yael. Ilang beses na akong huminga nang malalim tuwing nakakaramdam ako ng pinaghalong inis at lungkot. Hindi ko na maintindihan ang sarili, wala naman ibig sabihin ‘yon, hindi ba?
Ginulo ko ang aking buhok at hinilamos ang sariling mukha gamit ang aking palad at napatakip na lang ng unan.
“Celestine, baliw ka ba?” tanong ko sa aking sarili at tumihaya.
NAALIMPUNGATAN ako nang marinig ang malakas na sipol sa labas ng aking kwarto. Agad akong bumangon at dali daling lumabas. Si Maestra Prima iyon, sigurado. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako, akala ko’y umaga ngunit nang mapatingin sa orasang nakapaskil ay alas kwarto na ng hapon. Ilang oras ba ako natulog at mukhang napasarap ata?
Nanlaki ang mga mata ko nang masilayang kumpleto silang nakatayo sa labas ng mansyon. Dali dali akong bumaba ang mahinang napatili nang matalisod ako sa ika tatlong baitang ng hagdan. Napapikit ako at hinintay na mahalikan ko ang sahig.
Ngunit hindi iyon nangyari.
Napamulat ako’t napuna ko na lang na nasa bisig na ako ng isang matipunong lalake. Hawak hawak niya ang aking likuran habang nakayuko nang bahagya ang kanyang katawan. Nakatingin kami sa mga mata ng bawat isa. Nakangiti siya sinasabayan ang maliwalas niyang pagmumukha. Napansin kong nakahawak ako sa kanyang matigas na dibdib kung kaya’t agad ko itong inalis at nahiyang ngumiti na lang bilang pambawi.
Kumalas ako’t kinamot ang aking ulo, “Maraming salamat, Ginoo.” Hindi ko siya kilala, ngayon ko lang nakita ang kanyang presensya rito sa mansyon.
Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi at inilahad niya ang kanyang kamay sa aking harapan na wari nais niyang ipatong ko ang aking palad doon. “Muntik ka ng madapa, kung wala ako’y marahil nasupalpal na sa sahig ang iyong magandang mukha.”
Pinang initan ako ng pisngi. Nahihiya akong ngumisi sa kanya.
Bakit parang nabobosesan ko si Brother Mario sa kanya? Nakatingin lang ako sa kanya’t nang marinig mula kay Maestra Prima ang pangalan ko. Ilang sandali pa’y binaba niya ang kanyang kamay nang mapunang hindi ko naman binigay ang palad ko sa kanya.
Dali dali akong bumaba ng hagdan at patakbong tinahak ang daan patungo kung nasaan. Hingal akong nakarating sa kanila’y napatingin na lang si Maestra Prima sa akin.
“Nanggaling ka ba sa iyong kwarto kung kaya’t hindi ka kaagad dito nakadalo?” tanong ni Maestra Prima. Tumango ako’t ngumiti.
“Ako po’y nakatulog,” kinamot ko muli ang aking kwarto.
“Halata nga. Para kang nakipagsabong sa manok dahil sa ayos ng iyong buhok.” Komento niya at pinagsadahan ng tingin ang aking buhok. Napasinghap ako’t sinuklay ang aking buhok gamit ang aking mga daliri. Narinig ko naman ang pagtawa nina Penelope at Santina sa aking giliran.
Ang ginoong sumalo sa akin kanina’y nakisalamuha sa mga iba pang kalalakihan na nakaunipormeng puti sa likod ni Maestra Prima.
“Pinagtipon tipon ko kayo para sa isang mahalagang anunsyo,” taas noong ni Maestra Prima habang ang dalawa niyang kamay ay nakasalikop sa tapat ng kanyang tyan.
“Bago lang natapos ang unang eliminasyon at tatlong linggo mula ngayon ay mangyayari na naman ang pangalawang eliminasyon.” Napasinghap ang lahat, binalot ng kaba ang bawat isa sa amin. “Madali lang ang pagluluto, at ngayon, susubukin ang inyong galing sa pananahi.” Patuloy niya.
Pananahi? May karanasan ako sa pananahi kung ako’y kanyang tatanungin. Nagtatahi ako ng mga damit para sa mga bata sa charity at para sa mga matatanda. Nagtatahi rin ang lahat ng mga novitiate na aking mga kasamahan upang ibenta ito kapag may mga bisitang namamasyal sa Monasteryo. Ang malilikom na pera ay aming ibabahagi sa mga charities, pambili ng pagkain, at laruan ng mga bata.
“Pananahi?!” bulalas ni Penelope. Nakapamewang siya’t tiningnan si Santina. “Ni hindi ko alam kung paano humawak ng sinulid at karayom.” Pagrereklamo niya.
Narinig ko ang pag ngisi ni Maestra Prima, “May magtuturo sa inyo,” bumaling siya sa direksyon ng mga kalalakihan sa kanyang likuran. Napangiti naman ang bawat isa sa mga ginoo sa amin. Ang ginoong sumalo sa akin kanina’y nakipagtitigan sa akin at itinaas ang ang kanyang kamay at saka ito winagayway sa ere.
Hindi ko pa natatanong ang kanyang pangalan pagkatapos kong magpasalamat sa kanya. “Ang mga panauhing ito ay propesyon ang pananahi. Nanggaling sila sa iba’t ibang panig ng mundo at kilala ng iilang fanshion designers.” Ani ni Maestra Prima.
“Santina ang iyong magiging mentor ay si Nikolai,” pakilala niya sa lalakeng may makitab na ulo.
Bumaling ako kay Santina. Bakas sa mukha niya ang pandidiri habang tinitingnan mula ulo hanggang paa ang naturang ginoo.
“Penelope, ang magiging mentor mo naman ay si Ed,” ani ni Maestra Prima at hinawakan ang balikat ng lalake. Katulad kay Santina, hindi naman maguhit ang mukha ni Penelope habang nakatingin sa lalakeng daig pa ang isang modelo ng shampoo sa sobrang ayos at kintab ng buhok.
Inayos ng lalake ang kanyang buhok gamit ang kanyang palad sabay kagat ng labi at kindat kay Santina.
“Ew!” maarteng bulalas ni Penelope at saka yumakap kay Santina. Pinagsalikop ko ang aking dalawang kamay at tumingala sa kalangitan upang pigilan ang aking makamundong pagtawa.
“Si Santo naman ang magtuturo kay Carmen,” ani ng isang matino at malaki ang pangangatawan na lalake.
“Maestra, hindi po ba pwedeng change mentor na lang?” tinaas ni Penelope ang kanyang kamay.
Kunot noo namang lumapit si Maestra Prima sa kanya, “Walang panahon para sa ganyang bagay Penelope, matututo kang mag isa nang wala ang tulong ng iba o tuturuan ka ng mentor mong si Ed lamang ang iyong pagpipilian.”
Malakas na pinadyak ni Penelope ang kanyang paa habang hindi naman maguhit ang kanyang mukha dahil sa pandidiri at pagkainis sa taga turo niya.
“Celestine, ang magtuturo sa iyo ay si Alfie,” napatingin ako sa lalakeng sumali sa akin kanina. Ngumiti siya sa akin kung kaya’t napangiti na rin ako. Kung gayon, Alfie ang kanyang pangalan.
Narinig ko ang pagpalatak ng dila ni Penelope, “Unfair,” utas niya.
“Ngayong araw, tuturuan nila kayo kung paano ang simpleng pamamaraan ng pagtatahi. Ipapakilala nila kayo sa mga kagamitan katulad ng karayom at sinulid na kadalasang ginagamit sa pananahi at tuturuan kaayo kung paano gamitin ang makinang panahi.” Ani ni Maestra Prima.
“Kilalanin niyo muna ang isa’t isa, mga ginoo…” tawag niya sa mga ginoo sa kanyang likuran. Isang beses siyang tumango hudyat ng kanilang paglapit sa amin.
Lumapit si Alfie sa akin at nilahad ang kanyang braso. Nagtataka ko sa kanyang ginawa kung kaya’t kinuha niya ang aking kamay at pinahawak ito sa kanyang braso.
“Ganito ang natural na paraan upang dalhin ang binibining katulad mo sa loob ng mansyon,” aniya. Nahihiya akong ngumiti nang magsimula kaming maglakad papasok. Rinig na rinig ko naman ang pakikipagtalo ni Penelope sa kanyang kaparehas o mentor.
“ANO nga ulit ang iyong pangalan, binibini?” tanong sa akin ni Alfie nang pumuwesto kami sa makinang panahi o mas kilala bilang sewing machine.
“Celestine Don- Zhao po,” inilagay ko ang aking dalawang palad sa aking hita. Maputi ang balat ng ginoo at kulay kayumanggi naman ang kanyang maayos na buhok.
“Nakapaganda,” puri niya habang nilalagay ang sinulid sa butas ng karayom, “Marunong ka bang manahi?” tanong niya habang hindi itinutuon ang atensyon sa akin.
Tumango ako kahit hindi ako sigurado kung makikita niya. “Magaling kung gayon. Inaasahan kong hindi na ako mahihirapan na turuan ka.” aniya at ngumiti sa akin. May malalim siyang biloy sa magkabilang pisngi tuwing siya’y ngumingiti. Mukha siyang hindi mananahi, mukha siyang modelo ng isang sikat na inumin sa Italya.
“Hindi po ako sigurado,” ani ko at kinamot ang aking ulo. Napatingin siya sa akin at kumindat.
“Ako ang bahala sa’yo,”
Pinilit kong humalakhak kahit hindi ako sigurado kung nagbibiro siya o hindi. Nahinto ako nang makita ang mga serbidorang naguumpukan sa pinto ng pintuan. Napakurap kurap ako ng ilang beses nang makita ang kanilang sumasalangit na reaksyon habang pinagpapantasyahan si ginoong Alfie.
***
“ANG gwapo ng mentor ni Celestine, ano?” halos manisay sa kilig si Claire habang nagluluto ng kanilang panghapunan.
Usap usapan sa loob ng kusina ang pagdating ng mga panauhing mananahi mula sa iba’t ibang lugar ng mundo upang sanayin ang mga binibini sa mansyon. Isa sa kanilang paksa ay si Alfie - ang tagaturo ni Celestine. Halos manghina ang tuhod ni Claire tuwing nakikita niya ang gwapong ngiti ni Alfie habang nakikipag usap kay Claire.
Nahinto ng kanilang pag-uusap sina Yael o Oier at si Elias nang marinig nila ang sinabi ni Claire nang sila’y pumasok. Nakabuntot naman si Elias kay Oier upang makainom na rin ng tubig sa kusina. Si Elias ang kanyang matapat na alalay at tinuturing niyang nakababatang kapatid. Maliban kay Maestra Prima, alam din ni Elias ang kanyang tunay na pagkatao.
Isinuot niya ang kanyang puting T-shirt at lumapit sa mga serbidora. Humilig si Oier sa Kitchen bar counter upang makiusisa sa kanilang pinag uusapan.
“Anong meron?” biglang tanong ni Oier dahilan ng pagtalon sa gulat ni Claire.
“Ano ka ba Yael, ba’t bigla bigla kang sumusulpot.” Naiinis na sabi ni Claire.
“Anong ngang meron?” naiinip na tanong ni Oier. Narinig niya ang pangalan ni Celestine kung kaya’t nagka interes siyang sumali sa kanilang diskusyon.
“Hindi mo ba nabalitaan?” napakunot naman ang noo ni Oier sa tanong ni Lyka, “Sa ikalawang eliminasyon, magtatahi ang mga binibini at may pinadala si Doña Elester na mga professional magtatahi upang turuan ang bawat isa sa kanila.” Nakalagay ang palad ni Lyka sa gilid ng kanyang labi habang nagpapaliwanag.
“At ang magtuturo kay Celestine ay isang ginoong ubod ng gwapo,” dagdag ni Claire habang naghahalo ng sangkap ng kanyang lulutuing tinapay. Nangiti ito ang labi nito habang nakatanaw sa itaas.
Mas lalong kumunot ang noo ni Oier. Ang kanyang ina ay nagpadala ng mga panauhin sa Mansyon? Sa mansyon na magiging pagmamay ari niya nang hindi kinukunsulta sa kanya?
Humakbang siya palabas ng kusina at sumunod naman sa kanya si Elias. Hindi siya tuluyang nakakalabas at mahinto nang makita si Celestine na tumatawa kasama ang isang lalakeng mukhang kakabangon lang sa kabaong dahil sa porma at sa mapusyaw na kulay ng balat.
“Elias, bigyan mo ng pamasahe ‘yan.” Utos ni Oier sa binatilyo nang siya’y tumalikod at lumabas na lang ng mansyon. Naglakad ito papuntang garahe na malapit lamang sa hardin kung saan sila nagkikita ni Celestine.
Napakurap kurap naman si Elias at nahinto. “Bakit ko bibigyan, kuya?” nagtatakang tanong nito. Sumalpak si Oier sa kanyang Black Wrangler at kunot noo itong pinatunog.
“Bigyan mo nang makauwi,” pagalit niyang aniya at malakas na isinara ang pinto ng naturang sasakyan at tuluyang humarurot palabas ng mansyon. Nauna itong umalis kaysa sa mga panauhin nais niyang pauwiin.
Kinamot ni Elias ang kanyang ulo at naiwang nalilito sa sinabi ng Amo.