Nagsubsob ako sa pag-aaral sa pagsisimula ng finals. Marami akong naghihingalong grades kaya naman dapat kong pagbutihan talaga ngayon para ma-maintain ko na hindi magkaroon ng bagsak sa transcript ko.
Malaking tulong din na palagi akong nakakapunta sa library upang doon ay gawin lahat ng assignments ko. Minsan nga ay nakakapag-advance reading pa ako sa mga lectures kaya nagkakaroon ako kahit papaano ng mas malawak na idea kumpara sa tinuturo lang ng professor namin. Pakiramdam ko ay mas dumadali na talaga ang mga subjects ko ngayon.
Of course, palaging sumasama sa akin si Kervy. Halos sa bawat bakanteng oras namin ay palagi kaming magkasama. Minsan ay tatanungin ko siya kung bakit parang hindi na siya masyadong sumasama sa mga kaibigan niyang ka-course niya at tila laging nakabuntot sa akin.
“Bakit ba parang lagi ka na lang nakabuntot sa akin? Sabi mo ‘di ba may kaibigan ka? Bakit parang hindi ka na sumasama sa kanila?” takang tanong ko habang saglit na nagpapahinga sa pag-aaral. Kasalukuyan kaming nasa library ng simbahan.
Kami lang ang tao doon at si Sister Anne ay nasa bungad at nagbabasa ng kung anong libro.
“Bakit? Ayaw mo ba akong kasama?” nagtatampong sabi nito. Hindi ko napigilang umirap.
“Nagtataka lang ako. Baka nagtatampo na ang mga kaibigan mo dahil hindi mo na sila nakaka-bonding dahil lagi mo akong sinasamahan dito. Sabi ko naman sa’yo ‘di ba? Kahit huwag ka ng sumama. Kulit mo rin eh ‘no,” wika ko. Napanguso ito.
“Kasama ko naman na sila kapag may klase kami. Saka sabi ko rin sa’yo ‘di ba? Hindi ko rin naman sila constant friend. Ikaw lang kaya ang constant friend ko. Wala naman kasi si Bench dito sa Pilipinas kaya ikaw ang sumunod na pinakamalapit sa akin ngayon. Feeling ko nga nilalagpasan mo na siya eh,” nakangiting sabi nito. Heto na naman po kami sa usapang friend. Sumasakit talaga tenga ko kapag naririnig ko sa kanya na magkaibigan kami.
Totoo naman iyon at hindi ko maintindihan kung bakit iyon ang nararamdaman ko. Parang nakaka-offend na hindi ko malaman.
“Sus, gumaganun pa. Ewan ko sa’yo, Kervy.” Nagpatuloy na ako sa pag-aaral.
Hindi ko namalayan ang paglipas ng araw. Puro aral talaga ang inasikaso namin ni Kervy nitong mga nakaraan. Nakakatuwa nga dahil kahit maayos naman ang mga grades niya ay sinasamahan niya pa rin akong mag-aral.
Sinabihan ko nga siya na kung hindi naman niya feel mag-aral ay kahit mag-cellphone na lang siya o matulog pero tumatanggi siya.
“Kapag ginawa ko iyon, mahahawa ka sa akin. Tatamarin ka mag-aral at baka sabayan mo na lang ako sa ginagawa ko. Mas masarap kasi mag-aral kapag ang kasama mo ay nag-aaral din. Nakakasipag iyon kapag ganoon,” sambit nito.
At may punto naman. Kapag nakita ko siyang natutulog ay tiyak na maiinggit ako. Ang lamig pa naman dito sa library ng simbahan. Saglit ka lang na pumikit ay baka makaidlip ka talaga dahil ang kumportable dito at tahimik pa.
Kulang na nga lang ay doon na kami tumira dalawa. Halos araw-araw kada out namin sa campus ay dito kami dumidiretso. Tuwang-tuwa nga ang mga madre at nakasanayan na rin nila na abangan kami sa oras ng pagdating namin. Minsan ay nakakasama din namin si Father Ethan lalo na kapag wala siyang misa.
Pagkalabas ko ng room ay nakita ko agad si Kervy na naghihintay sa akin. Ngumiti ito nang malaki at kumaway sa akin. Hindi ko napigilang mapangiti rin.
“Ang aga mo ah? Nakita na kita agad na nag-aabang sa labas kahit may ten minutes pa,” bungad ko sa kanya. Napakamot ito sa kanyang batok.
“Maaga kasi ang dismissal sa amin. Pinaghahanda na lang ang lahat para sa nalalamit na finals week.” Napailing ako. Nakakainggit talaga sa kanila. Maayos ang kalakaran. Sa amin ay laging gahol at naghahabol ng lectures kaya kami ang nabubugbog pagdating ng major exam.
Mabuti na lang talaga at nakakapagbasa ako ng advance sa ibang subject kaya madali na akong nakakasunod.
“Kain muna tayo, Kervy. Parang gusto kong kumain muna ng kanin bago tayo dumiretso sa simbahan. Nagugutom ako,” sabi ko sa kanya. Kaagad naman itong pumayag.
Dumiretso kami sa sasakyan niya. Feel na feel ko na talaga ang pagsakay dito palagi. Araw-araw akong nakakasakay dito dahil lagi niya akong hinahatid pauwi ng bahay. Dedma na lang talaga ako sa mga tingin ng mga kapitbahay ko sa apartment kapag nakikita nila akong bumababa sa sasakyan ni Kervy. Inggit lang sila.
Nagtungo kami sa malapit na mall at dumiretso sa fast food na madalas naming kainan. Tinanong ko ang order niya para sana ako naman ang mag-oorder sa aming dalawa pero hindi niya ako pinapayagan. Masyado talaga siyang gentleman sa mga ganitong bagay and he wanted to do everything for me.
Habang naghihintay sa kanya na nakapila sa cashier ay napadako ang tingin ko sa kabilang table. Mukha silang mag-jowang naglalampungan sa public. Hindi ko mapigilang mapairap sa utak ko. Ang sarap nilang batuhin ng upuan. Ang sakit nila sa mata.
Maya-maya ay dumating na si Kervy dala ang isang tray na naglalaman ng pagkain namin. Naupo siya sa tapat ko at nagtatakang tumingin sa akin.
“Bakit nakasimangot ka?” takang tanong nito. Lumagpas ang tingin ko sa kanya at muling napatingin sa mag-jowang kulang na lang ay maghalikan sa harap ko. Ang sarap nilang pag-untugin! Nakakairita talaga. Nakakawalang ganang kumain.
Lumingon si Kervy sa tinitignan ko. Saglit din siyang napatitig doon bago ako muling hinarap nang nakasalubong ang kilay. Sa inis ko ay tumayo ako at pumwesto sa tabi niya. Ayokong kumain habang nakarap sa malanding mag-jowa na iyon dahil baka hindi ako makapagpigil at batuhin ko sila ng ketchup sa mukha.
Nakita ko ang pagkabigla ni Kervy dahil sa ginawa ko. Nilingon ko siya at kaagad na sumalubong sa akin ang kanyang pabango. Ngayon lang kami nagkatabi sa pagkain dahil madalas talaga ay magkaharap kaming kumakain.
“D-Diyan ka kakain?” gulat na sabi nito.
“Oo, ayaw mo ba? Hindi ako makakain habang nasa harap ko ang dalawang iyan. Kung hindi ka kumportable ay ikaw ang pumwesto sa harap nila,” sabi ko. Umiling ito at nilagay ang plato sa harap ko.
“Okay lang, Zetthe. Sige kain ka na,” nakangiti nang sabi nito.
Nagsimula kaming kumain. Tahimik kaming dalawa. Minsan ay napapahinto ako kapag nagdidikit ang braso namin habang kumakain. Pareho kaming hindi sanay na magkatabi kami sa pag-kain.
Umusog siya palayo noong mapansin niya na madalas na nagtatama ang braso namin para mas kumportable ang pag-kain naming dalawa.
Maya-maya ay narinig ko ang pagliligpit sa likuran namin. Sinubukan kong lumingon at nakita kong umalis na pala ang mag-jowang masakit sa mata. Nakahinga ako nang maluwag. Mabuti naman.
“Nakakainis talaga ‘yung mga mag-jowang ang titigas ng mukha maglandian in public. Talagang dito pa sa kainan. Mga walang manners,” inis na sabi ko. I heard him chuckled.
“You’re not a fan of PDA?” Gulat akong napalingon sa kanya. Mapang-akusa ko siyang tinignan at dinuro.
“Okay lang sa’yo ang ganoon?!” Hindi ko napigilan ang bahagyang pagtaas ng boses.
“Shh! Of course not! Hindi naman ganoon kalala na halos maghalikan silang dalawa dito. What’s okay for me is holding hands or akbay,” paliwanag niya. Nagdududa akong tumingin sa kanya.
“Bakit parang hindi ako naniniwala? Siguro ay ganoon din kayo ng mga naging girlfriend mo noon ‘no?” paratang ko sa kanya.
I actually have no idea about his past relationships or kung mayroon na ba. Hindi naman kasi ako curious noon at hindi niya rin naman nababanggit. Pero ngayon ay parang gusto ko malaman kung nakailang girlfriend na ba siya at kung paano siya maging boyfriend.
“Hindi ‘no. Wala pa akong nagiging girlfriend kaya hindi ko pa nasusubukan pero pakiramdam ko naman ay hindi ako ganoon. If my girl wants to have a private and a not clingy relationship then I will give it to her. Basta kahit kaunting affection lang ay ayos na sa akin,” he said calmly.
Hindi ako makapaniwala! Parang hindi naman totoo na wala pa siyang nagiging girlfriend! Parang ang imposible niyon!
“Totoo ba? Bakit never ka pang nagka-girlfriend? You have the looks! Okay rin naman ang ugali mo plus you have the money. Everything women out there could wish for. I bet may girls were dying to be with you kaya parang hindi talaga ako naniniwala,” pagdududa ko sa kanya.
“Maybe, the right girl isn’t ready yet for me. Siguro dumating na pero hindi pa panahon para maging kaming dalawa.” Nagsalubong ang kilay ko sa kanya.
“So may gusto ka ngayon? May nililigawan ka pala? Bakit hindi ko alam?” kuryoso kong tanong. He looked at me intently. Kaagad akong naramdaman ng kaba dahil sa tingin niya na iyon. I was waiting for his answer but instead, he laughed at me.
“Wala ‘no. Bakit naisip mo iyan samantalang lagi nga tayong magkasama. Kung may nililigawan ako ay ikaw pa ang unang-unang makakaalam niyon,” nakangiting sabi nito. Kunsabagay.
“Kung ako kasi, kapag nagka-boyfriend ako, ayoko ng ganyan ka-showy in public. Kung maglalandian lang pala ay sana sa private place na lang para solo nila at walang masusuya sa makakakita sa kanila. Siguro, okay lang din sa akin ang holding hands in public pero iyong katulad ng kanina na talagang halos magdikit na ang mukha ay hindi pwede sa akin,” mahabang sabi ko.
He was listening to me intently. Nagpatuloy ito sa pagkain bago muling bumaling sa akin at muling nagsalita.
“What are you looking for a man? To be your boyfriend?” kuryosong tanong nito. Napaisip ako. Wala naman kasi akong idea dahil wala pa naman sa utak ko ang tungkol sa ganyang bagay. Hindi ko nga alam kung tama bang magkaroon ng ideal man dahil wala naman talagang ideal na tao sa mundo. No one’s perfect and when you love someone, you will love all of him or her even if he has a lot of flaws.
“Hindi ko gustong magbigay ng description ng lalaki na mamahalin ko balang araw dahil hindi naman masusunod iyon. Sa oras na tinamaan tayo ay hindi naman na natin makokontrol ang mangyayari,” seryoso kong sabi. He paused for a while and looked at me.
“I didn’t expect that from you. I didn’t know that you could be that deep in terms of that aspect. Akala ko sasabihin mo ay gwapo, mayaman at mabait,” natatawang sabi nito. Mahina ko siyang hinampas sa braso.
“Amazed ka na naman ‘no. Hulaan ko, siguro ikaw ay may tipo ka talaga sa babae. Maganda, sexy, matalino, mahinhin, or anything. Mataas siguro standards mo kaya wala kang mapiling ligawan sa lahat ng babaeng nagkakandarapa sa’yo,” asar ko dito.
Ibinaba niya ang kutsara niya. He wiped his lips using the tissue before he faced me with his body.
“I like someone who’s not in for the physical aspect of a man. I like the woman who could look far beyond what a man could make her feel instead of the things he could materially offer to her. Gusto ko ‘yung babaeng matatanggap ang lalaking mahal niya kahit ano pa siya,” seryosong sabi nito. Napatahimik ako saglit.
“Mas malalim pa nga ang sinabi mo kaysa sa akin pero mabuti iyan. Kasi the physical attributes fade away as time goes by but the knowledge, the attitude and the virtues will never get old. It may even grow fonder when the person is with the right partner,” nakangiti kong sabi sa kanya. Unti-unting lumitaw ang ngiti niya saka tumango.
Napahinto kami sa pag-uusap nang may tumawag sa pangalan niya. Sabay kaming napalingon doon. Isang lalaki iyon at kapareho siya ng uniform ni Kervy so I concluded that they are classmates.
“Kervy, kaya pala lagi kang missing in action ha…” mapaglarong sabi nito. Matipid lang siyang binati ni Kervy. Saglit silang nagkausap bago naupo sa gilid namin ang kaibigan kaklase niya. May kasama itong babae na palagay ko ay girlfriend niya.
Kervy looked at our food and then he glanced at me.
“Are you finished eating?” Tumango ako sa kanya. Sinabihan ko siya na ipapa-take out ko na lang ang ibang pagkain na natira habang nagpaalam naman ito na magpupunta saglit sa banyo.
Habang hinihintay ko ang crew sa paghatid ng pina-take out ko ay narinig ko ang pagkuha ng atensyon sa akin ng kaklase ni Kervy. He was smiling widely at me.
“Ang swerto mo riyan kay Kervy. Napakabait niyan at mataas ang respeto sa babae,” magaang wika nito. Napangiti ako.
“Nako, magkaibigan lang kami ni Kervy. Saka talaga ba? Mabait siya? Mas madalas kasi na makulit siya at laging nakikipag-asaran sa akin kaya minsan ko lang makita ang pagiging mabait niya,” biro ko. Nagtataka itong tumingin sa akin. Nagkatinginan sila ng girlfriend niya. His girlfriend chuckled.
“If he’s like that to you, then maybe, you are special to him because he is treating you differently than others. You are not just a friend to him. That’s for sure.”