Exam week na at hindi ko alam kung nag-usap-usap ba ang mga professors namin para pagsabay-sabayin ang exams sa huling araw ng linggong ito. Kaya nga exam week eh! Para sa buong linggo na ito ay makakapagbigay sila ng exam sa iba’t-ibang schedule para naman hindi isang bagsakan lang sa isang araw. Tapos, pinili pa talaga nila na sa Thursday at Friday sila magpa-exam. Pambihira!
Lunes pa lang pero subsob na ako sa pag-aaral. Nakakainis pa dahil naghahabol pa ata ng lectures ang prof para maihabol sa exam kaya malilito ka talaga. Mukhang iiyak ako nitong weekends. Palakasan na lang talaga ng guardian angel. Sana ay hindi ko mapaghalo-halo lahat ng pinag-aaralan ko ngayon.
Punuan ang library kapag ganitong panahon. Lahat ay may kanya-kanyang ginagawa. Majority ay katulad kong nag-aaral. Ang iba ay natutulog at ang iba ay nagkukwentuhan habang palihim na kumakain. Mga pasaway!
Nakaupo ako sa pang-isahan lang na table. I inserted my earphone and played some music. Hindi kasi ako makapag-focus kapag may mga naririnig akong bulungan sa paligid.
Sinimulan ko ang pagsusulat ng mga reviewer sa iba’t-ibang subjects. Ang bagay lang talaga na kinakabahan ako ay baka mapaghalo ko ang mga lessons. May mga terms pa naman at ibang parts na nasa ibang subject din pero magkaiba ng procedure at meaning. Goodluck na lang talaga sa utak ko at sana mapanis ang ulam ng mga professor ko mamayang gabi. Mga walang konsiderasyon.
Natapos akong magsulat ng reviewer sa dalawa kong subject. Mayroon pa akong apat pero pagod na ang kamay ko. Inaantok din ako at parang gusto kong mahawa sa katabi kong ang sarap ng tulog habang nakatalukbong ng jacket.
Malamig kasi dito sa pwesto ko kaya kahit hindi ka inaantok ay talagang mapapahikab ka.
Lumingon ako sa kaliwa ko at nakitang may nakaupo rin pala duon pero nakasubsob din ang mukha sa lamesa. Natutulog din! Bakit ba ang daming bad influence sa paligid ko. Gusto kong labanan ang antok at huwag matulog pero ang lakas ng energy ng dalawang katabi ko!
Muli akong napahikab at napatingin sa lalaking katabi ko sa kaliwa. Napatitig ako sa bag niyang nagsisilbing unan niya. Kumunot ang noo ko. Ganyan din ang bag ni Kervy ha.
Hindi na ako nag-isip pa at malakas na hinampas sa likod ang lalaking natutulog. Kita ko ang gulat sa lalaki at biglang napaupo nang tuwid saka malulutong na napamura. Napasinghap ako at napatakip ng bibig nang makitang hindi si Kervy iyon.
“T*ngina sinong nanghampas sa akin!?” mahina ngunit madiin na sabi nito. Kaagad akong nagsulat ulit. Nilakasan ko ang volume ng earphone ko. Nagdesisyon akong iligpit na ang mga gamit ko at mabilis na umalis doon. Hindi ako tumingin sa gawi niya at patay malisyang naglakad palabras ng library.
Nang makalabas ako ay tila nakahinga ako nang maluwag. Nanginginig ang buo kong pagkatao. Nakakatakot pa naman ang itsura ‘nung lalaking hinampas ko! Tanga ka, Suzetthe! Bakit kasi hindi mo muna sinigurado na si Kervy iyon! Si Kervy lang ba ang may ganoong bag?!
Sumilip ako saglit sa pinto ng library at nanlaki ang mata ko nang makita ko ang lalaki na galit na naglalakad palabas. Kaagad akong umalis doon at nagmamadaling naglakad palayo.
Hindi pa ako nakakalayo ay nakita ko si Kervy.
“Oh, Zetthe, saan ka pupunta…” Lumingon ako sa likod at nakita kong nagbukas na ang pinto ng library at mukhang palabas na doon ang lalaki. Kaagad kong hinatak si Kervy patungong kung saan. Basta kahit saan na malayo dito!
Ilang minuto rin kaming lakad-takbo palayo sa library hanggang sa mapadpad kami sa likod ng building. Hinihingal ako at napahawak sa aking dibdib dahil sa kaba. Sumilip ako sa likuran niya at nakahinga nang maluwag nang hindi nakitang nakasunod ang lalaki. Grabe yung takot ko.
“What is happening, Suzetthe?” seryosong tanong ni Kervy. Napangiwi ako sa kanya at pilit na tumawa. I told him what happened at nakita ko ang kaagad na pag-relax ng kanyang katawan dahil sa kagagahan na ginawa ko. He bursted out laughing.
“Nakakatawa ‘yon, Zetthe. Ano ba naman kasing naisip mo at hinampas mo sa likod samantalang hindi ka naman sigurado.” Sumimangot ako.
“Ewan ko rin! Parang may sariling buhay ang kamay ko. Grabe talaga, nakakatakot pa naman siya. Parang ayoko na tuloy magpunta sa library dahil baka inaabangan na ako ‘non doon,” kabado kong sabi. Pinunasan ko ang pawis na namuo sa aking noo at bumagsak ang tingin sa kamay kong nakahawak pa rin sa kanyang braso.
Napatingin din siya doon kaya kaagad akong napabitaw. Tumikhim ako at tumingin sa kanya.
“So, saan tayo ngayon?” tanong nito. Tumingin ako sa paligid. Ngayon lang ako napadpad dito sa likod ng building.
Ang madalas kasing nandito ay ang mga engineering student na may mga projects na ginagawa. Minsan nga kapag sumisilip ako sa bintana ay nakikita ko silang naghahalo ng semento dito. Ang iba namang nagpupunta dito ay ang mga nagpa-practice ng sayaw para sa kung saan.
Hindi naman kasi ako sumasali sa mga ganoon noon kaya never pa talaga akong napadpad dito.
“Nag-aaral kasi ako para sa exam kaso mukhang hindi ko naman kakayanin na bumalik ng library. Mamaya ay nag-aabang sa akin ‘yung lalaki.” He chuckled.
“May klase ka pa ba? May alam akong lugar kung saan tahimik at pwedeng makapag-aral. Mag-aaral na rin ako tapos turuan mo ako sa math ha?” Nagliwanag ang mukha ko.
“Wala na akong klase. Nag-stay na lang naman ako dito para mag-aral. Kapag kasi umuwi ako ay tiyak na tatamarin lang ako at aantukin kaya hindi ako makakapag-aral doon.” Tumango ito saka marahang hinawakan ang braso ko.
Nagtungo kami sa sasakyan niya. Nagtataka akong napatingin sa kanya.
“Hindi ba dito sa campus ang ‘yung sinasabi mo?” He glanced at me and shook his head.
“Library lang ang pinakapayapang lugar dito sa campus. Minsan nga hindi pa ‘di ba dahil ang dami pa ring maiingay. Hindi ka rin makaka-focus doon. Sa ibang sulok naman ng buildings ay may mga mag-jowang nalalandian kaya hindi ka rin makakaaral doon,” wika niya. Napangiwi ako. Totoo nga iyon.
He started driving. Hindi naman malayo iyon sa campus namin. Napanganga ako nang huminto kami sa tapat ng isang motel. Mabilis akong bumaling sa kanya at sinamaan siya ng tingin. Nakita kong nagpipigil ito ng tawa habang pinagmamasdan ang reaksyon ko.
Naningkit ang mata ko sa kanya saka siya sinenyasan na lumapit.
“Halika, may ibubulong ako sa’yo,” mahinang sabi ko. Pigil na pigil ang gigil ko para hilahin ang tenga niya. Nanggigil talaga ako, Kervy!
Lumapit ito sa akin paunti-unti. Sa inis ko ay hinila ko ang tenga niya para mabilis na mapalapit sa akin. Narinig ko pa ang daing niya pero wala akong pakialam!
“Bakit tayo nasa motel!?” sigaw ko sa tenga niya. Kaagad siyang napalayo at napatakip sa kanyang tenga.
“Suzetthe naman! Halos mabingi ako doon!” natatawang sabi nito. Lalo akong nainis. Pilit kong hinihila ang kanyang buhok pero umiiwas siya sa akin.
“Bakit dito mo ako dinala?! Hindi ko alam na bastos ka pala, Kervy! Nasa loob ang kulo mong hayop ka!” inis na inis kong sigaw dito. Tuluyan siyang napahalakhak nang malakas. He tried reaching for me pero malakas kong tinatampal ang mga kamay niya.
“Buksan mo ang pinto ng sasakyan mo! Nanggigil ako sa’yo!” bulyaw ko.
“Suzetthe! Calm down, okay! Hindi naman sa tayo sa motel. Kung diyan pala ay sana ipinasok ko na diretso sa parking nila ‘di ba?” Nagsalubong ang kilay ko sa kanya saka kinuha ang bag ko para ihampas sa kanya.
“So may balak ka talaga!? Bwisit ka!” Hinampas ko pa siya ng dalawang beses.
“Aray! Hindi! Sinasabi ko lang ang point ko! Pambihira naman itong babaeng ito.” Pilit kong pinakalma ang sarili ko. Pakiramdam ko ay maaga akong ma-high blood kay Kervy eh.
“Eh bakit kasi dito mo hininto ang sasakyan! Talagang sa tapat na tapat pa ng entrance ng motel. Anong gusto mong isipin ko ‘di ba?” mahinahon kong sabi.
“May bibilhin lang naman kasi ako saglit sa 7-eleven eh. Masyado ka namang kabado!” Tumingin ako sa labas at sa tabi nga ng motel ay may convenience store. Huminga ako nang malalim saka sinamaan siya ng tingin ulit.
“Oo na, bilisin mo na!” Umiling-iling ito saka bumaba ng sasakyan. Akala ko ay lalakad na ito papunta sa 7-eleven pero umikot ito at kumatok sa bintana ko.
“Wala ka bang ipapabili? Pagkain? Para may makain ka mamaya habang nag-aaral,” magaang tanong nito.
“Kahit ano na lang. Tapos bilisan mo na kasi nasasayang ang oras. Ang dami ko pang aaralin,” wika ko sabay ismid sa kanya. Napanguso ito at tumango.
“Ang sungit naman!” Inirapan ko siya saka sinarado muli ang bintana.
Tuluyan na siyang pumasok sa 7-eleven. Habang nasa loob ako ng sasakyan ay nakikita ko ang iilang couple na pumapasok sa loob ng motel. Hindi ko mapigilang mapangiwi lalo pa’t ang iba sa kanila ay kung hindi matandang lalaki na may kasamang halos kaedaran kong babae, ang iba naman ay mga bata pa na akala mo ay mas bata pa sa akin. Pambihira!
Inabala ko na lang ang sarili ko sa cellphone ko. Panay lang ako sa scroll sa f*******: ko habang naghihintay na makabalik si Kervy. Habang nasa newsfeed ako ay nakakita ako ng tila throwback picture ni Kervy at ng isa pang batang lalaki. I read the name of the one who posted it.
Bench Paredes. He only tagged Kervy there. Binasa ko ang maikling caption. Fifteen minutes ago pa lang iyon na-post kaya mukhang hindi pa nakikita ni Kervy.
Miss you, buddy.
Napaangat ang tingin ko kay Kervy nang pumasok ito sa sasakyan. May dala siyang dalawang plastic na puro tubig at pagkain ang laman.
“Sabi ko mag-aaral. Hindi mag-pi-picnic, Kervy.” Napakamot ito sa batok.
“Hayaan mo na, Zetthe. Snacks lang naman ito para hindi ka o ako antukin sa pag-aaral. Kapag may natira naman ay ipapauwi ko na lang sa’yo,” wika nito. Nagkibit-balikat ako saka muling tumingin sa phone ko.
I clicked the photo I was looking earlier and showed it to him. Pinaandar niya muna ang sasakyan bago tumingin sa phone ko. He looked stunned when he saw the picture saka nagdududang tumingin sa akin.
“Where did you get that?” nagtatakong tanong nito sa akin.
“Huwag kang feeling. Nakita ko lang sa newsfeed ko. Pinost ‘nung friend mo. Bench ata pangalan,” sabi ko. Tumango ito at unti-unting nagliwanag ang mukha.
“Probably. Si Bench ang kasama ko diyan sa picture. He’s my best friend since childhood,” he said. Tumango-tango ako at tumahimik. Kahit pala wala siyang constant friends sa school ay may maituturing naman pala siyang best friend. Eh ako nga ni isa sa ganoon ay wala. Siya pa lang ang kaibigan kong maituturing talaga.
Napansin niya ata ang pagiging tahimik ko. He glanced at me lightly bago ito lumiko. Mga ilang segundo pa ay muli ng huminto ang sasakyan, sa tapat ng simbahan. Parang wala pa ngang dalawang minuto ang layo nito sa motel at 7-eleven. Kaya pala doon na siya bumili ng pagkain.
Okay, mali ako sa pag-iisip kanina. Aminado ako. Akala ko talaga ay sa motel kami kanina eh. Sasakalin ko na sana siya.
“Ikaw ba? Wala ka bang best friend talaga noong bata ka? Like someone you used to play with? Wala?” maingat na tanong nito. Umiling ako at tipid na ngumiti.
“Wala talaga. Nasa bahay lang naman ako lagi noon at hindi pala-labas. Kung may nakakalaro man ako minsan ay hindi ko naman talaga nagiging close ng pang-matagalan. Ikaw pa nga lang ang taong naging malapit talaga sa akin sa buong buhay ko eh,” kalmadong sabi ko.
He smiled at me sweetly. Napahawak ito sa kanyang dibdib at mukhang na-touch sa sinabi ko.
“Sweet mo naman, Zetthe. Nakakatouch…” Inirapan ko siya saka nagsalita. Kaagad kong pinutol ang saya niya.
“Nakakapagtaka nga kung bakit kita naging kaibigan. Marami namang mas mababait at hindi makulit sa tabi-tabi, bakit kaya naging friend pa kita?” pang-aasar ko dito. Umangat ang gilid ng labi niya saka tumingin sa akin.
“Mabait naman ako, Suzetthe. Gusto ko lang talaga na kinukulit ka lagi kasi nakakatuwa ang mga reaksyon mo. I can actually be the best friend you wanted. If only you’ll let me.”