Chapter 3

1930 Words
NANG makauwi na sina Mina sa Nueva Ecija ay abala naman siya sa pag-aayos ng natitira pang kagamitan na naiwan. Hindi kasi naisabay lahat nang maglipat sila ng mga kagamitan sa Maynila. May bahay kasi silang naipundar na magkapatid noong nagtatrabaho pa sila sa Maynila. At ngayon nga ay napagpasyahan na nilang lumipat. Nagpapasalamat siya dahil kahit papaano ay naging matagumpay ang negosyong itinayo nila, habang sila’y nagtatrabaho sa Maynila apat na taon na ang nakakaraan. Sapagkat, kahit dalawa silang nagtatrabaho ng mga panahong iyon ay hindi pa rin sapat ang kanilang kinikita. Wala na rin siyang maaasahan sa ama ni JB dahil matagal na silang nagkahiwalay at ang kakarampot na sustento nito sa kanyang anak ay hindi naman sapat. Para lang iyon sa tulong sa pag-aaral nito at pambili ng mga gamit ng bata. Kaya nagpursige talaga silang magkapatid na makapagtayo ng sariling negosyo para maiahon sa kahirapan ang kanilang mga magulang. Silang mag-ina na lamang ang tanging naiwan sa probinsya dahil nauna na sa Manila ang tatay at nanay nila. Ang kapatid naman niya ang namamahala muna sa kanilang negosyo. “Anak, iyong mga gamit mo na hindi na ginagamit p’wede mong iwan na lang at ipamigay sa mga batang nangangailangan para hindi na dagdag sa mga bagahe natin,” habilin niya sa anak. Nag-iimpake rin kasi ito ng sariling mga gamit at pinipili lang nito kung alin-alin ang mga dadalhin sa bago nilang bahay. Hindi na rin kasi nila madadala ang lahat ng mga kagamitan kung kaya’t ang p’wedeng pakinabangan pa na maiiwan ay ipamimigay na lamang nila. “Opo, Ma. Ito pong mga nasa kahon na laruan ko ay iiwan ko nalang at ipamimigay ko po sa mga kaibigan ko,” anang kanyang anak habang ipinapakita sa kanya ang kahon na naglalaman ng mga ipamimigay na gamit nito. “Sige, anak. Iwan mo na lang diyan. Ihahabilin nalang natin kay Aling Maring at siya na ang bahalang magbigay niyan.” “Sige po,” sagot nito. Saka itinuloy ang pag-aayos ng sariling gamit. Mag-aalas-onse na ng gabi nang matapos siya sa pag-iimpake ng kanilang mga gamit. Pinauna na niyang matulog ang kanyang anak dahil maaga pa ang biyahe nila bukas. Nag-shower lang siya saglit saka sumunod sa kwarto nilang mag-ina at nagpahinga. Dahil na rin siguro sa sobrang pagod maghapon sa pag-iimpake ng kanilang mga gamit ay hindi na namalayan ni Mina na mabilis siyang ginupo ng antok pagkahiga palang niya sa kama. PAGDATING nila sa Maynila ay hapong-hapo ang katawan niya sa pagod nang makarating sa bahay. Mabuti na lang at naayos na ng kanyang nanay at tatay ang iba pang mga gamit nila. Tanging ang mga dala nalang niya ang dapat ayusin at ang kanilang mga damit. “Anak, ready ka na bang pumasok sa bago mong school?” tanong ni Mina sa anak kinabukasan, habang pinagpapatuloy niya ang pag-aayos ng mga gamit sa kanilang bagong bahay. Tatlong araw na lang ay papasok na ang kanyang anak sa bagong school nito. “Opo, Mama. Medyo kinakabahan din po ako kasi bago ang mga kaklase ko. Sana may maging friends po ako agad sa bago kong school,” may pag-aalalang turan nito. Nilapitan niya ang anak at hinaplos sa ulo. “Ikaw pa ba, anak? Tiyak magkakaroon ka ng magiging kaibigan sa bago mong school, palakaibigan kaya ang anak ko,” pag-aalo niya sa anak para kahit paano ay mabawasan ang nararamdaman nitong kaba sa dibdib. “Sana nga po, Mama,” tipid na sagot nito. “Huwag mo na masyado isipin ‘yan, anak. Sige na. Kumain ka na muna sa kusina, niluto ko ang paborito mong ulam,” pagtataboy niya sa anak para kumain ng umagahan. Inilagay na niya iyon sa mesa at tinakpan. Nauna na kasi sila kumain ng kanyang mga magulang at kapatid. Hindi na niya ginising ang anak dahil alam niyang puyat ito sa pag-aayos ng dinalang mga laruan at ibang mga gamit na kaya nitong ayusin. Napabuntong-hininga siya at nahiling na sana napagaan niya ang loob ng kanyang anak kahit papaano. Hindi na muna siya papasok sa kanilang coffee shop dahil tatapusin muna niya ang pag-aayos ng mga natitirang gamit nila. Ang kapatid na muna niya ang pansalamantalang mag-aasikaso roon. HINDI na binigyan pa ng pangalawang pagkakataon ni Clint ang yaya ng anak dahil sa nangyari sa Baguio. Kahit pa humingi ito ng paumanhin sa nagawa ay ayaw na niyang ipagkatiwala pa rito ang kaligtasan ng kanyang anak. Nagpapahanap na lang siya ng puwedeng kapalit nito. Pero sa pagkakataong ito ay magiging mahigpit na siya sa pagpili. Mahirap na dahil baka sa susunod ay masamang tao na ang makapulot sa anak at mapahamak na ito ng tuluyan. Pansamantala, ang matandang katiwala muna niya sa mansyon ang nagbabantay sa anak. Pero kailangan na niya makahanap ng bagong yaya sa lalong madaling panahon dahil mag-aaral na ito ngayong pasukan. Habang abala siya sa pagbabasa ng mga papeles sa kanyang opisina ay biglang pumasok ang kanyang sekretarya. “Sir, nasa labas po si Sir Marko,” pagbibigay alam nito. Napakunot-noo siya sa biglaang pagdalaw ng pinsan sa kanyang opisina. Ang alam niya ay nasa isang probinsya pa ito at sa susunod na araw pa ang balik. “Hey, what’s up!” bungad agad nito sa kanya ng bumukas ang pintuan. “I thought you were still in the province, at sa isang araw pa ang balik mo?” tanong niya rito habang sa mga papeles pa rin nakatuon ang mga mata. Umupo ito sa isang upuan na nasa harap ng kanyang lamesa. “Yeah, pero maagang natapos ang business transaction ko doon, kaya nakabalik ako agad,” sagot nito na sinabayan pa ng buntong-hininga. “So, what brings you here?” “Well, I came when I heard what happened in Baguio?” Tumigil siya sa ginagawang pagbabasa sa mga papeles at tumingin sa pinsan. Bumuntong-hininga muna siya bago nagsalita, “Nasabi na pala sa’yo ni Blake ang nangyari sa Bagiuo.” “Yeah. That's why I came here. How was Drake?” may himig pag-aalala na tanong nito. Parang anak na rin kasi ang turing ng kanyang mga pinsan sa anak niya palibhasa ay unang pamangkin nila si Drake. Kahit gaano ka-busy pa ang mga ito sa trabaho ay pumupunta agad ang mga ito tuwing may nangyayaring hindi maganda o kaya nagkakasakit ang anak. “He's doing fine. Good thing, mabait ang nakakita kay Drake. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag may masamang nangyari sa anak ko,” paglalahad niya sa pinsan tungkol sa nangyari sa Baguio. “Thank God for that! Siyangapala, balita ko magandang chicks daw ang nakakita kay Drake?” may himig pangangantiyaw ang tinig nito ng tanungin ang bagay na iyon. “And so? Saan patungo ang tanong mong iyan?” may pagkayamot sa tinig na ibinalik ang tanong sa pinsan. Parang may ibang pinupunto kasi ito. “How is she look like? Is she really beautiful?” muling tanong nito dahil hindi niya sinagot ang unang tanong nito sa kanya. Nabanggit niya kasi kay Blake na maganda ang babae. Ngunit hindi niya inaasahan na pati ang bagay na iyon sa sasabihin pa nito sa pinsan nilang alaskador. Matalim ang mga matang tiningnan niya ito. “If you just come here to ask that thing, you’d better just leave my office because I still have a lot of paperwork to finish.” “I just want to know, wala naman masama sa tanong ko, ‘di ba? Unless…” pambibitin nito, dahil inaantay nitong siya ang magsabi ng gusto nitong marinig. “She’s married. Okay!” naiiritang sagot niya rito. Kahit hindi siya sigurado kung may asawa na nga ito dahil wala naman itong suot na singsing. Iyon na lamang ang sinabi niya para matigil na ang kanyang pinsan sa pagtatanong. Malapit na siyang mainis, particular na kay Blake dahil ito ang nagkuwento ng mga sinabi niya tungkol sa babae. “Paano mo naman nasabi na may asawa na siya? Talagang tiningnan mo kung may singsing?” hirit pa rin nito. “No! Dahil kasama niya ang anak niya. For sure, she is married already!” naiinis na sagot niya. Hindi niya maintindihan kung bakit inaabangan ng mga pinsan niya ang kanyang buhay pag-ibig. Samantalang ang mga ito ay pare-pareho rin namang may problema sa buhay pag-ibig. “Oh! Sayang. Akala ko pa naman...” nakangising sabi nito. “Akala mo na ano?” Magkasalubong ang mga kilay na tiningnan niya ito. “Hmm…Nothing. Anyway, aalis na ako. May pupuntahan pa ako. Dumaan lang ako rito para mangumusta,” pagpapaalam nito na ngingisi-ngisi pa. Tango na lang ang tanging naisagot niya bago pa siya maasar sa pinsan. Sa wakas ay nakaramdam din ito na nakaka-istorbo na ito sa kanya. Pero duda siya na iyon talaga ang ipinunta nito sa kanyang opisina. Hindi lang nito iyon masabi sa kanya. Tumayo na ito at lumabas ng kanyang opisina. NAGMAMADALING bumaba ng taxi si Mina dahil malapit nang matapos ang klase ng kanyang anak. First day of school pa naman kaya hindi siya p’wedeng mahuli sa pagsundo sa anak. Ngunit sa kanyang paglalakad ay biglang may nakatapak sa kanyang paa. Nang tingnan niya ito ay napangiwi siya nang makitang napigtas ang kanyang suot sa sandal sa isang paa. “Naku, Miss, pasensya ka na. Hindi ko sinasadya," nag-aalalang hingi ng paumanhin ng babae pagkakita sa nasirang sapin niya sa paa. “Ayos lang po,” tipid niyang sagot kahit ang totoo ay nababahala rin siya kung paano niya ilalakad ang isang sandal na pigtas na ngayon. “Palitan ko nalang, Miss. Hintayin mo ako rito at hahanap ako ng p’wedeng pagbilhan,” sabi nito sa kanya na bakas sa mukha ang pag-aalala. Pero mas pinili niyang tanggihan ito dahil mahuhuli na siya sa pagsundo sa anak. Wala na siyang oras para bumili o hintayin pa ang babae hanggang makabalik ito mula sa pagbili ng kapalit. “Huwag na po kayo mag-abala. Ayos lang po. Ako na lang po ang bibili mamaya kapag nasundo ko na po ang anak ko,” anya sa babae na nilakipan niya ng tipid na ngiti para ipahawatig dito na ayos lang talaga sa kanya. “Sigurado ka?” nag-aalangan at nahihiyang paniniguro nito sa kanya. “Opo.” “Naku, nakakahiya naman sa’yo. Pasensya na talaga, Miss." Bahagya siyang tumango at ngumiti siya ulit sa babae bago ito tuluyang umalis sa harapan niya. Ilang sandali pa ay lumabas na ang kanyang anak. Napabuntong-hininga siya nang muling tingnan ang sandal na nasira. Hawak ang kamay ng kanyang anak ay pahila niyang inilalakad ang sandal para lang hindi ito mahiwalay sa paa niya at para na rin may pangsuporta siya sa mainit na semento. Ngunit, habang naglalakad sila patungo sa sakayan ng taxi ay may tumawag sa kanya. “Miss Montes!” Napalingon siya sa taong tumawag sa pangalan niya. Nagulat siya nang makita kung sino ang tumawag sa kanya. Papalapit na sa kinaroroonan nila ang mag-amang Clint at Drake. Ang batang tinulungan nila sa Baguio nang sila’y nagbakasyon ng kanyang anak. “Sabi ko na nga ba kayo ‘yan, eh,” anito nang tuluyang makalapit sa kanila. Dahil sa pagkabigla ay hindi siya agad makaapuhap ng salita na maaring sabihin kay Clint. Hindi niya kasi inaasahan na magkikita pa sila nito pagkatapos ng nangyaring insidente sa Baguio. “Dito rin pala nag-aaral ang anak mo?” pang-uusisa nito. “O-Oo,” nauutal niyang sagot. Ngunit bigla siyang nakaramdam ng pagkapahiya nang mapansin niya na dumako ang mga mata nito sa paanan niya. Napangiwi siya at alanganing napangiti nang tinitigan nito ang nasira niyang sandal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD