“Anak, tapos ka na ba kumain?” tanong niya sa anak.
“Opo, Ma. Babalik pa po ba tayo kung saan natin nakita si Drake, Ma?”
“Hindi na, Anak. Mas mapapadali siguro kung hihingi na tayo ng tulong sa mga pulisya,” aniya sa anak. Napagpasyahan niya kasi na i-report na lang sa malapit na police station ang bata para mapabilis ang paghahanap sa ama nito. Kailangan na rin kasi nilang makabalik sa transcient na tinutuluyan nila upang makapag-ayos ng gamit dahil pauwi na rin sila nang araw na iyon.
Habang nagbabayad siya sa kinain nila ay nagtanong na rin siya kung saan ang pinakamalapit na police station sa lugar na kinaroroonan nila. Nang maibigay ng pinagtanungan niya ang direksyon ay agad silang nagmadaling umalis. Kinarga na niya ang bata at sinabihan ang anak na kumapit lang sa kanya upang hindi ito mawalay sa kanila.
PAGDATING nila sa police station ay dumiretso agad siya sa information desk para magtanong kung saan dapat i-report ang kasamang bata na nawawala. May tinawag ang pulis na pinagtanungan niya.
“Santos!” tawag nito sa isang kasama na abalang nakatingin sa monitor ng laptop. Sinenyasan nito na lumapit sa kanila.
“Bakit?” tanong ng tinawag na Santos nang ito’y makalapit na sa kinaroroonan nila.
“Nawawala raw itong batang kasama nila. Hindi ba may nag-report na rito kanina ng nawawalang bata?” tanong nito sa kasama.
“Oo, meron,” tugon nito. Saka bumaling sa kanila.
“Ikaw na bahala sa kanila, Santos.” Nakamasid lang siya sa dalawang pulis habang nag-uusap ang mga ito.
“Sige. Ako na ang bahala sa kanila.” Tumango lang ang kasamahan nito na nasa information desk.
“Ma’am, maupo muna tayo do’n,” sabi nito sa kanila na tinuro ang sarili nitong mesa. Nang makaupo na sila ay tinanong agad siya tungkol sa batang kasama niya. Binigay naman niya ang eksaktong lugar kung saan nila ito natagpuan. Kinuha rin nito ang pangalan niya at pangalan ng bata.
“Ma’am, saglit lang po at ira-radyo ko lang po sa kasamahan namin. Pareho po kasi ang pangalan ng batang ine-report kanina na nawawala at itong batang kasama n’yo. Sumama po kasi ang tatay ng bata upang tumulong sa paghahanap,” pagpapaalam nito sa kanya. Tahimik lang silang nakaupo at taimtim na nagdarasal. Umaasa siya na sana ang tinutukoy ng pulis na nag-report ay iyon din ang ama ng batang kasama nila.
“Ma’am, pabalik na po sila.” Dahil tila lumilipad ang kanyang isip sa pag-aalala ay bahagya siyang nagulat nang magsalita ang pulis na nag-asikaso sa kanila. Dahil okupado ang isipan niya sa mga bagay-bagay, ay hindi niya namalayan na nakabalik na pala ito sa kinauupuan nilang lamesa.
“Sige po,” tanging nasambit niya.
MAGKAHALONG takot at kaba ang nararamdaman ni Clint ng mga sandaling iyon habang tumutulong sa paghahanap sa kanyang anak. Sa labis na pag-aalala ay hindi niya magawang kumain ng tanghalian. Pinauna na lang niyang kumain ang kasamang driver at yaya ng anak. Hanggang sa mga sandaling iyon ay ramdam pa rin niya ng inis sa yaya ng anak dahil sa kapabayaan nito lalo na’t hindi pa rin nakikita si Drake. Subalit, mas nangingibabaw ngayon ang labis na pag-aalala niya sa anak.
“Sir!” tawag ng isang pulis na kasama nilang naghahanap sa lugar kung saan nila nawala si Drake. Napatingin siya rito habang ito’y palapit sa kinatatayuan niya. Umaasa siyang may maganda na itong ibabalita sa kanya.
“Sir, may natanggap po akong balita mula sa kasama ko sa station. Mayroon daw pong isang babae ang nag-report doon na may kasamang isang batang lalaki,” pagbabalita nito sa kanya.
“Really?! Eh, ano pang hinihintay natin? Bumalik na tayo sa station ngayon din.” Biglang bumilis ang t***k ng kanyang puso dahil sa excitement. Lihim niyang nahiling na sana ay ang anak na niya iyon. Para siyang natanggalan ng bara sa dibdib nang marinig ang balita ng kasamang pulis. Dali-dali siyang naglakad patungo sa sasakyan at sinenyasan ang yaya na sumakay na rin. Hindi na niya hinintay pa na sumagot ang pulis na kausap niya dahil sa kasabikang makabalik sa station upang makita agad ang sinasabing batang nawawala na kasama ng babaeng nag-report. Sumunod na lamang ang mga pulis sa kanilang sasakyan.
ILANG MINUTO palang na nakaupo sina Mina ay may isang lalaki ang humahangos na dumating. Hindi mawari ni Mina ang sarili pero parang may magnet na napatitig siya sa kabuuan ng lalaki. Pinakatitigan niya ito mula ulo hanggang paa. Para itong isang artista o modelo na lumabas mula sa isang magazine na tulad ng binabasa niya. Matangkad ang lalaki. May katamtamang ganda ng pangangatawan, matangos ang ilong at may mapupula itong mga labi na lalong nagpalakas ng appeal nito. Napaka-guwapo nitong tingnan. Parang may kakaibang karisma ito na humahatak sa kanya para pagmasdan niya ito ng ganoon. Nakatingin agad ito sa direksyon nila, partikular sa batang karga-karga niya. Tumakbo ito palapit sa kanila.
“Anak!” Narinig niyang sigaw nito habang papalapit sa kanila.
Bakas sa kanyang mukha ang pag-aalinlangan kung ito na ba talaga ang ama ng bata. Ngunit nang makita ito ng batang kasama niya ay biglang umiyak at nagpababa mula sa kanyang mga bisig.
“Daddy!” Tumakbo ito sa direksyon ng lalaki. Nang mga sandaling iyon ay hindi mawari ni Mina ang eksaktong nararamdaman. Napangiti siya sa tuwa ngunit, tila naluluha siya sa tagpong nakikita habang sabik na magkayap ang mag-ama. Alam kasi niya kung gaano kasakit sa isang magulang na mawalay ang anak. Siya man ay hindi niya alam ang gagawin sakaling siya ang nasa sitwasyon nito. Masaya na rin siya dahil sa wakas ay nagkita na rin ang mag-ama. Pero may parte ng kanyang sarili na nakaramdam ng panghihinayang. Marahil, sa pangalawang pagkakataon ay naagaw na naman ng isang lalaki ang kanyang atensyon. At sa pagkakataong ito, ay sa isang pamilyadong tao pa.
Napabuntong-hininga na lang siya at pilit na iwinaglit ang nasa isipan dahil alam niyang hindi tama. Tumigil ka, Mina. May asawa’t anak na siya, saway niya sa kanyang pilyang imahinasyon. Baka kung saan pa makarating ang lihim niyang pagpapantasya.
“Ma’am, siya po si Mr. Herrera. Siya po ‘yong sinasabi ko na posibleng tatay po ng batang kasama niyo,” pormal na pagpapakilala ng pulis sa kanya. “Mr. Hererra, siya po si Miss Montes, ang nakakita po sa anak niyo.”
Dahil nasa kalagitnaan pa rin siya ng pagpapantasya sa lalaking kaharap ay bahagya siyang nagulat sa biglang pagsasalita ng pulis na umasikaso sa kanila. Lihim siyang nakaramdam ng hiya dahil baka may nakapansin sa pagkatulala niya at pagtitig niya sa lalaking kaharap.
“Hello, Miss Montes! Thank you for saving my son,” sabi nito at inilahad ang kamay sa kanya. Agad niyang kinalma muna ang sarili bago tinanggap ang pakikipagkamay nito. Umayos ka, Mina, lihim na saway niya sa sarili.
“Hello, Mr.Herrera! Wala pong anuman iyon,” sagot niya. Binati niya ang sarili dahil agad siyang nakabalik sa composure niya dahil sa pagka-mesmerized niya pagkakita sa lalaki. Agad din niyang binawi ang kamay dito dahil parang nakaramdam siya ng kakaiba na bago sa kanya. Para itong kuryente na dumaloy sa buo niyang pagkatao nang makadaupang-palad niya ang lalaki.
Napansin niya na naglabas ito ng isang papel at nagsulat, pero hindi niya matiyak kung ano iyon.
“Take this, Miss Montes, bilang pasasalamat ko sa pagtulong mo sa aking anak.” Napatitig siya sa iniaabot nito sa kanya. Tseke pala ang sinusulatan nito kanina.
“Naku, hindi ko po matatanggap iyan, Mr. Herrera. Hindi naman po ako humihingi ng kapalit sa ginawa kong pagtulong kay Drake,” sinserong pagtanggi niya sa alok nitong pabuya.
“No. I insist, Miss Montes,” pagpupumilit nito na tanggapin niya ang tseke.
“Mr. Herrera, nakapagpasalamat na po kayo sa akin at iyon ay sapat ng kapalit sa pagtulong ko sa inyong anak,” saad niya saka nilakipan ng tipid na ngiti para sa lalaki. Hindi na rin nagpumilit pa ang lalaki at panay na lang ang pasalamat nito sa ginawa niya.
Bumuntong-hininga ito bago nagsalita ulit.“Anyway, thank you again, Miss Montes.”
Ngumiti lang siya dito saka nagpaalam na aalis na. Kailangan pa kasi nilang mag-ayos ng gamit dahil nakatakda na silang umuwi sa Nueva Ecija nang araw ding iyon. Tatlong araw lang kasi ang inilaan niyang bakasyon nilang mag-ina sa Baguio.
Binalingan niya si Drake para magpaalam at naghabilin dito.“Aalis na kami, Drake. Mag-iingat ka at palagi kang sumunod sa daddy mo o kaya sa yaya mo. Huwag ka nang hihiwalay ulit sa kanila, okay?”
“Yes po, Tita,” magalang na sagot nito sa mga habilin niya.
“Aalis na kami, Mr. Herrera,” anya ng balingan niya ang lalaki na tahimik lang na nakamasid sa kanila. Nang tumango ito sa kanya ay saka sila tumalikod at umalis.
HABANG nag-aayos sila ng kanilang mga gamit ay hindi niya maiwasan na hindi maisip ang nangyari kanina. Napapailing at napapangiti siya habang inaalala ang reaksyon niya pagkakita sa lalaki. Napabuntong-hininga na lamang siya upang iwaglit sa isipan ang eksena kanina sa police station.
Nang makapag-ayos na sila ng kanilang mga gamit ay tinawag na niya ang anak upang lumabas na sa tinuluyan nilang transcient.
“Anak, nakagayak ka na ba? Aalis na tayo.”
“Opo, Ma. Tapos na po ako,” sagot nito. Lumapit ito sa kanya na bitbit na ang bag nito.
“Tara na?” yaya niya. Saka inakbayan ang anak. Dumiretso na sila sa reception area para ayusin na ang kanilang babayaran.