DALAWANG block lang ang pagitan ng dalawang mansyon. Nang matapat sila sa gate niyon ay isang paghinga ang pinakawalan ni Rachelle. Parang nagbabalik siya sa nakaraan noong una siyang matuntong doon. Sa totoo lang ay walang masyadong pinagbago ang mansyon. It was well-maintained. Ang gate at bakod ay ganoon pa rin. Alaga lamang sa pagpapa-repaint sa tuwing kukupas ang nakapahid. At hindi nagpapalit ng kulay ng pintura. Puti palagi. Hindi rin nagbabago ang estilo ng landscape. Ang mga santan at sampaguita na nakatanim doon ay matagal nang nakakapit ang mga ugat bago pa man ang unang tapak niya doon. Nagbabago lang ang itsura niyon kapag ganitong ber-months at pinalalagyan ng mommy niya ng poinsettia ang paligid. At karamihan sa mga poinsettia na iyon ay binhi din buhat sa dala niya noon.

