ISANG malalim na paghinga ang pinakawalan ni Love. Hindi siya sigurado kung tama ang gagawin niya subalit hindi na siya mapakali. Dumadami ang pagtataka sa isip niya at naghahanap siya ng sagot. Minasdan niya ang higit-sa-karaniwan ang lapad ng pintuan. Kagaya ng ibang mga silid ay napipintahan din iyon ng puti ngunit kapansin-pansin ang labis na lapad niyon. Naisip niyang dahil siguro iyon sa wheelchair ng kanyang Mommy Loi. Marahan niyang kinatok ang master's bedroom. Nag-aalangan siya sapagkat hindi pa siya nakakapasok doon. Alam lang niya na iyon ang kuwarto nito at ng papa niya. Itinuro sa kanya ni Albert na kumatok lang daw siya doon kung may kailangan siya. "Sino iyan?" tinig ni Loi. "Si Lov---Rachelle po." Hindi pa siya sanay na ituring ang sarili bilang Rachelle. “Come in.”

