"ANONG nangyari sa'yo Risa?"
Nilagpasan lang ni Merisa ang taong nakasalubong niya sa hagdan paakyat ng ikalawang palapag ng bahay. Ayaw niyang makipag-usap ngayon dahil kailangan niya nang makapasok sa kanyang kuwarto bago pa siya makita ng Mama niya.
Sana hindi ako makita ni Mama. Baka mahimatay iyon kapag nakita niyang ganito ang ayos ko. sabi niya sa kanyang sarili na nilalakihan na ang hakbang para mabilis siyang makarating sa kuwarto niya.
"Risa!"
Naramdaman niya ang malakas na kamay na humawak sa kaliwa niyang braso. Nasalubong niya ang nag-aalalang mukha ng Kuya Markin niya. Mukhang hindi siya nito titigilan hangga't hindi nalalaman kung ano ang nangyari sa kanya. Dapat sinagot niya nalang ang tanong nito kanina sa may hagdanan. Kaya lang, kabisadong-kabisado niya na ang Kuya Markin niya. Hindi ito makokontento sa isang tanong lang.
"Kuya Kin sa kuwarto ko nalang tayo mag-usap baka makita ako ni Mama ng ganito," may kaba sa kanyang dibdib na napatingin sa paligid.
Tinanggal nito ang pagkakahawak sa kanyang braso. Hinawakan na siya nito sa kanyang pala-pulsuhan at naunang naglakad.
"Sige sa kuwarto mo tayo. Pero hindi ka puwedeng magsinungaling sa mga tatanungin ko," mariin nitong sabi. Tumango nalang siya kahit nauuna ito sa kanya. Para siyang roller bag na hinihila lang nito.
Pagpasok nila sa loob ng kuwarto ay isinarado agad nito ang pinto. Tumayo ito sa kanyang harapan at seryosong nakatingin sa kanya.
"Noong nakaraang araw basang sisiw kang umuwi sa bahay. Nang isang araw naman ay para kang clown na ang puti ng mukha mo. Kahapon para kang sumali sa isang team building na pinatakbo ka sa may putikan. Ngayon naman para kang coloring book na iba't-iba ang kinulay sa katawan mo?" naiiling at hindi makapaniwalang saad nito sa kanya.
"I'm sorry Kuya Kin," nakayukong sabi niya. Nagso-sorry siya dahil hinayaan niya ang grupo ni Kyla na tapunan siya ng color paint nang papunta na siya sa car park kanina. Hindi na niya nagawang magpalit ng damit dahil naghihintay na ang driver niya sa car park.
"Bukas na bukas ay sasama ako sa'yong pumasok sa school mo. Para mai-report ko ang ginagawang pangbu-bully sa'yo. At 'yang mga nambu-bully sa'yo ay makakatikim talaga ng galit ko!" may galit sa tono nito na ikinakaba niya.
"Pero Kuya Kin, kaya ko naman sila kaso ayokong patulan dahil nakikita kong masaya si Mama na pag-aaral na ang inaasikaso ko," bigla siyang napahawak sa magkabilang mga braso nito at nag-angat nang tingin dahil matangkad ito sa kanya.
Ang Kuya Markin niya ay isa ng ganap na doctor at mas matanda ito ng pitong taon sa kanya. Twenty-nine years old na ito pero parang ka-edad niya lang na twenty-two ang itsura nito. Hindi mo aakalaing malapit na itong mag-thirty. Sobrang protective nito na pati lamok at langgam ay ayaw nitong makalapit sa kanya. Kaya sobra siyang bless na may Kuya Markin siya. Pero ang ayaw niya ay ang pagiging attractive nito. Maraming nagkakagustong babae sa Kuya niya at marami rin itong stalker kaya walang tahimik na personal life ito. Kaya kapag sumama ito bukas sa school alam niya na ang mangyayari. Tulad sa mga school na pinasukan niya kukulitin lang siya ng mga babae para ilakad sa Kuya niya. Ayaw na ayaw niyang ginagawa siyang tulay o bangka ng mga ito. Kaya nagpapalipat siya agad ng school kahit first semester palang ang nakokompleto niya.
"Oo nga, alam kong kaya mo sila. Pero bakit hindi ka lumalaban? Masaya nga si Mama na makitang nag-aaral ka na at hindi na pumupunta sa mga event at show mo. Paano kapag nalaman niya na may nambu-bully sa'yo sa bago mong school? Tingin mo ba matutuwa siya? Baka mas gugustuhin pa ni Mama na bumalik ka sa hilig mo." anito.
Nakaramdam siya ng panghihina at panglalambot ng katawan. Kaya napabitaw siya sa pagkakahawak sa braso nito at dahan-dahang pumunta sa kanyang kama. May point ang kanyang Kuya Markin lalo pa't nag-iisang anak lang siya na babae. Kaya sobrang protective sa kanya ng kuya at magulang niya.
"Risa mag-shower ka muna baka mahawaan pa ang bed sheet mo ng color paint sa katawan mo. At baka magkasakit ka pa kung magtatagal sa katawan mo iyan. Araw-araw nalang nililinis ng driver mo 'yung kotseng hinahawaan mo ng kung ano-ano. Mag-uusap pa tayo mamaya." anito bago lumabas ng kuwarto.
Napakagat siya ng ibabang labi para pigilan ang nagbabadya niyang luha habang nakatingin sa pintong nilabasan ng kanyang Kuya.
Transferee student siya sa Hanoka University at nasa ikatlong taon na siya sa kursong Nursing. Bagong lipat lang sila sa Santris City kung saan ay gusto ng Mama at Papa niya na mag-stay for good. Taon-taon ay palipat-lipat sila dahil sa mga crazy admirers ng kanyang Kuya Markin. At para maiwas na rin siya sa pagpunta niya sa mga event at show. Kilalang-kilala si Merisa sa K-pop world lalo na't isa siyang cosplayer, nagko-cover din siya ng iba't-ibang kanta at sayaw ng mga sikat na K-pop artist. Nabu-bully siya ngayon sa Hanoka University dahil sa mahaba at may bangs niyang buhok na kulay pink. At pagsusuot niya rin ng iba't-ibang kulay ng contact lenses. Pero ang madalas na kulay ng contact lense na sinusuot niya ay kulay green. Para sa kanya masarap sa mata ang kulay green na kulay ng kalikasan.
Kaya niyang lumaban sa mga nambu-bully sa kanya pero ayaw niyang malaman ng Mama niya na hindi maganda ang trato sa kanya sa bagong school na pinapasukan.
"Sana ay totoong nage-exist si Seiji para naman may knight in shining armor akong magtatanggol at tutulong sa'kin." naisambit niya habang papasok ng shower room para makapag-shower at makapagpalit na rin ng damit.
Tuwing nabu-bully siya ay lagi niyang nababanggit ang pangalang Seiji na imaginary boyfriend niya. Naging defence mechanism niya ang pagbanggit ng pangalan nito tuwing nabu-bully at sinasaktan siya. Pakiramdam niya ay ligtas siya tuwing naisasambit ang pangalan nito.
ALAS dos ng madaling araw nang maalimpungatan si Merisa. Hindi niya alam kung bakit hindi na niya magawang bumalik sa pagtulog. Napatingin siya sa kanyang bintana dahil may kutob siyang nasa labas ang sagot kung bakit siya naalimpungatan.
Paghawi niya ng kurtina ay agad niyang nakita ang bilog na buwan. Tama nga ang kutob niya dahil tuwing bilog ang buwan ay naaalimpungatan at hindi na siya makatulog. Napahawak siya sa kanyang dibdib at mariing napapikit.
"Seiji," naisambit niya.
Hindi niya alam kung may Seiji bang nage-exist o wala. Isang buwan na rin ang nakakalipas nang makita niya ang kulay dugo na buwan. Para bang may kung ano sa buwan na iyon kaya matagal niya itong tinitigan at kinuhaan pa niya ng picture para remembrance. Simula nang makita niya ang kulay dugo na buwan. Lagi nalang siya nananaginip ng masama. Na may mga halimaw na humahabol sa kanya sa gubat. Kapag mahahawakan na siya ng mga halimaw ay may lalaking dumadating at nagliligtas sa kanya. Hindi niya makita ang mukha nito dahil nakatalikod ito sa kanya. Kapag nakaharap naman ito nasa likod naman nito ang buwan kaya hindi niya maaninag ang mukha nito. Isang beses ay tinanong niya ang pangalan nito. Iniangat lang nito ang kaliwang kamay na may matutulis na bagay na hindi niya malaman kung kuko ba o 'yung katulad sa kamay ni wolverin sa movie na napanood niya. Akala niya hindi nito sasabihin ang pangalan pero sinabi nito na siya ay si Seiji.
Pagdilat niya ng kanyang mga mata ay may nakita siyang kuminang sa may garden na nasa harap lang ng bintana niya. Parang may naaninag siyang anino pero nang titigan niya ito parang wala naman.
"Guni-guni ko lang siguro," aniya na bumalik na sa kanyang kama.