PALINGA-LINGA si Merisa habang yakap ang libro niya papunta sa unang class niya. Sa gate palang ng Hanoka University ay taimtim na siyang nanalangin na sana ay hindi siya ma-bully ng grupo ni Kyla. Biyernes naman ngayon kaya sana ay nakontento na ang mga ito sa pangbu-bully sa kanya ng apat na araw simula nang pumasok siya.
"Merisa!"
Napalingon siya sa kanyang likuran nang may tumawag sa kanyang pangalan. Napahinto siya sa paghakbang at may pagtatakang hinarap ang babae na nakangiti sa kanya. Tingin niya ay ito ang tumawag ng kanyang pangalan dahil ang mga tao sa paligid niya ay pinagbubulungan at pinagtatawanan siya maliban sa babaeng nakangiti sa kanya.
"Kilala mo ako?" nagtatakang tanong niya na tinuro pa ang sarili gamit ang kanang hintuturo.
"Hindi pero pinag-uusapan ka sa buong campus na ikaw ang kinatutuwaan nai-bully ng Crazy Chicks. Kaya nalaman ko ang pangalan mo," anito na tinutukoy ang grupo ni Kyla na binubuo ng anim na babae. CHICKS stands for Cathy, Hellen, Isabela, Chloe, Kyla at Sharon. Si Kyla ang pinaka leader ng grupo.
"Ah," tumango nalang siya at nakaramdam ng hiya.
"Ako nga pala si Eighene Klainie." pakilala nito na naglahad pa ng kamay.
Tiningnan lang niya ang kamay nito. Nagdadalawang isip pa siya kung makikipag-kamay ba siya o hindi. Iniisip niya na baka may bubble gum ito sa kamay o kahit na ano na pang-prank sa kanya para mapagkatuwaan na naman.
Nagulat siya nang tumawa ito matapos bawiin ang kamay na kanina ay nakalahad sa kanya.
"Bakit?" tanong niya na napapakunot na ng noo.
"Wala lang. Nakakatuwa ka kasi," natatawang sabi nito na humawak sa kanyang braso.
Napahigpit ang yakap niya sa medical book para hindi mabitawan. Nagtatakang tiningnan niya ito at sinusuri kung nasa tamang pag-iisip ba ito o wala. Pero kahit anong gawin niyang pagsuyod ng tingin ay normal naman ito. Sa katunayan ay maganda ito, mahaba at maganda ang pagkakakurba ng buhok nito sa dulo. Parang isang manika kung titingnan ang itsura nito. Hindi na kailangan magsuot ng contact lense dahil maganda ang itim na mata nito. Bumalik sa reyalidad ang kanyang isip at tiningnan ang babae.
"Anong nakakatuwa? At bakit ka nakahawak sa kaliwang braso ko?" naguguluhan at nagtatakang tanong niya. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may lumapit at kumausap sa kanya simula nang pumasok siya. Kaya hindi niya malaman kung ano ang intensiyon nito sa kanya. Lalo na't normal ito at walang sayad tulad nang naiisip niya.
"May naalala lang ako. Sa dati kong University may nakilala ako na magandang babae. Pareho kayo nang ginawa, tiningnan ninyo lang ang kamay ko," natatawang kuwento nito sa kanya. "Pinagtitinginan na tayo kaya tara na baka ma-late ka pa," dagdag pa nito.
Napakibit-balikat siya at hindi niya alam ang sasabihin pati ang magiging reaksiyon. Pero napangiti siya dahil kahit paano ay may taong naging mabait sa kanya.
"Alam mo natutuwa ako sa'yo dahil kakaiba ang style mo. Ikaw lang ang student dito na kulay pink ang buhok tapos naka-contact lense ka pa." anito na tuwang-tuwa.
Ano bang ikinakatuwa niya? Ngayon lang ba siya nakakita ng ganitong style? Hindi ba siya nanunood ng tv o youtube? Ano nga ba ang pangalan niya? Eighene Klainie? sunod-sunod niyang tanong sa sarili habang nangungunot ang noo.
"May problema ka ba? Kumukunot ang noo mo," puna nito sa kanya.
Matabang siyang ngumiti. "Naguguluhan kasi ako. May kailangan ka ba kaya ka nakikipag-usap sa akin?" diretsong tanong niya na nakaramdam ng kaba. Umaasa siyang mali ang iniisip niya para magkaroon siya ng kaibigan.
"Sorry kung naguluhan ka sa akin. Gusto kasi kitang maging kaibigan," ngiting sabi nito.
"Gusto mo akong maging kaibigan?" natuwa siya sa narinig at pilit na itinatago ang ngiti sa sulok ng kanyang labi.
"Naalala ko sa'yo bigla si Reiku nang makipagkamay ako sa'yo. Pareho kasi kayo nang naging reaksiyon. Tiningnan mo lang ang kamay ko at nagdadalawang isip na makipag-kamay sa akin. Hindi ko na siya nakita ulit simula nung iniligtas niya ako sa mga lalaking naka-drugs yata kasi namumula ang mga mata nila," nakangiti ito habang nagkukuwento. Kulang nalang ay magningning ang dalawang mata nito sa tuwa.
"Kaya mo ba ako kinaibigan dahil naalala mo siya sa akin?" nakaramdam siya ng lungkot at parang na-offend na kaya siya gustong maging kaibigan dahil sa naalala nito ang isang kaibigan sa dating University.
Ano bang tingin niya sa akin? Proxy? reklamo niya na hindi niya isinatinig.
"Hindi naman, gusto ko lang na tulungan ka," anito na bumitaw sa pagkakahawak sa braso niya.
"Tulungan para saan?" kunot noong tanong niya.
"Napapansin ko kasi na hindi ka lumalaban kaya gusto kitang tulungan. May kakilala ako na black belter sa taekwando, gusto mo ba siyang makilala?" anito na nakatingin sa mga mata niya.
"Thanks nalang Eighene. Kaya ko naman ang sarili ko," pagtanggi niya sa offer nitong tulong.
Hindi niya na kailangan pang makipagkita sa tinutukoy nitong tao. Dahil marunong siyang mag-taekwando. Iyon ang naging sports niya nung high school.
"Sure ka? Parang hindi ako naniniwala," hindi naniniwalang sabi nito.
"Marunong ako mag-taekwando kaya lang ayokong lumaban sa kanila. Baka malaman ng parents ko ang mga nangyayari sa'kin simula nang pumasok ako rito. Ayokong mag-alala sila," paliwanag niya. Ang gaan ng pakiramdam niya kay Eighene kahit ngayon niya lang ito nakausap. Pakiramdam niya ay matagal na niya itong kilala at malapit na kaibigan.
"Marunong ka naman pala dapat lumaban ka. Para matigil na ang paghari-harian nilang anim. Tingin mo hindi nila ito malalaman? Kung ikaw ay iniingatan ng parents mo sa bahay bakit hinahayaan mong saktan ka rito ng taong hindi mo naman kaano-ano?" anito na talagang tumama sa kanya.
Parang isang sampal ng katotohanan ang sinabi ni Eighene sa kanya. Kung ang parents niya sobrang ingat sa kanya bakit hinahayaan niyang sinasaktan at bully siya ng grupo ni Kyla? Ang Kuya Markin naman niya pati lamok at langgam ayaw na makalapit sa kanya. Naalala niya ang pagpupumilit nito kanina na samahan siya ngayon. Dinaan niya sa pagpapa-cute at nangako siyang ipagtatanggol niya na ang sarili.
HINDI maalis ang ngiti sa labi ni Merisa habang papunta siya ng cafeteria. May usapan sila ni Eighene na sabay silang kakain at sa cafeteria nalang magkikita. Nalaman niya na HRM student ito at gusto siya nitong makausap para maging kaibigan. Personal siyang pinuntahan nito kahit ibang way ang building nito. Marami itong sinabi tungkol sa Hanoka University. Naikuwento rin nito si Reiku sa kanya. Na curious siya bigla kung ano ba ang itsura ni Reiku at bakit naikompara siya rito.
"Saan mo balak pumunta?"
Humarang sa dinadaanan niya ang grupo ni Kyla at masama siyang tiningnan ng mga ito.
"Sa cafeteria," sagot niya.
Naglakad na siya at nag-iba ng direksyon nang biglang hawakan siya ng apat na babae.
"Teka! saan ninyo ba ako dadalhin?" pagpupumiglas niya habang hawak siya ng apat na babae.
"Sayang kasi 'yung binili namin kung hindi namin magagamit kaya para hindi kami manghinayang sa'yo namin gagamitin," sabi ni Chloe na nakangisi.
Hindi niya magamit ang alam niyang moves dahil iniisip niyang babae pa rin ang mga ito kahit masama ang ugali.
"Ano na naman ang gagawin nila sa'kin?" mahinang tanong niya habang tinatali siya nila Hellen at Sharon sa may puno.
Nasa likod sila ngayon ng campus na bihirang puntahan dahil ipinagbabawal. Nalaman niya na bawal pumunta sa likod ng campus kay Eighene kanina.
Nakita niyang may mga hawak itong itlog. Mukhang itlog na naman ang matitikman niya sa grupo ni Kyla. Nanlaki at napauwang ang kanyang bibig nang makita na nabitawan ni Kyla ang itlog na hindi man lang nabasag.
"Don't tell me na boiled egg ang hawak nila? Okay na sana sa itlog pero 'yung nilagang itlog? Masakit na sa katawan iyon kapag tumama," napapangiwi siya habang iniisip ang magiging kapalaran niya. Nagpumiglas siya mula sa pagkakatali pero mahigpit ang ginawang pagtali sa kanya.
Nagsisi siya bigla dahil kung pumayag lang siya sa Kuya Markin niya sa gusto nito wala siya sa ganitong kalagayan. Kung pumayag siya na mag-report ito ay magkakaroon ng suspension ang grupo ni Kyla. Napakagat labi siya nang makitang naghahanda na ang anim para ibato sa kanya ang mga boiled eggs.
Naalala niya bigla ang lalaking nagpapakita sa panaginip niya kapag nasa panganib siya. Wala naman masamang umasa ngayon na puwedeng magkatotoo ang panaginip kahit hindi Seiji ang pangalan basta mala Seiji kung dumating para iligtas siya. Para sa kanya ang lalaking nasa panaginip ay boyfriend or imaginary boyfriend niya. No boyfriend since birth kahit 22 years old na siya ngayon. Kaya masaya siya na ma-experience na mayroong boyfriend kahit panaginip o imagination lang.
Nang makita niya na ibabato na ito sa kanya naisigaw niya ang katagang "Seiji, please help me,"
Gawa-gawa man niya ang imaginary boyfriend, umaasa siyang may taong tutulong sa kanya.
Narinig niya ang pagtili ng grupo ni Kyla na naglalaway pa. Nabitawan pa ng mga ito ang hawak na boiled eggs sa sobrang kilig. Hindi niya alam kung bakit nagkakaganoon ang mga ito. Pero may lalaking mukhang nanggaling sa likuran ng puno kung saan siya nakatali ang pumunta sa harapan niya.
Matangkad ito, matangos ang ilong, makapal ang kilay, may heart shape lips na talagang pula pa ang kulay, kissable lips talaga. Singkit at kulay pula ang mga mata ng lalaki.
"Why do you always call me whenever you're in trouble?" malamig na tanong nito sa kanya.
"Ha?" maang siyang napatingin sa guwapong lalaki na ngayon lang niya napansin na nakasuot ng white long sleeve polo at black pants. Ang guwapo nito kahit ang simple lang ng suot, 'yun nga lang cold ang presence nito.
"I'm Seiji, I heard you repeatedly calling my name whenever you're in trouble," nagsalubong ang dalawang kilay nito.
Napatulala siya nang makita ang sarili sa mga mata nito dahil sa lapit ng mukha nila sa isa't-isa ngayon. Parang nalulunod siya sa tingin nito sa kanya.
"I-ikaw? Si Se-seiji?" napalunok laway siya. Sa sobrang tense ay nautal siya.
"Yes, I am," malamig pa sa aircon ng kuwarto niya ang boses at presensiya nito.
"Puwede bang tagalog nalang ang isagot ko sa'yo? Wala akong baon na english dito," dahil sa sobrang tense ay iyon ang naitugon niya. Napayuko siya nang ma-realize kung ano ang nasabi niya.
She heard Seiji's chuckle. Kaya nag-angat siya nang tingin. Seryosong nakatingin ito sa mukha niya na sobrang namumula na sa hiya at kaba na may kasama pang takot dahil sa boiled eggs.
"Nakakatuwa ka," anito na ikinabuka ng bibig niya sa pagkagulat.
Ako nakakatuwa? Clown ba tingin niya sa'kin? Pusang gala ang ganda ko namang clown!
Nakita niya ang pagngiti nito sa kanya na naging resulta ng pag-malfunction ng kanyang puso. Biglang huminto sa pagtibok ang kanyang puso na kalaunan ay biglang tumibok ng mabilis.