"OO nakakatuwa ako kaya nga tinali nila ako sa punong ito," sarkastikong sabi niya habang pinapagalitan ang sarili dahil sa pagtibok ng mabilis ng kanyang puso.
Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon siya ng problema sa kanyang puso. Lagi naman siyang nagpapa-check up sa family doctor nila. Kaya alam niyang wala siyang sakit sa puso at lalong wala siyang nerbiyos. Magiging nurse rin siya balang araw kaya alam niya ang mga sintomas kapag may problema ka sa puso o wala.
Ano bang nangyayari sa puso ko? napalabi siya at napapikit ng mariin.
"Hindi ka ba natatakot sa akin?" tanong nito sa kanya na halatang namangha.
Napatingin siya sa lalaki at kumunot ang kanyang noo sa tinanong nito imbes na tulungan siyang makaalis ng puno. Hindi ba nito nakikitang nakatali siya sa puno? O gusto lang nito magtanong sa kanya?
"Ano naman ikakatakot ko sa'yo?" naguguluhang tanong niya bilang sagot sa tanong nito. "Bakit? Drug addict ka ba? Killer ka ba? Snatcher? Kidn---" hindi na niya natapos ang sasabihin nang biglang inilapit nito ang mukha sa kanya.
Napatingin siya sa labi ng lalaki na tatlong pulgada na lang ang layo sa labi niya. Napalunok laway siya nang maisip ang eksenang magdadampi ang kanilang mga labi. Napailing siya sa kanyang naiisip. Hindi niya gugustohin na ganito ang first kiss niya. Gusto niya 'yung romantic tulad sa mga napapanood niya na may mga fireworks pa. Hindi 'yung ganito na nakatali siya sa puno at hindi pa niya kilala 'yung lalaking nasa harapan niya.
"Tingnan mo ang mga mata ko. Hindi ka ba natatakot?" may pag-utos na sabi nito. Hinawakan pa siya nito sa kanyang baba na nagdulot ng malakas na daloy ng kuryente sa kanyang buong katawan.
Tiningnan niya ang dalawang mata nito na parang tumutunaw sa kanya. Mas bumibilis pa ang t***k ng kanyang puso na parang nakasakay siya sa kabayo na nasa isang karera. Napasinghap siya nang masaksikan ang pagtingkad ng pulang mata nito. Para bang nagliliwanag ang pula nitong mata. Hindi niya alam kung hallucination niya lang ba iyon o dahil sa sinag ng araw na tumatama sa kanyang mata kapag humahangin dahil nahahawi nito ang mga sanga sa punong kinatatalian niya.
"Ang ganda ng pagkapula ng mata mo," mangha niyang sabi na parang gusto pang hawakan ang mata nito. Pero dahil nakatali siya sa puno ay hindi niya magawa.
Lumayo ito sa kanya at ngumiti ng saglit. "Bakit mo laging tinatawag ang pangalan ko?" tanong nito habang tinutulungan siyang makaalis sa pagkakatali sa puno.
Napalunok siya ng kanyang laway nang makaramdam ng pagkauhaw dahil sa lamig ng boses nito. Magsasalita na sana siya nang biglang may umeksena.
"Hello pogi anong pangalan mo?" kinikilig pang tanong ni Kyla sa lalaking tumulong sa kanya na makaalis mula sa pagkakatali.
Parang ngayon lang nag-sink in sa utak niya ang sinabi kanina ng lalaki sa kanya. Hindi siya makapaniwala na Seiji ang pangalan nito. Napatingin siya at napanguso nang makitang pinalibutan na ito ng grupo ni Kyla.
Totoo bang Seiji ang pangalan niya? tanong niya sa kanyang sarili habang tinitingnan ito. Sa wakas ay nakaalis na siya mula sa pagkakatali sa puno. Salamat sa taong nagpakilalang Seiji sa kanya.
Kitang-kita niya ang pagkunot ng noo nito habang kinakausap ng Crazy Chicks. Napansin niyang wala ng mga hawak na boiled eggs ang grupo ni Kyla kaya nakahinga na siya ng maluwag.
Aalis na sana siya nang maramdaman ang isang kamay na humawak sa kanang braso niya. Pagtingin niya ay nasalubong niya ang pulang mata nito.
"Bakit?" nagtatakang tanong niya. Hindi niya alam kung bakit siya nito hinawakan. Tiningnan niya ang nasa likuran nito. Napaatras siya sa takot nang makita ang matatalim na tingin ng Crazy Chicks lalong-lalo na ni Kyla.
"May kailangan akong malaman." malamig na sabi ng lalaking nagpakilalang Seiji na agad siyang hinila papunta sa kung saan.
Sa bilis nang pangyayari ay parang nananaginip siya. Kanina lang ay nasa likod lang sila ng campus tapos naglakad at lumiko lang sila nakarating na agad sila ng rooftop.
"Paano tayo nakapunta dito?" tanong niya na pinanglalambutan ng tuhod matapos tumingin sa baba. Nasa main building sila ng Hanoka University na pinaka mataas ng building sa buong campus. May limang palapag ito kumpara sa ibang building na tatlong palapag lamang.
"Hindi iyan ang gusto kong marinig," sabi nito na bumitaw na sa pagkakahawak sa kanang braso niya at lumayo sa kanya.
"Totoo ba ito nagtatagalog ka?" tanong niya na tila namangha pa.
"Kanina pa ako nagsasalita ng ganito," malamig na sagot nito sa kanya.
Napakamot siya ng batok at natawa sa kanyang sarili. "Sorry," sinserong sabi niya.
Kanina lang niya ito nakita pero parang ang dami ng nangyari sa kanya. Pati katinuan niya at malinaw na pag-iisip ay nawala na. Tanging mabilis na pagtibok ng kanyang puso ang iniintindi ng kanyang isip. Kaya hindi niya naiintindihan ang mga nangyayari sa paligid niya. Oo alam niya ang mga nangyayari pero hindi naproproseso ng kanyang utak para maunawaan niya. Gaya na lang ngayon, hindi niya napansin na nagtatagalog na ito. Parang kanina lang sinabi niya na kung puwede tagalog na lang isagot niya dahil wala siyang baon na english ngayon.
"Hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko," malamig na sabi nito na nakatingin ng diretso sa kanyang dalawang mata.
Napayuko siya bago tumingin sa lalaki. "Ano ba 'yung tanong mo?" nahihiyang tanong niya.
Napasinghap siya nang makita itong nasa harapan niya na agad. Nanlaki ang kanyang dalawang mata sa sobrang pagkagulat. Para siyang namalikmata o parang minumulto siya sa nakita niya.
"Paano mo nalaman ang pangalan ko at bakit mo laging tinatawag ang pangalan ko?" tanong nito.
"Paanong nangyari na nasa harapan na kita?" tanong niya na tumingin sa pulang mata nito.
"Ang sagot mo lang sa tanong ko ang gusto kong marinig," nanuot sa buong katawan niya ang malamig na boses nito.
Hindi niya maintindihan kung bakit may epekto ang malamig na boses nito. Para bang may kung anong hiwaga sa pagkatao nito na ngayon lang niya naranasan. Ibang-iba ito sa Seiji na nasa panaginip niya. Kunsabagay hindi naman niya nakakausap ang Seiji sa kanyang panaginip.
Humugot siya ng malalim na hininga para pakalmahin ang puso niyang kanina pa abnormal na tumitibok. "Isang buwan na ang nakakaraan nang may makita akong kulay pulang buwan. Ang tagal kong nakatingin sa buwan at kinuhaan ko pa ng picture. Simula no'n ay lagi na akong nananaginip na may mga halimaw na humahabol sa akin sa may gubat. Kapag hahawakan na nila ako ay may biglang dumadating na laging nagliligtas sa akin. Maraming beses niya akong iniligtas kaya na-curious ako kung ano ang pangalan niya lalo't hindi ko makita ang mukha niya. Tapos.." huminto siya sa pagsasalita at tiningnan ang kaliwang kamay nito. "Na saan 'yung parang bakal na nasa kaliwang kamay mo? 'Yung matulis na bagay na parang katulad kay wolverin sa movie?" nakuha pa niyang magtanong.
"Paano mo nalaman ang tungkol sa sandata ko?" nagulat siya nang hawakan siya nito sa magkabila niyang braso. "Sino ka ba?" tanong pa nito na may matang makapigil hininga. Parang pinapatay ka sa tingin nito. Ngayon lang niya napansin na talagang matangkad ito, tulad ng pagkaka-describe niya kanina. Kaya nakatingala siya habang sinasalubong ang tingin nito.
"Sa panaginip. Iyon ang nakikita kong ginagamit mo sa mga halimaw na humahabol sa akin. Kaya nga lagi kong tinatawag ang pangalan mo baka may Seiji rin sa totoong mundo. Sino ako? Ako si Merisa Llorca," dire-diretso niyang sagot. Nakahinga siya ng maluwag nang bitawan siya nito at bumaling sa ibang direksyon.
"Anong itsura ng mga halimaw ang humahabol sa'yo sa panaginip mo?" tanong nito sa kanya.
Nagulat siya dahil naging interesado na ito sa kanyang panaginip. Pumikit siya at in-imagine ang mukha ng mga halimaw.
"Nakakatakot ang kanilang mata na kulay pula at may pagkaitim." napalunok siya nang mapagtanto na pula ang mata ni Seiji. Pero nakakatakot 'yung sa mga halimaw kumpara kay Seiji na puwede mong ikatunaw o ikayelo. Mahirap ipaliwanag kung paano niya nasabi ang kulay ng mga mata nito. Kahit sa madilim na gubat siya tumatakbo. Siguro nga walang imposible sa panaginip kaya pati kulay ng mata ay nalaman niya. "May dalawang ngipin sila na sobrang haba. Tapos.." hindi na niya natapos ang sasabihin nang may naalala siya.
Sa panaginip niya. Tuwing inililigtas siya ng knight in shining armor niyang si Seiji. May pulang mata na nakatingin sa kanya na nagkukubli sa isang puno. Nanginig ang buo niyang katawan na hindi niya maintindihan. Bigla siyang nawalan ng balanse at parang mawawalan siya ng ulirat.
"Seiji." sambit niya ng pangalan ng lalaki habang hinihintay ang pagbagsak niya.
Nagtaka siya na walang naramdamang sakit. Binuksan niya ang kanyang dalawang mata. Bumungad sa kanya ang mukha ni Seiji. May sinasabi ito sa kanya habang akay siya nito pero hindi niya marinig. Bago pa man magdilim ang paningin niya may napansin siyang kakaiba kay Seiji.