NAPABANGON si Merisa sa pagkakahiga nang mapansin na pamilyar ang lugar kung nasaan siya ngayon. Kakagising niya lang ngayon simula nang mawalan siya ng malay. Naguguluhan siya kung paano siya nakauwi?
"Paano ako nakauwi sa bahay?" tanong niya habang inililibot ang tingin sa kulay pink with matching white na kulay ng kuwarto niya.
"Salamat naman dahil nagising ka na. Pinag-alala mo kaming lahat."
Isang baritonong boses ang kanyang narinig kaya napatingin siya sa kanyang kanan. Nakita niya ang Kuya Markin niya na nakahalukipkip habang seryosong nakatingin sa kanya. Nakaupo ito sa isang upuan malapit sa kanyang kama. Mukhang kanina pa siya nito binabantayan.
"Kuya Kin paano ako nakauwi dito sa bahay?" nagtatakang tanong niya.
Ang huli niyang natatandaan ay nasa rooftop siya kasama ang lalaking nagpakilalang Seiji. Kaya hindi niya maintindihan kung paano siya nakauwi. Imposible naman na alam nung nagpakilalang Seiji ang bahay niya.
"May naghatid sa'yo kaya nakauwi ka." sagot nito sa tanong niya. Sa tono ng boses ng Kuya Markin niya para siyang nasa hot seat.
"Naghatid? Sino?" kumunot ang kanyang noo sa narinig.
Tumayo ito mula sa pagkakaupo sa upuan at umupo sa kanyang kama. Hinawakan siya nito sa magkabila niyang balikat at iniharap siya nito. Sobrang seryoso ng mukha nito na ngayon lang niya nakita. Madalas na seryoso ito kapag nasa trabaho pero bakit ganoon ito ngayon sa kanya? May sakit ba siya o may nakitang finding sa kanya kaya ang seryoso nito?
"Ako ang dapat na magtanong sa'yo niyan!" mariin nitong sabi na ikinakaba niya.
Napahawak siya sa kanyang dibdib gamit ang kaliwa niyang kamay. Para bang may mangyayaring hindi maganda sa kanya. Kunsabagay, kanina pa nga hindi maganda ang mga nangyari sa kanya. Naguguluhan na nga siya sa dami ng nangyari ngayong araw.
"Hindi po kita maintindihan Kuya Kin." aniya na sinasalubong ang mga titig nito.
Kakaiba ang mga titig nito sa kanya. Para bang hinihimay-himay siya hanggang sa malaman ang totoo sa kanya. Naguguluhan siya, ano ba ang gustong malaman nito?
"Sino 'yung lalaking naghatid sa'yo sa bahay? Sino siya Risa? Boyfriend mo?"
Parang isang malaking bomba ang sumabog sa harapan niya. Biglang bumilis ang t***k ng kanyang puso nang rumehistro sa kanyang isipan ang guwapong mukha ni Seiji. Wala siyang maisip na lalaking maghahatid sa kanya pauwi dahil si Seiji ang kauna-unahang lalaki na nakausap niya sa Hanoka University.
"Don't tell me Kuya Kin na ang tinutukoy mong lalaki ay si Seiji?" ipinapanalangin niyang mali ang naiisip niya. Kahit one percent lang ang chance na hindi si Seiji ang tinutukoy nitong lalaki.
"May pa don't tell me don't tell me ka pang nalalaman. Eh, alam mo naman pala kung sino naghatid sa'yo. Boyfriend mo ba 'yung Seiji, Risa?" anito na seryoso pa ring nakatingin sa kanya.
Umiling siya ng maraming beses. "Hindi, hindi ko siya boyfriend." may pagdidiin niyang sabi.
Oo, inaamin niyang si Seiji ay ang imaginary boyfriend niya. Pero ang Seiji na nasa panaginip niya ang tinutukoy niya. Hindi 'yung Seiji na bigla na lang dumating kanina at tumulong sa kanya mula sa Crazy Chicks. At parang magic na nagdala sa kanya sa may rooftop.
"Hindi ako naniniwala," anito na nagpanganga sa kanya.
"Kuya Kin kapatid mo ako, hindi ako nagsisinungaling. Hindi ko siya boyfriend," pag-amin niya na pinagdududahan ng Kuya Markin niya.
"Mabuti pang kay Seiji ko tanungin dahil naglilihim na sa akin ang mahal kong kapatid." tinanggal na nito ang pagkakahawak sa magkabila niyang balikat at tumayo na sa kanyang kama.
Nagtaka siya sa sinabi nito. Ano bang ibig sabihin ng Kuya niya?
"Teka, Kuya Kin!" pigil niya nang makitang palabas na ito ng pinto. "Paano mo siya matatanong?" tanong niya nang lingunin siya nito.
"He's here, kausap nila Mama at Papa." sagot nito na ikina-jaw drop niya.
What? Na-nandito sa bahay si Seiji? Paano? Kailan? Imposible! halos masabunutan niya na ang kanyang sarili sa sobrang pagkalito sa mga nangyayari.
Tatanungin niya sana ang kanyang Kuya Markin pero wala na ito sa kanyang kuwarto. Mabilis niyang tinanggal ang comforter sa katawan para tumayo sa kanyang kama at habulin ito. Isinuot niya na ang sapin niya sa paa at nang tatayo na siya ay napasinghap siya. May paang malapit sa kanya at nakatayo ito sa harapan niya. Unti-unti niyang inangat ang kanyang tingin. Sa pagkagulat ay napabalik siya sa pagkakaupo sa kanyang kama.
"Anong ginagawa mo dito?" halos pasigaw niyang tanong.
"Risa! huwag mo naman sigawan ang boyfriend mo."
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang taong nasa likuran ni Seiji. Hindi siya makapaniwala sa nakikita niya.
"Mama?" sambit niya na hindi makapaniwala.
"Sige Seiji, maiwan ko muna kayo para makapag-usap. Mamaya ka na umuwi at dito ka na maghapunan." nakangiting sabi ng Mama niya kay Seiji nang magpaalam na itong umalis.
Muli ay napa-jaw drop siya sa nasaksihan. Paano naging close ang Mama niya at si Seiji? Ano ba ang nangyari habang wala siyang malay? Nananaginip ba siya o hallucination lang niya ito?
"Kamusta na ang pakiramdam mo?"
Napatalon siya sa pagkagulat nang magsalita ito. May pagtatakang tiningnan niya ito habang dahan-dahang tumatayo. Para siyang kandilang may apoy na unti-unting natutunaw sa tingin nito. Muli ay abnormal na namang tumitibok ang kanyang puso. Parang may nangangarerang kabayo na sinabayan pa ng pagtambol.
Puso umayos ka! Bakit ba nagkakaganito ka? Ano bang problema mo? saway niya sa kanyang puso.
"Okay naman ako," sagot niya.
Pilit niyang pinapakalma ang kanyang puso habang dahan-dahan na tumatayo. Nang makatayo na siya ng diretso ay tiningnan niya ito ng mabuti.
Ibang Seiji ang nasa harapan niya ngayon. Hindi na malamig ang boses nito hindi katulad kanina. Hindi na rin pula ang mga mata nito na ikinalito niya. Ang hindi nagbago sa lalaki ay ang guwapo nitong mukha. Parang isang prinsipe sa fairy-tale.
"May nararamdaman ka bang kakaiba?" tanong muli nito.
"Anong nangyari sa mata mo bakit kulay itim na? Pati boses mo hindi na cold dahil napaka warmth na nito. Naka-drugs ka ba kanina?" tanong niya na napahawak sa mukha nito.
Hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin siya. Pero may isang bagay ang malinaw sa kanya. May totoong Seiji na nage-exist na nasa kanyang harapan at hawak pa niya ang mukha nito.
"Hindi ako naka-drugs!" mariin nitong sabi na tinanggal pa ang kamay niya. Kitang-kita niya na nagulat ito sa ginawa niyang paghawak sa mukha nito.
"Kung hindi bakit," napahinto siya sa pagsasalita nang may maalala siya. Bago siya nawalan ng malay ay may napansin siya kay Seiji. "Teka, may napansin akong pangil diyan sa ngipin mo, patingin nga." sabi niya na agad hinawakan ang pisngi nito at pilit na pinapabuka ang bibig.
"Stop!" awat nito sa kanya pero hindi siya nagpatinag.
Tumalon pa siya at tinulak ito ng malakas para mapatumba pero walang epekto. Naalala niyang may alam siyang moves, mabilis niyang pinatid ito na naging dahilan nang pagbagsak nito sa sahig. Sinamantala niya ang pagkakataon, agad siyang umibabaw dito. Umupo siya sa tiyan nito kahit naka-school uniform pa siya. Kahit nakapalda siya ng above the knee ay malakas ang loob niya na hindi siya makikitaan dahil may fitted at manipis siyang short.
"Patingin ng ngipin mo Seiji." pamimilit niya.
Hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas ng loob o kapal ng mukha. Para gawin ang ganitong bagay sa isang lalaki sa awkward na position.
"Ano bang ginagawa mo?" tanong nito habang pinipigilan siya sa gusto niyang gawin.
"Risa!"
Isang sigaw ang dumagundong sa loob ng kanyang kuwarto. Pagtingin niya sa pinto ay nasalubong niya ang nanlilisik na mata ng taong kakapasok lang.
"Kuya Kin!" mabilis siyang umalis sa ibabaw ni Seiji at umupo sa kanyang kama.
Ngayon lang siya tinamaan ng hiya habang tinitingnan si Seiji na inaayos ang sarili. Ang pangit ng ginawa niya, dinaig pa niya ang mga babaeng nanlalandi sa isang lalaki. Pero wala naman siyang intention na gawin iyon dahil gusto niya lang malaman kung totoo ba 'yung nakita niya kanina kay Seiji.
"Nawala lang ako kung ano-ano na ang ginawa mo. Hindi ko akalain na ikaw pa ang wild sa inyo." naiiling na sabi ng Kuya Markin niya na lumabas agad ng pinto na padabog pang isinarado.
"Kuya Kin mali ang naiisip mo!" akmang hahabulin niya ito palabas nang pigilan siya ni Seiji.
Isang malakas na boltahe ng kuryente ang dumaloy sa buo niyang katawan. Nang hawakan siya nito sa kanang braso. Para bang lahat ng senses niya sa katawan ay nagising. Na bato siya mula sa pagkakatayo dahil sa tingin nito sa kanya.
"Ito ba ang gusto mong makita?" tanong nito nang tingnan niya ito sa mga mata.
"Ha?" maang siyang napatingin.
Pero agad na nagbago ang kanyang expression nang makita ang pagkulay pula ng mata nito. Ang tingkad ng mata nito ngayon, hindi ito 'yung kaninang nakita niya. Mas matingkad ang pagkapula nito na para bang isang laser kapag sinasalubong niya ng tingin. Hindi niya malaman kung pipikit ba siya o tatakbo dahil sa kakaibang nararamdaman. Natatakot siya at the same time ay hinahatak palapit dito.
"Ikaw lang ang unang tao na may lakas ng loob na gawin ito sa'kin." anito na tumagilid sa kanya. Unti-unting binubuka nito ang bibig habang ang kaliwang kamay ay nasa baba nito.