"Sa takip-silim ay mag mismistulang liwanag ang mga makinang 'mong mga mata.”
“Sa pagliyab ng apoy ay ang pagbabago ng lahat.”
- - -
Impit akong napadaing dahil sa nananakit kong kalamnan. Hindi ko rin mamulat ang talukap ng aking mga mata. Sobrang bigat ng pakiramdam ko ngayon. Hindi ko alam kung nasaan ako. Hindi ko rin alam kung umaga, hapon o gabi na ba.
Gustuhin ko mang igalaw ang aking katawan ay hindi ko magawa.
Maging ang mga daliri ko sa kamay ay hindi ko maramdaman.
“Kailan siya magigising?” rinig kong sabi ng isang babae.
"Sa palagay ko ay mga isang oras mula ngayon, magigising na siya.” sagot ng boses na may edad na rito.
Ilang saglit pa ay nakarinig ako ng komusiyon mula sa labas.
Nakarinig ako ng papalapit na mga yabag.
“Ma! Kumusta si Zaichie!” sigaw ng isang pamilyar na tinig.
“Ano ba! papasukin niyo ako!” sigaw nitong muli.
“Elisa! Ganiyan ba ang asta ng isang prinsesa?!” sigaw ng isang babae rito. Gusto kong imulat ang aking mata para makita ang mga nangyayari sa paligid.
“Papasukin mo si Elisa, Tesa.” mahinahong wika ng may edad na babae.
“Ano bang nangyari at naaksidente ang batang ito. Kung malalaman ito ng kaniyang ina, ay paniguradong may buhay na makikitil!”
“Huminahon ka Eliseo, baka marinig ka ng bata.”
“Alam mo ang kakayahan ng Ina ni Zaichie. Kapag hindi niya nagustuhan ang nangyayari sa kaniyang anak, ay paniguradong dadanak ang dugo.”
Sa mga naririnig ko ay gusto ko nang maigalaw ang aking mga kamay upang matakpan ang aking magkabilang tainga. May bagay akong hindi gustong marinig. Alam ko sa sariili kong may nalalaman akong ayokong marinig.
“Eliseo, mainam na lumabas muna kayo ni Tesa. Mag-uusap lang kami ni Elisa.”
Nakarinig ako ng papalayong yabag at pagsarado ng pinto.
“Bakit naisipang lumabas ni Zaichie?” tanong nito kay Elisa. Tahimik lang akong nakikinig dahil hindi ko rin naman maigalaw ang kahit anong parte ng katawan ko.
“A..ako po ang nag pumilit na lumabas siya. Pa... pasenya na mahal na Reyna.”
“Walang ibang tao rito Elisa. Maaari mo akong tawaging lola.”
“Gusto ko lamang na ilabas si Elisa sa kubo niya. Ni kahit minsan po ay hindi niya naranasang makipaglaro sa isa man sa amin.” mahinang pahayag ni Elisa na puno ng lungkot ang tinig nito.
“Sa palagay mo ba ay gusto namin siyang ikulong sa loob ng Kubong iyon? Gustuhin man naming makihalubilo si Zaichie sa ibang bata ay mas makakabuting mag-isa lamang siya.” sagot naman ng ginang.
Hindi maintindihan ni Elisa ang ibig nitong sabihin, gayun rin si Zaichie na tahimik na nakikinig sa pag-uusap ng dalawa.
"Lola? Bakit hindi po pwedeng makihalubilo si Zaichie sa iba? Ano pong ibig sabihin ni papa na dadanak ang dugo dahil nasaktan si Zaichie?” nakakunot noong tanong ni Elisa sa Ginang.
Hinawakan ng Ginang ang balikat ni Elisa at mapait na ngumiti.
“Dahil hindi simpleng tao ang mama ni Zaichie. Marahil ilan sa mga tao sa bayang ito ay alam ang tungkol sa kaniya, ngunit iilan lang ang may alam ng totoong kwento. Huwag mo na muling ilalabas si Zaichie ng hindi namin alam Elisa.”
“Mas makakabuting manatili na lang si Zaichie sa tahimik niyang kubo. Kung nanaisin niya mang lumabas ay dapat handa siya sa pwedeng maganap.”
“Hi..hindi ko po maintindihan lola? Ano po bang magaganap?”
“Hindi mo kailangang intindihin Elisa. Magkakalabas ka na. Kailangang magpahinga ni Zaichie.” wika nito habang nakatanaw sa labas ng bintana. Tumango lamang si Elisa at hindi na muling nagtanong pa. Alam ni Elisa sa kaniyang sarili ang limitasyon ng pasensiya ng kaniyang lola.
Yumuko ito bilang galang at nagpaalam na aalis na ng silid. Nang makaalis si Elisa ay pinilit ni Zaichie na dalawin siya ng antok.
Hinayaan na lamang niyang lamunin siya ng kadiliman hanggang sa tuluyang makatulog.
“Marahil ay iwawaglit sa isipan ng iyong ina ang walong taong katahimikan ng mundo.”
“Ngayon at malaya ka nang maglalakad sa labas, sana'y dala mo pa rin ang kapayapaan ng dalawang panig na nakatakdang magsimula ng madugong hidwaan.” bulong ng ginang habang nakatingin sa malayo.
- -
“I'm Ali.” sabi ng isang binata habang buhat ng mga guwardya ang duguan nitong katawan.
Ang pagdampi ng mga labi nito sa kaniyang noo ang tumatak sa kaniyang isipan. Ang mga mata nitong kulay asul at ang matamis nitong ngiti.Bago tuluyang lamunin ng kadiliman ang buong kapaligiran, ang matamis nitong ngiti ang nagpabalik kay Zaichie sa reyalidad.
Napamulat siya ng mata at nanunuyo't ang kaniyang lalamunan ng magising siya. Inilibot niya ang kaniyang paningin sa buong silid. Sinusuri ng kaniyang mga maya ang bawat sulok ng silid na kinaroroonan niya.
“Hindi ko silid ito.” bulong niya sa sarili at sinubukang tumayo. Ngunit na nanakit ang kaniyang katawan. Muli siyang napapikit sa pagsikdo ng sakit sa kaniyang kalamnan. Mahina ang bawat daing niya sa sakit na dulot ng ilan sa mga sugat nito sa braso, balikat at magkabilang siko.
Hindi niya na lang sinubukang gumalaw pa dahil ayaw niyang maramdaman ang sakit ng iba't ibang parte ng kaniyang katawan.
Saka na-alala ng dalaga ang pangyayari sa paggagala nila ni Elisa. Napagtanto nito na mapanganib pala sa labas ng Aerinza.
Ang duguang katawan ng isang binata at ang pagtarak ng patalim sa likuran nito ay pauli't ulit niyang nakikita. Nahintakutan siya at nagsimulang habulin ang kaniyang paghinga. Nanlalamig ang kaniyang katawan at walang humpay ang pagdaloy ng kaniyang mga luha. Sa mga oras na ito ay nais niyang may yumakap sa kaniya at ibulong sa kaniya na magiging maayos rin ang lahat.
“I'm Ali.” saad ng isang tinig sa kaniyang isipan. Biglang sumagi sa kaniyang isip ang lalaking yumapos sa kaniya at ang lalaking idinampi ang mga labi nito sa kaniyang noo.
Unti-unting kumalma ang sistema ni Zaichie. Tumigil sa pagdaloy ang kaniyang mga luha at marahang napatingala sa kandilang nakahelera sa lamisita. Sa pagsasayaw ng apoy sa hangin ay biglang lumitaw ang matamis na ngiti ng isang binata. Kumabog ng mabilis ang puso ni Zaichie. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon.
Ipinikit niya ang mga mata at inimulat itong muli. Ngunit wala na roon ang matamis na ngiti ng binata. Sa isip niya ay baka nag-iimahinasyon lamang siya.
Sa lalim ng kaniyang iniisip ay hindi niya na malayan ang pagpasok ng kaniyang Tiyo Eliseo.
“Gising ka na pala.” malamig na saad ng isang lalaki habang dala ang botelya ng gamot. Padabog nitong inilapag ang gamot sa lamisita at masama siyang tinitigan.
"Sana ay hindi ka tumulad sa iyong ina.” tanging wika nito at umalis na ng silid.
Mas lalong gumugulo ang isip ni Zaichie sa mga naririnig niya mula sa mga sinasabi ng mga ito. Bakit palagi nilang binabanggit ang mama niya? Ano ba ang nagawa ng kaniyang ina noon?
Marami pang tanong sa isip ni Zaichie na hindi niya naman masagot.
Sa pag-iisip ni Zaichie ay hindi niya na malayang nakatulog na pala siya.
“Zaichie! ahue! ahue! Zai..Zaichie!” sigaw na nagmumula sa labas ng silid. Halos magiba na ang pintuan sa pagkatok nito.
“Zai..zaichie! Gi..gising!” nanghihinang sigaw nito.
“Tutulong! Tu...tulungan niyo kami!” sigaw nitong muli.
Nag-umpisa ng lumiyab ang apoy sa paligid. Unti-unti na itong tumataas at nilalamon ang iilan sa mga materyales sa silid.
Napuuno ng usok ang buong paligid habang mahimbing ang tulog ng dalaga. Dahil na rin sa gamot na nainom nito'y patuloy lang sa pagtulog ang dalaga.
“Zaichie! Tu..tulong!” muling sigaw nito bago matupok ng apoy ang buong silid. At ang buong Hacienda Arienza ay natupok ng apoy.