Seven days have passed, and I'm starting to feel a little nervous. Paano kung bigla na lang magparamdam si Walter at singilin ako sa sinasabi niyang utang? Naputol ang pag-iisip ko nang mamataan ko ang pagdating ni Sir Val. Nakatingin siya sa akin at halata ang pagmamadali sa kaniyang kilos.
“Loraine, sumunod ka sa opisina ko. I have something to discuss with you.”
“Okay po, Sir,” aniko. Agad akong tumayo at sumunod sa kaniya.
Naupo si Sir Val sa swivel chair niya pagkatapos ay seryoso akong tiningnan. Nagtataka naman ako at kinakabahan sa kung ano man ang kaniyang sasabihin.
“Si Mary na ang magha-handle noong deal natin kay Mr. Werner,” aniya.
“Ho?” hindi ko napigilan ang pagtaas ng boses. “Bakit po si Mary? Eh, ako ang nakakuha ng deal na ‘yon ah!”
“I know! Pero wala ka naman sa sales. Secretary kita. Isa pa, hindi ako manhid para hindi mapansin na ayaw ni Mr. Werner makipag-transact sa ‘yo,” katwiran niya.
Wow! Ngayon eh secretay na lang niya ako? Samantalang ako ang pinilit niyang isama noong nililigawan pa lang niya si Walter para makuha ang deal!
Dahil hindi ako umimik ay muli siyang nagsalita. “Don’t worry, makukuha mo pa rin naman ang komisyon na ipinangako ko. Maghahati nga lang kayo ni Mary.”
“Sir Val, a-alam mo naman na inaasahan ko na ang komisyon na ‘yan!” reklamo ko.
Iyon ang inaasahan kong ipambabayad kay Walter. Isa pa, ako ang sumusuporta sa mga magulang ko. At ang masakit pa, maging pamilya ng kapatid kong panganay ay ako na ang sumasalo. Kaya bawat sentimo ay mahalaga sa akin.
“Malaki pa rin naman ‘yong mare-receive mong komisyon,” he said in a dismissive tone. Itinuon na niya ang atensyon sa mga papel na nakapatong sa mesa niya. Alam kong wala na siyang planong kausapin ako. Kahit pa nagpupuyos ang kalooban ay wala akong nagawa kundi pigilin ang inis at tahimik na lumabas ng opisina niya.
Padabog akong bumalik sa pwesto ko. Napansin ko agad na nilingon ako ni Mary at nakakaasar ang ngiting ipinukol niya sa akin. Malamang ay alam na niyang sa kaniya ipinasa ni Sir Val iyong deal kay Walter. Kung alam ko lang na ipapasa iyon sa iba ng boss ko, sana ay sa ibang sales engineer ko na lang ibinigay. At hindi sa Mary na ito!
Wala naman akong magawa sa sitwasyon. Inis ako buong umaga hanggang sa sumapit ang lunch break. Magkasabay kami ni Jean na kumain at pagkatapos ay naghanda na kami para umidlip sa opisina. Sanay kami na pinapatay ang ilaw doon dahil halos lahat kami ay ugali ang matulog habang noon break pa. Hindi pa ako nakakatulog nang marinig ko ang pagtunog ng aking cellphone. Sinulyapan ko iyon at nakita kong si Nanay ang tumatawag. Dahil ayaw kong makabulabog sa mga kasamahan ay lumabas ako ng opisina namin at nagtungo sa dulo ng pasilyo pinto na siya na ring fire exit ng gusali.
“Hello ‘Nay? Bakit po?”
“Hello, Loraine? Kumusta ikaw?” simula ni Nanay.
“Ayos naman po. Bakit po kayo napatawag?” tanong ko kahit alam ko na ang kailangan niya sa tuwing tatawag siya. Nakapagtataka lang dahil alam naman niyang hindi pa ako sumusweldo.
“Anak, nagbabakasakali lang ako. Alam mo kasi ay nakakaawa ang kuya Christian mo,” simula ni nanay at mariin akong napapikit. Nakagat ko din ang ibabang labi para supilin ang mga salitang gustong kumawala sa aking bibig.
“Bakit po? Ano na namang nangyari kay kuya?” pigil kong mahalata ni Nanay ang iritasyon ko.
“Hindi sa kuya mo, kundi sa pamangkin mong si Anthony. Naisugod siya sa hospital kahapon at ang taas ng lagnat,” paliwanag ni Nanay.
“Ho? Eh kumusta po si Anthony?” nag-aalalang tanong ko. Maaaring kay kuya ay naiinis ako, pero hindi ko naman kayang idamay sa inis ang pamangkin ko.
“Ayos na naman siya. Kanina ay wala na daw lagnat sabi ng kuya mo.”
Bigla akong nakahinga ng maluwag. Mabuti na lang at maayos na ang pamangkin ko.
“Lalabas na sila mamaya, anak. Ang kaso ay k-kulang pa iyong p-pera ni kuya mo para mabayaran iyong bills.”
Tama nga ang hinala ko kaya tumawag si Nanay. Ayos lang naman sa akin na tumulong sa kanila dahil pamilya ko sila. Pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit sa akin na napunta ang lahat ng responsibilidad maging sa pamilya ni kuya. Simula noong magkatrabaho ko, tila ba sa akin na nila iniasa ang lahat.
“Baka makakapagpadala ka, anak.” Boses ni nanay ang muling pumukaw sa lumilipad kong isip. Agad akong napahilot sa ulo.
“N-Nay, hindi ba kakapadala ko lang sa inyo noong isang araw? Malaki kasi ang nagastos ko pagpapapayos noong sasakyan—”
“Pero panggastos namin ‘yong pinadala mo, anak. Ini-ambag ko na nga iyon sa kuya mo pandagdag sa pambayad ng bill nila sa hospital, ang kaso ay kulang pa rin.”
“Nay, may pinag-iipunan po kasi ako. M-Meron kasi akong babayaran eh!” aniko dahil inaalala ko pa ang sinabi sa akin ni Walter na utang ko. Hindi ko pa alam kung magkaano ang coat na sinabi niyang babayaran ko.
“Anak sino pa ba? Wala namang iba kaming mahihingan ng tulong! Ikaw ang sinwerte sa inyo ng kuya mo dahil nakatapos ka ng kolehiyo at may maayos na trabaho.”
Wala sa loob na napahigpit ang hawak ko sa cellphone dahil sa sinabi ni nanay. “Nay, hindi ako sinuwerte! Pinaghirapan kong makatapos sa pag-aaral! Alam mo po ‘yon.”
Naalala ko kung paanong pinagsabay ko ang pagtatrabaho at pag-aaral para lang makatapos noon ng kolehiyo. Pagkatapos ay sasabihin nilang sinuwerte lang ako? Kasalanan ko bang ginusto kong mag-aral at si kuya ay hindi. Noong si kuya ang pinag-aaral sa kolehiyo ay tumanggi siya dahil mas gusto niya umanong tumulong na lang sa sakahan ni tatay. Noong mga panahong iyon ay malakas pa si tatay kumita ng pera. Kayang kaya siyang pag-aralin nila nanay noon. Pero noong ako na ang magko-kolehiyo ay saka naman humina ang kita nila. At ako ang nagpilit na paaralin ang sarili at makipagsapalaran dito pagkatapos. Ginawa ko iyon dahil may pangarap ako. Gusto ko sa kanilang tumulong, kaya nga buwan buwan ay nagpapadala ako sa kanila ng pera. Pero sa tingin ko, lahat ng ibinibigay ko kina Nanay at Tatay ay ibinibigay lang din nila kay kuya at sa pamilya niya. Hindi ko maipaliwanag, pero sumasama ang loob ko.
“Anak, kung kaya ko lang na kami na lang ni Tatay mo ang sumalo ng mga gastos eh hindi kami tatawag sa iyo. Ang kaso ay wala naman kaming ibang aasahan kundi ikaw lang.”
Nahihimigan kong unti-unti nang naiinis si Nanay dahil sa sinabi ko. Hindi ko din maipaliwanag kung bakit kaybilis naming magtalo na mag-ina. Mahal na mahal ko sila pero sa tuwing mag-uusap kami ay nauuwi kami sa samaan ng loob. Sumasama ang loob niya sa akin sa tuwing sinasabi ko sa kaniya ang hinaing ko kay Kuya. Masama ang loob niya sa tuwing ipinapaalala ko sa kaniya na dapat turuan nila si Kuya na maging responsable lalo at may sarili na siyang pamilya. Hindi habang buhay na malakas si Tatay para magtrabaho para sa kaniya.
“M-Malaki din kasi ang gastos ko ‘Nay. Pinipilit ko naman tumulong sa inyo, pero sana naman matuto si kuya na gumawa ng paraan. Hindi iyong palagi na lang kayo ang—"
“Sabihin mo na lang kung ayaw mong magbigay! Hindi iyong kung anu-ano pang sinasabi mo!” asik ni nanay.
“Nay! Hindi naman po sa ganoon! Magpapadala naman ako—”
Narinig ko na lang na nawala na ang nasa kabilang linya. Pinutol na ni Nanay ang tawag. Nanghihinang napasandal ako sa pader. Makailang beses akong kumurap para pigilan ang luhang namuo sa aking mga mata.
Magbabago pa ba ang sitwasyon ko? Mahal ko sila Nanay at Tatay. Alam kong mahal din nila ako at hindi nila kasalanan ang sitwasyon ngayon. Labis lang din nilang mahal si Kuya. Lalo na si Nanay. Pero hindi maiwasang sumama ang loob ko.
“What's making you so sad? Was it because of your new lover?”
Napatunghay ako sa nagsalita at namataan ko si Gio sa tabi ko. Alam niyang mahilig akong tumambay dito kaya nakapagtatakang nandito siya gayong iniiwasan namin ang isa’t-isa.
“It’s none of your business,” walang emosyon kong sagot. Sinulyapan ko ang suot na relo. May ilang minuto pa para makapagpahinga ako. Naglakad na ako palayo at nilagpasan ko si Gio pero natigil ang paghakbang ko nang muli siyang magsalita.
“It’s none of my business now, huh. I can’t believe you, Loraine. Hindi ko naisip na magagawa mo iyon.”
Nagtatakang nilingon ko siya. “Anong ibig mong sabihin?”
“You're sleeping with your clients now, huh? Kliyente mo ang Werner na iyon, tama ba? Mary told me.”
Naikuyom ko ang mga kamay sa narinig. Gusto kong sampalin si Gio pero sa halip ay tinitigan ko lang siya. His face is like an angel. Gwapo siya, malinis manamit at kilala siyang gentleman. Kung kaya hindi ko mapaniwalaan ang mga salitang lumalabas sa bibig niya ngayon. Kaylanman ay hindi ko inisip na magagawa niya akong pagsalitaan ng ganoon.
“Nagkakamali ka. Nakilala ko si Walter bago ko pa man siya maging client,” sagot ko habang nakatitig sa kaniya.
“And you've already slept with him?” tanong niya at humakbang papalapit sa akin. Aatras sana ako pero mabilis niya akong nahila sa kamay.
“Anong meron ang Werner na ‘yon, huh? I respected you the entire time we were together. But you've already slept with him when you won't even let me touch you,” gigil na tanong niya at nagtayuan ang mga balahibo ko sa katawan. Hanggang ngayon ay galit pa rin pala siya na walang nangyari sa amin noong magkasintahan pa lang kami.
“G-Gio—”
“Magaling ba siya Loraine ha? Kaya bumigay ka agad? Why not try me?” nang-uuyam ang mga mata niya habang nakamasid sa akin.
“Anong sinasabi mo? Huwag mo akong mapagsalitaan ng ganyan!” sigaw ko.
“Oh, talaga? Matapos mong makipagharutan sa ibang lalaki sa harap ng maraming tao? Umamin ka nga! Totoo bang wala pang nakakauna sa ‘yo noong magkasintahan tayo? O baka ginagago mo lang ako noon?”
Hiniklat ko ang kamay buhat sa pagkakahawak niya at umigkas iyon para padapuin sa kaniyang pisngi, ngunit maaga niya iyong nasalo.
“Don’t you dare, Loraine!” aniya at hinigpitan ang pagkakahawak sa akin. Halos lumubog ang mga daliri niya sa palapulsuhan ko. Nasasaktan ako pero hindi ko iyon ipinahalata sa kaniya.
“Why does it matter to you? Bakit? Naka-depende ba sa virginity ng babae ang pagmamahal mo? Masyado kang nagmamalinis, Gio! Si Mary ba, virgin pa? I am sure she’s not—”
“Hindi kasama si Mary sa usapang ito!” malakas na sigaw niya. Nababasa ko ang matinding galit sa mga mata niya at natakot ako na baka may makarinig sa kaniya.
“Hindi ko maintindihan kung bakit nagagalit ka sa akin! Wala ka nang pakialam kung ano man ang gawin ko simula noong magloko ka.”
Bahagyang lumuwag ang pagkakahawak niya sa akin noong banggitin ko ang panloloko niya. Sinamantala ko iyon at hinila ko ang kamay buhat sa pagkakahawak niya.
Tinitigan ko siya saka nagsalita. “At iyong tanong mo kung virgin pa ba ako noong tayo pa, hinding hindi mo malalaman ang sagot! Itanong mo na lang kay Mr. Werner kung gusto mo.”
Tumalikod na ako at hindi ko na si Gio nilingon pa. Dumiretso na ako sa opisina. Hindi ko alam kung saan ako kumuha ng tapang para lalo siyang galitin. Bakit ba apektado siya? Sa mga nakalipas na buwan ay wala akong nakita sa kaniya kundi pulos pagsasaya. Masayang masaya sila ni Mary kahit pa alam niyang nasasaktan ako. Pagkatapos ngayon ay magagalit siya sa akin dahil nakita niyang may kasama akong ibang lalaki noong party ng Mommy niya?
“Loraine! Mabuti at nandito ka na! Tumawag si Mr. Werner! Gusto niyang mag-report ka sa opisina niya!” salubong agad sa akin ni Sir Val.
“Bakit daw po?” kinakabahang tanong ko.
“Hindi ko din alam. May gusto daw siyang itanong tungkol sa contract but he can't talk about it on the phone,” paliwanag niya.
“A-Akala ko po ba si Mary—”
“Hindi na! Sa iyo na ulit ang deal. Ikaw daw ang gustong makausap ni Mr. Werner. Ini-arrange ko na ang company vehicle. Ipapahatid kita doon sa opisina niya. Sasamahan ka naman ng driver natin. Puntahan mo na at siguraduhin mong maaayos mo ang deal, okay?”
Bigla ang pagsipa ng aking kaba. Napansin ko si Mary sa table niya na nakasimangot sa akin. Ano na naman kayang tsismis ang ipapakalat niya? Pero ang higit na kinatatakutan ko ay ang makaharap muli si Walter. Paano kung singilin na niya ako ngayon?