“Kilala mo siya, hindi ba?” Pangungulit ni Talitha kay Dorcas habang naglalakad sila pabalik sa kanilang table matapos kumuha ng pagkain sa buffet table. Pinili nilang magkaibigan ang isang mesang pangdalawahan lamang upang makapag-usap sila.
Mabuti na lamang at mahigit isang daan ang lahat ng empleyado na naroroon sa maluwang na hall kung kaya naging imposible para kay Errol na makita si Dorcas na labis naman niyang ipinagpasalamat. Isa pa ay hindi naman ito tumatayo sa pagkakaupo kasama ang board of directors, at naging abala ito sa pakikipag-usap sa deans, heads at iba pang office managers ng PSU.
“Who doesn’t know the Mondegos here in our province?” sagot-tanong niya kay Talitha pagkatapos lumagok nang malamig na tubig. Kanina pa nanunuyo ang kanyang bibig at lalamunan dahil sa pagkabigla at tensyon sa kaalamang ang iniiwasang lalaki ang bagong big boss ng pinagtuturuang pamantasan. Pakiramdam niya tuloy ay hindi lalampas sa lalamunan niya ang pagkain sa mga sandaling ito.
“Of course I know them as a prominent family here. Idagdag pa na ang governor ng ating lalawigan ngayon ay si Simoun Mondego na lolo naman niya. Pero hindi araw-araw ay nakakakita ako ng miyembro ng pamilya nila kung kaya hindi pamilyar sa akin ang mga itsura nila. Pero siyempre iba ka, Dorcas. Your brother-in-law Stefano is his first cousin, kung kaya madalas mo siyang nakikita sa mga family occasion, I’m sure.”
Sumulyap si Talitha sa kinaroroonan ni Errol. Bahagyang nakagilid ito kung kaya kalahati lang ng mukha ang nakikita nila. Hindi maitago ni Talitha ang kilig dahil sa kaguwapuhan nito.
Maging si Talitha ay hindi maitago ang paghanga sa lalaki. “My gosh, friendship. Ang guwapo niya. Paano mo nagawang ilihim sa akin na may kilala ka palang ganito kaguwapo? Ni hindi mo siya nababanggit sa mga kuwentuhan natin? Mukha siyang artista at pinoy na pinoy ang itsura at kulay niya. At ang height! My gosh! I think he is six footer or above.”
“Correction, he’s just a mere acquaintance,” inis niyang sabi sa nagwawalang kaibigan. “Hindi close ang family ko sa mga Mondego. Una ay dahil we’re political rivals. Pangalawa, ay dahil wala ni isa mang miyembro ng aming mga pamilya ang nag-effort na maging magkakaibigan kami.”
“You mean hindi man lang kayo nagkakausap o nagkausap man lang ng lalaking iyan kahit kailan?” Hindi makapaniwalang tanong ni Talitha. Mukhang nakalimutan na nito ang pagkain kahit kanina lang ay dumaing na ito ng gutom. Panay pa rin ang sulyap nito kay Errol na noon ay kumakain na. Maging siya ay hindi rin mapigil ang sarili sa pagsulyap at panaka-nakang mapatitig dito.
Tama si Talitha. Guwapo talaga si Errol mula ulo hanggang paa. Bagama’t noon pa niya iyon napapansin ay pilit naman niyang iwinaksi sa isip sa takot na mahulog siya rito lalo na at nagparamdam nga ito sa kanya noon. Ginawa niya ang pag-iwas dahil sa paniniwalang hindi siya bagay dito. Idagdag pa ang eskandalong kinasangkutan ng kani-kanilang pamilya.
Napabuntong-hininga si Dorcas. May dapat ba siyang panghinayangan sa hindi niya pamamansin noon sa lalaking ito? Bakit ngayon ay tila may kiliting hatid ang kaalamang narito rin ang binata sa lugar na ito kahit ilang metro ang layo sa kinaroroonan niya at tila imposibleng mapansin siya dahil sa dami ng tao.
“Hoy, friendship. Ano ba? Pati ba naman ikaw ay na-starstruck na rin sa kanya?” Ikinumpas ni Talitha ang dalawang kamay sa mukha niya upang kunin muli ang kanyang atensyong inagaw ng presensiya ni Errol. Napakurap siya.
“Ano nga palang itinatanong mo kanina?”
"Kunwari ka pa, friendship. Aminin mo man o hindi, attracted ka rin sa kaguwapuhan ng bago nating university president." Sinundan iyon ni Talitha ng hagikhik. Napatawa na rin siya. "Pero hindi kita masisisi. He's very hot and looks very manly. Lumalabas na ang nakatagong kalandian sa katawan mo, friendship. Iniisip mo rin ba ang nasa isip ko? Like, kung gaano siya kasarap sa kama?"
Ramdam niya ang pamumula ng mga pisngi dahil sa kaprangkahan ng kaibigan. "Sira ka talaga. Ano na nga palang itinatanong mo kanina?" Tanong niya upang ibahin ang usapan.
Tila may after shock pa ang pangingilig ni Talitha nang magsalita. Ang sabi ko, hindi ka ba man lang nag-effort na kausapin siya o siya sa iyo? Tutal, pareho naman kayong single, malay mo, hindi ba?"
Napabuntong-hininga si Dorcas sa kakulitan ng kaibigan. “Matagal na kaming hindi nagkikita o nagkakausap mula pa noong pumunta sa Italy sina ate Daphne at Stefano upang doon na manirahan. Isa pa ay wala namang dahilan upang magpatuloy ang komunikasyon namin.” Ipinasya niya na hindi sabihin sa kaibigan na minsan ay nagparamdam si Errol ng pagkagusto sa kanya. Alam niyang lalo siyang hindi titigilan ni Talitha kapag sinabi niya iyon.
“My goodness, friendship. Napaka-naïve mo talaga. You mean, pinakawalan mo pa ang guwapong ito? Kung ibang babae ka lang ay siguradong naglagot na masilo lang ito. He’s a good catch, girl.”
“Talitha, I am not desperate. Hindi ako gaga para magpakita ng motibo sa lalaki.”
“But for sure, nagparamdam din sa iyo ang Errol na iyan? Huwag mong sabihing hindi dahil hindi ako maniniwala.” Panghuhuli sa kanya ni Talitha.
Dahil inaasahan na niya ang susunod na tanong ni Talitha, mabilis siyang nakasagot. “Of course not. I know how I look, Talitha. Alam kong hindi ako kaakit-akit sa mga mata ng sinomang lalaki lalo na sa isang Mondego. Alam kong ang gusto ng Errol na iyan ay tipong pang-modelo o beauty queen na katulad ni ate Daphne. Why would I expect?”
“Here you are again, friendship,” sabi ni Talitha sabay buntong-hininga. Bakit ba laging ganyan ang tingin mo sa sarili mo? Kesyo hindi ka matalino, kesyo hindi ka maganda, kesyo hindi ka attractive. Minsan gusto kong isipin na may insecurities rin pala ang isang Dorcas Vega.”
“Hindi ako insecure, Talitha. Realistic lang ako. Alam ko kung saan ako dapat lumugar. Bata pa ako ay alam ko na kung saan dapat ilagay ang sarili ko.”
“Dahil ba sa iyon ang ipinamulat sa iyo ng daddy mo? Na second-fiddle ka lang sa ate mo? Na kailanman ay hindi ka uunlad bilang tao at bilang babae? Kung kaya hanggang ngayon ay nakakahon ka pa rin sa paniniwalang hindi ka karapat-dapat mahalin o pagtuunan man lang ng pansin ng sinomang lalaki? Wake up, Dorcas. Hindi ka nga insecure tulad ng sinasabi mo pero obvious namang kulang ka ng kumpiyansa sa sarili. It’s not about your dad or your ate Daphne. It’s all about you. You have many good qualities as a woman that you don’t see or you failed to see. All you have to do is free yourself from your bitter childhood. Get out of your nutshell. Give yourself a chance.”
“Wow!” palatak ni Dorcas. “At kailan pa kita ginawang tagapayo ko, Ms. Talitha Zaldriaga? Ang alam ko lang we’re partners in crime, aside from that, wala na.” Sarkastiko niyang sabi para tumigil na ang kaibigan. Pero mukhang hindi ito susuko.
“Yeah, we’re really partners in crime, literally.” Makahulugang idiniin pa ni Talitha ang huling sinabi, at alam niya ang ibig sabihin noon. “Pero kalimutan mo muna iyon. Sa ngayon ay kailangan mo munang i-challenge ang sarili mo.”
“Seryoso?”
“Seryoso.”
Napangiti si Dorcas. Paminsan-minsan, naaaliw din siyang sakyan ang mga trip ng kaibigan. “Ano ba ang gusto mong gawin ko?”
“Lapitan mo si Errol Mondego. Magpakilala ka kung kailangan. I’m sure, he will not turn you down. Una, kapatid ka ng asawa ng pinsan niya. Pangalawa, kahit simple lang ang ayos mo ngayon, maganda ka pa rin naman.”
“Sus, ayan ka na naman. Pero kanina, nilalait mo ang itsura ko, di ba?”
“Girl, iba namang tumingin ang babae sa kapwa babae. Malay mo, ang katulad mong simple pala ang type niya.”
“Diretsahin mo nga ako, Talitha. Ano ba pa ba ang ibang dahilan kung bakit halos ipagtulakan mo na ako sa Errol na iyan?”
“O, sige na nga, didiretsahin na kita. Bukod sa kagustuhan kong magka-lovelife ka ay nais ko lang ipaalala sa iyo na ang Errol Mondegong iyan lang naman ang last signatory sa ating promotion sa pamantasang ito.”
“Aaprubahan niya ang mga promotion natin, makilala man niya ako o hindi.” Nakaramdam si Dorcas ng inis sa tila panggagamit sa kanya ni Talitha.
“Siyanga? Pero kailan? Presidente iyan. Sa dami ng gagawin niya sa opisina niya ay baka sa isang linggo o sa isang buwan pa niya mabasa ang mga papeles natin na kasama ng mga nakatambak sa mesa niya.
“We can wait. Nakapaghintay nga tayo ng ilang taon, di ba?”
“Iyan ang hirap sa iyo, Dorcas.” Ikinagulat niya ang biglang pagtaas ng tono ng boses ni Talitha. “Dahil sa inferiority complex mo ay marami kang pinalampas na pagkakataon sa buhay mo. Ang tanda mo na pero hanggang ngayon ay hindi mo pa rin alam kung kailan at paano mo gagamitin ang charm na meron ka bilang babae.”
Nag-init ang mukha ni Dorcas sa narinig. Hindi dahil sa tinawag siya ni Talitha sa first name niya kundi dahil sa pagpapamukha sa kanya nito ng isang bahagi ng pagkatao niya.
Sa inis ay padabog siyang tumayo. Mataas na rin ang tono ng boses niya nang magsalita. “Alright, challenge accepted. Lalapitan ko siya. Magpapakilala ako. Gagamitin ko ang charm na sinasabi mo for our own good. Kapag pinirmahan niya agad ang promotion papers natin, it means I did good. Sana maging masaya ka pagkatapos nito.”
Kitang-kita niya nang mapanganga si Talitha pagkatapos niyang magsalita. Inisip niyang iyon ay dahil sa mga sinabi niya. First time nilang magkaibigan na magpalitan ng mga ganoong salita kung kaya alam niyang ikinabigla iyon ni Talitha. Pero napansin niyang hindi naman sa kaniya ito nakatingin kundi sa bandang likuran niya. Awtomatiko siyang pumihit upang alamin kung ano o sino ang tinitingan ng kaibigan na tila nagpagulat dito.
Pagpihit niya ay nagulat pa siya nang makita si Errol Mondego na nakatayo sa likuran niya at halos ilang pulgada lang ang layo sa kanya. Saglit na tumigil ang kanyang paghinga dahil sa kaguwapuhang taglay nito na mas nabibistahan pala sa malapitan. Ngunit dagli ring naglaho ang paghanga niya nang mapansin niyang madilim ang anyo nito at matalim ang pagkakatitig sa kanya.
Bigla ay gusto niyang maglaho na parang bula ng mga sandaling iyon. Alam niyang malinaw na narinig ng lalaki ang mga huling sinabi niya base sa itsura nito. At kung kararating lang nito, siguradong hindi nito alam ang konteksto ng pag-usap nila ni Talitha.
“E-errol…” halos ayaw lumabas sa bibig ni Dorcas ang kanyang tinig.
“Atty. Errol Durano Mondego, Ms. Vega,” sarkastiko nitong sabi. “I need to talk to you in my office. Right now.”