Chapter 2: Something important!
Nakakasilaw na araw ang makikita sa kalangitan na naglalabas ng matinding init. Kahit na medyo malakas ang hangin ay nananaig pa rin ang init na nanggagaling sa araw kaya pawisan ang bawat mamamayan sa mga lungsod at baryo. Sa gitna ng napaka-init na panahon ay naglalakbay sa gitna ng kagubatan ang dalawang pigura. Ang isa na nakasuot ng armor ay may bitbit na binatang walang malay.
"Master saan pala tayo pupunta?" Ilang oras na silang naglalakad pero wala pa ring sinasabi si Zac kung saan sila pupunta. Matapos kasi niyang tignan ang mapa na ibinigay ni Shi ay inaya niya na silang umalis ng walang sinasabi.
Hindi naman tinanong ng bandido kung saan sila pupunta kaya hindi sinabi ni Zac kung saan.
"Pupunta tayo sa isang lungsod. May kakailanganin ako sa lungsod na iyon." Paliwanag ni Zac habang nakatuon ang atensiyon sa harap. Naalala niya noong nakausap si Warden ay humingi siya ng mga kaalaman tungkol sa kaharian ng Miraven.
Isa lang hamak na mid tier ang Black Fang Clan kaya naman limitado ang kanilang mga libro o mga kaalaman tungkol sa mga bagay-bagay sa kaharian, hindi kagaya ng Earth Clan na isang high tier clan at mas malawak ang mga kaalaman na mababasa sa kanilang librarya.
Hindi nagtungo ang binata sa silid aklatan ng Earth Clan ngunit sinabihan niya si Warden na sabihin ang lahat ng nalalaman nito tungkol sa mga bagay-bagay sa buong kaharian. Sa mga impormasyon na nalikom niya ay nalaman niya kung saang lugar ang magandang pagtayuan ng negosyo, mga lugar na delikado, mga kuta ng mga bandido na mga rank 5 lang ang nakakaalam, at higit sa lahat, ang kaunting impormasyon sa mga lungsod.
Marami ang lungsod na nabanggit ni Warden pero ang nakapukaw sa atensiyon ng binata ay ang Danger City. Isang siyudad na puro kriminal ang naninirahan, marami sa mga mamamayan dito ay mga kriminal na tumakas sa kanilang mga pinanggalingang lungsod.
Tinawag itong Danger City dahil sa bawat mamamayan dito ay kriminal, at ang lungsod ay pinapatakbo gamit ang kapangyarihan. Ibig sabihin ay pwede nilang gawin sa lungsod ang kahit na ano hangga't may kapangyarihan sila. Pwede silang magnakaw ng harapan, pwede nilang tapusin ang mga nakakaalitan, lahat ng mga krimen ay pwede nilang gawin hangga't kaya ito ng kanilang abilidad.
Ang namumuno sa lungsod na ito ay ang pinakamalakas na tao sa lungsod. Tatlong lungsod na ang nagtangka at umatake sa Danger City para sa mga kayamanan at ari-arian ng mga nakatira rito. Pero lahat ng subok nila ay nauwi sa wala dahil sa lakas ng namumuno ng lungsod. Ang ikinatakot pang lalo ng iba ay ang pangatlong lungsod na ginamit ang lahat ng pwersa sa lungsod nila para umatake pero sa huli ay pinatay sila ng mag-isa ng namumuno sa Danger City.
Ang una at pangalawang lungsod ay hinayaan niyang may ilang mabuhay dahil sa mga inalok nilang kabayaran sa kahangalan nilang ginawa, ngunit ang pangatlong lungsod na umatake ay hindi nag-alok, inakala nilang hahayaan lang silang makaligtas at bago nila mapagtantong mali ito ay huli na ang lahat dahil napuno na ang kanilang nag-iisang kalaban.
Ang namumuno sa Danger City ay tinatawag ng mga kriminal na mamamayan, na Hari.
Sa mundong ito na kapangyarihan ang nananaig ay hindi ka pwedeng maging Hari dahil lang sa pinanggalingang angkan o kapag may dugo ka ng Hari, kailangan ay may taglay kang lakas para manatili bilang hari. Kung may lakas ka para protektahan ang trono ay mananatili kang Hari, pero kung hindi ito sapat ay marami ang magkakandarapang agawin ang trono sa mahinang hari.
Mayroon din namang mga espesyal na tinatawag na Hari dahil sa taglay nilang lakas, at isa na nga rito ang pinuno ng Danger City. Kahit walang nakakaalam ng tunay niyang pangalan ay walang kumikwestiyon sa kaniyang awtoridad. Kahit nga ang Hari sa Capital ng Miraven Kingdom ay hindi nakikialam sa mga nangyayaring kaganapan sa Danger City. Maaring dahil ito sa nirerespeto ng Hari ang namumuno sa danger city o kaya naman ay sa malakas talaga ang Hari ng Danger City na kakailanganing magsakripisyo ng malaki para mapabagsak ito.
Ngunit kahit ano sa dalawang ito ay sapat nang patunay para kilalanin ng ibang malalaking siyudad ang Hari ng Danger City, dahil sa mundong ito ay malalakas ang mga tanging nirerespeto ng lahat.
"Pero saang lungsod Master?" Tanong ni Shi.
Hindi na kinakabahan ang bandido kahit na saan pa magpunta ang Master niya, kahit sa pinakadelikadong lugar pa ay hindi siya kakabahan dahil sa naramdaman niya ang aura na inilabas ni Zac kanina.
Kagabi nang maglaban sila ng Butler ay inilabas ng matanda ang aura niya para takutin ang bandido at manghina ang loob nito, at kahit hindi pa nararamdaman ng bandido ang aura ng rank 5 ay sigurado siyang hindi iyon galing sa isang rank 4 lang, kaya naman pumasok sa isip niya na rank 5 ang aura na inilabas ng butler. Kahit na ipinarandam nito ang aura niyang rank 5 ay hindi umurong si Shi, bagkus ay lalong nag-apoy sa pagkasabik sa pakikipaglaban ang mga mata niya para maprotektahan ang kaniyang dapat protektahan. Hindi niya napapansin na unti-unti na siyang nagbabago dahil sa Ruler skill na ginamit ni Zac.
Kung kagaya pa rin ng dati ang bandido ay siguradong magmamakaawa na siya sa butler para hayaan siyang mabuhay. Pero dahil sa utos ni Zac ay pakiramdam niya na kailangan niyang gampanan ang iniatas sa kaniyang trabaho, kapag tumakas siya ay hindi na niya magagawa pang tumayo ng tuwid at harapin ang Master niya.
Nang ikumpara niya ang aura na naramdaman kay Zac at aura na ginamit ng butler para takutin siya ay isa lang ang pumasok sa isip niya.
'Halimaw si Master. Kahit ang malakas na aura ng rank 5 na butler ay sobrang layo ng agwat sa kaniya.'
Kaya naman sigurado siyang kahit saan magpunta ay magiging ligtas siya sa tabi ng Master.
Habang naglalakad ay lumingon si Zac at nagwika, "Sa Danger City tayo bibisita."
"Danger City? Ang nag-iisang siyudad na inatake na ng tatlong beses?" Tanong niya sa kasama. Medyo sikat ang naganap na tatlong pag-atake sa Danger City kaya kahit siya na isang hamak na rank 3 ay alam ito.
Napatango sa isip niya si Zac matapos makita ang reaksyon ni Shi. Walang bakas ng takot o alinlangan na makikita sa mukha niya kahit na nalaman niyang sa mapanganib na Danger City sila pupunta.
Pero ang reaksyon niya ay normal lang. Kahit sa Dungeon na dating pinaglagian niya ay puno rin ng panganib at banta na kahit anong oras ay pwede siyang mamatay. Masasabi na parang babalik lang siya sa dating pinagtaguan na dungeon sa pagpunta sa Danger City kaya hindi siya ganoon masiyadong nag-aalala. Kung tutuusin ay mas maayos nga ang sitwasyon niya ngayon dahil may kasama siyang malakas.
Ang bayolenteng hangin palang na nilikha ng aura ni Zac na tumama sa kaniya ay halos hindi na niya kayang makatayo ng hindi ginagamit ang buong lakas. Paano pa kaya kung sa kaniya nakadirekta ang aura na may hindi magandang hangarin? Kakayanin niya kayang tanggapin ang pwersa ng malakas na hangin na didirekta sa kaniya?
Huminto sa paglalakad ang binata nang maramdaman niya ang maraming presensiya na papalapit sa direksiyon nila.
Makalipas ang ilang minuto ay tumingin din si Shi sa tinitignan ni Zac dahil naramdaman niya na rin ang mga presensiya nito.
Nasa loob sila ng kagubatan ngunit ang kagubatang ito ay ligtas para sa paglalakbay. Kahit na may ilang halimaw dito ay karamihan lang naman sa mga ito ay mahihina at kayang pugsain ng kahit na sinong mga rank 1. Dahil naman sa mahina ang mga halimaw dito ay walang malakas na mga bandido ang namamalagi dito na nambibiktima sa mga adventurer na pumapasok ng gubat. Karamihan lang sa mga bandido rito ay mga rank 1 lang.
Ilang metro sa kanila ay makikita ang tatlong karwahe na gawa sa matibay na kahoy na materyales. Hindi magarbo ang disenyo nito pero mas malaki ito at mahaba ng kaunti kumpara sa mga ordinaryong karwahe na wari'y ginawa ito para sa maramihang mga pasahero.
Apat na kabayong nagpapatakbo ang nasa harapan ng mga karwahe. Sa loob ng bawat karwahe ay nararamdaman ni Zac at Shi ang mga presensiya ng mga rank 1 na adventurer. Ang nagpapatakbo ng unang karwahe ay isang matanda at nang nasa harapan na sila ng binata ay pinahinto niya ang mga kabayo.
Nakita ng matanda ang nasa balikat ni Shi na si Kaito. Dahil sa suot na armor ay mukhang delikado at nakakatakot ang bandido, kaya naman gumuhit ang kaunting takot sa mukha ng matanda. Pero nang mapadpad kay Zac ang tingin niya ay medyo nabawasan ang takot.
Maganda ang panglabas na anyo ni Zac. Kahit hindi kagandahan ang kaniyang kasuotang mga normal na damit ay mapapaisip pa rin ang iba na isa siyang galing sa mayamang pamilya. Kaya naman hindi pumapasok sa isip nila na isa siyang bandido o kriminal.
"Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo mga Ginoo?" Magalang na tanong ng matanda.
"Pwede ko bang malaman kung saan papunta ang inyong karwahe?" Magalang ding tanong ng binata sa matanda. Para sa kaniya ay walang halaga ang pagpapanggap na mabait sa iba, pero kung wala namang magiging problema at aberya ay ayos lang sa kaniya ang magpanggap lalo na at maayos naman ang pakikitungo ng matanda.
"Patungo kami sa lungsod ng Greyoga." Sagot ng matanda. Biglang bumukas ang pinto ng karwahe at lumabas ang isang matipuno at may kalakihang katawan na lalaking nasa edad trenta pataas. Naglalabas ito ng rank 1 na aura sa katawan habang suot niya ang armor na halatang luma na.
"May problema ba?" Tanong niya sa matanda at binigyan ng matalim na tingin sila Zac.
"W-wala naman. Nagtatanong lang sila kung saan papunta ang karwahe." Nakangiting paliwanag ng matanda tiyaka sinenyasan ang adventurer na pumasok na sa loob ng karwahe para hindi na magkaroon ng hindi pagkakaunawaan.
"Greyoga? Sakto padiretso ito sa Danger City." Ani ng binata.
'Hindi na masama ang magpahinga saglit pagkatapos ng lahat ng nangyari.' isip niya. Kahit na matibay ang loob niya at mas malakas ang mentalidad niya kumpara sa karamihan ay hindi pa rin mapipigilan na makaramdam siya ng pagod at gustuhing magpahinga saglit dahil sa isa lang naman siyang binata.
"Pwede bang sumabay kami sa inyo? Sa Greyoga rin ang destinasyon namin. May pangbayad naman kami sa pagsakay." Pakiusap niya sa matanda. Tumingin ang matanda sa kaniya at napaisip ito.
'Siguro ay na estranded sila sa gubat at napagod na sila kaya gusto na nilang sumakay at makauwi agad.' umukit ang awa sa mukha ng matanda matapos maisip ang posibleng nangyari sa kanila.
"Pwede naman. At huwag na kayong mag-alala sa bayad, papasakayin ko kayo ng libre. Total ay sapat naman na ang bayad na natanggap ko." Sinserong wika ng matanda. Kahit na mukhang mayaman ang binatang nasa harap niya ay mas pinili niyang magpakita ng magandang loob imbis na gamitin ang pagkakataon para magkaroon ng mas maraming pera. Patunay na kahit puno ng mga ganid at masasamang tao ang mundong ito ay mayroon pa ring mga tao na may busilak na puso.
Malugod na tinanggap ng dalawa ang alok ng matanda. Hindi naman na nila binigyan ng ginto ang matanda dahil mukhang sapat naman ang kinikita niya sa trabaho at baka mahikayat lang ng ibibigay na ginto ang pagkaganid ng iba sa paligid niya.
Dahil sa pagsakay sa karwahe ay mas tatagal ng ilang araw ang dapat na isang araw lang na biyahe kapag tuloy-tuloy ang paglalakbay nila.
....
Sa loob ng malawak na karwahe ay makikita ang nasa sampong tao. Kahit na ganoon ang bilang ay hindi pa rin nagsisiksikan ang mga nasa loob.
Iba ang disenyo nito kumpara sa mga ordinaryong karwahe. May dalawang mahabang upuang gawa sa kahoy ang patagilid na nakatayo at nasa likod ng mga nakaupong tao ang bintana.
Nakaupo sa kahoy na upuang pahaba ang dalawa. Sa tapat nila ay ang isa pang mahabang upuan na inuupuan ng limang pasahero.
"Hehe. Dapat ay itago mo ng maigi ang pagkahayok mo sa dugo." Wika ng matandang puro puti na ang semi-kalbong buhok, may ilang butas pa ang damit nito at mukha siyang pulubi.
"May nararamdaman kayo sa'kin?" Medyo hindi makapaniwalang tanong ni Zac sa matanda.
Nang marinig naman ng mga katabi ang sinabi ng matanda ay napunta dito ang tingin nila at parang hindi na sila nagulat pa sa ginawa nito.
"Wala na po yata sa katinuan ang matandang 'yan kaya 'wag niyo nalang po siyang pansinin." Paliwanag ng isang lalaki kay Zac. Pero ang tingin ni Zac ay nakatuon pa rin sa matanda.
"Hehe. Nararamdaman ko ang katiting na galit sa dibdib mo. Galit na kahit ikaw ay hindi sigurado, at dahil dito, ang mahinang pagkahayok sa dugo ay namumuo." Saad ulit nito.
'Paanong?' Hindi makapaniwala si Zac sa binitawang salita ng matanda. Totoo ang sinabi nito, hindi sigurado si Zac kung bakit may bagay sa dibdib niya na gustong gumanti sa mga Goodman. Nalilito siya kung ano ito pero isa lang ang sigurado siya, sa oras na matapos niya ang problema sa mga Goodman ay mawawala ang kakaibang bagay na ito sa dibdib niya.
"Hehehehehe." Biglang tumawa ng tumawa ang matanda.
"Manahimik ka tanda! Isa pang gumawa ka ng ingay ay itatapon kita sa labas!" Banta ng adventurer na nagbabantay sa karwaheng ito. Mukhang hindi lang isang beses na gumawa ng ganitong bagay ang matanda.
"Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan, lolo?" Magalang na tanong niya. Kung kayang mapansin ng matanda ang kakaibang bagay na nararamdaman niya ay ibig sabihin lang nito na hindi ordinaryo ang matanda.
"Hehe. Mag-iingat ka sa pagkontrol ng pagkahayok sa dugo mo. Maaari nila itong maramdaman at kapag nakita ka nila ay siguradong mapapansin nila -" Huminto ang matanda at tumayo. Lumapit siya kay Zac at itinutok niya ang daliri sa dibdib ng binata tiyaka nagwika, "Ang bagay na siguradong pinaka importante sa'yo."