Chapter 9: Outer District of Sect
"Imposible!" Wika ni tandang Li. Hindi siya makapaniwala sa nakikita niya na maraming magkakaibang liwanag na parang naglalaban pa sa loob ng bolang crystal. May kulay itim ito na tanda na may kakayahan siyang gumamit ng dark element, mayroon ding puti na senyales naman ng Light element, at mayroon pang dark red, dark blue at marami pang ibang elemento na kahit siya ay walang ideya kung ano ang mga ito.
Imbis na matuwa sa resulta ay gumuhit ang pag-aalala sa mukha ni Zac. Kailangan niyang manatili sa sect na hindi pinapakita ang totoong kakayahan o antas ng lakas hanggang sa maging rank 7 siya, para kahit rank 6 palang siya ay wala siyang makakasalubong na rank 7 na p'wedeng maging gahaman kapag nalaman ang kaniyang mga nakamit sa maikling panahon. Kahit na halos imposibleng matuklasan nila ang sikreto niya, mas gugustuhin pa rin niyang maging maingat.
"H-hindi pa rin tumitigil?" Naglalabas pa rin ng magkakaibang liwanag ang bolang crystal hanggang sa magkabitak ito ng kaunti. Wala pang ilang segundo ay bigla nalang itong nawasak at naging pira-pirasong bumagsak sa sahig.
Sigurado siya na tao ang kaharap na binata pero nang makita niya ang mga elemento na kaya at posible nitong magamit sa hinaharap ay nag-iba ang tingin niya sa binata at napaisip siya 'T-tao ka pa ba?'
"Outer Elder Li, Neil, maaari bang manatiling sa'tin ang nalaman ninyo ngayon?" Mahinahong pakiusap ni Zac. Pero sa loob niya ay kinakabahan na siya dahil sa mga posibleng mangyari kapag hindi sila pumayag. Lalong hindi naman niya sila p'wedeng p'wersahin dahil nasa loob sila ng sect at wala siyang alam sa pasikot-sikot dito.
Nang marinig ni tandang Li ang pakiusap ni Zac ay umukit ang ngiti sa labi niya nang may maisip siya.
"Puwede nating gawin 'yan sa isang kondisyon, pero bago iyon ay kailangan mo munang makapasa sa pangatlong pagsusulit." Wika niya at nang maisip ang mga benepisyong matatanggap kapag napunta sa pangkat niya si Zac ay hindi niya mapigilang mapangiti ng matamis.
"Ang pangatlong pagsusulit ay kailangan niyo lang sagutin ang katanungan ko. Sa oras na magsinungaling kayo ay awtomatiko na kayong babagsak sa pagsusulit at ako mismo ang tatapos sa inyo ngayon dito." Paliwanag ni Outer Elder Li at pinaramdam niya ang kaniyang aura sa dalawang binata. Nanginig ang tuhod ni Neil sa takot at hindi niya namalayan na bumagsak na pala ang mga tuhod niya sa konkretong sahig, napaluhod siya sa sobrang takot.
"Hahaha! Hindi ka nga ordinaryo, 'pag nakapasa ka sa pagsusulit ay kukunin kita bilang estudyante ko mismo." Masaya niyang tinapik sa balikat ang binata sa nakitang hindi apektado si Zac ng aura niya. Rank 5 pinnacle stage lang ang ginamit niyang lakas dahil ayaw niyang puwersahin masiyado ang mga binatilyo, pero nakakahanga pa rin ito.
"Ikaw ang mauuna Zac. May nais kabang masama o hindi magandang hangarin sa Mortal Defying sect?" Tanong niya kay Zac.
"Wala." Maikling sagot ni Zac. Totoo ang kaniyang sinagot sapagkat wala naman talaga siyang masamang balak sa sect. Nais niyang tanggapin ang proteksyon nito pero iyon lang ang talagang nais niya, gagawa lang siya ng hakbang laban sa Sect kapag ito mismo ang kumilos laban sa kaniya.
Walang nangyaring kakaiba sa katawan ni Zac at nang makita ito ni Outer Elder Li ay napapalakpak na siya sa tuwa, aktong hinding-hindi makikita ng iba sa kaniya dahil sa mataas niyang katayuan.
"Magaling! Ang kondisyon ko para manahimik tungkol sa iyong mga elemento ay kailangan mong sumali sa pangkat ko. Lima kaming mga Outer Elder na pwede mong salihan at kapag sumali ka sa'kin ay sisiguraduhin kong walang makakaalam ng iyong sikreto." Nakangiting mungkahi ni Outer Elder Li.
Marami na sa mga Royal Clan at Noble faction ang nagtangka na pasukin ang Sect kaya naman malaki ang posibilidad na ispiya ang talentadong binata galing sa mga kalabang organisasyon. Ngayong napatunayang hindi siya ispiya ay natuwang labis ang matanda dahil magiging malaking tulong sa katayuan niya si Zac.
"Ehem! O-oo nga pala. Bakit mo pala gustong maging disciple sa sect?" Tanong ulit niya at ibinalik ang kaniyang seryosong pustura.
"Pinagtatangkaan ng mga Goodman family ang buhay ko. Gusto kong maging disciple ng sect para magkaroon ng proteksyon." Maikling paliwanag niya.
"G-goodman family? Isa sa tatlong pinakamalakas na noble family ang mga Goodman. Ang kanila ring technique na ginagamit ay komplikado at nakakatakot." Lumaki pa ang paghanga niya sa nalaman na mga Goodman ang nagtatangka sa buhay ng binata. Pero hindi na siya nagulat sa rason ni Zac kung bakit nito gustong sumali dahil halos lahat naman ng disciple ng sect ay sumali para sa proteksyon na maiaalok nito.
"Ikaw naman Neil. May masama kabang hangarin sa sect?"
"Wala akong masamang hangarin." Sinserong sagot niya at kagaya ni Zac ay wala ring nagbago sa katawan niya, tanda na totoo ang mga binitawan niyang salita.
"Bakit mo--" magtatanong ulit sana si Outer Elder Li nang biglang bumukas ng marahas ang pintuan at iniluwa nito ang pawisang binata na mukhang balisa.
"Outer Elder Li, hindi na naman makontrol ni Gerry ang kaniyang sarili." Kinakabahang sabi nito at nang marinig ito ay biglang dumilim ang mukha ng matanda.
"Nasaan siya?" Tanong ni tandang Li.
"Nasa dormitoryo siya ngayon kasama ang kaniyang kaibigan." Mabilis na sagot nito.
"Zac at Neil. Pasado na kayo, ito ang inyong mga token bilang Outer Disciple. Lagyan niyo lang ng mana ang mga token na ito at kusa nang masusuri ng token ang inyong mga sarili bilang tunay na disipulo ng sect. Huwag niyong wawalain 'yan. Lanter, ipakita mo sa kanila ang Outer District." Paliwanag niya at inutusan ang binatang dumating na ilibot sa Outer district sina Zac para maging pamilyar sila sa paligid.
"Masusunod Outer Elder Li." Magalang na sagot ng binata.
Nang marinig ang tugon ng Outer disciple ay tumakbo na papunta sa dormitoryo ang matanda na may ilang butil ng pawis sa noo.
....
Kasalukuyang nakatayo ang dalawa sa tapat ng Outer Disciple. Kagaya ng sabi ni tandang Li ay ginamitan nila ng mana ang kanilang mga natanggap na token at nanatili ito sa loob ng token, sinubukang tanggalin ni Zac ang manang inilagay niya sa loob nito pero may pumipigil na p'wersa kaya sa huli ay hindi rin niya matanggal ang mana niya sa token. Sinubukan niya ring lagyan ulit ito ng mana pero hindi na tinatanggap ng token ang mana, kaya hindi madadaya ang mga mana na nasa loob ng token.
Ang token ay bilog na maliit na gawa sa bronze na materyal at mukhang napakatibay nito.
"Ako nga pala si Lanter, isa sa mga Outer Disciple ni Outer Elder Li. Gusto niyo bang ipaliwanag ko sa inyo ang mga panuntunan ng sect habang naglilibot tayo o mas gusto niyong malaman kay Outer Elder Li ang mga panuntunan?" Tanong ni Lanter sa kanila. Bago lang ang dalawa sa sect kaya wala silang alam sa mga kalakalan dito, isa pa, hindi nila kilala ang mga Outer Disciple kaya posibleng hindi magtiwala sa mga sasabihin niya ang dalawa. Kaya naman tinanong niya muna sila para sa kanilang permiso kung nais nila itong marinig.
Kayumanggi ang kutis ni Lanter at ang buhok niyang bagsak pakanan sa noo ay kulay itim. Ang mga mata niya ay itim din at mapapansin sa mga ito ang pagiging kalmado niya, naglalabas ito ng aura na ikapapanatag ng mga nasa paligid niya. Hindi siya ganoon katangkad at halos hanggang balikat lang din siya ni Zac.
"Kung hindi ito magiging abala sa'yo." Marahang saad ni Zac. Tumango naman si Neil sa sinabi nito, kahit na saglit lang silang nagkasama ay masasabing si Zac ang pinakakilala niya sa buong sect.
"Kung ganoon ay ipapakita ko muna ang dormitoryo sa inyo." Lumakad si Lanter at lumabas ng gusali. Taimtim na nakasunod sa kaniya ang dalawa.
May ilan na silang gusali na nadaanan pero walang binanggit sa mga ito si Lanter dahil kahit siya ay walang masiyadong alam sa mga ito. Ang alam niya lang ay mga may matataas na posisyon lang ang mga nakakapasok doon kaya walang punto kung babanggitin niya ang mga ito sa baguhang kagaya nila Zac na mas mababa ang posisyon sa kaniya.
Sampong minuto na silang naglalakad at kita na sa tanawin ang dalawang malaking gusali na magkatapat sa pagitan ng kalsada. Pareho lang ang disenyo ng mga gusali at may nakalagay na kataga sa taas ng mga ito na [Dormitory of Outer Disciple]. Ang lawak ng dalawang gusali ay talagang nakakahanga, kahit siguro daan-daang Outer Disciple ay magkakasiya sa dami ng silid dito.
"Ang dalawang gusali na ito ay dormitoryo ng mga Outer Disciple. Kung titignan ay tatlong palapag ang mga gusali ng dormitoryo, ang nasa pangatlong palapag ay para sa mga pinakamalalakas na Outer Disciple, at ang unang palapag naman ay para sa mga pinakamahina. Simbolo rin ito ng katayuan ng mga Outer Disciple kaya kailangan ay kilalanin ninyo ang mga nakatira sa pangatlong palapag para makilala niyo kung sino ang mga dapat hindi babanggain." Paliwanag niya sa dalawang baguhan. Ito rin ang unang ipinaliwanag niya dahil sa maraming mga baguhang aroganteng Outer Disciple ang binabangga ang kahit na mga nasa ikatlong palapag ng gusali na nagreresulta sa kanilang pagkawasak pisikal at mentalidad.
Pero sinasabi niya ang mga ito sa kanila dahil sa alam niyang magiging kasama na niya ang dalawa at tungkulin niya ang tulungan sila.
"Gusto niyo nabang kumuha ng dormitoryo? Nandito naman na tayo at kailangan niyo lang gamitin ang inyong token bilang patunay na kayo ang maninirahan sa silid." Suhestiyon niya sa dalawa.
Nang marinig ito ni Neil ay bigla siyang nakaramdam ng pagod. Dalawang araw siyang hinabol ng mga assassin kaya wala siyang naging maayos na tulog sa dalawang araw na iyon. At noong nakalayo na sila sa mga assassin at naglakbay pa ng tatlong araw kasama si Zac ay nakatulog naman na siya ng kaunti sa bawat araw pero hindi ito sapat na nagresulta ngayon ng kaniyang pagod.
"Mukhang pagod na ata si Neil. Bakit hindi ka muna magpahinga sa dormitoryo?" Alok ni Zac na hindi tinanggihan ni Neil.
Nagtungo ang tatlo sa unang palapag ng dormitoryo at doon ay naghanap sila ng bakanteng silid. Marami pa ang mga bakante kaya nakahanap agad sila, ang kanilang silid ay may numero sa taas ng pinto na [220].
Ang loob ng silid ay hindi ganoon kalaki pero sapat na ito sa tatlong tao. Mayroon ding tatlong kama na magkakahiwalay, sa tapat ng kama ilang metro ang layo ay ang pabilog na lamesang puwede nilang pagkainan. May tatlo ring malalaking aparador na puwedeng pagtabigan ng mga damit nila.
"Ahhh! Sa wakas! Malambot na kama." Tumalon si Neil pahiga sa kama at pinikit ang mga mata. Ilang sandali pa ang lumipas ay maririnig na ang mga hilik nito dahil sa matinding pagod.
"Gusto mo na rin bang magpahinga na muna, Zac?" Tanong ni Lanter.
"Kung puwede sana ay gusto kong libutin ang sect." Taliwas sa inaasahan ni Lanter ang sagot na binigay ni Zac. Lumabas ang dalawa sa dormitoryo at nagtungo sila sa sikat na lokasyon na laging pinupuntahan ng mga Outer Disciple, ang Outer Pill Shop.
Isa itong gusali na nasa bandang gitna ng Outer District. Dito madalas nagtutungo ang mga Outer Disciple tuwing nagkakaroon na sila ng sapat na SP para bumili ng mga pills.
Ang Mortal Defying sect ay isang malaking organisasyon na kayang makipagsabayan sa Royal Clan at Noble Faction, kaya naman may mga Alchemist silang miyembro at ang bawat isa sa mga Alchemist ng sect ay hindi ordinaryo. Bawat isa sa kanila ay naipasok sa sect bilang alchemist dahil sa taglay nilang talento, hindi kagaya ng sa Noble faction at Royal clan na kahit hindi ka ganoon katalentado, basta may dugo kang galing sa makapangyarihang pamilya ay p'wede ka nilang tanggapin bilang alchemist.
Nabanggit na rin ni Lanter kay Zac ang tungkol sa SP o Sect's Points kung saan makakakuha sila kada tapos nila ng mga misyon. Marami silang puwedeng gamitin sa SP gaya ng pagbili ng mga Pills, pagrenta ng mga libro na naglalaman ng mga techniques, o puwede rin itong gamitin para maglagay ng mission sa Mission Board na tinatapos ng bawat Outer Disciple.
Puwede silang maglagay ng mission sa board kapag may sapat na silang SP. Sa ganitong paraan ay maaari nilang ipunin ang kanilang SP para ilagay sa mission ang pagtapos sa kanilang mga mortal na kaaway na galing sa labas ng sect.
Bawat isang Outer Disciple ay kailangang tumapos ng isang mission kada buwan dahil kung hindi ay may karampatan itong parusa. Kapag nagpatuloy pa rin sila sa hindi pagtugon ng mission ay ikokonsidera sila bilang isang ispiya na may hindi magandang hangarin sa sect at ang mga Outer Elder na namamahala sa kanila ang tatapos sa buhay nila.
Sa loob lang ng isang oras ay tatlong lugar na agad ang kanilang nalibot ang Pill Shop, Mission House, at ang rentahan ng mga technique na kasalukuyan nilang binisita.
"Sigurado kaba na may mga rank 6 ding technique ang puwedeng rentahan dito?" Tanong ni Zac sa kasama habang nakatayo sa tapat ng gusali.
"Oo. May iba nga na nagrerenta ng technique na rank 6 para subukang gumawa ng sariling atake base sa technique na maihahalintulad ang lakas sa Quasi Rank 6."
Nang marinig ni Zac ang sinabi ni Lanter ay naalala niya si Warden na kahit rank 4 lang ay nakayang gumamit ng mahinang level na Quasi Rank 5 na technique.