Chapter 10: Treatment.
Pagkatapos nilang pumunta sa Technique Shop ay bumalik rin agad si Lanter at Zac sa kanilang mga dormitoryo. Nakita ni Zac ang kanina pa tulog na si Neil ay mahimbing pa ring natutulog hanggang ngayon.
Nagtungo si Zac sa kaniyang kama at humiga na rin para magpahinga.
Kanina habang naglalakad sila pauwi ay may isang bagay pang ipinaliwanag si Lanter, tungkol ito sa gusaling hindi pa nila napuntahan kanina pero bukas ay dadalin niya naman na daw sila doon kaya hindi niya na kailangan pang isipin ito masiyado.
Ang gusaling tinutukoy niya ay isang paaralan. May limang malalaking silid doon na pinagtuturuan ng mga Outer Elder. Puwede silang magpaturo sa parteng naguguluhan sila ng kanilang nirentahan na mga librong naglalaman ng technique. Maaari rin silang humingi ng rekomendasyon sa mga technique na puwede nilang aralin na babagay sa mga elementong kaya nilang gamitin. Pero ang madalas na ginagawa roon ay nagtuturo ang mga Outer Elder ng mga technique na alam nila at mga kinukuha sa technique shop para mas lumakas ang mga hawak nilang Outer Disciple.
Maaari silang pumunta kung gugustuhin nila pero pwede rin namang hindi sila dumalo. May iba ding mga silid sa paaralan na ito kagaya ng Alchemy Room, Strength Test room at iba pa.
....
Pasikat palang ang araw nang makarinig ng mga katok ang dalawang natutulog na binata. Bumangon si Zac at pinagbuksan ang kumakatok na alam niyang si Lanter dahil sa alam niya na ang presensiya nito.
"Bumangon na kayo. Nag-anunsiyo si Outer Elder Li na kailangang dumalo kayo sa pagtuturo niya ngayong araw. Para mapakilala na rin kayo sa ibang dumadalo." Bungad ni Lanter sa kanila. Kahit na kagaya niyang binata ang dalawa ay mas matanda naman siya sa kanila ng ilang buwan at malapit na siyang maging dalawampu't isang taong gulang. Kaya pakiramdam niya ay Senior siya ng dalawang baguhan.
Nang marinig ni Neil ang boses ni Lanter ay bumangon siya sa pagkahiga na kinukusot ang mga mata.
"May brown kayong balabal na nakalagay sa mga aparador ninyo. Kailangang ito ang lagi ninyong susuutin tuwing pupunta kayo ng paaralan at iba pang lugar. Ito ang simbolo na miyembro kayo ng grupo ni Outer Elder Li." Paliwanag ulit ni Lanter. Napaliwanag niya na ito kahapon kay Zac pero dahil wala si Neil kahapon ay inulit niya ulit ito.
Ngayon lang naintindihan ni Zac kung bakit tuwang-tuwa si Outer Elder Li nang pumayag siyang maging miyembro ng grupong hawak nito. Nalaman niya na si Outer Elder Li ang pinakamahina sa limang Outer Elder at ang grupo ng mga Outer Disciple na hawak niya rin ang pinakamahina. Kaya malaking tulong sa matanda ang makuha ang kasing talentado niya sa kanilang grupo, pero masaklap lang dahil walang planong magpakitang gilas si Zac sa iba.
Ang brown na robang sinusuot ng mga Outer Disciple na hawak ni tandang Li ay simbolo ng kanilang pagiging pinakamahina. Kaya puro kutya at panghahamak ang natatanggap nilang mga Outer Disciple sa ibang mga kapwa Disciple na hawak ng mas malalakas na Outer Elder.
Sa bawat kompetisyon na nagaganap ay lagi ring kulelat ang grupo ni tandang Li. Ang nangngangalang Gerry kahapon ang kilala bilang pinakamalakas na Outer disciple na hawak niya pero mayroon itong problema sa kaniyang pagkontrol sa galit.
Lumaki si Gerry sa abusadong pamilya kaya naman unti-unti siyang nagkaproblema sa pag-iisip hanggang sa kahit maliit na bagay ay nagagalit siya, alam ng lahat ang istorya ng buhay nito. Dahil sa taglay nitong talento ay mabilis siyang lumakas at naghiganti siya sa kaniyang abusadong tiyo. Tumakas siya sa Mortal Defying Sect at dito na nanirahan, dahil sa mga pangungutya ng ibang Outer Disciple ay madalas itong napapaaway.
Pero kahit lagi siyang lumilikha ng problema ay hindi maikakaila na lagi nitong tinatapos ang kaniyang mission kada-buwan. Minsan pa nga ay kumukuha siya ng ekstra na mission para madagdagan ang SP niya.
Nang matapos magbihis ang dalawa ay inaya na silang lumabas ng dormitoryo at magtungo sa paaralan. Medyo malayo ang paaralan at aabutin ito ng mga tatlumpong minutong paglalakad, kaya kailangan ay maaga palang at lumakad na sila.
"Ano palang nangyari sa jaguar mo Neil? Pinalakad mo 'to palayo sa tarangkahan kahapon 'diba?" Tanong ni Zac sa binata.
"Ahh. May koneksyon kami ng jaguar kaya kahit nasa malayo ay puwede kaming mag-usap. Inutusan ko ito na maglibot-libot muna sa paligid pero nasabihan ko naman na itong bawal manakit ng mga ordinaryong tao kung wala silang gagawin kaya wala namang magiging problema." Kampante siya sa kaniyang jaguar. Rank 5 din ang taglay nitong lakas at ang bilis nito ay maihahalintulad sa mga rank 5 mid stage kaya walang magiging problema ang jaguar sa pamumuhay sa labas.
"Paalala ko nga pala. Kapag may nangutya sa inyo ay huwag niyo nalang silang papansinin. Mahilig humanap ng gulo sa mga kagaya natin ang ibang mga Outer Disciple." Bakas sa mukha ni Lanter ang hinanakit matapos sabihan ang dalawa.
'Kahit siya ay madalas kinukutya?' isip ni Zac. Nararamdaman niya ang totoong lakas ni Lanter at kahit itago niya pa ito ay ramdam pa rin ni Zac na malapit nang maging rank 5 mid stage si Lanter. Siguradong walang masiyadong rank 5 early stage ang makakapagbigay ng problema sa kaniya.
Makalipas ang tatlumpong minuto ay nasa tapat na sila ng paaralan. May maliit na pader ang nakabalot dito na nagbibigay ng pakiramdam na parang nasa ibang mundo ang loob ng paaralang ito.
May ilan na ring mga Outer Disciple na pumapasok ang nakasuot ng iba't ibang kulay ng balabal, bawat isa sa kanila ay mukhang mga taong mataas ang tingin sa sarili, karamihan sa kanila ay mga binata at dalaga habang ang iba naman ay mga nasa edad dalawampu't limang taong gulang pataas, may ilan pa nga na mukhang nasa kanilang edad apatnapu pataas na.
Pumasok ang tatlo sa tarangkahan ng paaralan. Tahimik lang ang paligid nang biglang makarinig sila ng boses sa likod.
"Oh? Andito na ang kutung lupa at mukhang iba na ang kasama niya ngayon. Anong gagawin niyo sa silid ni tandang Li? Eh hindi naman kayo lumalakas, hahaha." Panglalait ng isang Outer Disciple sa likod nila Zac at nakarinig pa sila ng mga dumadaang Disciple na tumatawa.
"Huwag niyo nalang pansinin." Nakatingin pa rin sa harap na paalala ni Lanter. Subalit nang tignan ni Zac ang kaniyang mga kamay ay nakakuyom na ito. Sobrang diin nang kaniyang kuyom ay hindi niya namalayang tumusok na ang mga kuko niya at bumaon ito sa balat niya. May kaunting dugo ang tumulo sa kamay niya pero hindi niya pa rin ito napapansin dahil sa inis.
"Wala silang alam sa mga paghihirap ni Outer Elder Li. Kung mas malakas lang sana ako ay hindi nila magagawang laitin ng gan'on-gan'on nalang si Outer Elder Li." Pinilit niyang kalimutan ang mga panglalait ng mga nasa paligid at nagpatuloy sa kanilang silid. Ang dalawa naman ay tahimik lang na wari'y wala lang sa kanila ang mga binabatong panglalait ng iba.
Nang makarating sila sa silid ay may ilan nang mga Outer Disciple ang nasa loob. Malawak ang loob ng silid at may limang mahahabang upuan ang gawa sa kahoy, magkakasunod ang mga ito pero bawat isa ay mas mataas sa mga nasa harapang upuan nito. Kaya ang panglimang upuan sa likod ang pinakamataas. Bawat isa sa mga mahabang upuan ay kasiya ang kahit na dalawampong disipulo, kaya sa limang upuan ay puwedeng umupo ang isang daang Outer disciple.
May tatlong nakaupo sa pangalawang upuan at isa naman sa unang hilera ng upuan. Tatlo sa mga ito ay mga lalaki at ang isa naman sa baba ay babaeng nakasalamin.
"Magandang umaga Lanter." Bati ng babaeng nakasalamin na may medyo mahabang buhok at mukang nasa edad dalawampu pa lang. Inosente ang mukha nito at maputi ang makinis niyang kutis na nakakahikayat sa mata, ang kaniyang magandang mukha ay siguradong magugustuhan ng karamihan.
"Sila ba ang bagong Outer Disciple na ipapakilala ni Outer Elder Li?" Nakangiting tanong nito at inimbitahan silang umupo sa tabi niya dahil mag-isa lang siya sa mahabang upuan.
"Sila nga. Ito nga pala si Zac." Sabay turo niya kay Zac. "At ito naman si Neil." Sabay turo niya naman kay Neil.
"Ako nga pala si Mika." Inihaya ni Mika ang kamay niya sa harap ng dalawa at nakipagkamayan sa kanila.
Maaga silang nagpunta sa paaralan at aabutin pa ng mga tatlumpong minuto bago makarating si Outer Elder Li. Nagkwentuhan ang apat at nang malaman nilang hinabol ng mga rank 5 mid stage na assassin ang dalawa ay hindi nila mapigilang mapahanga.
"Tatlong rank 5 mid stage na assassin ang humabol sa'yo ng buong dalawang araw?" Wika ni Lanter at nang maisip niya ang sarili sa sitwasyon ni Neil ay napalunok siya sa kaba. Siguradong hindi na siya sasapitan ng araw 'pag siya ang nasa sitwasyon ni Neil.
"Edi rank 5 mid stage ka rin?" Tanong ni Mika kay Zac nang malamang pinaulanan ng binata ng malayuang atake ang tatlong assassin kaya sila nakatakas.
"O-oo nga Zac! Rank 5 mid stage kana?" Sa ilang araw na kasama niya ang binata sa paglalakbay ay ngayon lang napagtanto ni Neil na posibleng rank 5 mid stage na si Zac
"Malapit pa lang." Maikling sagot ni Zac at hindi sinabi ang katotohanan sa taglay niyang lakas.
Nang matapos sila sa tungkol sa naging pag-atake ng tatlong assassin ay ipinaliwanag na ni Lanter kay Neil ang mga panuntunan sa sect na dapat niyang malaman.
Makalipas ang halos tatlumpong minuto ay bumukas ang pinto ng silid at inilabas nito ang isang matandang lalaki na may buhok na kagaya ng sa babae, si Outer Elder Li at hawak niya ang isang libro na pag-aaralan nila ngayon.
Kagaya ng kanina ay pito pa rin ang mga Outer Disciple na dumalo sa kaniyang silid. Kahit na kaunti pa rin ang dumadalong Outer disciple ay umukit ang matamis na ngiti sa labi ni tandang Li nang makita niya si Zac. Nagulat naman ang mga Outer Disciple nang makita nila ang medyo ganadong ugali ni Outer Elder Li.
"Magandang umaga." Bati ni tandang Li. Tumayo ang bawat Outer Disciple at bumati rin ng magandang umaga ang lahat.
"Ngayong araw ay may bago tayong kasama na ipapakilala ko sa inyo bago tayo magsimula." Sinenyasan niya si Zac at Neil na pumunta sa harapan. Agad namang lumakad papunta sa harap ang dalawa sa tabi ni Outer Elder Li.
"Magpakilala kayo." Marahang wika ni tandang Li.
"Ako si Neil. Labing walong taong gulang. Ikinagagalak ko ang makita kayo." Yumuko si Neil bilang pagbibigay galang sa mga Outer Disciple na nasa harapan. Napatango ang iba at napangiti ang mga ito nang makita nilang ang bagong Outer Disciple ay hindi arogante at alam kung paano umasta ng tama.
"Ako si Zac. Dalawampong taong gulang. Ikinagagalak ko ang makita kayo." Kagaya ni Neil ay yumuko rin si Zac na nagustuhan din ng ibang Outer Disciple.
"Ngayong nakapagpakilala na kayo ay sisimulan na natin ang pag-aaral. Ang pagaaralan natin ngayon ay tungkol sa paggamit ng elementong apoy. Lahat naman kayong mga nandito ay kayang gumamit ng elementong apoy kaya makinig kayong mabuti sa mga ituturo ko." Wika ni tandang Li. Kilala niya ang bawat disipulo na dumadalo sa kaniyang pagtuturo at kabisado niya ang mga elemento na kaya nilang gamitin. Tuwing may klase siya ay pinipili niya ang mga elemento na makakabenepisyo sa lahat ng Disciple niya.
Makalipas ang halos apat na oras na diretsong pagtuturo ay natapos na ang kanilang klase. Kahit si Zac ay maraming natutunan sa loob lang ng apat na oras na iyon dahil sa sinasagot ni tandang Li ang mga katanungan na bumabagabag sa kanilang mga Outer Disciple.
"Hindi pa kayo nag-umagahan 'diba? Gusto niyo bang kumain muna sa kapetirya? Libre naman ang pagkain doon." Tanong ni Lanter sa dalawa. Libre lang ang pagkain sa paaralang ito kaya wala silang p-problemahin sa gastos. Pero kahit libre ay isang beses lang silang puwedeng kumuha ng pagkain, ang pangalawa ay may bayad na at SP lang ang kanilang tinatanggap na bayad.
"Kung libre ay walang problema sa'kin." Sagot ni Neil at tumingin siya kay Zac. Tahimik namang tumango ang binata bilang tugon sa tingin nito.
"Gusto mong sumabay sa'min Mika?" Tanong ni Lanter sa babae at ang tahimik nitong mukha ay napalitan ng matamis na ngiti. Tumayo si Mika na sobrang sabik na tila kanina niya pa hinihintay ang pag-aaya ni Lanter para magtungo sa kepetirya kasama sila.
"Akala ko kinalimutan mo na ako dahil may bago kang mga kasama." Pabulong na sabi ni Mika kay Lanter. Natawa naman si Lanter nang makita ang isip batang mukha ng babae. Pakiramdam niya ay nakatingin siya sa nakababata niyang kapatid na babaeng muntik nang magtampo.
Nagtungo ang apat sa kapetirya matapos magpaalam kay Outer Elder Li. Pagdating nila sa kapetirya ay medyo maingay dito at marami na ang mga lamesang na-okupahan ng ibang Outer Disciple.
"Ako na ang kukuha ng pagkain natin. Humanap nalang muna kayo ng puwede nating kainan." Wika ni Lanter tiyaka lumakad papunta sa kuhanan ng pagkain.
Naghanap ng mauupuan ang tatlo at may nakita sila sa bandang likod. Nang umupo sila ay nakita sila ng mga Outer Disciple sa katabing lamesa at bawat isa sa mga ito ay nakatingin sa kanila na para silang nakatingin sa basura. Nandidiri ang mga mukha nila at parang kinamumuhian nila ang tatlong nakasuot ng brown na balabal.
Makalipas ang limang minutong paghihintay ay dumating na si Lanter na may dalang apat na malaking pinggan na naglalaman ng mga pagkain. Ang dalawa ay hawak niya habang ang dalawa ay nakalutang sa ere malapit sa mga kamay niya.
Kahit na binibigyan sila ng mga nakapaligid sa kanila ng mapangkutyang tingin ay hindi nagpaapekto ang apat. Tahimik lang silang kumain at itinuloy ang naudyok na pagki-kwentuhan kanina tungkol sa kanilang mga karanasan para mas makilala pa nilang lalo ang isa't isa.
"Nadagdagan na naman ang basura sa grupo ni Li?" Bulalas ng binata galing sa likod ni Lanter. Nang marinig niya kung paano bastusin ng isang hamak na Outer Disciple ang kaniyang tinitingalang Outer Elder ay hindi niya mapigilan ang kaniyang sariling mapatayo sa galit.
Kung siya lang ang winawalanghiya ng iba ay handa niya itong tiisin, kahit na hindi nila ginagalang si Outer Elder Li ay kaya niya rin itong tiisin, pero sumosobra na ang pangbabastos nila na tinatawag na nila ito sa pangalan niya ng direkta na dapat ay tinatawag na Outer Elder na may paggalang.
"Bawiin mo ang sinabi mo Daryn!" Galit na pagbabanta ni Lanter at naglabas ng malakas na aura na bumulabog sa buong paligid. Kilalang-kilala niya ang boses ng disipulong ito na kahit hindi niya makita ang mukha nito ay alam na alam niya kung sino ito.
Ang pangbabastos ng mga Outer Disciple sa Outer Elder ng iba ay pinapayagan ng sect. Sa ganoong paraan ay magkakaroon ng kompetisyon sa mga Outer Disciple na magbebenepisyo sa dalawang panig. Magiging motibasyon nila ito para lalong magpalakas.
May kasabihan din sa sect na ang Outer Disciple ang p-protekta sa pangalan at dignidad ng kanilang mga Outer Elder, at para maprotektahan ito ay kailangan ng disipulo ang malakas na kapangyarihan.
Kaya ang nasa huli at pinakamahinang Outer Elder at pangkat nito ay papaulanan ng mga panglalait ng iba na magbibigay motibasyon sa mga Outer Disciple nito para magpalakas at maprotektahan ang kanilang dignidad at dignidad ng kanilang Outer Elder. Tradisyon na ng sect ang ganitong sitwasyon at kahit na may mga masamang resulta ito ay mas madalas pa rin naman itong nagreresulta ng maganda.
Nakasuot ng gray na roba ang nagngangalang Daryn na sumulpot sa likod ni Lanter. Maikli ang buhok nito na bagsak hanggang gitna ng noo niya at ang kaniyang katawan ay mataba ng kaunti, ang mukha niya ay lalo pang nagmukhang arogante dahil sa tingin na binibigay niya kay Lanter na parang isa itong basura.
"Hahaha, galit kana niyan? Gusto mo bang idaan nalang natin ito sa duwelo?" Mapang-asar na hamon nito at pagkatapos ay nilabas niya rin ang kaniyang mas malakas na aura na mabilis winasak ang nilalabas na aura ni Lanter, patunay na labis siyang mas malakas sa kaharap.
"Lanter! Huminahon ka!" Tumayo si Mika at hinila palayo ang nanggagalaiting si Lanter.
Nang makalayo ng kaunti si Mika at Lanter ay napangiti si Daryn na parang isang demonyo ng may naisip siyang bagay na magpapaputok sa galit na kinikimkim ni Lanter.
Lumapit siya sa dalawang bagong binata na hindi niya namumukhaan na kasama sa pangkat ni Outer Elder Li at pinukpok ng kamay ang kinakain ng isa sa kanila. Natahimik ang buong paligid sa nakita nilang ginawa nito, ginawa lang naman niya ang isang bagay na nagpapakita ng pinakamalaking pangbabastos, ang idamay ang pagkain nila na kinokonsiderang biyaya ng marami. Sinayang niya ang biyaya na dapat ay para sa iba.
"Sumosobra kana talaga!" Nag-aapoy sa galit na sigaw ni Lanter nang makita niya ang kasuklam-suklam na ginawa ni Daryn sa pagkain ng nananahimik na si Zac Morgan.