Chapter 11

2904 Words
Chapter 11: Destroyed! "Lanter kumalma ka! Alam mo naman na naging ganap na siyang rank 5 mid stage. Kahit magtulong-tulong tayo ay hindi tayo mananalo sa kaniya at lalampasuhin niya lang tayo, maliban nalang kung nandito si Gerry." Nag-aalalang paalala niya kay Lanter. Nahimasmasan naman ang binata nang marinig ang mga sinabi ni Mika. Kung kagaya pa rin noong nakaraang buwan ang sitwasyon nila ay siguradong hindi maglalakas loob si Daryn na gawin ang mga panghahamak na ginagawa ngayon. Dahil sa pag-angat ng kaniyang stage ay lumaki ang agwat ng lakas nila at nagagawa niya na ang maliitin at kutyain ang grupo nila Lanter ng masidhi. Para kasi kay Daryn, tuwing kinukutya niya ang mas mahihina sa kaniya ay nagbibigay ito ng walang kapantay na kaligayahan. Pakiramdam niya ay mas mataas siya sa iba tuwing nagagawa niya ang mga 'to. Minalas lang talaga si Lanter dahil sa kasamaang palad ay ang grupo nila ang perpektong target na puwede niyang mahanap. Bukod sa pinakamahina ang grupo nila ay madalas din silang panghuli sa mga kompetisyon kaya wala silang natatanggap na mga premyong dapat na magpapalakas sa kanila, gayon din naman ang kanilang Outer Elder na si Li, pinakamahina ito kaya hindi siya nananalo sa mga kompetisyon sa pagitan nilang mga Outer Elder. Nang makita niyang nanatiling kalmado si Zac na tila walang epekto ang kawalanghiyaang ginawa niya sa pagkain nito ay ibinaling niya na lang ang atensiyon sa katabi nitong si Neil. Inihaya niya ang kamay niya at kagaya ng ginawa sa pagkain ni Zac ay gayon din ang ginawa niya rito. Nang masayang ang pagkain ni Neil ay natulala ito sa gulat. Hindi siya makapaniwala na may gumawa sa kaniya ng ganito kasamang akto. "G-ginalaw mo ang pagkain ko?" Namula sa galit ang mga mata ni Neil nang makita ang nangyari sa pagkain niya. Lumaki man siya sa mayamang pamilya ay madalas pa rin siyang pinapadala sa kagubatan para sa kaniyang mahirap na pagsasanay, at isa rin sa mga pagsasanay ang maghanap ng sarili niyang makakain para hindi mamatay sa gutom. May mga araw na halos hindi siya makakain at nanghihina sa gutom dahil sa malalakas ang mga halimaw sa gubat. Hindi madali para sa kaniya ang tapusin ang mga ito kaya kailangan niyang umasa sa patibong at mag-isip ng plano na siguradong makakapatay sa malalakas na mga halimaw. Naranasan niya ang matulog na walang laman ang tiyan at talagang napakahirap nitong tiisin. Kaya naman simula nang maranasan niya ang gutom sa mga panahong iyon ay trinato niyang malaking biyaya sa buhay ang bawat pagkain na makakain niyang inihahain para sa kaniya, galing man ito sa pagkain sa kanilang tahanan o pagkain na pinaghirapan niya sa gubat. Nakita niya ang ginawa ni Daryn kay Zac pero hindi niya ito pinansin dahil sa problema ito ng iba. Hindi niya gusto ang nakikialam sa mga problema na wala siyang karapatang makialam. Isa pa, alam niya rin na kahit wala siyang gawing aksyon ay makakapaghiganti si Zac. Kung pagbabasehan palang ang taglay na lakas ni Zac ay walang duda na magbabayad ang binatang ito sa kawalanghiyaan niya. Pero hindi niya inaasahan na mananatiling kalmado si Zac pagkatapos nito. Mahahalatang walang kahit na kaunting bahid ng pagkairita o galit sa mukha nito. Matapos bastusin ang dignidad niya sa harap ng maraming tao, pakiramdam ni Neil ay lehitimong hindi nito naapektuhan ang katabing si Zac. Paano niya nagawang ikalma ang sarili sa ganoong sitwasyon lalo na at alam nitong mas mahina sa kaniya ang mayabang na Daryn? Naguguluhan man kay Zac ay isinantabi na muna ito ni Neil at naglabas siya ng aura na nakipagbanggaan sa malakas na aura ni Daryn, para ipakita sa hayop na 'to ang galit na nararamdaman niya. Rank 5 early stage lang ang antas ng lakas niya pero nagagawa niyang makipagsabayan sa rank 5 mid stage, kakayahang halos imposibleng makamit ng karamihan. "Nakikipagsabayan ka sa'kin?" Gumuhit ang mga ugat sa noo ni Daryn sa galit nang makitang nagagawang makipagsabayan sa kaniya ng isang hamak na rank 5 early stage. Ang totoo ay wala sa plano niya ang gamitin ang buong lakas para sa mga puslit na hinahamak niya ngayon. Pero nang maramdaman niya ang aura ni Neil ay natuklasan niyang hindi niya ito p'wedeng maliitin, 'pag minaliit niya ito ay mapapahamak siya at mapapahiya sa harap ng maraming Disciple. Ang totoong dahilan kung bakit nakaligtas si Neil sa paghahabol ng tatlong rank 5 mid stage na mga assassin ay hindi lang dahil sa rank 5 na jaguar, dahil din ito sa kaniyang instinct na maikukumpara sa mababangis na halimaw. Kaya niyang makipagsabayan ng kaunti sa isang rank 5 mid stage kahit na nasa early stage palang siya at malakas din ang pang dama niya sa panganib na naging malaking tulong sa kaniyang pagtakas. Nang gamitin ang buong lakas ni Daryn ay nangibabaw ng kaunti ang kaniyang aura at unti-unting natatalo si Neil. Kahit na kaya niyang makipagsabayan sa rank 5 mid stage ay hindi ibig sabihin nito na kaya niya na ang manalo sa kanila. Nagkakaroon na ng maliliit na bitak ang sahig dahil sa mga aura nilang bayolenteng nagtutulakan. Malapit nang matulak ng tuluyan ang aura ni Neil nang bigla siyang nakaramdam ng isa pang aura malapit sa kaniya, ang aura ni Lanter. Gamit ang tulong na ibinibigay ng aura ni Lanter ay nakabawi sila at marahas na itinulak ang aura ni Daryn pabalik sa kaniya. "HAAAAAA!" Sabay na sigaw ng dalawa hanggang sa maging matagumpay sila sa pagwasak sa aura ni Daryn. Natalo nila ang pinakawalang aura ni Daryn. Hindi lang iyon, ang malakas na puwersa ng aura nila ay tumama sa kaniya, pakiramdam niya ay tinamaan siya ng mabigat na hangin na nagpahina sa buong katawan niya, nanginginig na bumagsak ang mga tuhod niya sa sahig sa harapan mismo ng dalawang binata na hinamak niya. Napasuka rin siya ng dugo kaya mas nagmukhang kalunos-lunos ang kalagayan niya sa harap ng maraming tao. Tumanggap ng pinsala si Daryn dahil hindi lang basta aura ang ginamit nina Lanter at Nyl, gumamit sila ng malaking mana para suportahan at palakasin ang aura, kaya nang marahas na natalo ang pinakawalan ni Daryn, tumanggap siya ng pinsala sa katawan na nagresulta sa pagsuka niya ng dugo. "Pfft. Sinugod niya ang mahihina sa pangkat ni Outer Elder Li at sa huli ay siya pa ang tumanggap ng masamang pinsala sa katawan." Nagpipigil na tawa ng isang binatang Outer Disciple na galing sa ibang pangkat ng Outer Elder. Nang marinig ng mga nanonood sa paligid ang binitawang salita nito ay humalikhik sila sa tawa. "Gusto niyang sampalin sa mukha ang mga kutong lupa pero sa huli ay siya ang tumanggap ng sampal! HAHAHAHA." Iba't ibang pangungutya ang natanggap ni Daryn matapos matalo at sumuka ng dugo. Mabuti nalang ay pinigilan na ng dalawa ang paglabas ng aura nila para hindi na mapuruhan pa si Daryn, dahil kung pinagpatuloy nila ito ay malalagay sa mas nakakahiyang sitwasyon ang binata. "Ikaw!" Agad bumangon si Daryn sa pagkaluhod. Pinunasan niya ng likod ng kamay ang mga dugong nasa labi niya at ikinuyom ang kaniyang kanang kamao. Aatakihin niya na si Neil nang bigla niyang maalala ang panuntunan ng sect. Napangitngit siya ng ngipin sa inis at kinontrol ang sarili. Kinalimutan ang binabalak na atakihin ang mga mahihinang ito. "Ikaw! Hinahamon kita sa isang duwelo!" Hamon niya kay Neil. Nang marinig ito ng mga nasa paligid ay napangiti sila dahil makakanood sila ng palabas sa pagitan ng isa sa pinakamalakas na Outer Disciple na hawak ni Outer Elder Fang at ang bagong Outer Disciple na hawak ni Outer Elder Li. "Pfft." Ang tensiyonadong paligid ay napalitan ng gulat nang marinig nila ang pinipigilang pagtawa ni Neil. "Isa lang akong hamak na rank 5 early stage. Bakit hindi mo hintayin na maging rank 5 mid stage rin ako? Natatakot kaba dahil kahit nasa early stage palang ako ay kaya na kitang sabayan kaya balak mong ngayon ako gantihan dahil hindi kana magkakaroon ng tsansa sa hinaharap?" Nakangising wika ni Neil. Nang marinig ito ni Daryn ay halos mapasuka ulit siya ng dugo sa sobrang galit. Naiintindihan niya ang nais ipahiwatig ng binatang ito sa harap ng maraming tao! "Ikaw! Ikaw!" Galit na saad ni Daryn nang mapagtantong pinapalabas ni Neil na takot siya at wala siyang hiya. Ang reputasyon na matagal niyang prinotektahan ay unti-unti nang gumuguho dahil sa mga nangyayari. Kahit na tanggapin ni Neil ang hamon niya at manalo siya ay tatatak na sa isipan ng iba na totoong duwag siya at malakas lang ang loob dahil mas mahina sa kaniya si Neil sa ngayon. Ipinikit ni Daryn ang mga mata niya at kinontrol ang kaniyang sarili. "Hmph! Sige! Hihintayin kong maging--" Iminulat niyang muli ang mga mata na hindi na makikitaan ng bahid ng kahit kaunting galit, tatanggapin niya na ang indirektang hamon ni Neil sa hinaharap. Pero sa gitna ng kaniyang pagsasalita ay napahinto siya nang makitang naglalakad na palayo ang binata kasama ang matangkad na binatang ginulo niya rin ang pagkain kanina, hindi na siya binigyang pansin ni Neil na wari'y walang halaga ang kaniyang mga sinasabi. Nang tignan ni Daryn ang paligid niya ay nakita niya ang mukha ng ibang Outer Disciple na humahalikhik sa tawa habang nakaturo ang mga daliri nila sa kaniya. "Guah!" Sa pangalawang pagkakataon ay sumuka na naman ng dugo si Daryn, pero ngayon, ito ay dahil sa matinding galit. Tinanim niya sa kaniyang puso na kailangan niyang maghiganti kay Neil kahit na anong mangyari, dahil kung hindi ay hindi mabubura sa puso niya ang kahihiyang natamo ngayon. 'Humanda ka! Sisiguraduhin kong pagbabayaran mo 'to!' sumpa niya habang nakatingin ng masama sa likod ng binatang namahiya sa kaniya. Humabol naman si Lanter at Mika nang makita nilang palayo na ng palayo ang dalawang kasama. .... Nang makalabas ng kapiterya ang apat ay tahimik lang silang naglalakad. Nasa harap si Zac at Neil habang nasa likod naman nila si Lanter at Mika. Si Lanter at Mika ay walang ganang magsalita, medyo nahihiya sila sa nangyari. Ito ang unang araw nila Zac at Neil sa paaralan ngunit ganito agad ang nangyari. Hindi madalas mangyari ang ganoong uri ng pangungutya ng iba kaya kahit sila ay nagulat. Sa harapan ng kanilang junior sa pangkat ay winalanghiya sila, at hindi pa natapos doon, binastos din nila ang dalawang junior nila na dapat ay p-protektahan nila. Pero kahit gayon ay may dalawang bagay na ikinagulat si Lanter na nangyari. Isa ay ang pagiging kalmado ni Zac kahit ganoon ang ginawa sa kaniya kanina at talagang nakakahanga ito, dapat isipin na sa edad ni Zac ay ang panahon kung kailan medyo mainitin ang dugo ng mga tao at hindi sila magpapatalo o magpapa-api ng gano'n nalang kaya nakakagulat na walang naging reaksyon ang binata. Pangalawa ay ang antas ng lakas ni Neil. Kung papakiramdamang mabuti ay malalamang isa lang rank 5 early stage ang binata at halos magkasing lakas lang ang normal na aurang inilalabas niya at ni Lanter, pero noong magalit siya at iderekta ang aura kay Daryn ay natuklasan nilang mas malakas ang binata kay Lanter na napakalapit nang makatungtong sa rank 5 mid stage. Siguradong 'pag naging rank 5 mid stage si Neil ay marami ang magiging ka-lebel niya na makakaya niyang lampasuhin ng walang kahirap-hirap. 'Hindi na rin naman na siguro masama ang mga nangyari. Magiging babala ito sa ibang Outer Disciple na huwag basta-basta kutyain ang mga bagong miyembro ng pangkat namin.' isip ni Lanter at ngumiti habang nakatingin sa dalawang binatang nasa harap nila. 'Kaso magiging problema si Daryn. Sa ugali niya ay alam kong hindi niya palalagpasin ang nangyaring kahihiyan sa kapetirya, imposibleng hindi maghiganti si Daryn. Kailangang maging rank 5 mid stage ako sa mas maagang panahon para maprotektahan ko sila.' Makikitaan ng nag-aapoy na determinasyon ang mga mata niya. Pero bumalik siya sa reyalidad nang marinig niya ang isang boses. "Bakit pala wala kang ginawa kanina Zac? Sigurado ako na kaya mong lampasuhin ang Daryn na 'yon." Tanong ni Neil na gumulat sa dalawang nasa likod. Nang maalala nila ang kuwento tungkol sa pag-atake ni Zac sa tatlong assassin ay naalala nilang malakas nga pala ito. "Hindi naman gan'on kalala ang ginawa niya. Hindi sapat iyon para sayangin ko ang lakas ko sa pakikipaglaban." Wika ni Zac. Pero ang totoo ay ayaw niya lang talagang ipaalam sa iba ang totoo niyang antas ng lakas para hindi makahatak ng atensiyon. Nang marinig naman ang paliwanag ay umukit ang inis sa mukha ni Neil, tanda na tutol siya sa binitawang salita ni Zac. "Hindi ganoon kalala? Halos ginawa niya nga ang posibleng isa sa mga pinakamasamang panghahamak sa reputasyon mo." Mabilis na tutol ni Neil sa sinabi ni Zac. "Kung may ginawa siyang banta sa buhay ko, siguro ay gagalaw ako. Pero hangga't wala, puwede kong tiisin ang mga bagay-bagay, lalo na at gusto kong mamuhay ng mapayapa para walang magiging sagabal sa pagpapataas ko ng rank ko." Paliwanag ni Zac sa kasama. Minabuti na niyang huwag direktang sabihin na wala rin naman siyang pakialam sa reputasyon sapagkat mukhang lalo lang nitong palalakihin ang inis ni Neil. "Mali ka Zac. Sa oras na hayaan mo silang gawin ang mga gusto nila ay lalo lang nila itong gagawin." Wika ni Lanter nang marinig niya ang sagot ni Zac na medyo gumulat sa kaniya. Totoo rin naman ang sinabi niya dahil naranasan niya na ito sa ibang pangkat. Madalas siyang nananahimik at hindi pinapansin ang panghahamak nila pero hanggang ngayon ay ginagawa pa rin nila ito. "Gan'on ba? Kung totoo nga iyon at maranasan ko ang mas matinding pangungutya nila na magiging sagabal sa'kin ay puwede naman akong gumalaw para pigilan sila." Kampanteng wika ni Zac. Siya mismo ay siguradong hindi rin naman malalagay sa panganib ang buhay niya sa kamay ng ibang Outer Disciple. "Oo nga pala! Malapit nang matapos ang buwan, kailangang kumuha kayo ng isang misyon. Gusto niyo bang samahan namin kayo sa Mission House?" Pagbabago ni Mika sa kanilang pinag-uusapan dahil may namumuo ng tensiyon sa pagitan nilang tatlo. "Sakto kailangan ko ring magdoble sipag sa pagkuha ng mga misyon. Kailangan kong bumili ng Pure mana pill sa Pill Shop para tuluyang makatungtong sa rank 5 mid stage." Wika ni Lanter at napagdesisyonan na nga nilang lahat na magtungo sa Mission House. "Oo nga pala may mga nakalimutan yata akong ipaliwanag sa inyo. Puwede rin kayong makakuha ng mga SP kapag kumuha kayo ng misyon sa pagkuha ng mga herbs sa Mortal Defying Mountain, ang bundok na nakikita niyo sa likod ng sect. Pero halos lahat ng Disciple na kumukuha ng mga misyon na may koneksiyon sa bundok ay tanging mga Inner Disciple lamang." Ani niya. "Bakit mga Inner Disciple lang ang halos lahat ng kumukuha?" Nagtatakang tanong ni Neil. "Ang Mortal Defying Mountain ay puno ng mga Savage Beast. Mga nilalang na maikukumpara sa mga Rank 6 na adventurer at bawat Savage Beast ay may abnormal na pisikal na lakas na hindi mapapantayan ng mga adventurer kahit na magkasing taas ang antas ng mga rank nila. Kaya sa madaling salita, hindi tayo dapat mangahas kumuha ng misyon na may kaugnayan sa bundok. Binanggit ko lang ito para magkaroon kayo ng ideya sa bundok na nasa likod natin." Sagot ni Neil. "Ibig sabihin ay bago maging Inner Disciple, kailangan na maging rank 6 muna?" Mahinang wika ni Neil. Plano niya ay maging isang Inner Disciple hangga't maaga dahil may mga nabalitaan siya dati tungkol sa mga pribelehiyo ng mga Inner Disciple. "Tama. Pero imposible ang maging Inner Disciple dahil sa pinakamalakas na Outer Disciple ngayon, may mga haka-haka pa nga na kahit ang Outer Elder niya ay nalagpasan niya na ang antas ng lakas. At bago magkaroon ng tsansa na maging Inner Disciple, kailangang mo munang maging pinakamalakas at may pinakamaraming SP, dahil sa bilang ng SP na hawak ay malalaman kung gaano karami ang mga misyon na mga tinatapos ng bawat Outer Disciple, at ang mas madaming natapos na misyon ay patunay na mas malakas ang disipulo." .... Ang Mission House ay dalawang palapag na bahay. Pero ang laki at taas nito ay maikukumpara sa mga mansion na tahanan ng mayayamang noble. May tarangkahan itong gawa sa pilak na dalawang metro ang taas, at pagpumasok sa tarangkahan ay bubungad sa paligid ang mababangong bulaklak na nagpapapresko ng hangin sa paligid. May maliit na hardin na nagpapaganda ng tanawin bago marating ang pintuan. Nang makarating sila sa Mission House ay may mga nakasalubong silang palabas na ibang mga Outer Disciple. Pagpasok nila ay malinis na sahig na gawa sa kahoy ang makikita, kahit ang pader ay gawa sa medyo maitim na kahoy na nagpaparamdam sa paligid ng sosyal na pakiramdam. Kahit gawa sa kahoy ang halos lahat ng makikita ay mapapaisip ang mga nasa loob na nasa mansion sila ng mayamang Noble. Ang kapansin-pansin sa buong paligid ay ang malaki at manipis na kahoy na halos dalawang metro ang taas at limang metro ang haba, sa harap ng kahoy ay ang maraming mga papel na nakadikit dito, ang mga misyon na puwede nilang tugunan. "Mas maganda kung kukuha muna kayo ng misyon na hindi gaano kalaki ang pabuyang SP. Malapit nang matapos ang buwan kaya dapat ay matapos niyo agad ang mga tutugunang misyon." Taimtim na paliwanag ni Lanter at nagtungo sa mission board para humanap ng misyon. Makalipas ang ilang minutong paghahanap ng mga misyon, nakapili na ang dalawa at parehas na lungsod ang destinasyon ni Neil at Zac.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD