Chapter 12

3444 Words
Chapter 12: The downfall of the Black Fang Clan. Mira City Sa silid pagpupulong ng Black Fang Clan ay tahimik na magkatapat sa sa sahig ang Vice Head Kekai at Clan Head Kai. Mapapansin sa buhok ni tandang Kai na mas dumami ang mga puting buhok niya sa ulo at mukha siyang mas tumanda ng ilang dekada. Kahit si Vice Head Kekai ay mukhang tumanda agad ng ilang taon. Bakas din sa mukha nila na hindi maayos ang mga naging pagtulog nila nitong mga nakaraang araw. "Patuloy pa rin hanggang ngayon ang Greedy Fox faction sa pag-atake sa mga negosyo natin. Ilang araw na ang nakalipas at hindi pa rin sila tumitigil, pakiramdam ko ay may mas malalim na dahilan kung bakit nila tayo biglang pinuntirya." Mapait na nakangiting hayag ni Clan Head Kai. Ang Greedy Fox faction ang pinakamalakas na mid tier faction, kilala ang reputasyon nila bilang gahaman at mapangkutya sa mas mahihinang clan at faction. Dati ay hindi nila tinatarget ang Black Fang Clan dahil isa rin ito sa mga namamayagpag sa mid tier, pero nitong mga nakaraang araw ay bigla silang nagbago at itinuon ang buong atensiyon sa Black Fang Clan. Bawat araw na lumilipas na inaatake nila ang kanilang mga negosyo ay ito namang ikinahihina ng Black Fang Clan. Kapag nagpatuloy ito ay para silang lobo na mawawalan ng pangil at mababalian ng mga paa, siguradong ang mga nagmamatyag sa paligid ay hindi palalagpasin ang pagkakataong binibigay ng Greedy Fox faction sa kanila. "Posibleng kagagawan ito ng mga Goodman. Kahit ang Earth Clan ay ina-atake ngayon ng tatlong pangkat na kabilang sa high tier." Napangitngit ng ngipin ang Clan Head Kai nang banggitin niya ito. Hindi niya binanggit ang nangyari sa pagitan ng Mayor ng Edo City na kabilang pala sa Noble family Goodman at ang kanilang Outer Elder na si Zac. Binalaan sila na kahit anong mangyari ay walang dapat makaalam ng nangyari dahil sa oras na kumalat ito, wawasakin nila ang Black Fang Clan kasama ang lahat ng faction at clan na nasa lungsod ng Mira. Bilang mamamayan ng Mira City, sila at ang angkan nila ay nagmula sa lungsod na ito kaya pakiramdam niya ay tungkulin niya ring protektahan ang lungsod. Kaya kahit malagay sa panganib ang angkan nila ay hinding-hindi magsasalita ang matanda para hindi na madawit sa gulo ang pinagmulan ng kanilang angkan. Mabigat ang hangin sa paligid ng biglang napunta sa pintuan ang tingin ng dalawa. Malakas na sunod-sunod na tatlong katok ang maririnig sa pinto. Wala pang permiso ay biglang bumukas ang pinto at sumulpot ang isang guwardiyang walang helmet, pawis na pawis ang mukha nito at bakas din sa mukha niya ang matinding takot, pero sa takot na iyon ay mababakas ang katiting na galit. "Clan Head Kai, Vice Head Kekai, nagdeklara ng pangkalahatang giyera ang Greedy Fox sa'tin. Inanunsiyo rin nila na kasalukuyan nilang winawasak ang lahat ng negosyo natin. Sinabi nilang sa oras na matapos sila ay wawasakin nila ang buong Black Fang Clan at wala silang ititirang miyembro kahit isa." Kinakabahang ulat ng guwardiya na nagpagalit kay Clan Head Kai. Nanginig sa takot ang guwardiya nang maramdaman niya ang aura na biglang kumalat sa buong silid. "Minamaliit nila tayo! Masiyado silang kampante porke hindi tayo lumalaban!" Nakakuyom ang kamao ni Clan Head Kai na tumayo. Bumakas ang matinding determinasyon sa mukha niya at marangal itong nagwika ito. "Vice Head Kekai, sa oras na hindi ako makabalik mamayang gabi ay ikaw na ang mamumuno sa buong angkan." Saad ni Clan Head Kai. Nang marinig ito ni Kekai ay agad niyang inilahad ang pagtutol sa naiisip niyang binabalak ng matanda. "Sandali Clan Head Kai! Huwag kang magpadalos-dalos! Laban ito ng buong angkan kaya mas maigi kung pagiisipan muna natin ang plano bago umatake." Tutol ni Vice Head Kekai sa binabalak ni tandang Kai. Pero parang walang epekto ang mga binitawan niyang salita nang makita na puno pa rin ng determinasyon ang mukha ng matanda. "Kekai, dineklara nilang wawasakin nila ang buong angkan at wala silang ititira, alam mo ba ang ibig sabihin nito? Balak nilang wasakin ang pinaghirapan ng mga ninuno natin, ang dugo't pawis na sinakripisyo nila para makamit natin ang ating katayuan ngayon sa lungsod, wawasakin nila ito lahat. Bilang kasalukuyang Clan Head, tungkulin ko ang pagbayarin ang kahit na sinong magbabanta o mangbabastos sa mga pinaghirapan ng ating mga ninuno." Nang marinig ni Kekai ang paliwanag ni tandang Kai ay para siyang nanghina. Halata naman ang balak gawin ni Kai, kahit malakas siya kumpara sa mga ordinaryong rank 4 ay mag-isa pa rin siya, hindi kagaya ng pangkat na aatakihin niya. Kaya naman hindi malabong hinuhukay lang ng matanda ang kaniyang libingan kung itutuloy ang kaniyang binabalak gawin. 'Ano kung mamatay ako? Binantaan at hindi nila ginagalang ang mga pinaghirapan ng ninuno namin. Ipapamukha ko sa kanila na may mga salitang hindi nila dapat basta-basta na lang binibitawan.' Wala ng nagawa si Vice Head Kekai para pigilan ang matanda. Labag man sa kalooban niya ay tinulungan niya nalang ang matanda sa paghahanda ng mga kailangan nito para sa pag-atake. Makalipas ang ilang oras ay sumugod ang matanda sa mga gusali kung saan nakatayo ang mga negosyo ng Greedy Fox Faction. Gamit ang kaniyang Rank 4 Pinnacle stage na lakas, at ang kaniyang gamit na rank 5, winasak niya isa-isa ng walang kahirap-hirap ang mga ito na mabilis kumalat sa buong lungsod. Matapos wasakin ang mga negosyo ng Greedy Fox ay nagtungo siya sa teritoryo nito at sinimulang tapusin ang mga mahahalagang miyembro ng Faction. Tumagal ang laban sa pagitan ng Clan Head Kai at ng buong Greedy Fox faction hanggang lumubog ang araw at sumikat ulit ito. Halos isang araw tumagal ang laban bago ito natapos, at kinaumagahan na nga ay kumalat ang balitang pumanaw na ang Head ng Black Fang Clan. Kahit mag-isa ay nagawang pabagsakin ng matanda ang Vice Leader at nagtamo rin ng malaking pinsala sa katawan ang Leader nila kaya imbis na matuwa ay nagluksa ang Greedy Fox, hindi nila inaasahan na ganoon pala kalakas si Kai at ang kaniyang tapang ay walang kapantay na kahit mamamatay na ito ay nagawa niya pang paslangin ang Vice Leader at bigyan ng malubhang pinsala ang Leader. Mortal Defying Sect Nang makuha nila ang mga misyon nila ay bumalik muna sila sa dormitoryo na tinutuluyan nila Zac. Suhestiyon ni Lanter na bukas o sa susunod na araw nila gawin ang misyon dahil nararamdaman niyang may patagong sumusunod at nagmamatyag sa kanila. Isa lang ang suspetya nilang katauhan ng sumusunod sa kanila. Mabilis na bumalik ang apat sa dormitoryo at sinarado ang pinto. Kahit na pangtatluhan lang ang kanilang silid ay malawak pa rin naman ang espasyo nito kaya wala silang problema. "Ano pala ang sasabihin mo Lanter?" Tanong ni Neil at mukhang atat na itong malaman dahil sa sinabi kanina ni Lanter na sikreto ang ibubunyag niya sa dalawa na sila lang na mga pinagkakatiwalaan ng Outer Elder Li ang nakakaalam. "Alam niyo na ang tungkol sa Mortal Defying Mountain hindi ba? Ang totoo ay may nalamang sikreto si Outer Elder Li sa kaniyang kaibigan na naging Core Disciple, pero hindi raw sila sigurado sa impormasyon na ito kaya hindi naglalakas loob si Outer Elder Li na laging magpunta sa bundok." Saad ni Lanter at sumeryoso ang mukha ng bawat isa sa loob ng mabanggit ang Core member. Walang nakakaalam kung ilan talaga ang mga Core member ng sect pero ang alam lang nila ay hindi lalagpas ang bilang nito sa bilang ng mga daliri sa isang kamay. At sobrang istrikto ng mga kailangang tugunan bago tuluyang maging Core Disciple. Kahit ang mga Inner Elder ay magpapakita ng respeto at paggalang na parang kapantay nila ang mga ito. Pero kahit isang beses sa buong dalawang daang taon ng pagkakatatag ng Sect ay walang naganap na alitan sa pagitan ng mga Core Disciple at Inner Elder. "Core Disciple? Anong rank ang kailangan nating tamuhin bago maging isang Core Disciple?" Tanong ni Neil sa sarili at nang maisip niya ang rank na posibleng kailangan bago maging Core Disciple ay nanghina ang loob niya at tila nawalan ng pag-asang matatamo ito. "Ano pala ang sasabihin mo? Direktahin mo nalang kaya kami." Simangot na saad ni Mika. Kahit siya ay walang ideya sa balak sabihin ni Lanter at pinapabitin pa niya sila kaya medyo nasasabik na siya. "Ang totoong dahilan daw nang pagtatag sa lugar na ito ng Mortal Defying sect ay dahil may hinahanap ang Patriarch sa bundok na ito na isang napakahalagang bagay, at hanggang ngayon, kahit dalawang daang taon na ang nakalipas ay wala pa rin daw resulta ang kanilang paghahanap." "Kaya kung sakaliman sa hinaharap na mapunta kayo sa bundok para sa isang misyon at may mapansin kayong kakaibang bagay na walang dalang panganib ay huwag kayong magdadalawang isip na subukang tunguhin at kuhanin ito. Maaaring ito ang hinahanap ng Patriarch at 'pag nagkataon ay makakatanggap kayo ng gantimpala sa Patriarch mismo." Dagdag ni Neil na sinangayunan ni Neil at Mika. Ang pagtamo ng gantimpala galing sa kanilang kagalang-galang na Patriarch ang pinakamalaking pribelehiyo na puwede nilang matamo. Lumipas ang gabi at maraming natutuhan ang tatlo kay Lanter. Mayroon ding formation na kayang magteleport sa mga rank 5 pababa na puwedeng gamitin 'pag malayo ang lokasyon ng paggaganapan ng misyon. Sumumpa rin ang tatlo na walang makakaalam ng mga importanteng impormasyon na nalaman nila kay Lanter. .... Umaga na nang bumangon si Zac sa kaniyang higaan. Nakita niya sa lamesa ang kumakaing si Neil. Bawat isa sa mga Outer Disciple ay may mga nakatabing storage space na hindi lang naglalaman ng mga gamit nila, marami na rin silang itinatabing reserbang pagkain para hindi sila magugutom kapag kumuha ng misyon na kinakailangan ng ilang araw bago matapos. Pero hindi kasing sarap ng mga pagkain sa sect ang mga reserbang pagkain na ito kaya mas pinipili pa rin ng karamihan na galawin lang ang mga reserbang pagkain 'pag gipit lang talaga sa oras. "Sa Mira rin ang misyon na kinuha mo hindi ba, Zac?" Tanong ni Neil habang kumakain. "Oo." Maikling sagot ni Zac at umupo sa tabi ni Neil para kumain dahil may nakahanda na kasing platito ng pagkain sa tabi nito. "Misyon sa Mira rin ang kinuha ko para magkasama tayo." Saad ni Neil na hindi naman ikinagulat ni Zac. Inaasahan niya na ito dahil suhestiyon ni Lanter na kumuha sila ng misyon na magkasama sila para ma-protektahan nila ang isa't isa lalo na't may isang disipulo na umaapaw ang kinikimkim na galit sa kanila ngayon. 'Kailangan kong tumapos ng mas maraming misyon para magkaroon ako ng rank 6 na technique." Kahit na naging rank 6 siya dahil sa Trial ay wala naman siyang nakuhang rank 6 na technique na magagamit kaya lahat ng atakeng kaya niyang gamitin ay epektibo lamang sa mga rank 5. Pero kahit naman pisikal na lakas lang ang gamitin niya ay sapat na ito sa bawat rank 5 kahit na rank 5 Pinnacle stage pa sila. Ngunit ang problema ay 'pag may nakaharap siyang rank 6, siguradong wala siyang magagamit na atakeng magiging epektibo sa rank 6. Matapos kumain ng dalawa ay sinuot na nila ang kanilang brown na roba tiyaka lumabas ng dormitoryo. Ang misyon ngayon ni Zac ay tapusin ang buhay ng isang adventurer na abusado sa kapangyarihan na pinuno ng mid tier faction. Sila ang pinakamalakas na pangkat sa mid tier at maingat sila sa bawat galaw nila pagdating sa mga high tier faction at clan kaya wala silang nagiging problema sa mga ito. Kahit abusado ay maingat sila kaya walang nagagawa ang iba lalo na ang mga mid tier faction at clan na walang kapit sa mga high tier faction. Nagtungo ang dalawa sa teleport formation na nakatayo sa sikretong lokasyon malapit sa lungsod ng Mira. Mabuti nalang ay wala itong bayad na SP kada gamit kaya wala silang po-problemahin tuwing kailangan nilang magtungo sa malalayong lugar para tugunan ang mga misyon. Mira City Nabalitaan na ng lahat ang sinapit ng Head ng Black Fang Clan. Malala ang kalagayan ngayon ng leader ng Greedy fox faction kaya wala silang kapangyarihan para tapusin ang giyerang sinimulan. Kagaya ng inaasahan ng iba ay nagsilabasan ang mga ganid ng ibang mga pangkat na tatapos sa sinimulan ng Greedy Fox Faction. Kahit naiinis ay walang magawa ang leader ng pangkat para kuhanin ang mga benepisyong dapat sa kanila lamang dahil sa wala silang sapat na lakas ngayon. Kailangan nilang magpahinga pansamantala at lalabas lang sila para bawiin ang lahat 'pag gumaling na sila sa pinsalang natamo. Pagkatapos ng mga gulong nagaganap ngayon ay siguradong bababa ang katayuan ng Greedy Fox Faction at marami rin ang maghahangad ng mga kayamanan nila, kaya isa talagang malaking kahangalan ang ginawa nilang pagdeklara ng giyera sa Black Fang Clan. Pero anong magagawa nila? Hindi man alam ng lahat pero biktima rin sila ng Goodman family at binantaan na magsimula ng giyera sa Black Fang Clan, dahil kung hindi ay tatapusin sila ng mga ito. Kaya anong magagawa nila? Alam nila na masama at delikado ang mundo at inaasahan rin nila na posibleng makahanap sila ng katapat kahit na maging maingat pa sila, dahil wala naman talagang kasiguraduhan ang mundong ito kung mahina ka. Ang Goodman Family ay maihahalintulad sa bundok habang ang kanilang Faction ay mortal lang, wala silang magagawa kundi ang sundin ang mga kagustuhan ng dambuhalang Goodman Family para sa kanilang buhay. Nang mateleport ang dalawa malapit sa lungsod ay nagtungo sila sa Mira. Mainit ang sikat ng araw kaya dali-dali silang naglakad papunta doon. .... Sa kalsada na tapat ng tarangkahan ng teritoryo ng Black Fang Clan ay makikitang nakatayo ang bagong Clan Head na si Kekai, sa likod niya ay ang ilang mga Elder ng angkan, bawat isa sa kanila ay nanghihina at duguan na mukhang napasabak sa matinding laban. Marami ring makikitang mga duguang bangkay sa sahig. Bawat isa sa kanila ay namatay sa hiwa ng espada at ang ilan naman ay parang namatay sa kalmot ng mabangis na halimaw. "Clan Head Kekai, pipigilan namin sila rito, lumisan na kayo sa Mira at mamuhay sa ibang lugar. Kung makakaligtas ka kasama ng iba ay mas may tsansa na makakabangon ang angkan sa hinaharap." Suhestiyon ng isang Elder na kasalukuyang nasa likod na nagmamadaling uminom ng healing potion para makabalik agad sa laban. Sa harap nila ay ang mga nakatayong nasa dalawampung mga adventurer, kalahati sa kanila ay leader at Clan head ng mga pangkat nila at ang mga nasa tabi nila ay ang kanilang mga kanang kamay. Nakasuot ang mga ito ng mga roba na may magkakaibang kulay at disenyo, ang iba naman ay nakasuot ng baluti. "Hehe. Sa tingin niyo ay hahayaan namin kayong makatakas?" Wika ng isang Clan Head tiyaka dumila sa kaniyang labi na parang bata upang galitin pa ang mga Elder. Nakahanda ang hawak nitong espada na naglalabas ng mapanganib na rank 4 mid stage na aura. "Tsk! Kung hindi dahil sa Greedy Fox faction ay hindi maglalakas ng loob na umatake ang mga mahihinang clan at faction na 'to." Inis na wika ng isang Elder. Kung ang sitwasyon ay kagaya ng dati, siguradong kahit lumuhod pa ang mga ito sa harap ng dating Clan Head Kai ay maituturing na ordinaryong pangyayari lang ito dahil sa sobrang laki ng agwat ng antas ng lakas ng kanilang mga pangkat. "Huwag kayong mag-alala, sa oras na matapos kami sa inyo ay isusunod ng alyansa namin ang Greedy Fox kaya puwede kayong magkaroon ng reunion sa kabilang buhay, HAHAHAHA." Wika nito at sinugod ang grupo nila Kekai. Wala na sa kamay ng Black Fang Clan ang rank 5 armor at espada na tinuturing nilang alas, kaya wala na rin silang dapat katakutan. Uminom ng rank 4 healing potion si Kekai at muling nabalot ng makapal na balahibo ang katawan niya. Naging kagaya ang katawan niya sa lobo pero ang ulo niya ay nanatiling ulo ng tao. "Clan Head Kekai, pakiusap umatras kana!" Pagmamakaawa nito sa kanilang pinuno ngunit hindi ito pinansin ni Kekai na tila pumasok ang sinabi nito sa kanang tenga niya na agad ding lumabas sa kaliwang tenga. "HAAAAAAAA!" Matapang na sigaw ni Kekai at sinugod ang nasa sampong adventurer na mga kalaban. Pero ang mga ito ay labis na mas malakas sa mga nakalaban na nila kanina kaya hindi niya mapigilang makaramdam ng presyur. Inihawi niya sa ulo ng kalaban ang kaniyang kanang kamay nang makaharap niya ang pinakamabilis na adventurer sa mga kalaban. Nang makita ng kalaban ang paghawi ni Kekai ng kamay niya na nagtataglay ng matatalim na mga kuko ay naramdaman niya sa buong katawan niya ang panganib kaya mabilis itong yumuko. Ginamit niya ang buong lakas niya kaya ang p'wersang iyon ay nagresulta sa kawalan niya ng kontrol sa ulong malakas na payuko. Iginalaw niya ang mga tuhod niya pababa para makaupo ng maayos at hindi mapuruhan ang katawan, pero dahil dito, kinailangan niyang pigilan ang malakas na pagyuko gamit ang mga palad niyang itinapat sa baba para ito ang tumama sa konkretong sahig at hindi ang ulo niya. Nang yumuko ang mabilis na adventurer ay sumulpot sa likod nito ang isa pang adventurer na may hawak na dagger. Ang bawat galaw nito ay halos kasing bilis lang ng unang adventurer na sinugod ni Kekai. "Tsk!" Habang nakahawi pa rin ang kamay sa hangin ay nakaramdam ng panganib si Kekai. Maayos ang naging kombinasyon ng dalawang kalaban, bukod sa hindi niya napatay ang kalaban ay nahuli pa nila siya ng walang kahirap-hirap, hindi kagaya ng mga kaninang adventurer na lumaban dito na wala masiyadong karanasan sa kombinasyon. Nasa sitwasyon si Kekai na hindi agad niya maigagalaw ang kanang kamay na nakahawi pa rin sa ere. At ang kalaban ay mabilis na umatake, isinaksak nito ang dagger sa direksyon ng dibdib ni Kekai. Pero hindi maikakali na may pakiramdam ang Clan Head na kagaya ng sa mababangis na lobo kaya naigalaw niya ng kaunti ang katawan at hindi tumama direkta sa puso niya ang saksak. Nakaramdam ng matinding kirot sa baba ng dibdib si Kekai. Pero tiniis niya ito at hinayaang nakadikit ang kutsilyo para mahuli niya rin sa atake ang kalaban, matibay naman ang depensa ng katawan niya ngayon kaya panatag siyang hindi agad siya mamamatay sa saksak na ito. "Howl's Destruction!" Sambit ni Kekai sa mukha ng adventurer na sumaksak sa kaniya. Itinapat niya pa ang bungangang naka-buka sa mukha ng may dagger na kalaban. Umalingawngaw ang atungal ng lobo na bumulabog sa buong paligid. Nang lumabas ang malakas na pwersa sa bunganga niya ay tumama ito sa mukha ng kalaban, mahina ang pisikal na katawan ng adventurer na ito kaya nang matamaan ng harapan ay hindi kinaya ng depensa niya ang atake at tumalsik palipad ang ulo nito. Nagsitalsikan sa paligid ang madaming dugo na galing sa ulo ng namatay na kalaban. "Guah!" Sumuka ng dugo si Kekai nang maramdaman ang biglaang mga saksak sa katawan. Tumingin siya sa paligid niya at nakita ang walo pang kalaban na nakapalibot na sa kaniya habang nakasaksak ang mga armas na hawak nila. Nanlamig ang buong katawan ni Kekai at nawalan siya ng lakas. Hindi niya na rin kayang kumuha pa ng healing potion sa kaniyang storage space. 'Ahh. Gusto kong humiga. Puwede bang pahigain niyo man lamang ako bago ako matuluyan?' walang ganang isip niya. Bawat parte ng katawan niya ay may saksak sa magkakaibang direksiyon at nasa tabi niya pa ang walong kalaban kaya naman imposible ang hinahangad niyang makahiga bago mamatay. "Clan Head Kekai!" Nag-aalalang sigaw ng isang Elder at inabanduna niya ang kasalukuyang laban para tulungan ang kanilang pinuno. Pero nakakailang hakbang palang ito nang bigla siyang makaramdam ng matalim na bagay na tumusok sa likod niya. 'Huh? May tumatawag ba sa'kin? Gusto ko na matulog, puwedeng huwag niyo muna akong abalahin?' at ang paningin ni Kekai ay unti-unti nang dumidilim. "CLAN HEAD KEKAIIII!" Sigawan ng ilang natirang Elder matapos makita ang mga mata ng kanilang pinuno na dahan-dahang pumipikit. 'Ahhh! Ano bang problema ninyo? Bakit ba kayo sumisigaw?' naiinis na isip niya nang biglang magising sa narinig na mga sigawan nang papikit na ang kaniyang mga mata sa antok. Pero bigla siyang natauhan ng maalala niyang nasa gitna siya ng laban. 'Ang angkan ko.' pinilit minulat ni Kekai ang mga mata niya at sumulpot sa harap niya ang mga nakangiting mukha ng mga ganid na adventurer. Nakaramdam siya ng matinding galit ng makita sila. Nilapit ng isang adventurer ang mukha niya sa tenga ni Kekai at may binulong ito, "Subukan mong pasabugin ang mana core mo at sisiguraduhin kong walang makakaligtas na kahit isang miyembro ng angkan niyo." "H-hayo--" At tuluyan na ngang dumilim ang paningin ni Kekai.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD