Chapter 6: Human from Earth.
[Eight. I am George, and this will be my trial. I hope that whoever get this treasure of mine will be the same as where I came from, the planet Earth. I, for some reason, a normal student from the country called US, suddenly got teleported to this dangerous world. The first word will be the real rank of this trial but you don't have to worry, this will actually start at rank five level until eight.]
[Once you've finished the rank eight trial I will tell you my adventure and how I entered that world. A world that you must not enter, but the decision will be yours. Good luck! I wrote the trial in English so no human in this world could take it.]
Ito ang mga katagang naka-ukit sa pader na nabasa ni Zac. Hindi siya makapaniwala sa nababasa, kung nakasulat nga sa salitang ingles ay unang iisipin ng iba na mga sulat ito ng mga sinaunang tao dahil ibang-iba ito sa lengwahe dito. At kahit anong hanap nila sa mga libro o kasaysayan para mapag-aralan kung anong lengwahe ito ay hinding-hindi sila magtatagumpay sa paghahanap.
Binasa ulit ng binata ang naka-ukit sa pader ng ilang beses. Halos sampong minuto niya na itong binabasa ngunit hindi pa rin siya makapaniwala.
Maganda ang natuklasan niya na may iba pang mga napupuntang tao na galing sa Earth sa mudong ito, kapag mayroon nga siyang kaklase dito ay malaki ang tsansa na may sistema rin sila na magiging malaking tulong sa pagpapalakas nila, kapag nakita niya ang mga kaklaseng pwedeng mapagkatiwalaan ay malaki ang magiging tulong nila sa kaniya.
Nang makita ni Leyo ang reaksyon ni Zac ay nagulat din siya. Mga butil ng pawis ang namuo sa kaniyang noo nang mapagtanto na posibleng naiintindihan ni Zac ang mga nakasulat.
Kahit na inabot sila ng mahabang panahon para matuklasan ang daan palabas ay siguradong kung mababasa ni Zac ang mga nakasulat ay sasabihin dito ang paraan sa paglabas ng Trial na ito. Mawawalan na siya ng armas laban sa binata at kapag nalaman ni Zac ang daan palabas ay siguradong katapusan na niya.
"Posible kayang may mga kaklase rin ako na napunta sa mundong ito?" Kung mga kaklase niya ang pag-uusapan ay may ilan sa mga ito ang maaasahan at pwede niyang pagkatiwalaan na magpapalaki ng tiyansa nilang mabuhay.
Ang lengwahe ng mga tao sa mundong ito ay awtomatikong natutunan ni Zac nang mapunta siya dito. Ibang-iba ito sa mga lengwahe sa mundo niya pero dahil siguro sa sistema ay naging magaling siyang gumamit ng lengwaheng ito na parang ito ang kaniyang pinaka lengwahe na ginagamit sa planetang Earth.
"Huwag kang mag-alala, hindi kita tatapusin." Ani ni Zac. Lumakad siya papasok sa kuweba at may dalawang tunnel siyang nakita. Sa gitna ng mga ito ay may pa-box na bato ang may naka-ukit na salita.
"May tinanggal o binago ba kayo sa mga naka-ukit na salita?" Tanong ni Zac habang binabasa ang naka-ukit na salita sa bato.
"Sa takot na baka masayang ang kayamanan kapag may ginawa kaming kakaiba ay wala kaming ginalaw sa mga naka-ukit na salita sa mga pader." Sagot ni Leyo. Totoo ang sinabi niya, isang trial ang kanilang pinasok at kapag may aksidente silang nagalaw ay pwedeng mawala ang lahat na dapat nilang makukuha. Kaya naman natatakot silang galawin ang mga nakasulat kahit na hindi nila naiintindihan ang mga ito.
[Right - rank five to six. Left - rank seven to eight. If you do not have sufficient strength yet, do not enter. You will die]
Pumasok sa kanang tunnel ang binata kasama si Leyo. Lumakad sila papasok sa loob ng mga dalawang minuto at makikita ang apat na makapal na pintuang gawa sa bato. Sa taas ng mga ito ay may mga nakasulat na numero pero ngayon ay nakasulat sila sa lengwaheng ginagamit sa mundong ito.
"Huwag kang maniniwala sa mga nakasulat sa taas ng mga pinto. Ilang beses na kaming muntik mamatay dahil sa mga ito. Ang rank 5 na pintong pinasok namin ay naglalaman ng malakas na pwersang kayang kumitil ng buhay ng walang kahirap-hirap. Mabuti nalang ay nakapaghanda kami bago pumasok kaya nakaligtas kami." Kwento ni Leyo ng maalala ang mga sinapit nila sa mapanglokong mga impormasyon sa pintuan.
"Dito namin nakuha ang rank 6 na healing potion pero nawasak agad ang gamit naming mga rank 5 early stage na armor dahil sa pwersang tumatama sa'min." Lumapit si Leyo sa pintuan na may nakaukit na rank 6. Itinulak niya ang malaking pintuan na ito at inaya si Zac na pumasok.
"Hindi ba't sabi mo ay huwag maniwala sa mga naka-ukit na salita? Bakit tayo papasok sa rank 6?" Pigil ni Zac kay Leyo.
"Ang iba ay hindi dapat paniwalaan pero ang isang ito ay totoong rank 6 na trial." Paliwanag ni Leyo at nang makitang hindi ito nagsisinungaling ay nakumbinse niya si Zac. Kung silang mas mahina sa kaniya ay nakaya ito, ano pa kaya siya na labis na mas malakas.
Pumasok silang dalawa sa pintuan na ito at napunta sila sa maliit na madilim na silid na may makikitang nakaukit na salitang ingles [Rank Six] sa tapat ng pader. Nagliwanag ang tinatapakan nilang sahig at bigla silang napunta sa lugar na puno ng mga lupa, walang ibang makikita kundi ang walang hanggang lupain at ang nakakasilaw na araw sa kalangitan. Napunta silang bigla sa isang disyerto.
"Paano makakaalis dito?" Tanong ni Zac. Biglang nakaramdam ng matinding presyur sa paligid ang binata. Tumingin siya sa harap at nakita ang malakas at mukhang mapangwasak na hanging tatama sa kanila.
"Hehe. Paalam Zac." Biglang saad ni Leyo at nang tumingin si Zac sa kaniya ay makikitang nababalot ng pulang liwanag ang katawan nito. Gagalaw na sana si Zac para turuan ng leksyon ang lalaki nang biglang maglaho ang pigura nito.
Sinalag ni Zac ang hangin gamit ang naka-ekis na mga braso niya sa tapat ng dibdib. Nang tumama ito ay sumadsad paatras ang mga paa niya ng kaunti, patunay na kahit ang napakalakas niyang katawan ay muntik nang tumalsik dahil sa lakas ng pwersang pinakawalan ng hangin.
"Kahit ang rank 5 Pinnacle stage level na katawan ko ay napaatras nito? Totoo nga yatang rank 6 level ang trial na pintong pinasok namin." Ani ng binata.
Tumingin ulit siya sa harapan at nakita ang paparating na hangin na mas malakas ng isang beses kumpara sa kanina. Mabilis itong papalapit sa kinatatayuan ni Zac, mabuti nalang ay malakas ang pakiramdam niya sa paligid kaya napaghandaan ito.
Binalot ni Zac ng bilog na barrier ang sarili. Nang tumama ang malakas na hangin ay mabilis na nagkabitak ang barrier hanggang sa mawasak ito at tumama sa binata ang hangin. Pero dahil nabawasan ang bilis nito ay humina ang taglay nitong mapangwasak na lakas, kaya naman kahit nilipad paatras ng ilang metro ang katawan niya ay halos wala rin itong nagawa sa kaniya.
"Dumodoble ang lakas ng mga nakaraang hangin na tumatama sa'kin."
Makalipas ang isang minuto kagaya ng kanina ay may naramdaman nanaman siyang malakas na pwersang papalapit. Pero ngayon ay nakaramdam ng panganib si Zac kaya naman nawala ang kampante niyang ekspresyon at gumuhit ang seryosong ekspresyon sa mukha niya.
Itinapat ni Zac ang palad niya sa harapan. Inisip niya ang mga imahe na may namumuong matitibay na pader na yelo sa harapan at limang makakapal na yelong pader nga ang namuo sa harapan niya. Kahit na may mga yelong pader na sa harapan na tila kayang salagin ang kahit na ano ay hindi napanatag ang binata, binalot pa niya ng barrier ang sarili.
Nang tumama ang malakas na hangin ay nawasak agad ang unang pader. Sumunod ang pangalawa, pangatlo, pang-apat at ang panglima. At kung titignang maigi ay halos walang nabawas na pwersa sa hangin.
Nang tumama ang hangin sa barrier ay nagaya ito sa mga yelong pader, ang pinagkaiba lang ay tumagal ng kaunti ang barrier bago tuluyang napuno ng bitak at nawasak.
"Kahit may limang pader na ay halos gan'on pa rin ang taglay nitong lakas." Wika ng binata. Mukha mang matibay ang mga yelong pader na nilikha niya ay kabaliktaran ito ng makikita. Ang kaniyang yelong pader ay mahina, kahit ang mga ordinaryong rank 5 ay kakayanin itong wasakin ng walang kahirap-hirap. Maliban nalang kung ginamitan ni Zac ng malaking mana ang yelo, pero mas mapapadali lang ang pagkaubos ng mana niya at mas mabilis lang siyang mamamatay kapag ginawa iyon.
Nang tumama ang hangin sa katawan niya ay para siyang tinamaan ng mabilis na bumabarurot na truck, nabali ang ilan sa kaniyang mga buto. Tumalsik ang katawan niya at habang nasa ere ay makikitang sumusuka siya ng dugo.
Pagbagsak niya sa sahig ay gumana ang abilidad ng kaniyang undying body at unti-unting gumaling ang mga nabali niyang buto. Makalipas ang ilang segundo ay biglang nagliwanag ang kaniyang katawan at napunta siya sa harap ng pintuang pinasok nila na may nakaukit na rank 6 sa taas.
"Paano ako napunta rito? 'Di kaya pag napunta sa peligro ang buhay ay awtomatiko itong makokonsidera na talo at mati-teleport sa labas ng trial?" Naguguluhang tanong ni Zac sa sarili. Pero napabuntong hininga rin siya dahil kung magpapatuloy ang pagsubok sa disyertong iyon ay siguradong magiging doble ang lakas ng panibagong hangin na mabubuo pagkalipas ng isang minuto, siguradong hindi niya kakayanin ang delikadong sitwasyon na iyon.
"Oh? Nandito pa siya?" Agad bumangon si Zac nang maramdaman niya ang presensiya ni Leyo.
....
Si Leyo ay kasalukuyang nasa tapat ng kwebang unang pinanggalingan nila. Nababalot ng puting liwanag ang katawan niya habang tagaktak ang mga pawis na tumutulo sa noo niya.
"Labing-limang segundo nalang at makakalabas na ako. Sana lang ay hindi niya pa natatagpuan ang totoong paraan para makalabas ng rank 6 trial." Balisang sabi niya at nang halos limang segundo nalang ang hihintayin ay napahinga na siya ng maluwag. Ang totoo ay kailangan niyang maghintay ng apat na minuto para gumana ang teleportation palabas ng trial.
Kapag rank 6 si Zac ay siguradong tatagal siya sa loob ng trial na iyon. Pero kung hindi ay malaki ang posibilidad na aksidente siyang makalabas dahil sa pagtamo ng delikadong mga sugat. Kapag nagkataon ay siguradong matutuklasan niya na ang daan palabas. Pero kampante siya na hindi ordinaryo ang taglay na lakas ni Zac dahil kaya nitong pumatay ng rank 5 ng walang kahirap-hirap.
"Sa wakas! Tapos--" biglang nawala ang liwanag sa katawan niya ng isang segundo nalang ang hihintayin niya. Naramdaman niya ang isang kamay na marahas sumakal sa leeg niya.
'B-bakit bigla siyang napunta sa harap ko?' isip ng bandido ng mapagtanto niya lang na nasa harapan na pala niya ang binata.
"Kailangan ko lang palang tumayo rito at awtomatiko na akong makakalabas?" Wika ni Zac at walang awang inihagis sa gilid ang katawan ni Leyo.
Tinignang mabuti ni Zac ang sahig at doon niya lang napansin na mayroon palang dalawang metrong bilog na nakaukit sa sahig ang halatang binura. Kung hindi talaga titignang mabuti ay mahihirapan nga ang iba na mapansin ito.
Tumayo si Zac sa loob ng bilog na ito at makalipas ang halos apat na minuto ay nabalot ng liwanag ang katawan niya. Ngunit bago tuluyang mateleport ay humakbang na siya palabas ng bilog at naglakad palapit kay Leyo.
"Sa tingin mo ay hindi ko matutuklasan?" Wika ni Zac. Habang pinagmamasdan niya kanina si Leyo na balisa ay naisip niya ang posibleng dahilan kung bakit siya nateleport palabas ng rank 6 trial. Sa loob ng wala pang isang minuto ay naalala niya na nabalot ng mahinang pulang liwanag ang katawan ni Leyo bago naglaho.
Kaunti lang sa uri ng mga healing potion ang nagbabalot ng katawan ng mga taong kumokonsumo nito. At nang tamaan si Zac ng malakas na hangin ay nabali nito ang ilan sa mga buto niya at nagkaroon din siya ng malalang sugat sa katawan.
Nang dahil sa mga sugat at baling buto ay gumana ang abilidad ng Undying body na nagpagaling sa kalagayan niya.
Nang makonekta ang nangyari sa kaniya at posibilidad na uminom ng potion si Leyo, at ang paggaling niya dahil sa undying body at napagtanto niyang ma-te-teleport ang isa palabas kapag gumamit ito ng bagay na makakapagpagaling sa isang sugat.
Ngayong natuklasan niya na rin ang daan palabas ng Rank 8 Trial ay wala nang halaga sa kaniya si Leyo, mga problema nalang ang magiging dulot nito kaya hindi niya pwedeng buhayin ang kalaban.
"Bakit pala hindi mo ako napansin kanina? Hindi ko naman tinago ang presensiya ko." Tanong niya sa nakaupo sa sahig na si Leyo. Sa sobrang takot niya ay hindi na siya tumayo.
"H-hindi ko alam! Wala akong nararamdaman. Pero sigurado ako kahit na malalim ang iniisip ko at medyo balisa ako ay imposibleng hindi kita makitang papalapit sa harap ko nang hindi mo itinatago ang presensiya mo."
Nagulat ang binata sa sinabi ni Leyo. Totoong hindi niya tinago ang presensiya niya para takutin si Leyo. Pero nagulat ang binata kanina ng parang malalim pa rin ang iniisip ni Leyo kahit na nasa harapan na siya nito.
"A-ang daliri mo! Isa lang ang suot mong singsing kanina 'diba?" Turo ni Leyo sa kaliwang kamay ni Zac. Doon ay may makikitang asul na singsing na mukhang ordinaryo. Kung titignang mabuti ay mukha pa nga itong peke at siguradong pagtatawanan siya ng ibang makakakita sa kaniya dahil nagsusuot siya ng ganitong uri ng singsing.
Napatingin si Zac sa kaliwang kamay niya at nakita nga niya ang asul na singsing sa daliri. Nakatingin siya sa singsing pero pakiramdam niya ay wala ito. Para bang nasa harap niya ang isang bagay pero hindi niya ito maramdaman.
"Paano?" Tanong ni Zac sa sarili. Ngayon niya lang nakita ang singsing na ito at sigurado siyang wala siyang pag-aaring ganito, at kahit na mukhang ordinaryo ang singsing ay madaling mapapansin ng susuot nito na hindi ito normal dahil walang mararamdaman na kahit ano rito.
Nang makita ni Leyo ang reaksyon ni Zac ay napamangha siya. Isa lang ang pumasok sa isip niya na puwedeng nangyari.
"Hindi kaya premyo 'yan dahil sa pagpasok mo sa rank 6 trial? Nakuha namin ang Rank 6 healing potion matapos tanggapin ang unang atake sa disyerto." Komento ni Leyo. Kung siya nga na isang beses lang nakatanggap ng atake, paano pa kaya ang binata na tatlong beses tumanggap ng atake?
'Kung sa rank 6 trial nga ito galing ay bakit isa lang ang natanggap ko? Tatlong beses akong tumanggap ng atake ah.'
'Kahit sabihing nakuha na nila ang gantimpala para sa unang atake, bakit wala akong nakuha sa pangalawa? O baka naman sa pangatlo ako walang nakuha dahil sa natamong sugat? Hindi, imposibleng dahil ito sa sugat dahil kahit sina Leyo ay nakatanggap pa rin ng rank 6 healing potion.'
"May problema kaba sa gamit na natanggap mo Zac?" Kinakabahang tanong ni Leyo nang makitang malalim ang iniisip nito at mukhang may bumabagabag sa kaniya. Kung matutulungan niya ang binata ay baka hayaan pa siya nitong mabuhay, kahit na alam niyang halos isang porsiyento lang ang tiyansa niyang mabuhay ay kailangang niya itong panghawakan at gamitin.
"Isa lang ang nakuha kong gamit kahit na tatlong beses akong tumanggap ng atake sa disyerto. May ideya kaba kung bakit ganoon?" Tanong ni Zac at nagliwanag sa tuwa ang mga mata ni Leyo. Ito ang pagkakataon na hinihintay niya, ang makatulong sa binata.
"Kung ang gantimpala para sa unang atake ay nakuha na namin, baka naman walang makukuhang gamit sa sunod kapag nakakuha ng premyo? At makakakuha lang ulit ng bagong premyo kapag natapos ang susunod pang atake? Kaya naman sa pangatlo at panglimang atake mo makukuha ang premyo at susunod na premyo?" Paliwanag ni Leyo habang nakahawak sa baba. Nakaupo siya at malalim ang iniisip, mukhang nag-iisip pa rin siya ng puwedeng dahilan na makakatulong tungkol sa premyo ng rank 6 trial.
"Bakit hindi natin tignan." Tumango ang binata at itinapat ang daliri sa naka-upo sa sahig na si Leyo. Biglang may manipis at maliit na itim na bagay ang lumabas sa daliri at tumama sa katawan ni Leyo.
"Evil Puppet." Wika ni Zac at unti-unting nabalot ng itim na sinulid ang katawan ni Leyo. Bigla siyang nawalan ng kontrol sa sarili kahit na may malay pa siya.
'Huh? Bakit hindi ko makontrol ang katawan ko?'isip ni Leyo nang biglang tumayo ang katawan niya ng walang ginagawa. Lumakad ito pabalik sa pintuan ng rank 6 trial.
Pumasok sila sa pintuan ng rank 6 trial at pagpasok nila ay napunta ulit sila sa mukhang walang katapusan na disyerto.
Pagkapasok palang nila ay makikita na ang isang mapangwasak na hangin na papalapit sa kanila. Maraming lupa ang nadagit nito kaya kita nila kung gaano pa ito kalayo.
Madaling tinapos ni Zac ang una at pangalawang atake. Sa pangatlo ay gumamit siya ng kaunting mana at pwinersa si Leyo na gamitin ang halos lahat niyang mana para gamiting pang salag sa pangatlong atake. Matapos makaligtas sa pangatlong atake ay bumagsak sa sahig ang katawan ni Leyong halos wala ng enerhiya.
Ang pang-apat na atake ay napaka delikado. Siguradong kahit isakripisyo niya si Leyo ay hindi sila makakaligtas, kaya naman ginamit na ni Zac ang kaniyang alas na laging nagliligtas sa buhay niya, ang Evil form.
Nabalot ng manipis na itim na usok ang buong katawan ni Zac at may isang sungay na tumubo sa ulo niya. Naglabas ng bayolenteng napaka lakas na aura ang binata at bumuo ng itim na barrier sa paligid nila.
Ang mabilis na paparating na hangin ay makikita na sa tanawin nila. Ilang segundo lang ay ilang daang metro nalang ang layo nito pero nang pumikit siya at pagmulat ng mga mata ay bigla nalang sumulpot sa harap ang mapang-wasak na hangin.
Tumama ang malakas na hangin gamit ang buong pwersa nito. Malakas na pwersa ang namuo sa pagitan ng barrier at hangin na kumalat hanggang sa ilang daang metrong layo sa paligid nila. Mabuti nalang ay nasa disyerto sila at walang mga bahay o tao sa paligid dahil kung mayroon ay baka nawasak na ang mga ito sa puwersang nabuo at kumalat.
Makalipas ang ilang sandali ay magkadikit pa rin ang barrier at hangin. Nagkaroon ng maliit na bitak ang barrier at nang makita ito ni Zac ay idinikit niya ang palad dito tiyaka ito ginamitan ng mana, ang bitak sa barrier ay nawala at bumalik ito sa pagiging buo.
Nang maglaho ang hangin ay tinanggal niya na rin ang barrier. Nakahinga ng maluwag ang binata at sa gilid niya ay si Leyo na hindi makapaniwala sa mga nangyayari, pero makikita sa mga mata niya ang kawalan ng pag-asa matapos makitang gamitin ni Zac ang tunay na anyo niya.
'Tatapusin niya na ako.' Kung susuriing mabuti ay siguradong isa sa mga mahahalagang sikreto ni Zac ang ginamit niyang Evil Form, kaya naman ngayong ginamit niya ito sa harap ni Leyo ay nadagdagan pa ang rason niya para tapusin si Leyo.
Makalipas ang isang minuto ay nakaramdam ng matinding panganib ang binata. Kahit sa evil form niya ay napaka delikado nito na pakiramdam niya ay pwede siyang mamatay kahit anong oras. Gumuhit ang pagdadalawang isip sa mukha ng binata kung tatapusin ba niya ang pang limang atake, upang makumpirma kung makukuha nga niya ang premyo sa trial tuwing natatanggap niya ang pangalawang atake.
"Kailangan kong tapusin 'to!" Napuno ng determinasyon ang mga mata ng binata nang makaisip siya ng isang paraan na pwedeng gamitin para makaligtas sa pang limang atake.