BINUKSAN ni Penelope ang pintuan ng kotse at saka lumabas. Paglabas niya ay nakatapak pa rin ang paa niya sa La Forêt. Isang hakbang na lang at nasa Collines Glacées na siya. Eksaktong nasa bungad na siya ng malawak na damuhan nang may maalala siya. Nilingon niya si Achilles. “Paano ako makakabalik dito?” nag-aalalang tanong niya sa kababata. Sigurado siyang hindi niya matutunton pabalik ang lugar na ito. Lalo na at ito ang unang pagkakataon na makarating siya dito. Hindi pamilyar sa kanya ang lugar. Ang problema pa nito, paano kung matagalan siya sa Crescent? Paano siya babalik sa Leger? May susundo ba sa kanya pagbalik niya? Sari-saring tanong ang biglang nag-uunahang pumasok sa isip niya. Lumabas mula sa kotse si Achilles. Tumayo ito sa mismong hangganan ng La Forêt at Collines Glacée

