Hindi maitago ang animosity sa boses ni Thirdy. Narinig niya ang pagsinghap ni Serafina sa likuran niya. Nang lingunin niya ito ay nakita niya ang rekognisyon at takot sa mukha nito. Tumingin si Teodicio dito na parang dini-dismiss ito at tumalikod ito para ipa-asikaso ang mga pinamili nila sa kasambahay. Hindi niya maintindihan. Hindi naman masama ang reputasyon ni Warrick kahit sa mga babae. He may have a “legendary prowess in bed” but he was never disrespectful to women.
Puno ng kompiyansa niyang hinarap ang mga ito. "Ang alam ko lang ay iniligtas niya ako sa boring na gabing iyon at kay Ludwig. Matalino siya, masarap kausap, gentleman at ihinatid niya ako sa tamang oras. Hindi siya nag-take advantage at lalong di niya ako ininsulto tulad ni Ludwig."
"He is an opportunist." Umalingawngaw ang maigting na boses ni Teodicio at kinuyom ang palad.
"Paano siya naging oportunista? He is a self-made man. May-ari ng isang investment company. Kung may gugustuhin akong i-date na lalaki, si Warrick Evaristo 'yon," deklara niya at taas-noong tiningnan ang mga ito.
"Iiwasan mo na siya mula ngayon. Hindi siya ang lalaking gusto ko para makalapit sa iyo. Sinabi ko na sa iyo na oportunista siya,” giit ni Teodicio.
"Anong ebidensiya ninyo na oportunista siya?" naghahamon niyang tanong.
Nagdilim lalo ang mukha ni Teodicio. "Bakit kailangan mo pa ng ebidensiya? I am your father."
Her father was being unreasonable. Ngayon lang siya nito tinratong parang bata. Lalo niyang napatunayang di ito nagsasabi ng totoo dahil inilabas na nito ang pagiging tyrant nito. Kung totoong oportunista si Warrick ay maglalabas ito ng ebidensiya. He would even argue with her about it. Kahit na abutin pa ang ilang oras ang argumento ay hindi ito titigil hangga’t hindi siya nito nakukumbinsi. Sa pagkakataong ito ay mukhang itinatago nito ang katotohanan. And he was scared. Hindi niya alam kung anong dapat nitong katakutan kay Warrick.
"Papa, I am sorry. Kung wala kayong ebidensiya, paano ako maniniwala? At walang kinalaman ang pagiging ama ko para basta-basta na lang maniniwala sa inyo. Tingnan ninyo si Ludwig. Basahan ang trato niya sa akin pero ipinilit pa rin ninyo na i-date ko."
At iyon ang hindi niya maintindihan. Kung concern ito sa kanya, dapat ay katulad ni Warrick ang piliin nito. Marespeto ito at maalaga sa babae. At pagdating sa negosyo ay magaling din itong magpatakbo. Kaya nga lalo niya itong nagustuhan dahil humahanga siya sa mga lalaking katulad nito na di kailangan ang impluwensiya at kayamanan ng pamilya para umunlad. He made it on his own.
Nanatiling matiim ang anyo nito. "Kung ayaw mong i-date si Ludwig, huwag mo na siyang i-date. You can choose whoever you want. Basta huwag lang si Warrick Evaristo."
Humalukipkip siya. "What do you have against Warrick? Anong ginawa niyang masama sa inyo para magkaganyan kayo?"
Nagkatinginan ang ama at kapatid niya. Walang maisagot ang mga ito. Hindi niya maintindihan kung bakit may takot sa mga mata ng ama niya at maging ng kapatid. Natitiyak niyang hindi natatakot ang mga ito para sa kanya. Parang natatakot ang mga ito para sa sarili ng mga ito. At ngayon lang niya nakitang natakot ang ama niya.
Nagkibit-balikat siya nang humaba ang katahimikan. "Wala siyang ginagawang masama sa akin. Bakit ko gagawin iyon? Minsan lang ako mag-enjoy sa company ng isang lalaki tapos palalayuin pa ninyo ako? Ni wala kayong maibigay na matinong dahilan sa akin."
Saka niya naisip na sa unang pagkakataon ay nagdesisyon siya para paligayahin ang sarili at di para i-please ang mahal niya sa buhay.
"Nagrerebelde ka ba, Krystinia?" tanong ni Teodicio sa madilim na mukha.
"No. Di na ba ako pwedeng magdesisyon para sa sarili ko? Wala ba akong sariling isip na di ko kayang husgahan kung sino at ano ang makakabuti sa akin at hindi?" matapang niyang wika. “Sa tinagal-tagal na naging anak ninyo ako, nakakagawa naman ako ng desisyon na labag sa gusto ninyo pero kahit minsan hindi ko kayo ipinahiya o binigyan ng sakit ng ulo.” At alam niyang ang pagpanig niya kay Warrick ang isa sa mga tamang desisyon na ginawa niya.
Nakita niya ang pagkislap sa mga mata ni Teodicio na parang isang magandang ideya ang pumasok sa isipan nito. "Do you want your job back?"
Tumigil ang t***k ng puso niya. "Papa..."
"Pwede kong ibigay sa iyo ang managerial position ng spa-botique natin sa Panglao. I also want you to supervise the rest of our spa-boutiques in Visayas region. It is not as huge as the Vice Presidency but it is better than nothing. We need to strengthen our sales there. We need you."
We need you. Ngayon lang niya narinig sa ama niya na mahalaga siya. Na kailangan siya. Hindi ba’t ito na ang dati pa niyang gustong marinig. Na ma-recognize nito ang halaga niya? Subalit hindi niya agad ipinahalata ang excitement niya. Alam niyang malaki ang kapalit na hihingin nito sa kanya.
"So what's the catch?" she asked in a business-like tone.
Tinitigan siya nito sa mga mata. "Stay away from Warrick Evaristo. Huwag kang makikipagkita at huwag mo siyang kakausapin."
"Pag-iisipan ko po," aniya at tumalikod. Pakiramdam niya ay may itinatago ang mga ito tungkol kay Warrick. Gusto nilang malaman kung anong kinatatakutan ng mga ito.
"Bakit pag-iisipan mo pa ang alok ni Papa?" angil ni Thirdy. “Pagkakataon mo na ito.”
"Wala ka nang oras para mag-isip. Ngayon ko lang iaalok ang pagkakataong ito. Oras na talikuran mo ako, kalimutan mo na ang alok ko.”
Tumigil sa pagtibok ang puso niya. Minsan lang ang pagkakataong ito. Hindi na mauulit pa. At ang kailangan lang niyang gawin ay layuan si Warrick. Gusto niyang tumutol. Ayaw niyang mawala si Warrick sa buhay niya. May idinala itong kakaibang saya sa buhay niya na di pa niya nararanasan kahit na kailan.
Sino ba si Warrick Evaristo sa buhay niya? Ganoon na ba niya ito kahalaga sa kanya na di niya ito kayang pakawalan? This was crazy. Parang gusto niyang talikuran na lang ang inaalok ng ama niya. Ano bang nangyayari sa kanya?
Puno ng pag-asam na lumapit sa kanya si Serafina. "Anak, tanggapin mo na. Para sa kabutihan mo rin kung iiwasan mo si Warrick Evaristo. Ito na ang pangarap mo. Ang makapagtrabaho ka ulit.”
Parang maiiyak na si Serafina habang nakikiusap. Mahina talaga ang puso niya pagdating dito dahil pangalawa niya itong ina. At may pagkakataon na ito lang ang nagiging kakampi niya. Kung hindi siya nito makukumbinsi, alam niyang ito ang sesermunan ng ama niya.
Pumikit siya at marahang pinakawalan ang hininga. "Fine. I will take it."
“CONGRATULATIONS, Warrick! There goes another company that rose from the ashes in your hands and sold in a handsome price. This calls for a celebration.”
Nagulat pa siya nang tapikin siya sa balikat ng kaibigan at abogado niyang si Chrystler. Naputol ang paglipad ng utak niya at nilingon ito. “O! May sinasabi ka ba?”
“Oo naman. Kanina ko pa sinasabi na dapat tayong mag-celebrate dahil maganda ang naging deal mo sa Portal Construction.”
“Ah, iyon lang ba?” aniya at nag-dial sa cellphone. Subalit voice prompt na naman ang narinig niya. The number you dial is currently unavailable. Frustrated siyang tumingin sa magandang view ng siyudad mula sa private office niya sa 30th floor ng Diamond Towers kung saan limang palapag ay inookupa ng Evaristo Investments, ang kompanya niya na bumibili ng mga paluging kompanya, muli iyong pinalalago at saka ibinebenta.
Sa edad na beinte ay natuto siyang maglaro sa stock market. He had a knock for numbers and was good at predicting market trends. Mula doon ay nagsimula na siyang umangat. Nag-invest siya sa iba’t ibang kompanya. His success was phenomenal. Sa edad na treinta y tres ay malaki na ang inilago ng kompanya niya. Isa rin siya sa mga kinikilala sa mundo ng negosyo at pananalapi dahil nabibigyan niya ng pag-asa ang mga lugi nang kompanya.
“May problema ba?” tanong ni Chrystler. “Parang wala ka sa sarili.”
"Pasensiya na. May ipinakuha akong number kay Louvre. But its not working. Baka naman mali ang number na ibinigay niya sa akin."
Umupo ito sa tapat niya. “Babae? And who is this woman?”
“Krystinia Valdesco," sagot ni Louvre na pumasok ng opisina. Isa itong private investigator at isa sa malapit niyang kaibigan. He was his confidante. Pero pagdating sa kanilang magkakaibigan ay wala namang naililihim.
"Ang prinsesa ng mga Valdesco?" nanlalaki ang matang tanong ni Chrystler at napuno ng interes ang mga mata.
Ipininid niya ang bibig. Ayaw niyang magkwento ng kahit ano tungkol kay Chrystler. Ngayon pa lang ay nauulinigan na niya ang sasabihin nito sa kanya – layuan si Krystinia Valdesco hangga’t maaari. No personal involvement as much as possible.
Ngumisi naman si Louvre na parang gusto pa siyang asarin at umupo sa tabi ni Chrystler. "Nagkita sila sa party noong isang araw. At kilala mo naman ang kaibigan natin. Walang babaeng makakahindi sa kanya.”
"What?” bulalas ni Chrystler. “Ang ibig mong sabihin…”
“Wala kaming ginawang masama,” depensa agad niya. “I didn’t even get to kiss her.”
Sumandal si Chrystler. “Now that is new. You mean she didn’t succumb to your charm?”
“She did,” wika naman ni Louvre. “Nakumbinsi niya si Krystinia Valdesco na iwan ang party kasama niya. Siya ang naghatid sa prinsesa pauwi.”
Mabuti na lang at hindi na niya ikinuwento kay Louvre kung saan sila nagpunta ni Krystinia. Sinabi lang niya dito ang kinakailangan nitong malaman para matulungan siya sa imbestigasyon nito. Kung nalaman pa nito kung anong ginawa nila ni Krystinia matapos ang party ay tiyak na kakantiyawan siya nito lalo na’t di naman niya nakuha ang resultang inaasahan ng mga ito pagdating sa pakikipag-date niya sa mga babae.
"Bakit not in service ang number niya?" angil niya kay Louvre. “Baka naman mali ang number na ibinigay mo.”
“Tama ‘yan. Iyan ang nasa business card mismo niya,” sabi ni Louvre. "Baka nagpalit na siya ng number. Nalaman na siguro ng pamilya mo ang paglapit mo sa kanya."
Pumalatak siya. "Ganoon sila ka-paranoid pagdating sa akin?"
"They should be,” Louvre said meaningfully.
Hindi kayang sukatin ng mga Valdesco kung gaano kasidhi ang galit niya sa mga ito lalo na kay Thirdy Valdesco. Ito ang dahilan kung bakit nawala sa kanya ang pamilya niya. Kung bakit mag-isa na lang siya sa mundo ngayon.
"Huwag mong sabihing isasali mo sa plano mo si Krystinia Valdesco? Hindi ikaw ang tipong nandadamay ng inosente sa mga plano mo,” babala ni Chrystler sa kanya.
"Hindi ko idinadamay si Krystinia Valdesco sa plano ko. Aksidente lang ang pagkikita namin sa party. Nang makilala ko siya, malungkot siya dahil iniwan siya ng ka-date niya para uminom at magsugal. So I took her away instead. Walang kahit sinong babae ang dapat na maranasan ang ganoon mula sa ka-date nila."
Ang totoo ay nakadama siya ng awa kay Krystinia. Not just becase she dated Ludwig, The Ass. Parang marami itong na-miss sa buhay nito dahil sa kagagawan ng pamilya nito. Noong una ay inakala niyang spoiled brat ito katulad ng kapatid nito na nakukuha ang lahat ng gusto. Pero kung pagbabasehan ang mga nakuha niyang impormasyon tungkol dito ay napaka-dedicated nito sa trabaho. Umikot lang halos ang buhay nito sa pagtatrabaho at sa pamilya.
Pinagsalikop ni Chrystler ang palad. "At gusto mo siyang tawagan dahil..."
"I want to make her feel better. Nawalan siya ng trabaho sa kabila ng pagiging asset niya sa Ageless Beauty. Her father's whim apparently. He was a tyrant and chauvinist.” Naramdaman niya ang kagustuhan ni Krystinia na i-please ang pamilya nito. “At sa palagay ko ay pamilya lang niya ang may gusto na i-date niya si Ludwig. After all, it’s a good pair up. She came from the business world and Ludwig is from a political clan. It can be a useful alliance.” Hindi ba’t iyon din ang sinabi ni Teodicio Valdesco, Jr. dati? Na ang babagay lang sa anak nitong si Thirdy ay isang babaeng nagmumula sa may sinasabi ring pamilya at makakatulong sa estado sa buhay.
"Sa Panglao na nagtatrabaho ngayon si Krystinia Valdesco,” wika ni Louvre. “At sa palagay ko ay pinalalayo na siya sa iyo dahil alam na ng pamilya niya na ikaw ang naghatid sa kanya nang nakaraang gabi."
"Kung di siya kasama sa plano mo, pabayaan mo na lang si Krystinia Valdesco,” mariing wika ni Chrystler. “Lalo mo lang gagawing komplikado ang mga bagay. Speaking of Valdescos, we still can’t buy shares from their company. Matatag ang Ageless Beauty sa market ngayon. Nobody wants to give up their shares.”
“Doesn’t matter. Alam ko na dadating din ang panahon na makakakuha tayo ng stocks nila. Basta alerto lang tayo.” Patience, patience, patience. Isa iyan sa mga bagay na natutunan niya sa negosyo. You can’t be too eager sometimes. Ang magagaling na negosyante ay alam laruin ng tama ang baraha nila. At kapag may pangarap siya ay di niya iyon binibitiwan.
“Baka ipasa na rin ang pamamahala kay Thirdy Valdesco,” sabi ni Chrystler. “Kailangan na lang ng formality doon dahil malapit nang mag-retire si Teodicio Valdesco, Jr.”
Thirdy Valdesco. Ang lalaking nang-akit sa Ate Miranda niya. Na matapos nitong mabuntis ay basta na lang nitong iniwan at tumakbo sa Amerika. Ayaw daw kasi sa Ate Miranda niya ng pamilya nito dahil mayaman ang mga Valdesco habang ang ama niya ay isang papaluging negosyante. Eighteen years old lang ang Ate Miranda niya noon. Nag-premature labor ito nang six months na ang dinadala nito. Hindi nito kinaya ang panganganak at namatay ito pati na rin ang batang dinadala nito.
Dahil sa sobrang kalungkutan ay nagsimulang maging masasakitin ang ama niya. Makalipas lang ang ilang buwan ay sumunod na rin ito sa kapatid niya.
Mag-isa na lang siya sa mundo subalit di siya nagpatalo sa pagsubok na iyon. Nangako siya na di siya titigil hangga’t di niya napapabagsak ang mga Valdesco.
Seventeen years old lang siya nang bitiwan niya ang pangakong iyon. Matapos ang labingpitong na taon ay natupad na niya ang pangarap niya. Ang mga magulang ni Louvre ang kumupkop sa kanya. Sa tulong ng scholarship ay nakapag-aral siya at naging working student. Parang napakahabang panahon na siyang nabuhay sa mundo sa dami ng pinagdaanan niya bago marating ang kinalalagyan niya n gayon.
Ihinahanda na niya ang sarili sa pagbili ng mga shares ng Valdesco at unti-unti na niyang sisimulan sana ang pagbagsak ng mga ito.
Tumikhim si Chrystler. “We have another important thing to discuss. Gusto ko munang malaman kung may plano kang mag-asawa."
Binuksan niya ang pangtaas na butones ng polo niya at iniwas ang tingin. Pumaling din siya ng upo. “Alam mo naman ang sagot ko diyan.” Mapag-usapan nga lang ang pag-aasawa ay hindi na siya mapakali. Lalo naman ang pag-aasawa. It was definitely not his cup of tea. Magugunaw yata ang mundo pero hindi pa rin niya gugustuhing mag-asawa.
Napailing si Louvre. "Problema ang pag-aasawa. Take it from me. Don't fall in love. Don't get married. Your life will be hell." Saka ito pumalatak. He was a cautional tale. Na-in love ito ng todo sa isang babae pero iniwan din ito sa huli. Katatapos lang ng annulment nito at naging bitter na ito sa mga babae.
“How about a child? Ayaw mo bang i-consider?” tanong ni Chrystler.
Sunud-sunod na iling ang ginawa niya. “No freaking way. A child is a permanent part of my life. Obligasyon ko ang anak ko at mahirap na may batang nakadepende sa akin. No. No to marriage. No to having a child. Hindi naman nakakaapekto sa negosyo ko ang di ko pagkakaroon ng asawa at anak, hindi ba?”
Ilang beses na niyang nalusutan ang mga clients na mas gustong makipag-deal sa isang pamilyadong tao. Sa huli kasi ay mapagkunwaring pamilya lang mayroon ang mga ito. Niloloko lang ng mga ito ang asawa at may ibang pamilya. At least his life was simple. Umiiwas na lang siya sa mga babae na may hindi magandang character. Ang mga ito ang madalas na nakakasira ng mga business deals. May mga babae kasi na hindi masaya sa pagtatapos ng isang relasyon kaya naninira ng negosyo ng iba para lang makaganti. Some women can be very vicious. Kaya gusto niyang mag-ingat sa mga ito kaysa matali habambuhay at pagsisihan niya sa huli.
“Sa palagay ko makakaapekto ito kung sakaling may mangyaring hindi maganda sa iyo. Nag-iisa ka lang sa mundo. Parehong ulilang lubos ang mga magulang mo nang ikasal sila. Wala silang kamag-anak. You are practically alone in this world. Anong mangyayari sa lahat ng pinaghirapan mo kapag nawala ka na? Kailangan mo ng tagapagmana, Warrick.”
Binuksan niya ang isa pang butones ng polo niya. Pakiramdam niya ay may lubid na nakapulupot sa leeg niya at nagbabanta na siyang sakalin. “You mean I have to get married and share my life with a woman? You know that sucks. Look at Louvre. Nagpakasal siya pero sa huli naghiwalay sila. Mahal pa niya ang babaeng iyon.”
Napangiwi si Chrystler dahil kahit yumayaman ito sa annulment cases na hawak nito ay may kasama namang emotional trauma para dito. Nitong huli lang ay pinaghahandaan nito ang annulment case ng isa pa nilang kaibigang si Alekos pero di natuloy dahil bumalik si Alekos sa asawa nito. Pero bago naman nabawi ni Alekos ang asawa nito ay katakot-takot na hirap ang pinagdaanan nito. Hindi niya gustong ibuhos ng todo ang pagmamahal para sa isang babae. Not when he had so much hatred in his heart.
“Hindi mo naman kailangang magpakasal. How about a child? I have another client who had no heir. He hired a baby maker. May kasunduan sila na pagkapanganak ng bata ibibigay din sa kanya. Nagpa-in vitro fertilization sila. No physical intimacies involved, no strings attached, no hassle. Wala nang habol ang ina sa bata. The child is all yours. Your heir. Kailangan mo lang makahanap ng babaeng magiging baby maker.”
Umikot ang isipan niya. Saan naman siya kukuha ng babae na magiging ina ng anak niya na maayos ang pinanggalingan at papayag dalhin ang anak niya at iwan na lang basta para sa pera? May ina ba na walang puso?
“Gusto kong pagtuunan muna ng atensiyon ang pagpapabagsak sa mga Valdesco. Let’s discuss having my heir after that,” wika niya.
Parang nayayanig pa rin ang pagkatao niya nang isiping kailangan niyang magkaroon nga anak at kung sinong babae ang magdadala ng anak niya. He needed to set a lot of rules and stipulations for that. Dahil ang lahat ng pinaghirapan niya ngayon ay isasalin niya sa magiging anak niya at mas malaking responsibilidad ang kaakibat nito.There is a right time and woman for everything.