CHAPTER SEVEN
MAGING ang paboritong pancake ni Jamie ay Sonja na rin ang gumawa. Nang inihahanda na ni Manang Nadia ang hapag-kainan ay lumabas naman siya para gisingin si Jared. Nakasalubong naman niya ito sa sala. Magulo pa ang buhok nito at parang humahangos.
Nang makita siya nito ay mukha itong nakahinga nang maluwag. Kumunot ang noo ni Sonja. Gusto niyang matawa sa hitsura nito. Ibinuka ni Jared ang mga bisig. Walang salitang lumapit siya rito at nagpakulong sa mahigpit at mainit nitong yakap.
Sonja inhaled his scent and rested her cheek against his chest. He was such a beautiful sight.
"Akala mo, umalis na 'ko, 'no?"
"Nagising ako nang wala ka sa tabi ko."
"Gusto lang kitang ipaghanda ng breakfast. You had a nightmare. Ayos ka na ba?"
"Ayos na 'ko. Dahil sa'yo. Thank you, Sonja."
"Mabuti naman. Halika na, mag-breakfast na tayo."
"Yeah, sure." Hinalikan ni Jared ang kanyang buhok. "Babalik lang ako sa kwarto." He pressed her against him once more.
HABANG nag-aalmusal sila ay nagtatalo ang isip ni Sonja kung tatanungin ba niya si Jared tungkol sa namayapa nitong asawa. Ano ang dahilan ng pagkamatay ni Kimberly at bakit ganoon ang mga panaginip ni Jared?
Ang kaso, natatakot siya. Ano ang karapatan niya para itanong 'yon? Ni walang label ang relasyon nila.
But I care for him... Would that be enough?
"Are you okay?" biglang tanong sa kanya ni Jared.
"H-ha?"
"Is something bothering you?"
Mabilis siyang umiling.
"Wala. Okay lang ako." Nginitian pa niya ito. "Natutuwa lang ako na nagustuhan ni Jamie ang pancake."
Bigla namang bumagal ang maganang pagkain ni Jamie. Nakita niya ang pamumula nito. Bumungisngis pa si Sonja. Ang cute talaga ng batang 'to.
"RED? Gusto mo bang magkwento sa 'kin tungkol sa late wife mo?" tanong ni Sonja habang sakay na sila ng kotse nito. Ihahatid siya ni Jared sa kanila.
"What?" Halata ang sandaling pagkabigla ni Jared nang sulyapan siya nito. "P-pa'no mo nalaman na..." Hindi nito tinapos ang sasabihin. He suddenly looked uncomfortable.
"I'm sorry. Nagtanong ako kay Manang Nadia ng alam niya. Gusto ko lang malaman kung bakit ka nagkakaroon ng mga bangungot tungkol kay Kim—sa asawa mo."
Nakagat ni Sonja ang ibabang labi. Sana ay hindi ito magalit sa 'pakikialam' niya.
"Yes, she died five years ago," ani Jared pagkatapos nitong magbuntong-hininga. "Pero mas mabuti pang huwag mo nang malaman. Sa kagustuhan kong makalimutan 'yon, parang lalo pang bumabalik sa 'kin bilang bangungot. Let's not just talk about it."
"I see you're not ready to trust me. May kinalaman ba sa pagkamatay niya ang mga peklat mo?"
"I said let's not just talk about it."
Nagulat si Sonja nang naging mariin at seryoso ang tono nito. Sa rearview mirror ay nakita niya ang pagdidilim ng anyo ni Jared. Nakaramdam siya ng takot at pagbigat ng loob.
"I'm sorry," mahinang sabi niya.
Lalo siyang sumiksik sa upuan at ibinaling ang tingin sa labas ng bintana. It was not a good move. Lihim niyang pinagalitan ang sarili. Mukhang walang pakialam si Jared kung mag-alala man siya para rito.
NAKARAMDAM ng ginahawa si Sonja nang sa wakas ay makapasok na siya sa shop. Sinalubong siya ng lamig ng aircon sa loob. Gutom na gutom na siya at wala na siyang pagkakataon na kumain kanina.
Madaling-araw pa lang ay umalis na siya sa kanila para pumila sa audition. Napakahaba ng pila sa audience entrance ng TV station kanina. magtatanghali na siya nang makauwi, idagdag pa na traffic.
Kung hindi lang sana m******s ang nakausap niyang record producer noon, e di sana, hindi na niya kailangang magpakahirap nang ganoon.
E, gano'n talaga, e, sabi na lang niya sa sarili.
Agad siyang dumeretso sa opisina nila. Baka merong makakain doon ang Ate Sanya niya.
"Hi, Ate," matamlay na bati niya.
Ginawa na namang workshop ng kapatid niya ang opisina. Busy na naman ito sa pagpinta sa mga malalaking paso na ibebenta sa shop.
"Kumusta ang audition?" tanong nito.
"Okay naman. Tatawagan na lang daw kami kung nakapasa."
"Matatawagan ka, sure 'yan."
Saka lang napangiti si Sonja.
"Ano'ng makakain, Ate? Gutom na gutom na 'ko."
"May natira pa sa kusina. Tingnan mo na lang sa bahay."
"Okay. Salamat." Tumuloy na si Sonja sa isa pang pinto. Nasa kusina na siya ng bahay nila.
Hinubad niya ang suot na bag at ipinaghain ang sarili. Sana nga ay matawagan siya. Sayang naman ang pakikipagngitian niya sa isa sa mga talent scout na nagpapa-cute sa kanya.
Habang kumakain ay kinuha niya ang cellphone sa kanyang bag. Lagpas sampu ang missed calls ni Jared! Nakagat na lang ni Sonja ang ibabang labi.
Nami-miss na niya ito. Ilang araw na silang hindi nagkikita at nag-uusap. Hindi naging gano'n kaganda ang paghihiwalay nila noong isang araw. Hindi naman sila nag-away pero hindi rin naman sila nag-usap. Nagpasalamat lang siya kay Jared at bumaba na siya ng kotse nito.
May karapatan naman siguro siyang magtampo, 'di ba? Pero bakit gano'n? May naramdaman din siyang guilt dahil sa hindi niya pagkausap dito?
"Walang kayo, Sonja, wala, wala, wala..." pagkausap niya sa sarili. "Sanayin mo na ang sarili mo."
Hindi naman siguro siya tatawagan ni Jared dahil nag-aalala ito sa kanya. Baka nami-miss lang siya nito sa kama.
Itatabi na sana niya ang cellphone nang muling mag-ring iyon. Halos mahulog siya sa kinauupuan nang mabasa ang pangalan ni Jared. Nataranta na naman ang buong sistema niya.
Akala niya ay sumuko na ito dahil sa pande-deadma niya? Hayun tuloy, ipinagkanulo siya ang puso niya. Natagpuan niya ang sariling sinasagot ang tawag nito.
"Sonja?"
Mariin siyang napapikit nang marinig ang buong-buo at swabeng boses ni Jared sa kabilang linya.
"What?" Hindi niya sinubukang itago ang pagkapagod sa boses niya.
"Why aren't you answering my calls?" malumanay na tanong ni Jared.
Huminga siya nang malalim. Ang akala niya ay sisitahin siya nito.
"I am not your customer service representative, Jared. Busy ako buong umaga at wala pa akong pahinga. Ano ang maipaglilingkod ko sa'yo?"
"Wala." Jared paused. "I just want to check if you're okay."
"Nai-check mo na ba si Jamie kung okay lang siya sa school?" sa halip ay tanong niya.
"Nando'n naman si Manang Nadia para bantayan siya."
"Tinawagan mo ba siya para siguruhin 'yon?"
Jared paused again.
"I'll do that."
"Salamat sa pagtatanong. Pagod ako at hindi pa ako kumakain. Kung wala ka nang ibang tanong, pwede na ba akong mag-hang up?"
"I'm sorry. Nakaistorbo pala ako," apologetic nitong sabi.
"N-no, hindi naman sa gano'n," sansala niya. "Thanks for calling, anyway. I'm not just in the mood."
"Sonja. Okay naman tayo, 'di ba?"
Saglit siyang natigilan sa tanong nito. Ang totoo, hindi naman siya okay. Kanina pa merong kumukurot sa puso niya habang kausap si Jared.
"Uhm, sa pagkakaalam ko, oo," tugon niya sa pilit pinakaswal na boses. "Look, Jared, I'm sorry but I have to go."
"I'll see you soon."
Huminga siya nang malalim.
"Bye."
"PAANO ka nakabili ng mga mamahaling sapatos nang hindi namumulubi, Ate?" tanong ni Sannie habang isinusuot ang isa sa mga sapatos niya. Nagustuhan nito ang slip on shoes. Palibhasa, iisa lang ang size ng mga paa nilang tatlo, ang sapatos ng isa ay sapatos ng lahat.
"Ingatan mo 'yan, Sannie, mahal 'yan," sa halip ay sabi niya habang ngumunguya ng pandesal.
Nag-aalmusal sila nang umagang iyon. Mamaya ay magbubukas na sila. Walang raket si Sonja nang araw na 'yon kaya sa Tres Mujeres naman siya. Si Sannie naman ay may pasok pa.
"Kita nga sa tatak, e."
"Bakit nga pala ang dami mong sapatos na binili? Nagkakaubusan na ba ng sapatos sa Pilipinas?" tanong naman ni Sanya.
"H-hindi, a." Sinasabi na nga ba niya. Kaya nag-aatubili siyang tangggapin ang mga bigay ni Jared. Siguradong magtatanong ang mga kapatid niya. "Hindi nagkakaubusan ng sapatos sa Pilipinas. Ng naka-sale na sapatos sa Pilipinas, oo." Matalim niyang tiningnan si Sannie. "Bayaran mo 'yan."
"Nag-sale pala no'ng nakaraan? Sayang, hindi ko agad nalaman," sabi naman ni Sanya. Mahilig kasing bumili ng plain shoes ang kapatid niya para pinturahan. "Sabihan mo nga ako sa susunod. Ang daya mo rin, e."
"Oo, sa susunod," pasakalye naman niya. Nag-iwas siya ng tingin at uminom ng kape.
"Aalis na 'ko. Mala-late na 'ko," paalam naman ni Sannie.
"HOY, Sonja."
"Hoy ka rin." Ibinigay ni Sonja ang resibo at sukli ng customer na nag-take out ng order. Sa isang sulok ng mga mata niya ay nakita niya ang pagsandal ni Sanya sa counter. "Thank you, enjoy," nakangiting sabi niya sa babae.
Tinanguan naman siya nito bago tumalikod.
"Magtapat ka nga sa 'kin."
Nang tingnan niya ang kapatid ay nakapaningkit ito at nakakrus ang mga braso sa tapat ng dibdib nito.
"Usap tayo." Hinawakan siya nito sa braso at tiningnan ang barista na si Nate. "Ikaw muna ang bahala rito. Mag-uusap lang kami."
Hindi makapaniwalang napatitig si Sonja sa kapatid. Wala na siyang nagawa nang hilahin siya nito papunta sa display nila ng mga vase.
"May boyfriend ka, 'no?" tanong ni Sanya.
Pinanlakihan niya ito ng mga mata.
"B-boyfriend ka diyan." Ano ang alam ni Ate Sanya? May nakita kaya ito? "A-ano'ng sinasabi mo?"
"Nakita kitang bumaba sa isang kotse noong nakaraan. Tatanungin dapat kita, nawala lang sa isip ko. Sino 'yon? Boyfriend mo 'yon, 'no? Sa kanya ba 'yong kotse? Ano ang trabaho n'on? Ilang taon na? Huwag mong sabihing customer 'yon sa hotel na kinakantahan mo at kursunada ka. Huwag ko lang talagang malalaman na sumasama ka sa may-asawa at babalatan kita nang buhay."
"Ate..." hindi makapaniwalang sambit niya. "Okay ka lang?"
Idinuro pa siya nito kaya napaatras siya. "Huwag kang magsisinungaling."
Pinalis niya ang kamay ng kapatid.
"Masama ba kung magka-boyfriend ako?"
"So meron nga? E bakit hindi mo pinapakilala sa 'min?" Nakataas pa ang isang kilay nito.
Alam niyang kapag nakaganoon na si Sanya ay bawal siyang magsinungaling.
"Bago ka pa man mag-isip ng kung ano-ano, masyado akong maganda para pumatol sa mga kapraningan mo. Relax ka lang." Wala naman na kasing asawa si Jared. Anak, meron. "Kaibigan ko lang 'yong naghatid dito noong nakaraan." Kaibigan with benefits. "At hindi ko siya boyfriend kasi nga magkaibigan lang kami. Hindi pa niya sinasabi kung gusto niya 'kong maging girlfriend."
"So wala siyang balak na manligaw nang pormal?"
"Para saan pa?" May nangyayari naman na sa 'min. Hindi niya napigilang mapasimangot sa naisip.
"Ano'ng 'para saan pa'?" untag ni Sanya.
Natauhan naman si Sonja.
"A-ang ibig kong sabihin, para saan ang pagmamadali na manligaw, Ate? Hindi ba dapat ikaw ang mag-double time sa paghahanap ng boyfriend dahil treinta ka na?"
Natigilan si Sanya. Napangisi si Sonja. Mukhang nailipat niya nang walang kahirap-hirap ang spotlight sa kapatid.
"I'm single and blessed, okay?" defensive na sagot ni Sanya.
"Paano naman ang s*x life mo?"
Inirapan siya ni Sanya.
"Pinapakialaman ko ba ang s*x life mo?"
Bumungisngis naman si Sonja.
"Huwag mong sayangin ang oras mo sa lalaking wala kang balak seryosohin, Sonja," seryosong sabi ni Sanya.
Sumeryoso naman siya.
"Alam ko naman 'yon."
"So what's his name?"
Iningusan niya ang kapatid. Sasagot na sana siya nang tawagin ni Nate ang pangalan niya.
"May naghahanap po sa inyo."
Nagtatakang nagkatinginan sila ng kapatid niya. Pinuntahan nila ang sinasabi ni Nate na naghahanap sa kanya.
"Sino ho sila?" tanong niya sa dalawang lalaking nakauniporme na merong logo ng Yap-Silverio Food Corp. "Omigosh." May dalang malalaking grocery bags ang mga ito at punong-puno ng laman. Isang buwang supplies na yata nila kung ano man ang laman ng mga bag!
"Miss Sonja Sta. Maria? Para ho sa inyo. Sabi ni Mr. Yap, siguraduhin daw namin na kayo mismo ang tatanggap ng mga 'to."
Natameme siya. Napatingin sa kanya si Sanya, nagtatanong ang mga mata. Alanganin siyang ngumiti. Paanong pagpapaliwanag ang gagawin niya?
"Mr. Yap?" tanong ni Sanya. "Sinong Mr. Yap?"
"Ang boss po namin. Kaibigan daw po niya si Miss Sonja," sagot ng isa.
"Kaibigan..." malakas na ulit ni Sanya habang kay Sonja nakatingin. "Dito ho tayo..." Iminuwestra ni Sanya ang daan papunta sa opisina. "Nakakahiya naman, nag-abala pa kayo."
"A-Ate..." nag-aalangang ani Sonja.
"Mag-uusap ulit tayo, Sonja." Makahulugan ang ngiti sa kanya ng kapatid bago ito tumalikod.
Natampal na lang ni Sonja ang noo.
Ano'ng gustong mangyari ni Jared?