Pagdating ni Sussy sa loob ng bar ay agad niyang inilinga ang kanyang paningin upang hanapin si Cleo at napatigil siya sa paghakbang nang mahagip ng kan'yang paningin ang dalaga. Nakikipagtawanan ito sa isang lalaking noon lang niya nakita at panay pa ang hampas nito sa braso nito. Mukha itong lasing na. Seryoso talaga ito kanina nang yayain siyang maglasing. Naiiling na humakbang siya palapit sa kinaroroonan nito. "Cleo," pukaw niya sa kaibigan. "O, Sussy, nandito ka!" wika ni Cleo na tila nagtataka pa dahil nasa harapan siya nito. "Hindi ba, sinabi ko na pupuntahan kita dito. Bakit ka naglalasing?" tanong ni Sussy na hindi alintana ang lalaking nasa kalapit ni Cleo at kausap nito kanina. "Hindi naman ako naglalasing, nag-e-enjoy lang," nakangiting tugon ni Cleo sa tanong ni Sussy.

