PAKEMBOT KEMBOT si Lucy habang hinahalo niya ang nilulutong tinola. Saka tinikman ang sabaw nito. "Tama na siguro ang lasa," bulalas niya.
"Wow! Sa niluluto pala ni Lucy ang naamoy ko kanina pa."
Bigla siyang napatingin sa kanyang likuran. Napangiti siya. Nang makitang pumapasok sa kusina sina Maritess at Manang Gina.
"Parang mukhang mas magaling pa itong si Lucy magluto sa 'yo, Maritess. Hindi ka na kailangan dito sa bahay. Dahil may papalit na sa puwesto mo bilang taga-luto. Kayo na lamang ni Toyang ang maglinis sa buong mansyon," nangingiting tudyo ni Manang Gina.
Napasimangot si Maritess.
"Hindi, Maritess. Masarap ka ring magluto. Ang niluluto ko ay para kay Sir Raleigh. Dahil nirequest niya kaninang umaga," agap na bawi ni Lucy. Nang makita ang pagbabago ng reaksiyon ni Maritess.
"Si Sir Raleigh, nagpaluto sa 'yo? Himala..." Kita ang pagtataka sa mukha ni Manang Gina.
"Opo, Manang," maikling sagot ni Lucy.
"Mukha ngang may papalit na sa akin. Hindi na ako kailangan ni Sir Raleigh para paglutuuan siya ng masarap na pagkain. Sayang hindi ko na makikita ang gwapong mukha niya. Nakakakilig kapag pinupuri niya ako," parang linta na nagkanda-liyad si Maritess sa sobrang kilig.
Pinipigilan ni Lucy ang malakas na tawa. Baka kasi sumimangot na naman ito.
"Magtigil ka nga, Maritess. Ang harot mo! Marinig ka ni ma'am. Sige ka," babala ni Manang Gina.
Napairap si Maritess. "Matapobre din kasi iyang si ma'am. Kaya mag-iingat ka, Lucy."
Naging palaisipan sa kanya ang sinabi ni Maritess. Sandali silang tatlo na natahimik.
"Oh siya, tama na 'yan." Saway ni Manang Gina. Saka siya binalingan nito. "Kung tapos ka na, Lucy. Dalhin mo na kay Sir Raleigh ang pagkain niya."
Tinulungan siya ni Maritess na ihanda ang mga pagkain sa tray. Saka nang matapos ay nagpaalam na siya sa dalawang kasamahan.
Tangan niya ang tray paakyat sa hagdan. Kabado siya na baka hindi magustuhan ng amo ang lasa ng niluto niyang tinola.
Pinihit niya ang pinto pabukas. Pumasok siya sa loob ng kuwarto. Wala doon ang amo niya.
Maingat niyang isinarado ang pinto. Saka inilapag ang tray sa lamesita. Kinuha niya ang isa pang maliit na table at inilagay iyon malapit sa bintana. Itinali ang kurtina at binuksan ang bintana. Umamoy siya ng sariwang hangin mula sa labas. Muli niyang binalikan ang tray at inilapag na lamesa. Kinuha niya din ang vase na may sariwang bulaklak na nasa maliit na divider.
Napabuga siya ng hangin. Nang matapos niyang iset ang lahat. Umatras pa siya nang kaunti para mapagmasdan mabuti ang lamesa. Nang masipat na nasa maayos na ang lahat. Inilinga niya ang tingin sa buong silid. Saka napagpasyahan niyang tumungo sa library nito. Malamang na nagtatrabaho ang binata.
"Sir, kakain na po... Naihanda ko na po ang lunch niyo." Nakadungaw niyang tawag sa amo. Nakita niyang seryoso ito na nakaharap sa laptop niya. Pumasok na lamang siya saka nilapitan ang amo. "Nakahanda na po ang lunch niyo, sir."
INALIS ni Raleigh ang salaming niya sa mata. Saka umangat ang tingin kay Lucy. Masigla at maaliwalas ang mukha nito.
"Susunod na lang ako. May tatapusin pa akong trabaho," saka muling isinuot ang salamin sa mata. At natuon ang tingin sa laptop.
"Lalamig po ang sabaw. Hindi na din po masarap ang tinola kapag malamig na."
Napabuga ng hangin si Raleigh. Inis siyang tumunghay kay Lucy. "Hindi pa ako gutom. Puwede bang umalis ka na."
"Sorry po," nabibiglang wika ni Lucy. Nakayukong tumalikod ito sa kanya.
Napabuntonghininga si Raleigh.
"Alright. Kakain na ako," saad niya.
Mabilis na humarap sa kanya si Lucy. May malawak na ngiti ito sa labi. "Hintayin ko na lang po kayo doon sa labas." Nagmamadali na lumabas ang dalaga sa library.
Nakangiting napailing si Raleigh. Pinihit niya ang wheelchair. Saka sumunod ding lumabas kay Lucy sa library.
Nadatnan niya ang dalaga na inaayos ang kama niya. Nakapagpalit na ito agad ng bed sheets at pillow case. "Ikaw ang gumawa nito lahat?" Turo niya sa lamesa. May vase at bulaklak din doon.
"Opo. Ipinagluto ko po kayo ng tinolang manok. Kumain po kayo ng marami. Pupunta po ako sa laundry room para maglaba ng mga damit at bed sheet niyo," magiliw na sagot nito. Yakap ang mga lalabhan.
"Kumain ka muna bago ka maglaba. 'Wag mong gutumin ang sarili mo. Habang nagtatrabaho. Mahirap nang magkasakit ka." Wala sa loob na nasabi niya kay Lucy. Pero ang mata niya ay nakatuon pa din, sa nakakatakam na pagkain sa kanyang harapan.
Napaangat siya ng tingin kay Lucy. Dahil tila wala siyang narinig na sagot mula sa dalaga. Natigilan siya. Nang makitang nakatulala lang itong nakatingin sa kanya. Pinandilatan niya ito ng mata.
Doon napakurap-kurap ng kanyang mga mata si Lucy. "Sorry po. Sige po, alis na ako."
Tango lang ang naging sagot ni Raleigh kay Lucy. Saka sinimulang kumain.
TANGAN ni Lucy ang kamay ni Linden. Pauwi na sila sa bahay ng mga Sable.
"Dalian natin, anak. Hindi pa tapos ang trabaho ni nanay," nagmamadali siyang hila ang anak papunta sa sasakyan.
Kasama niyang sumundo sa anak ang driver ng mga Sable. Tatanggi pa sana siya. Pero masasayang lang ang anomang sasabihin niya. Dahil hindi naman siya mananalo.
"'Nay, puwede naman pong ipasundo niyo na lang ako kay Kuya Nolan. May trabaho pa kayo at kung susunduin niyo ako. Maabala ko po kayo," sabi ni Linden sa kanya.
Napahinto si Lucy. Saka binalingan ang anak niya. Yumuko at mabining hinaplos ang pisngi ni Linden. "Never kang naging abala kay nanay. Trabaho ko pa din ang sigurauhing ligtas kang makakauwi sa bahay. Saka responsibilidad ko bilang isang ina, ang mga ginagawa kong ito sa 'yo. Kaya 'wag mong isipin na abala ka."
Nakangiting magkasunod na tumango si Linden sa kanya. Saka muli niyang hinawakan ang kamay ng anak. At nagpatuloy sila papunta sa kotse na pagmamay-ari ng amo.
"Magandang hapon po, Kuya Nolan," masiglang bati ni Linden. Nang makapasok sila sa loob ng kotse.
Sumulyap sa rearview mirror si Nolan. "Magandang hapon din sa iyo, Linden. Kumusta ang pag-aaral mo?"
"Okay naman po," magalang nitong sagot.
Ginulo ni Lucy ang buhok ng anak. Habang nangingiti sa naririnig ang usapan nila ni Nolan.
Si Nolan ay bagong driver ng mga Sable. Nagbakasyon si Manong George sa probinsiya. Ang matagal nang taga-maneho ng pamilya. Naghanap sila ng pansamantalang papalit sa dating taga-maneho.
Sa tantiya niya, nasa trenta anyos na ang binata. Hindi nalalayo sa edad ng kanyang among binata.
"Tayo na, Nolan. Baka naghihintay na si sir sa akin," singit na sabat ni Lucy.
Umayon si Nolan at ini-start ang makina. Saka pinaandar. Napansin niya ang palihim na sulyap ni Nolan sa kanya. Ramdam niyang may gusto itong sabihin.
"May sasabihin ka ba, Nolan?" Hindi na siya nakatiis na itanong ito sa binata.
Napakamot ito ng kanyang ulo. "Nakakahiya, Lucy."
Nagpapalit-palit ng tingin ang anak niya sa kanya at sa driver. "Ano po iyon, 'nay?"
Bumaba ang tingin ni Lucy kay Linden. "Kapag nag-uusap ang matatanda. Dapat hindi ka nakikisabat, anak. Tandaan mo, ha." Nilambingan niya ang boses na pinangaralan ang anak niya.
"Hanga ako sa 'yo, Lucy. Ang katulad mo na may anak. Pero walang asawa ay nakakabilib," seryosong turan ni Nolan. Habang ang mata ay nasa daan.
"Salamat po, kuya."
Natawa ng mahina si Nolan. "Nolan na lang, Lucy. Nakakahiya naman na kuya ang itawag mo sa akin." Napapakamot ng ulo na pagtatama nito.
"Sige, N-Nolan."
Napasulyap siya sa anak. Ngumiti lang ito sa kanya.
NANG makarating sila sa bahay ng mga Sable. Nauna ng lumabas ng kotse si Lucy. Saka inlalayan ang anak sa paglabas.
Mabilis na lumapit sa kanila ang driver. "Ako na ang magdadala ng bag ni Linden. Mukhang mabigat at pansin kong hirap ka."
"Naku, 'wag na. Kaya ko na. Saka walang masyadong laman ang bag ni Linden," mariing tanggi ni Lucy.
"Lucy, pumasok ka na sa loob. Tumawag sa akin si amo. Pinapupunta ka na sa kuwarto niya." Sabay silang napalingon ni Nolan kay manong guard.
"Okay po, manong." Binalingan niya si Nolan. "Papasok na kami sa loob, Nolan." Hindi na ito nakaimik. Saka parang napipilitan na tumango si Nolan sa kanya.
PUMASOK na ang mag-ina. Habang nakatanaw pa din si Nolan sa dalawa.
"Huwag mo ng pag-interesan 'yan, Nolan. Para kang bumangga sa pader kapag pinakialaman mo si Lucy," tila pasaring na sabi ni Edgar. Ang guwardiyang nagbabantay sa gate.
Napabaling siya sa guwardiya. Hindi nagustuhan ni Nolan ang narinig. "Bakit, Mang Edgar? Anong problema kung ligawan ko si Lucy? Single naman siya at single ako. May trabaho ako at malaki ang kita. Kaya kong buhayin silang mag-ina."
Tumaas ang sulok ng labi ni Mang Edgar. "Wala ka pang alam. Bago ka palang dito. At hindi ka marunong sumunod. Gusto mo sigurong mawalan ng trabaho? Sinasabi ko sayo, tigilan mo si Lucy. Hindi mo alam ang mangyayari sa 'yo. Kapag itinuloy mo ang balak mo, Nolan." Pananakot nito.
"Ewan ko sa 'yo, matanda ka. Masyado kang maraming sinasabi. At wala akong pakialam sa mga sinasabi mo. Gusto ko siya. Buo na ang desisyon kong ligawan si Lucy. Basta ang nakikita ko, bagay kaming dalawa. Kita mo naman sa mukha," mayabang na ani niya.
"Gwapo ako. At sobrang ganda ni Lucy," dugtong pa niya.
Napapailing ng ulo si Edgar. "Ikaw nga ay magkape para kilabutan ka sa sinasabi mo," anito.
Umalis siya sa guard house dahil sa pagkainis kay Mang Edgar.
"ANAK, magbihis ka na. Ikukuha kita ng meryenda mo. Pupuntahan ko pa si sir sa itaas," utos ni Lucy. Pagkapasok nila sa loob ng kuwarto.
"Iwan mo na po ako, 'nay. Kaya ko na po ang sarili ko."
Napaismid si Lucy. Hindi siya makapaniwalang nanggaling iyon sa bibig ng kanyang limang taong gulang na anak. Saka niya nilapitan si Linden at pinantayan ito para mayakap ng mahigpit.
"Ang bilis-bilis naman. Malaki na talaga ang anak ko. Hindi ko namamalayang nagkaka-isip ka na," sabi niya habang naiiyak na iniharap ang anak sa kanya.
"'Nay, naman. 'Wag na po kayong umiyak." Pinunasan ni Linden ang mga luha niya. "Kunin niyo na po ang meryenda ko. Saka 'wag niyo po ako magyadong isipin. Andito lamang po ako sa kuwarto natin. Gagawin ko po ang mga assignments ko."
Pinisil ni Lucy ang ilong ni Linden. "Opo. I love you, anak."
Ngumiti sa kanya ang anak. "Mahal ko din po kayo, 'nay."
Ginulo ni Lucy ang buhok ni Linden. Saka lumabas ng kuwarto nila. Pupunta muna siya ng kusina para tingnan kung anong puwedeng meryenda ng anak.
Napaatras siya nang makita sa kusina si Mrs. Antonette. Napayuko siya ng ulo. Nang humarap sa kanya ang ina ng amo.
"Magandang hapon po," bati niya dito.
"Bakit andito ka sa kusina? Di ba, dapat nasa taas ka para bantayan ang bunso ko?" sunod-sunod na mga tanong nito.
Napaangat siya ng tingin. Nakataas ang kilay ni Mrs. Antonette na nakapameywang.
"Kukuha lang po ako ng meryenda para sa anak ko," tila nahihiyang sagot niya.
Nagsalubong ang kilay nito. "Pati ba ang kakainin ng anak mo ay dito mo kukunin sa kusina ko? Wala ka bang puwedeng pag-iwan diyan sa anak mong hindi ko alam kung sino ang ama?"
Nangilid ang luha ni Lucy. Mas gugustuhin niyang marinig na hinahamak siya kesa ang anak niya. "Pasensiya na po, ma'am. Pero 'wag niyo pong idamay ang anak ko dito. Kung may galit po kayo sa akin. Ako na lang po ang pagsalitaan niyo ng masama."
"Oo! Galit ako sa 'yo! Dahil aakitin mo ang anak ko para ipaako, ang anak mo sa ibang lalaki!"
Tumulo na ang luha ni Lucy. "Sobra naman po kayo. Hindi po ako malanding babae katulad ng iniisip niyo. Kung nagkaanak man po ako sa murang edad. At hindi po na panagunatan ng ama ni Linden. 'Wag niyo po akong husgahan, pati ang anak ko. Pagsalitaan niyo ng hindi maganda." Hindi niya naiwasan na hindi sagutin ang amo.
Anak na niya ang pinag-uusapan. Hangga't buhay siya, walang ibang puwedeng manghamak kay Linden. Kahit pa sabihin na sila ang nagpapasweldo sa kanya. Wala pa din silang karapatang husgahan siya. At isali pa ang anak niya sa pagkakamali niya.
Napatiim ng bagang ang matandang babae. "Hindi kita hinuhusgahan! Ang sinasabi ko lang, 'wag kang masyadong dumikit sa anak ko, Lucy! Ayoko na mapunta lang ang bunso ko sa isang katulad mong dalagang ina..." Binangga nito ang balikat ni Lucy at umalis nang kusina.
Napahawak si Lucy sa lamesa. Panay pa din ang pagbagsakan ng mga luha niya. Nanghihina siyang marinig ang masasakit na salitang iyon. Wala naman silang alam sa tunay niyang pagkatao. Bakit ganoon na lang sila manghusga sa kagaya niya?
Mabilis niyang pinunasan ang mga luha sa mata. Baka naghihintay na si Linden sa kanya. Pati na din ang amo niya.
Huminga siya nang malalim.
Umakto siyang parang walang nangyari sa pagitan nila ni Mrs. Antonette. Pumunta siya ng fridge. Binuksan at kinuha ang juice sa loob. Maingat na ibinaba sa kitchen counter saka kumuha ng dalawang baso. Sinalinan ang dalawang baso. Pagkatapos ay kumuha ng tinapay at palaman. Gagawan na din niya ng meryenda ang amo. Nang matapos ay inilagay niya sa tray ang mga iyon sa tray.
Aalisin niya sa kanya ang masasakit na narinig niya, mula sa ina ng binatang amo. Alam niya sa sarili kung ano at sino siya sa binatang amo.