Monica’s Point Of View
HAPONG-HAPO ako nang makalabas ako sa isang room matapos kong mag-take ng exam. Nanginginig pa ’yong mga kamay ko nang ipasa ko ang test paper doon sa babae. Naroon sa puso ko ’yong kaba, takot at hindi kasiguraduhan kung tama ba ang isinagot ko sa exam na iyon o hindi. Sana naman makapasa ako.
“Maghintay na lang po kayo ng dalawang linggo para sa resulta. Ipo-post po naman ito sa Social Media. Salamat.” Ito na lamang ang sinabi no’ng babaeng nagbabantay sa mga kumuha ng exam sa akin matapos kong ibigay ang papel sa kanya.
Tumango lang ako at wala ng ibang ibinukang-bibig pa. Lumabas ako ng room at hinintay si John dahil hindi pa tapos ang kumag na iyon. No’ng tingnan ko siya bago ako makalabas, nakita ko pa kung paano siya nalilito sa exam na sinasagutan niya. Mukhang nahihirapan yata sa exam ang mokong na iyon kasi kitang-kita ko sa mukha niya ang pagkadismaya habang sinasagutan ang papel. ’Yon ang kinatatakot ko kasi baka hindi siya makapasa.
Paano na lang kaya ako? Sobrang nahirapan din ako kanina. Medyo nakakalimutan ko na rin ’yong mga pinag-aralan ko noong high school pa ako. Kadalasan kasi sa mga lumabas sa exam ay tungkol doon.
Hinayaan ko na lang ang sarili ko na hintayin siya doon sa labas. Umupo lang ako sa mga nakahilerang mono block chair at nakakaramdam ako ng pagkabagot mga ilang minuto ang nakalilipas habang naghihintay kay John.
Nawala lang iyon nang biglang nagsilabasan ang mga employee ng munisipyo dahil may biglang dumating na isang magarang kotse.
Napatingin naman ako sa gawi roon para maki-isyoso. Wala naman din kasi akong ginagawa kaya iyon na lang ang inatupag ko.
Doon lang napako ang tingin ko nang may bumaba sa magarang itim na sasakyan na isang payat at maputing babae. Alam kong may ka-edaran na rin ang mayamang babaeng iyon pero para sa akin, mukha siyang bata tingnan dahil na rin sa suot nitong black and white corporate attire. Matangos din ang ilong nito, nakadadagdag din sa kagandahan ng mayamang babae ang bob cut style ng itim na buhok nito.
Hindi ko nga lang makita ang mata niya dahil nakasuot siya ng sun glass habang papalakad siya papasok ng munisipyo kasama ang dalawang bodyguards na laging nakabantay sa gilid niya.
Unang impression ko sa babaeng iyon ay masasabi kong matapobre siya. Pero sino ba naman kasi ako kung makapang-judge sa isang mayamang tao, ’di ba? Baka naman mabait ’yong babae na iyon. Inunahan ko lang sa panghuhusga.
Mayamaya pa ay nakita ko na nakikipagkamay na ito sa mayor ng San Pascual—si Mayor Alberto Hernandez Jr. Pagkatapos ay sabay silang pumasok sa loob ng munisipyo. Hanggang sa tuluyan na ngang nawala sila sa paningin ko. Hindi pa rin nawawala sa isipan ko ’yong mayamang babae kasi iniisip ko talaga ’yong estado ng buhay na meron siya.
Oo, iyon ang mas iniisip ko. Mas tumatak sa utak ko kung ano kaya ang feeling kapag mayaman ka? Ano kaya ang pakiramdam kung nakahiga ka sa banig na gawa sa pera? Minsan kasi hindi ko maiwasan na maingit sa mga mayayamang tao katulad no’ng babaeng nakita ko lang kanina. Kung titingnan kasi ay parang wala na silang problema pagdating sa pera. Ngunit sabi ko nga kanina, sino ba naman akong tao para manghusga.
Pinapanalangin ko talaga na sana magbunga itong pagpupursige ko sa buhay. Para matulungan ko na sina Nanay at Tatay. Hindi ko tuloy maiwasan na mapabuntong-hininga sa kinauupuan ko. Kailan kaya magiging maginhawa ang buhay ko katulad no’ng mayamang babae na nakita ko lang kanina? Imposible ba talagang mangyari iyon sa akin?
Heto na naman ako! Nangangarap na naman ako ng gising!
Naputol lang ang pag-iisip ko roon nang biglang may nagsalita sa likuran ko. Paglingon ko ay nakita ko ang walang karea-reaksyong mukha ni John. Mukhang napagod yata ang isang ’to sa pagsagot doon sa exam kanina kaya, heto, parang walang gana na nakatayo siya sa harapan ko ngayon.
“Kanina ka pa d’yan?” tanong ko sa kanya.
“Hindi naman. Sino tinitingnan mo?” tanong naman niya sa akin. Itinuon pa niya ang tingin doon banda sa tinitingnan ko kanina.
Binigyang-lingon ko muna ’yong lugar kung saan ko nakita iyong mayamang babae. Dahil nakapasok na rin ito sa loob ng munisipyo, muli akong humarap kay John na nananatiling walang karea-reaksyon ang mukha nito.
“Wala. Mukhang may bisita si Mayor ngayon,” sagot ko na lang para matapos na ang pag-uusap naming dalawa. “Siya nga pala, kumusta naman ang exam, ah? Mukha ka kasing nahihirapan kanina no’ng tingnan kita.”
“Hindi ba obvious? Mukha ngang hindi ako makakapasa ro’n, eh. Bakit mo ba kasi akong sinama-sama rito, eh, alam mo namang hindi ako matalino.”
Napangiwi ako dahil sa sinabi niya. Ayan na naman siya! Pinanliliitan na naman niya ang sarili niya. Lagi siyang ganyan sa tuwing may mga araw na nadi-disappoint siya sa kanyang sarili. Lagi ko siyang binibigyan ng lakas ng loob pero siya itong nega kung makapag-isip.
“Ano ka ba!? Makakapasa ka roon. Manalig ka lang.”
“Nasasabi mo lang iyan dahil matalino ka. Hindi sa naiinggit ako sa iyo pero dapat hindi mo na ako kinuyog na mag-exam para sa scholarship na iyan. Sayang lang ang oras ko.”
Medyo na-disappoint na rin ako sa sinabi niyang iyon. Pero hindi ko siya pinakitaan ng sama ng loob kasi alam ko na nadadala lang siya sa emosyon niya. Minsan kasi ang drama-drama ng kaibigan kong ’to.
“Makakapasa ka nga diyan, maniwala ka sa akin. Ako nga, hindi ko na rin alam ang sinasagot ko kanina, pero nananalig pa rin ako na makakapasa ako. Think positive lang, ano ka ba!”
Wala na lang din siyang ibang ibinukang-bibig kundi ngumiwi na lang at saka siya napakamot sa likuran ng kanyang ulo.
“Saan na nga pala tayo pupunta pagkatapos nito?” tanong ni John sa akin na mukhang naiinip na.
“Kumain na lang muna tayo ng pananghalian. Alas dose na rin kasi ng tanghali, eh.”
“Wala akong pera.”
“Ako na bahala sa iyo,” iyon na lang ang sinabi ko kasi alam ko naman talaga na wala siyang pera ngayon. Kaya ako na ang bahala sa pagkain niya.
Mabilis ko na siyang hinawakan sa kamay at malakas na hinila upang makaalis na kami sa kinatatayuan naming dalawa. Nakangiti ako habang hinihila siya kasi mas lalo pa niyang pinabibigat ang katawan niya para mahila ko pa talaga siya ng todo.
“Ang bigat mo! Bilisan mo diyan! ’Wag mong subukan na hilain kita!” saway ko pa sa kanya kasi para kasi siyang wala sa mood kung makapaglakad. Pilit na hinihila ko talaga para makaalis na kami sa lugar na iyon. Hindi pa rin naaalis sa labi ko ang kasiyahan dahil masaya ako na kasama ko siya. Walang issue ito para sa akin dahil araw-araw ko naman siyang kasama palagi. At kapag kasama ko siya, masaya talaga ako. Siyempre, kasama ko ang kababata ko ngayon, eh. Ano’ng mali roon?
Wala akong narinig na salita mula kay John. Nagpatuloy lang ako sa paghila sa kanya. Mayamaya, huminto ako sa paglalakad at saka hinarap siya. Patalikod akong naglalakad habang harapang kinakausap siya. Nakakapit pa rin ang kamay ko sa kamay niya.
“Ba’t ba ang tamlay-tamlay mo d’yan? Bilis na at nagugutom na ako!” sabi ko pa sa kanya.
Saktong paglingon ko sa likuran ko upang tingnan ang dadaanan ay biglang may nasapid akong tao na hindi ko naman namamalayan at sinasadya kasi hindi ko siya nakita.
Okay lang sana kung walang dala-dalang gamit ’yong babaeng nakabangga ko. Pero ang malas ko! Sa lahat ba naman ng gamit na dadalhin niya ay ’yong mainit pa na kape ang hawak-hawak niya sa kamay, dahilan upang matapon iyon sa corporate attire na suot niya.
Teka!? Corporate attire!?
Nang tingnan ko kung sino ’yong nakabangga ko, laking-gulat ko nang makita ang mukha no’ng mayamang babae na nakita ko lang kanina.
Natapunan ko pa siya ng mainip na kape doon sa suot niyang corporate attire na damit. Biglang nagsilapitan ’yong dalawang bodyguard niya sa akin na para bang ang laki-laki ng kasalanan ko.
Nagsilabasan na rin ang ibang tao sa loob ng munisipyo. Marami na rin ang nakiki-isyoso sa nangyayari. Bigla tuloy akong natakot nang tingnan ko ’yong hitsura no’ng mayamang babae. Natatakot ako na baka pagalitan o bulyawan niya ako rito sa labas. Nakakahiya iyon!
Napansin ko na humarang si John sa harapan ko upang protektahan ako doon sa dalawang bodyguards na papalapit na sa akin.
Pero nang magsalita ’yong mayamang babae, hindi na tuluyan pang lumapit sa akin iyong dalawang dambuhalang bodyguards niya.
“No. It’s okay,” sabi pa no’ng babae sa mga bodyguards niya upang pigilan ang mga ito na lumapit sa akin.
Umalis ako sa likuran ni John at dali-daling kinausap ’yong babae para humingi ng tawad. “Sorry po, Ma’am. Hindi ko po sinasadya,” naiiyak ako habang nakatiklop ang dalawang kamay ko sa kanya. Nakatutok lang ako roon sa damit niya na may bahid ng mantsa ng kape.
Ini-expect ko na sisigawan niya ako. Subalit laking gulat ko no’ng bigla siyang ngumiti na parang walang nangyari. “No. Its okay, Hija. You don’t have to give an apology. It was an accident,” sabi niya sa akin habang nakasilay sa labi niya ang ngiti.
Gulat na gulat pa rin ako sa sinabi ng mayamang babaeng iyon. Akala ko kasi masungit siya. Iyon pala, eh, mabait naman pala si ma’am. Tama nga talaga ako. Dapat hindi ako nanghuhusga ng tao.
Magsasalita na sana ako nang biglang sumali sa usapan ang Mayor ng San Pascual na si Mayor Alberto Hernandez Jr.
“I’m sorry sa nangyari, Mrs. Fuentabella. Don’t worry. Kami na ang kakausap sa mga ito,” pagpapahingi pa ng paumanhin ni Mayor doon sa babae. Pagkatapos ay tumingin pa siya sa aming dalawa ni John na may kasamang pangbubulasok ng dalawang mata.
“No. I’m okay. You don’t have to. Kailangan ko na rin umalis para makapagpalit na ako,” tugon no’ng mayamang babae kay Mayor Alberto. Sobrang nananatiling maganda ang ngiti nito.
Bago siya umalis, muli siyang tumingin sa akin. Naibaling din niya ang tingin kay John bago siya nagsalita. “Hija, next time, be careful. Okay?”
Mabilis akong tumango sa sinabi niya. “Opo. Opo. Pasensya na po talaga. Hindi ko po sinasadya.”
“Sige. Mauuna na ako. Mayor Alberto, aalis na ako. Thank you for the warm welcome, lalo na sa update kanina.”
“Yes, Mrs. Fuentabella. Wala pong anuman. Nakakahiya dahil naisipan niyo pa pong lumuwas dito sa San Pascual upang humingi ng update sa isinasagawa nating project.”
“It’s okay,” ganoon pa rin ang sagot no’ng babae kay Mayor. “Gusto ko rin naman makita ang progress kaya ako pumunta rito. Alis na ako,” dagdag pa niya bago ito muling nagpaalam.
Nang makaalis na ang mayamang babae kasama ang dalawang bodyguards niya, doon na tuluyang binulyawan ako ni Mayor Alberto dahil sa nagawa kong kasalanan.
“Nakakahiya ang ginawa mo, Hija! Next time, tumingin ka sa dinadaanan mo dahil hindi mo kilala kung sino ’yong binangga mo kanina. Isa iyon sa pinakamayamang babae rito sa Pilipinas. At malaking tulong ang ambag niya rito sa ating bayan. Kaya mag-iingat ka sa susunod.”
“Eh, aksidente lang naman po ang—”
Pinutol ko ang sasabihin ni John dahil ayoko ng pahabain pa ang usapan. “Pasensya na po, Mayor. Hindi na po mauulit. Mag-iingat na po ako. Sorry po.”
Mabuti na lang hindi na kami pinatagal doon kaya mabilis na kaming umalis sa munisipyo nang paalisin na kami ni Mayor Alberto.
Habang naglalakad kami ni John papunta roon sa lugar kung saan niya pinarada ang kanyang motor, walang tigil ang bunganga niya kakasalita, na kung bakit hindi ko raw sinabi na aksidente lang ang nangyari.
Hindi na lang ako nagsalita kay John. Medyo nawala na rin ang mood ko kaya napag-isipan na lang namin na umuwi at doon na lang sa bahay mananghalian.
Lulan sa motor na sinasakyan ko, hindi naman mawala-wala sa isip ko ’yong mayamang babae kanina. Ang bait naman niya. Sana magkita ulit kami balang-araw, nasabi ko na lang sa aking sarili.