Monica’s Point of View
“NAY, ako na po bahalang maglinis dito. Pahinga na po kayo,” sambit ko na lang kay Nanay Rosa nang matapos na kaming kumain ng hapunan. Wala naman din kasi akong magagawa dahil tumakbo na si Nicole papunta sa itaas matapos nitong kumain. Ayaw kasi no’ng kapatid ko na siya ang manghugas ng pinggan tuwing gabi.
“Sige. ’Di kita pipilitin. Kailangan ko na rin magpahinga dahil maaga pa ako bukas sa palengke,” tugon pa ni Nanay sa akin.
“Sasama nga po pala ako bukas, ’Nay. Tutulong pa rin po ako sa inyo,” sagot ko na lang habang abala ako sa pagpupunas ng mga natapong pagkain doon sa mesa.
“Hija, okay lang naman na magpahinga ka muna rito sa bahay. Tutal, wala namang trabaho ang tatay mo sa bukid bukas, siya muna ang sasama sa akin. Ilang araw ka ng walang pahinga. ’Tapos nagchu-tutor ka pa doon sa anak ng suki kong labada na si Gina tuwing Sabado. Baka mapaano ka niyan dahil sa pagod.”
“Nanay naman! Parang ’di pa po kayo nasanay sa akin. Sanay na po ako sa pagod. Okay lang po ako basta matulungan ko lang po kayo,” sagot ko pa habang pinagpapatong ko na ’yong platong pinaggamitan namin kanina upang mailagay na sa lababo.
“Naku! Kahit ipagpilitan mong sabihin sa akin na sanay ka na sa pagod, hindi pa rin ako papayag na sumama ka sa akin bukas. Ang bata-bata mo pa para magpagod. Magpahinga ka na muna rito sa bahay. Bantayan mo na lang ang kapatid mo bukas tutal wala naman din silang pasok dahil araw ng Linggo.”
Hindi ko na rin sinundan ng sagot si Nanay dahil alam kong matatalo lang ako. Basta kapag sinabi na niya ang gusto niyang mangyari, dapat gagawin ko iyon. Kaya tumango na lang ako at ngumiti sa kanya. Dumaretso ako sa lababo na malapit lang din naman sa kainan dahil maliit lang naman itong bahay namin.
Pumunta na lang si Nanay doon sa maliit na sala upang samahan si Tatay na abala sa panunuod ng balita sa maliit at malabo naming TV. Habang ako ay nagsimula nang maghugas ng mga pinagkainan namin.
“Monica, kumusta na nga pala ’yong exam mo kanina? Okay lang ba?” tanong naman ni Tatay sa akin mula roon sa sala.
“Okay naman po. Dalawang linggo pa po ang hihintayin namin para malaman ang resulta.”
Matapos niyon, hindi na nagtanong si Tatay sa akin. Hindi naman kasi siya ganoon palasalita katulad ni Nanay.
Wala pa sa ilang minuto matapos ang pag-uusap namin ni Tatay nang may bumusinang motor sa labas ng bahay. Kasabay niyon ang pagsigaw ng kapatid kong babae mula sa itaas. “Ate, nandiyan na naman ang boyprend mo!”
Napapikit ako dahil sa inis. Naiirita na talaga ako sa kapatid kong ’to! Sa tuwing naririnig niya ang busina ng motor ni John, lagi niya talagang sinisigaw na nandiyan na ang boyprend ko. Ipagsigawan talaga kahit nandiyan sina Nanay at Tatay!?
Tumingin ako sa kapatid ko doon banda sa hagdanan. Nakita ko siyang nakangiti ng nakakaloko. “Tumigil ka diyan!” halos pabulong kong saway kay Nicole. Pagkatapos ay tinawanan niya lang ako.
Tumigil muna ako sa paghuhugas ng pinggan at humarap sa sala. Saktong pagharap ko roon ay nahagip ko kaagad ang kababata kong si John na kakapasok lang sa bahay, suot-suot ang itim nitong helmet, jacket nitong kulay gray, at nakasuot pa ito ng face mask na itim. Napansin ko rin na may dala-dala rin itong isang supot ng plastic na hindi ko alam kung ano ang laman.
Naghubad ng helmet si John. Nakita niya ako at saka siya ngumiti sa akin no’ng kinawayan ko siya. Pagkatapos ay lumapit siya sa mga magulang ko upang magmano.
“Kaawaan ka, Hijo,” sabi ni Nanay nang magmano si John sa kanila.
“Hi, Kuya John!” sigaw pa ng kapatid kong si Nicole habang nasa hagdanan pa rin siya’t nakatingin sa sala. Kumukuti-kutitap ang mga mata nito nang tingnan niya ako. Shuta! Inaasar na naman ako ng batang ’to! Malalagot talaga ito sa akin mamaya!
“John, ikaw ba ay boypren na nitong anak ko?” Nagulat ako sa daretsahang tanong ni Tatay. Para akong nanlamig sa kinatatayuan ko nang mga oras na iyon.
“Ay ano po… ahm—”
“O baka naman nanliligaw ka pa? Wala namang problema kung ligawan mo itong anak ko. Nasa tamang edad na rin naman kayo. At may tiwala ako sa iyo,”
“’Tay!” saway ko na lang sa kanya kasi nakakahiya na, eh!
“Efren, ’wag ka ng gumawa ng isyu sa dalawang iyan dahil kahit ano’ng gawin mo ay magkaibigan lang ’yang dalawa,” sabat naman ni Nanay para sawayin na rin niya si Tatay.
“Ahm… tama po si Nanay Rosa. M-Magkaibigan lang po kami ni Monica, ’Tay Efren,” sagot naman din ni John. Sa pagkakataong ito, lumapit na ako sa kanya at iniabot naman niya ang supot na dala-dala niya. “Nagdala nga po pala ako ng lechon manok, ulam po para sa inyo.”
“Salamat, Hijo. Pero tapos na kaming kumain. Ikaw? Kumain ka na ba?”
Kagat-labing umiling si John bilang sagot. Sabi na nga ba!
“Monica, pakainin mo itong si John,” utos sa akin ni Nanay at saka ko naman kinuyugan si John na sumunod sa akin papunta sa kusina.
“Kuya John, dito ka ulit matutulog?” tanong naman ni Nicole sa kaibigan ko nang makapanhik kami sa kusina.
“Ahm… Oo, eh,” sagot niya sa kapatid ko bago siya tumingin muli ’kina Nanay at Tatay. “’Nay, ’Tay, dito po muna ako matutulog sa inyo, ah. Okay lang po?”
“Walang problema, Hijo. Welcome ka rito,” sagot na lang ni Nanay habang ang mata niya ay nakatutok sa palabas sa TV.
“Umakyat ka na Nicole!” utos ko na lang sa kapatid kong babae kasi kanina pa niya kaming pinagmamasdan dalawa ni John. Para siyang timang na nagde-daydream habang nakaupo siya sa hagdanan kanina.
“Ipaghahain muna kita,” nakangiti kong tugon kay John.
“Tulungan na kita.”
“’Wag na! Ano ka ba! Maupo ka na lang diyan at ako na ang bahala rito,” sabi ko na lang habang nakatalikod na ako sa kanya’t abala na sa pagsandok ng kanin sa isang plato. Nilagay ko na rin iyong dala niyang lechon manok sa isang mangkok at pinaghain ko na rin siya ng paksiw—ulam namin kanina.
“Saan ka ba galing at gabi ka na nakauwi?” tanong ko na lang nang ilapag ko sa mesa ang mga pagkaing hinanda ko.
“May trabaho kasi kami kanina sa construction. Pinapa-duty kami kaninang tanghali. Si Boss ’yong katawag ko kaninang umaga kaya medyo nagmamadali rin ako no’ng nasa bayan tayo.”
“Mabuti naman at nakapagtrabaho ka.”
“Kaya nga, eh. Mabuti na lang din at nakabale ako ng pera.” Tumikhim muna si John bago niya ipinagpatuloy ang pagsasalita. “K-Kailangan kasi nila Nanay Melen. Wala na raw silang bigas.” Kasunod niyon ang pagsubo niya ng pagkain sa bibig niya. Kitang-kita ko kung gaano siya nagugutom ngayon.
Napangiwi na lang ako habang pinapanuod siyang kumain. Magkaharap kaming dalawa sa mesa.
Napakagat-labi pa ako bago ako muling nagsalita. “So, ang ibig sabihin niyan ay napatawad mo na sina Nanay Melen?”
Dahil nga sa pagtatago ng lihim nina Nanay Melen at Tatay Alfredo sa pagkatao ni John, hanggang ngayon ay nananatiling matigas ang puso niya sa mga taong kumupkop at nagpalaki sa kanya.
Alam kong mabait si John. ’Yon nga lang, kapag naaalala niya ang lahat tungkol sa pagkatao niya, hindi niya maiwasan na magalit ’kina Nanay Melen at Tatay Alfredo.
“Nagtatampo lang. Pero naaawa ako kaya tinulungan ko na lang.”
“Hay naku! Kahit ano’ng gawin mong pagtatampo riyan sa mga magulang mo, hindi mo pa rin maitatago ang pagiging mabait mong tao, John. Sa katunayan nga, iyan ang ikinagusto ko sa iyo—’yong pagkamabuti mo. Hindi ka selfish, alam mo ba iyon,” naisagot ko na lang kay John habang nakapalumbaba ako’t nakatingin pa rin sa kanya. “Sana naman ’wag mong pairalin ’yang galit mo sa kanila. Hindi ’yan maganda.”
Mapait siyang ngumiti. Natahimik pa siya sa kinauupuan niya na para bang may malalim na iniisip siya bago ito muling nagsalita. “Huwag na lang natin silang pag-usapan. Ayokong masira ang mood ko ngayon.”
Nagkibit-balikat lang ako kay John. “Ikaw bahala.” Tumayo ako at muling binalikan ang mga platong huhugasan ko sa lababo. Hindi ko na siya sinundan pa ng salita dahil baka kung saan pa mapunta ang pag-uusapan naming dalawa.
MATAPOS kong maghugas, at pagkatapos din ni John kumain, dumaretso kaming dalawa sa itaas ng bahay. Pinababa ko muna si Nicole kasi ayoko ’yong titig niya sa aming dalawa ni John. Nakakaloko lang pagmasdan!
Simula pa noong bata kami ay nakasanayan na naming dalawa na tumambay sa ibabaw ng bubong ng bahay. May malaki kasing bintana mula sa kuwarto at doon lang kami dumadaan sa tuwing pumupunta kami sa bubong.
Kadalasan, sa tuwing tumatambay kami rito ni John, nagi-stargazing lang kaming dalawa. Pagkatapos ay nagkukuwentuhan lang ng kung ano-ano hanggang sa dalawin kami ng antok.
Sa ngayon, hawak ko ang mumurahing cell phone niya na de-touchscreen. May pinapanuod kasi akong palabas mula roon. Love story, tungkol sa magkaibigan na nagka-ibigan.
Tutok na tutok ang dalawang mga mata namin sa cell phone at sa totoo lang ay nadadala na ako sa mga eksenang napapanuod ko sa pelikulang iyon. Maganda na sana pero hindi nagkatuluyan ang dalawang bida kasi huli na no’ng ipagtapat no’ng babae sa kaibigan niyang lalaki na may gusto siya rito, na kung saan ikakasal na ’yong kaibigan niyang lalaki sa iba.
“Ang panget ng ending. Hindi ko nagustuhan!” singhal ko na lang no’ng nag-credit ends na ’yong palabas. Inis din akong ibinigay sa kanya ang cell phone.
“Oh! Dahan-dahan! Baka mabitawan mo ’yang cell phone ko. Mahal ng paayos niyan.”
“Ay! Sorry! Heto na, oh. Salamat.” Wala kasi akong cell phone kaya nakikihiram lang ako kay John. Nakikinuod lang kasi ako ng movie sa kanya, eh.
“Medyo nadala ka sa palabas, ah. Palabas lang naman ’yon. Acting lang ’yon,” sabi pa niya sa akin dahil nakaismid pa rin ang nguso ko dahil nga roon sa nakakalungkot na movie na pinanuod ko kanina.
“Kahit acting lang ’yon, nangyayari rin iyon sa totoo buhay ’no!” pagdedepensa ko naman.
Narinig ko kung paano siya sumagitsit dahil sa sinabi ko. “Kalokohan!”
Medyo na-offend ako sa sinabi niyang iyon kaya kaagad akong nakapagsalita muli sa kanya. “Sige nga, paano kung dumating ang araw na mangyari nga iyon sa totoo buhay? Paano kung mangyari iyon sa ating dalawa—”
“Teka lang, eh, ’di ang ibig sabihin niyan ay ikaw ’yong may gusto sa akin? ’Di ba ’yong babae sa palabas ang nagpakatanga sa huli. So, eh ’di ikaw iyon! May gusto ka sa akin, ’no?” mabilis na panunukso ni John. Pinanliitan ko naman siya ng mata.
“Sira! Wala akong gusto sa iyo, ’no! Saka ’wag mong ihalintulad sa akin ’yong babae roon sa palabas dahil kung ako ang nasa posisyon niya, kung may nararamdaman talaga ako sa kaibigan ko, siguro hindi ako matatakot na umamin na sa kanya. Ganoon ako katapang na tao. Aamin lang naman, wala namang mawawala pagkatapos. Eh, ikaw ba, John? Kung mangyayari na magkakagusto ka sa akin, hindi ka ba magpapakatorpe katulad no’ng babae na nasa pelikula?”
Bigla akong napakunot ng noo ng kaagad siyang natahimik sa tanong ko. Parang nawala ang mood niya at hindi ko alam kung bakit. Example lang naman ’yong inilarawan ko sa kanya, bakit parang apektado yata siya?
“M-Matutulog na ako. Maaga pa ako sa construction bukas,” nasabi na lang niya sa akin bago siya dali-daling tumayo sa pagkakaupo niya at saka siya pumanhik sa loob gamit ang malaking bintana.
“Hoy! Change of mood talaga!? May tinatanong pa ako sa ’yo. Dapat sagutin mo ’yon!” sigaw ko pa kay John nang makatayo na rin ako sa pagkakaupo ko. Pumasok na rin ako sa loob at nadatnan ko siya na pababa na sa hagdanan.
“Good night!!” pabalik na sigaw naman sa akin ni John hanggang sa tuluyan na nga itong makababa.
“Ang daya mo naman! Sagutin mo muna ’yong tanong ko!” Napangiwi na lang ako kasi hindi man lang niya sinagot ’yong tanong ko sa kanya. Grabe naman siya kung makapagwalk-out sa tanong na iyon! For example lang naman!
Or else… baka may tinatago siya sa akin na hindi ko alam. Na ano? Na may gusto si John sa akin!? Hindi ’no. Walang gusto sa akin ang mokong na ’yon. Imposible!