Monica’s Point of View
“AYUN YATA ang roommate mo, oh!”
Kakatapos ko lang kumain ng tanghalian sa labas nang biglang nakasalubong ko si Chepai sa main gate ng SJU. Kasama naman niya si Ae. Nang makita niya ako, mabilis siyang tumakbo papalapit sa akin habang natataranta.
“Hoy, girl! May sasabihin ako sa ’yo!” salubong niyang sabi sa akin kaya nagtataka naman akong napatingin sa kanya. Ikinasalubong ito ng dalawang kilay ko.
“Ha? Ano naman ’yon?”
“Si John nakipagsuntukan!”
“ANO’NG SABI MO!?” gulat na gulat kong sigaw kay Chepai. Nagkakamali lang yata ako ng dinig. “Pakiulit nga ng sinabi mo!”
“Si John, nakipagsuntukan doon sa canteen. At alam mo ba kung sino ang kaaway niya…”
“Sino?” Pabitin siya, ah! Kung sabihin na lang kaya niya.
“Girl, si Kent ang kaaway niya!” mangiyak-ngiyak pang balita ni Chepai sa akin na alam kong biro lamang ang paiyak-iyak niya. “Kanina pa kita hinahanap, bruha ka! Sa’n ka ba nanggaling!?”
Mas lalo pa akong nabingi dahil parang bombang sumabog ang balitang iyon sa tenga ko. Bakit!? Bakit sila nag-away!? Ano’ng meron!? Iyon kaagad ang rumehistrong katanungan sa utak ko ng mga sandaling iyon.
Nataranta na tuloy ako kasi baka kung ano na ang nangyari kay John. Ayoko pa naman na nakikipag-away siya. Kaya hindi ko na hinintay pang magsalita si Chepai dahil mabilis na akong tumakbo para makapunta nga sa canteen.
Ngunit natigil ako sa pagtakbo nang hawakan ako ni Chepai sa braso ko. “Teka, teka! Sa’n ka pupunta?”
“Pupuntahan ko si John!” sigaw ko.
“Wala na sila sa canteen!”
Lumingon ulit ako kay Chepai nang sabihin niya iyon. “Nasaan na sila?”
“Saan nga ulit sila dinala ng mga guard, Ae?” nagtanong pa si Chepai sa kaibigan niya na tahimik na nasa tabi lang niya.
“Mukhang dadalhin sila sa USSO.”
“USSO? Patay! Bakit doon pa!?” nasabi ko na lang at saka na ako tumakbo papuntang USSO upang puntahan si John.
“Monics, sandali!” narinig ko pang sigaw ni Chepai sa akin pero hindi ko na siya pinakinggan pa. Nagdere-deretso lang ako sa pagtakbo hanggang sa makarating nga ako sa USSO o ang tinatawag na University Student Services Office na kung saan doon ang office ng Dean of Students.
Hingal na hingal ako nang matapos kong akyatin ang hagdanan ng USSO. Nasa itaas kasi ito ng Admin Office kaya medyo nakakapagod pumunta rito.
Nagpahinga muna ako saglit bago ako nagpatuloy sa paglalakad. Kaagad komg hinanap ang office ng dean at nagbabaka-sakali akong nandoon nga si John.
Habang naglalakad ako sa isang hallway ay saktong nahagip ko roon sa pinakaunang room si John. 50/50 ang vision ko kaya nakilala ko kaagad siya kahit na nakatalikod o naka-side view pa ito.
Napatigil ako sa paglalakad at napatingin lang sa loob ng room. Nakasara ang pinto niyon. Ang hindi gaanong kalakihang salamin na nakakabit doon mismo sa gitna ng pinto ang siyang ginagamit ko para tingnan ang nangyayari sa loob.
Nakita ko na may lumabas na staff galing sa loob. Sa puntong pagbukas ng pinto ay narinig ko kaagad ang boses ng dean na pinapagalitan sina John at Kent. Nandoon si Kent, katabi ni John, pagkatapos ay may nakita pa akong isang babae na hindi ko naman makita ang mukha dahil nakatalikod ito sa akin.
“Ah, may kailangan ka sa loob?” tanong sa akin no’ng staff na lalaki nang lumabas ito galing doon sa loob.
Tumango ako sa kanya. “Yes po. Kaibigan ko po kasi ang isa riyan sa pinapagalitan.”
“Ay naku! Kung ako pa sa ’yo, ’wag ka ng pumasok sa loob at makialam sa kanila. Ibang-iba kung magalit si Dr. Sebastian. Mabuti pang maghintay ka na lang dito sa labas. Hintayin mo na lang na matapos sila roon.”
Muli akong tumango ng ulo sa sinabi ng lalaking staff na iyon, at sinunod ko na lang ang sinabi niya. Binalingan ko muna ng tingin ang loob at nakita ko na nag-uusap pa ang mga ito. Umupo na lang ako roon sa malambot na sofa at hinintay na matapos sila.
Mabuti na lang din dahil alas-tres pa sa hapon ang susunod na klase ko. Ala-una diyes na ng matapos silang mag-usap sa loob.
Unang lumabas si John at napatayo kaagad ako nang makita ko siya. Lumapit lang siya sa kinatatayuan ko at walang karea-reaksyon ang mukha niya. Pero alam kong hindi siya masaya sa nangyari.
Nakita ko kaagad sa pisngi niya ang pasa at sugat sa gilid ng kanyang labi dahil sa suntok na kanyang natamo. Nag-alala tuloy ako kasi nakakaawa ang mukha niyang nabugbog. Mukhang hindi pa nga iyon nagagamot kasi tumatagas pa rin ang dugo doon sa sugat na malapit sa labi niya.
“Okay ka na ba?” tanong ko sa kanya. Tumango siya at hindi nagsalita. Lumapit lang siya sa akin at pinaupo niya ulit ako roon sa sofa kasabay niya. “Sagutin mo ako, John, ano’ng nangyari?”
“Si Kent, ’yong sinasabi mong manager sa juice bar na pinag-apply-an mo, bigla na lang akong sinuntok. Gumanti lang ako kaya nagkagulo na.”
“Bakit ka naman niya sinuntok? Magkaaway ba kayo ni Kent?”
“Hindi ’no. Hindi ko nga siya kilala, eh. Bigla-bigla na lang siyang nanununtok. Wala naman akong ginagawang masama sa kanya.”
“Eh, bakit nga? Bakit nga humantong kayo sa pagsusuntukan kanina? At ano ang ginagawa mo sa canteen? ’Di ba hindi ka naman kumakain doon tuwing lunch break.”
“May kasama akong babae kanina sa canteen. ’Tapos—”
“John.”
Napalingon kaming dalawa sa babaeng tumawag sa kanya. Isang maputing babae na katamtaman lang ang tangkad ang nakita ko sa harapan namin. Maganda ito at masasabi kong may kaya ito sa buhay dahil naging basehan ko ang suot-suot niyang damit. Mukha namang mabait ang babaeng ito at hindi ganoon kaarte. Mahaba rin ang itim na buhok nito na hanggang balikat, nakadadagdag iyon sa kagandahan niya.
Lumapit sa amin ang babaeng iyon at napatayo si John nang lapitan siya.
“Sorry nga pala sa nangyari. I promise, hindi na ito mauulit. Pagsasabihan ko na lang si Kent.”
“Wala na sa akin iyon. Kalimutan na lang natin ang lahat na nangyari.”
Tumango ang babae sa sinabi ni John. “Oo naman. Kalimutan na lang natin ang nangyari. Basta ang importante ay nagkapatawaran na kayo ni Kent. But, I’m not sure if he was sincere in his apology to you. Kapag kasi galit ang lalaking iyon, galit talaga iyon. Hindi iyon masyadong nagpapababa ng pride lalo na kung mainit ang ulo.”
“Naiintindihan ko naman, eh. Nagawa lang niya iyon dahil sa malaking akala. Dapat kasi hindi na tayo nanghihinala dahil iba na ang iniisip natin kapag ganoon. ’Wag kang mag-alala, wala naman akong sama ng loob sa kanya.”
“Salamat. Pagsasabihan ko na lang si Kent. Sorry talaga John, ah. Ang dami ko ng naging kasalanan sa iyo,” anito.
“Wala, ano ka ba? Wala kang kasalanan sa akin…”
Habang pinapakinggan ko ang usapan nilang dalawa ay parang kakaiba yata ang nararamdaman ko, lalo na sa babaeng kausap ni John.
Sino siya? Bakit parang close na yata silang dalawa? Wala akong matandaan na pinakilala si John sa akin na kaibigan niyang babae? Nakakapagtaka lang.
Matagal na ba silang magkakilala at parang close na silang dalawa? Naku! Bakit ako nag-iisip ng ganito!? Baka naman magkaklase lang sila ni John at naging close sila sa isa’t isa. Napaismid tuloy ako sa palaisipan na iyon.
Maya-maya, may isang lalaki ang sumigaw. “Sheila, let’s go!”
Pagtingin ko ay nakita ko si Kent. Kaya hindi ko sinasadya na mapatayo sa pagkakaupo ko at tiningnan lang siya. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko nang makita ko nga siya. Nakabusangot ang mukha niya nang mapatigil siya sa likuran ni Sheila. Pagkatapos ay nagtama ang mata namin sa isa’t isa, na mas ikinabilis pa ng t***k ng puso ko.
“John, mauna na ako sa iyo. If you have something you want, don’t be hesitate to call me,” iyon na lamang ang huling sinabi ni Sheila kay John at saka nito nilapitan si Kent.
Tipid na ngumiti lang ako kay Kent at nagbabaka-sakali ako na kausapin din niya ako. Pero himalang mangyari iyon kasi sa hitsura pa lang ng mukha niya, wala na itong ganang makipag-usap sa iba. Hindi na ako mage-expect na kakausapin niya ako.
Inalis ni Kent ang tingin niya sa akin at nauna na itong naglakad papaalis ng USSO. Sinabihan pa niya ’yong babae na sumunod sa kanya at kumaway lang ito kay John bago nga ito sumunod kay Kent.
Nang mawala na silang dalawa sa paningin namin ni John, doon ko na kinausap ang kababata ko.
“Sino ’yon?” tanong ko kay John na ang tinutukoy ko ay ang babaeng kausap niya kanina. Humarap si John sa akin at sinagot ang tanong ko sa kanya.
“Si Sheila, kababata rin ni Kent. Siya nga pala ’yong babaeng sinasabi ko sa iyo na kasama ko sa canteen. Niyaya niya kasi akong sumabay kumain ng tanghalian kanina kaya sumama na lang ako sa kanya matapos mo akong iwan. Hindi ko naman akalain na ang pagsasama naming dalawa ni Sheila ang dahilan kung bakit ako sinuntok ni Kent. Ayaw kasi ng chinoy na ’yon na may kasamang ibang lalaki ang kababata niya. Parang ako… sa iyo,” paglalahad niya. Ikinangiwi ko naman ang sinabi niya.
“Kayo kasi, masyado kayong mapanghinala, lalo ka na,” nasabi ko na lang at muling napaupo roon sa sofa. Umupo rin naman sa tabi ko si John.
“Pinapatawad mo na ba ako?” ani John nang muli niya akong kausapin. Sobrang hina ng boses niya nang sabihin iyon.
Napatingin ako sa kanya. Ano pa nga ba ang magagawa ko? Kahit mag-away kaming dalawa ng mokong na ’to, sa huli, magkakapatawaran din kami. Magkakabati rin kami.
Saka hindi naman ganoon kalaking issue ang panghihinala niya sa akin. Wala na rin sa ’kin iyon. Basta hindi na niya uulitin ang manghinala sa akin.
“Kahit lumuhod ka diyan, hindi ako magsasawang patawarin ka. Para namang ang laki-laki ng kasalanan mo sa akin. Ganoon din naman, magiging okay lang din naman tayo. Basta hintayin mo lang na lumamig ang ulo ko.”
Sa pagkakataong iyon, nasilayan ko ang pagngiti ng labi ni John dahil sa tuwa. Medyo teary eyes pa siya dahil sa nararamdamang galak. Hindi na niya tuloy naiwasan pang yakapin ako.
“I’m sorry. Hindi na talaga mauulit. Promisee ko sa iyo iyan,” sabi pa niya sa akin habang nakayapos siya.
“Tama na. Masyado ka ng ma-drama. Wala tayo sa MMK. Umalis na tayo rito.”
“Sige,” nakangiti pa niyang tugon.
Tatayo na sana kaming dalawa nang mapatigil kami dahil sa malakas na tunog na pinakawalan ng kanyang tiyan. Napakamot siya sa ulo nang bumaling sa akin.
“Teka lang. Nakalimutan ko palang kumain ng tanghalian. Kakain muna ako.”
Napailing ako at sinabihan siyang sasamahan na lang siya sa labas ng SJU para kumain. Tutal mahaba pa ang vacant time ko kaya may oras pa akong samahan si John.