Chapter 37

2134 Words
Monica’s Point of View MAKALIPAS ang isang buwan ay naging maayos naman ang pag-aaral namin ni John sa SJU. Nitong mga nakaraang linggo ay hindi na ganoon kami nagba-bonding ng kababata ko dahil naging busy na rin kami sa kanya-kanya naming pag-aaral. Malapit na rin kasi ang 1st long exam at kailangan namin mag-aral dahil ay mini-maintain kaming grades para hindi kami maalisan ng scholarship. And speaking of scholarship, parehong nakatanggap nga pala kami ni John ng invitation card para sa mga estudyante na dadalo sa acquaintance party ng mga scholars. Sa event daw na iyon ay makikilala na namin kung sino ang head sponsor ng scholarship na ito. Nakaka-excite lang kasi gusto kong makita ang taong nagbigay sa akin ng pag-asa upang makapag-aral muli. Walang sawa talaga akong pasasalamatan siya kung sino man ito. At dahil nga gaganapin ang acquaintance party na iyon pagkatapos ng 1st week of long exam namin, siyempre, naging busy na rin kami ni John na humanap ng masusuot dahil magiging formal daw ang theme ng acquaintance party. Gaganapin daw ito sa sosyal na hotel at dapat talaga na elegante ang susuotin naming dalawa. ’Yon nga lang, wala kaming formal attire na susuotin. Sinubukan na rin namin humanap pero medyo mahal. May tatlong araw pa naman kaming natitira para makahanap ng masusuot. Nito ring nakaraang linggo ay nakatanggap din ako ng feedback regarding sa in-apply-an kong trabaho sa juice bar. Sa kasamaang palad, hindi na talaga ako natanggap sa trabaho kasi nag-text si Stephanie sa akin na kailangan daw talaga nila ng mga regular employees. Ganoon din si John, hindi rin siya natanggap. Kaya naghanap ulit kami ng part time job kapag walang pasok. Mahirap din palang humanap ng trabaho na part time lang kasi ang schedule talaga ang babasehin nila para matanggap ka. Itinigil na lang muna namin ni John ang paghahanap at tumutok lang muna sa pag-aaral. Nagplano na lang kami na maghahanap ng trabaho pagkatapos ng exam. Sa mga araw na nagdaan, marami na akong nakilalang mga tao sa SJU. Naging mga kaibigan ko sila pero ’yong iba naman hindi ko pa masyadong close. Naging close friend ko na rin si Jackie, naaalala niyo pa ba siya? Siya ’yong 2nd year student na sinamahan ako papuntang gym no’ng minsan na maligaw ako. Isa kasi siya sa mga coordinator ng event na iyon dahil 2nd year representative pala siya sa College of Education (CoED). At hindi ko rin naman kasi inaasahan na siya pala ang magga-guide sa amin para sa project namin sa NSTP. Ako pa nga ang ginawang leader ng grupo namin kasi kailangan namin gumawa ng project na makakatulong sa mga tao. In short, magiging public servant kami sa subject na ito. Hindi pa rito nagtatapos ang mga kaganapan na nangyari sa akin nitong mga nakaraang araw. Noong nakaraang linggo ay nagkaroon ng General Meeting ang CoED para sa nalalapit na foundation day ng SJU. One week celebration daw ito at wala kaming pasok. Next month daw ito gaganapin at magkakaroon ng booth contest kaya nagkaroon ng meeting. Isa sa naging agenda nila ay ang magkaroon ng election para sa 1st representative position. Laging gulat ko na lang nang bigla akong i-nominate ni Chepai. Ayoko sana kasi ayoko na magkaroon ng responsibility lalo na’t hindi naman ako ganoon ka-active sa mga organizations. Pero wala akong magagawa kasi mas marami ang bumoto sa akin. At ayun nga, naging 1st year representative na nga ako ng CoED. Sana magampanan ko ’yong role ko sa student council para hindi sayang ang boto nila. Ngayong araw na ito ay kasalukuyang nasa library ako. Kakatapos lang namin mag-lunch break ni John at tahimik lang kaming nag-aaral. Maya-maya, may isang lalaking lumapit sa mesa namin. Malakas na inilapag niya ang dala-dala nitong kahon kaya maraming tumingin sa amin na mga estudyante at sinaway pa kami na huwag maingay. Si Gian nga pala ’yong lumapit sa amin, kaibigan ni John. Isang araw ay ipinakilala ni John sa akin si Gian. Classmate raw niya sa College Algebra at sa iba pang subject. Ikalawang retake na raw ni Gian sa subject na tinutukoy ko dahil bumagsak ito noong nakaraang semester. Ngayon lang niya kinuha ulit ang College Algebra at kailangan talaga niyang kunin iyon kasi pre-requisite ito sa ibang major subjects niya. Makwela si Gian. Maingay rin katulad ni Chepai. Mahilig mag-joke. Palasalita. Walang preno ang bibig nito sa mga topic na lagi naming pinag-uusapan. Magmula nang magkakilala silang dalawa ay lagi na rin silang magkasama. Eh, paano nga ba maghihiwalay ang dalawa? Halos ng subject kasi ni Gian ay pang-first year dahil hindi ito gaano kaseryoso sa pag-aaral. Kaya heto, retake lang ng retake. ’Yan din ang kuwento niya sa amin. Pero 2nd year college na siya kung tutuusin. Naalala ko rin no’ng minsang naikuwento ni John sa akin na nabiktima raw si Gian ng isang scam. May nag-alok daw sa kanya na magbenta ng tickets para sa isang event. Pumayag naman ang lalaki dahil daw malaki ang commission na makukuha nito kapag makakabenta siya ng tickets. Mas marami, mas malaki ang matatanggap niyang commission. ’Yon nga lang, sa kasamaang palad, scam pala ang event na iyon dahil pagpatak ng petsa kung saan gaganapin ang event, walang event na nangyari. Kaya, ayun, pinaghahabol si Gian ng mga kliyenteng pinagbentahan niya. Muntikan na nga itong makulong pero mabuti na lang to the rescue ang nakatatandang kapatid nito na si Ian na isang supervisor ng tinatrabahuang private company. Mahigit 100,000 pesos din ang nabayad ng kuya niya para lang maisauli ang perang bumili sa kanya. Saka, matapos ang nangyari, parang wala lang kay Gian ang lahat. Hindi siya ganoon naapektuhan sa nangyayari kahit na maraming galit sa kanya. “Ano ’to?” bulong na tanong ni John sa katabi nitong si Gian. “Damit. ’Di ba sabi mo naghahanap ka ng susuotin mo para sa acquaintance party niyo. Ayan, hiniram ko muna kay Kuya Ian. Baka kasya sa iyo.” Nakita kong binuksan ni John ang box na iyon at tiningnan ang laman. Namangha pa siya sa damit nang kunin niya ito sa loob upang tingnan ng maayos. Naglalaman ng box na iyon ng isang tuxedo na kulay itim, white shirt, itim na tie, itim na medyas at formal shoes. Matapos tingnan ni John ang kabuuang laman ng box na iyon, nagdududa siyang napatingin muli kay Gian. “Sa Kuya mo ito?” tanong niya. “Oo. Hiniram ko.” “Talaga bang hiniram mo ’to o kinuha mo lang na walang paalam? G*go ka! Ibalik mo ’to.” Mabilis na ibinalik ni John ang tuxedo na hawak niya roon sa box. Kasabay niyon ang pagsitsit ng ibang estudyante sa library dahil sa malakas na boses na binitawan ni John. Sinaway ko naman siya pagkatapos. “Hindi ko iyan kinuha. Nagpaalam ako sa kuya ko na manghihiram ako ng damit niya. Pumayag siya. Maniwala ka sa akin.” “Sa kagaguhan mo ay hindi ako maniniwala sa iyo. Pero… dahil nangangailangan ako ay tatanggapin ko na lang ’to,” nasabi na lang ni John. “Ganun lang ’yon? Tatanggapin mo lang?” sagot ni Gian. Nagtatakang tiningnan naman ni John ang katabi. “Ano’ng ibig mong sabihin?” Naglahad ng kamay si Gian at alam na kaagad ni John ang ibig nitong sabihin. “May bayad ’to? Akala ko ba pinapahiram mo sa akin.” “Rentahan mo. Kailangan ko ng pera ngayon,” iyon na lamang ang nasabi ni Gian. “G*go ka talaga!” Napalakas na naman ang boses ni John kaya sumitsit na naman ’yong ibang estudyante roon sa library. Meron ng iba na nagrereklamo dahil maingay raw kami. Kaya sinaway ko ulit si John na maghinay-hinay siya sa pagsasalita. “Bro, kailangan ko ng pera ngayon dahil namumulubi na ako. Kinuha ni kuya ang debit card ko kasi grounded ako sa kanya.” “Kasalanan mo iyan kaya ka grounded sa kuya mo. Mabuti pang sumama ka sa akin ngayong Linggo at maghahanap tayo ng part time job. Para naman may pinagkukunan ka. Hindi ’yong umaasa ka sa kuya mo,” sabi niya habang naiinis na kinuha niya ang wallet upang kumuha ng pera. “Magkano naman ang renta rito?” “One thousand,” sagot ni Gian kaya mas lalong ikinagulat ni John iyon. “ONE THOUSAND!?” “Psst! John, ano ba! Hinaan mo boses mo,” saway ko naman sa kababata ko nang muli kaming sawayin ng mga estudyante roon. “Bro, kailangan ko nga ng pera ngayon. Hindi ko pa alam kung kailan ibibigay ni kuya ang debit card ko.” Wala na lang nagawa si John kundi kumuha ng pera sa wallet niya. Kumuha siya ng 500 pesos at ibinigay niya kay Gian. “Five hundred muna. Babayaran ko na lang ’yong kulang kapag nagkapera ako.” Ayaw sanang kunin ni Gian ang pera na iyon dahil nga nakukulangan siya. Pero wala siyang magagawa kaya nadidismayang kinuha iyon. “Sige na nga. Basta sa katapusan, bayaran mo ako.” “Oo na. Babayaran kita. Ang kulit,” napapakamot sa ulo na tugon ni John sa kaibigan. “Siya nga pala, nag-review ka na ba? May exam tayo mamayang hapon sa College Algebra.” Kinampay lang ni Gian ang kamay niya at nagmamayabang na umismid. “Sus! Wala sa akin ’yang review-review na ’yan. Kaya ’yan. Ako pa!” Sarkastikong ngumiti naman si John sa sinabi nito. “Talaga lang, ah.” Maya-maya, ako naman ang kinausap ni Gian. “Monics, sorry kung wala akong maipaparentang damit sa iyo ah. Wala kasi akong kapatid na babae, eh.” “Wala ’yon. Maghahanap na lang ako ng mas mura,” sagot ko na lang. Nagpaalam na lang muna si Gian sa aming dalawa at nagmamadaling lumabas na ito ng library. Nagpatuloy na lang kami ni John sa pagre-review roon hanggang sa pinagplanuhan na naming umalis upang mag-meryenda. Maga-alas sais na ng gabi ngunit narito pa rin ako sa loob ng classroom. Kasalukuyang nage-exam pa ako sa huling subject ko ngayong araw---ang College Algebra. Si John naman ay ’tapos na sa pagsagot sa kanyang test paper. Nagpaalam na lang muna siya sa akin na mauuna na siyang umuwi dahil kailangan pa niyang mag-review sa subject na exam niya para bukas. Pumayag naman ako at nagpatuloy sa pagsasagot sa test paper. Alas sais trenta na ang nakalipas nang matapos kong sagutin ang test paper na iyon. Kaagad na akong lumabas para makauwi na sa boarding house. Medyo gumagabi na kasi at kailangan ko na rin umuwi para makapag-review na rin mamaya para sa susunod kong exam bukas. Habang naglalakad ako sa school ground ay bigla na lang akong napatigil sa paglalakad nang makita ko si Kent hindi kalayuan sa kinatatayuan ko. Naglakad siya papunta sa akin at hindi ko naman alam kung ano’ng pakay niya. Wala pa ring kaemo-emosyon ang mukha niya ngayon. Matapos ang nangyaring pag-aaway nilang dalawa ni John doon sa canteen, wala na rin akong naging balita pa kay Kent. Paminsan-minsan ko na lang siyang nakikita rito sa SJU at wala naman akong ideya kung saan siya nagpupupunta. Baka busy rin ang lalaking ’to. Pero sa totoo lang, medyo na-miss ko siya. Kahit na hindi kami ganoon nag-uusap at hindi kami gaanong ka-close sa isa’t isa, may mga araw na hinahanap siya ng mga mata ko. Hindi ko nga alam kung bakit. ’Tapos kapag nakikita ko siya, kahit sa malayuan lang, bumibilis kaagad ang t***k ng puso ko. Kinakabahan ako kapag nandiyan siya. Ano kaya ang ibig sabihin nito? “Kent?” tawag ko sa kanya nang makalapit siya sa akin. “Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ko pa. “Are you busy?” pabalik na tanong naman ni Kent sa akin. Bakit naman niya tinatanong sa akin kung busy ako? May kailangan ba siya sa akin? Umiling ako. “H-Hindi naman. Kakatapos lang ng exam ko. Ikaw ba? May kailangan ka ba?” Dahan-dahan na tumango siya. “Yes. May kailangan nga ako sa iyo.” Bigla naman akong kinabahan sa sinabi niya, lalo na’t wala akong ideya kung ano ang kailangan niya sa akin. Kaya nauutal na nagsalita muli ako kay Kent. “A-Ano naman iyon?” “’Di ba naghahanap ka ng trabaho?” Tumango ako. “Oo. Pero ’yon nga lang hindi mo naman ako tinanggap do’n sa juice bar mo. Kaya maghahanap na lang ako ng iba na kasya sa schedule ko. Bakit mo naman naitanong?” Bumuntong-hininga muna siya bago nagsalita. “Nothing. May ipo-propose sana ako sa iyong trabaho.” Medyo nacurious ako sa sinabi niya. Gusto ko ng malaman kung ano ang ipo-propose niya sa akin. Naaatat na ako. “Ano iyon?” “I will hire you as my private tutor. Is that okay with you?” sabi ni Kent sa akin na sadyang ikinagulat ko naman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD