Monica’s Point of View
MABILIS akong umiwas ng tingin sa kanya dahil sa nararamdaman kong pagkailang. Mukhang ganoon din yata ang naramdaman ni John kasi umiwas rin siya ng tingin sa akin.
Pinunasan ko na lang ang bibig ko kasi ramdam ko pa rin doon ang laway na nanunuyot na. Shuta!
“Nandito na yata tayo,” narinig kong tugon ni John habang patingin-tingin siya sa bintana ng sasakyan. Nakahinto na kasi ito at parang nasa terminal na yata kami, at hindi namin alam kung saang lugar ito.
Kaagad na binuksan ni John ang sliding door ng van. Bumaba siya’t sumunod lang ako sa kanya. Doon ko lang siya nadatnan na kinakausap na pala niya ang driver.
“Kuya, nasa Maynila na po tayo?”
“Oo. Kanina pa tayo dumating. Nagtanghalian lang muna ako sandali at hindi ko na kayo ginising ng asawa mo kasi ang himbing yata ng tulog niyong dalawa,” narinig kong sabi no’ng driver kay John na sadyang ikinagulat ko.
Kaya sumali na rin ako sa usapan nilang dalawa. “Kuya, hindi po kami mag-asawa. Magkababata lang po kami,” saad ko pa na ikinatango naman ni John bilang pagsang-ayon.
Mas lalo pa yatang lumawak ang ngiti ni Kuyang Driver nang sabihin ko iyon. Pagkatapos ay parang kakaiba yata ang ibinato niyang tingin sa aming dalawa ni John.
“Hindi kayo mag-asawa?”
“Hindi po,” mabilis kong sagot. Umiling din ako. ’Tapos nakita ko na ngumiti lang si Kuyang Driver sa amin at saka nagsalita.
“Diyan nagsisimula ang lahat. ’Yong asawa ko, kababata ko rin iyon. Nabuntis ko kaya naging asawa ko.”
Parang hindi yata ako kumportable sa sinabi ni Kuya Driver sa amin. ’Di bale, lumapit na rin ako sa kanya para magtanong kung ano ang sasakyan papuntang Makati. Doon kasi sa lugar na iyon nakasaad ang address na tinext ng land lady sa boarding house.
“Okay lang sana na mag-MRT kayo. Pero dahil marami kayong dalang gamit, puwede kayo mag-bus. Twelve minutes lang ang biyahe.”
“Sige po, Kuya. Salamat.”
Nagpaalam na kaming dalawa ni John kay Kuyang Driver at saka pumunta sa paradahan ng bus kung saan doon lang din sa terminal na iyon nakaparada.
Nang muli kaming makasakay, pumwesto lang kami sa pinakagitnang upuan ng bus. Doon ako pumwesto malapit sa bintana at katabi ko naman si John.
Mayamaya, nagtataka ako kung bakit nakatingin si John sa akin. Kaya nagtanong na ako. “Bakit?”
“May dumi ka pa sa labi mo,” mahina niyang tugon sabay punas niya sa gilid ng labi ko gamit ang hinlalaki niya.
Nahiya tuloy ako sa ginawa niya kasi ang ibig sabihin niyang dumi sa labi ko ay ’yong laway na natuyo na dahil sa pagkakatulog ko kanina sa van.
Mabilis kong inalis ang hinlalaki niya sa labi ko dahil nakakahiya para sa akin ang ginagawa niya.
Ako na mismo ang nagpunas ng labi ko gamit ang panyo at saka na ako tumingin sa bintana.
Makalipas ang ilang minuto ay umalis na ang bus sa terminal. Mabilis din naman kaming nakarating sa paroroonan namin at nadatnan ko na lang ang sarili ko na nasa tapat na ako ng lumang bahay na dalawa ang palapag.
Sinalubong ako ng isang ginang na medyo may edad na. Pero hula ko ay nasa 40’s pa ito si Ate.
“Ikaw ba si Monica?” bungad na tanong niya sa akin nang makalabas siya sa maliit na gate na medyo kinakalawang na.
Napatingin muna ako kay John na nasa tabi ko at saka ako tumango kay Ate. “Opo. Ako nga po,” sagot ko. Nakipag-shake hands naman ako sa kanya pagkatapos.
“Halika, Hija. Pasok tayo sa loob. Ipapakita ko sa ’yo ang kwarto mo,” sabi naman niya na hindi pa rin nawawala sa labi nito ang ngiti.
Ngumiti na lang din at saka ako sumunod sa kanya papasok sa loob ng bahay. Dinala niya kaming dalawa sa itaas at bumungad sa akin ang tahimik at malawak na living area ng bahay.
Makintab din ang kahoy na sahig at mabango’t malinis ang kabuuan ng bahay. Gawa sa mga kahoy ang mga gamit, at fully varnished ang mga ito. Wala pa akong nakikita ibang boarders doon. Iniisip ko na baka wala ang mga ito rito ngayon.
“Dadaretsahan na kita, Hija. Bawal pumasok sa loob ng kwarto ang mga lalaki,” sabi niya sa akin at doon na binaling ni Ate ang tingin niya kay John. “Kaya, Hijo, puwede ka munang maghintay rito,” dagdag pa niya sa kasama ko sabay turo sa malambot na sala set doon sa malaking living room.
Masunuring sumunod naman si John sa sinabi ni Ate. Nagpaalam lang ako sa kanya para sundan ang land lady papuntang kwarto at hinayaan lang din niya ako na sumunod.
Kumatok muna ang land lady sa isang pinto at may nagbukas naman sa loob niyon na isang babae na maputi, mapula ang labi at nahahati sa dalawa ang buhok nitong nakasentipid ang pagkatali.
“Chepai, may bagong boarder. Makakasama mo siya sa kwarto,” narinig kong saad ng land lady doon sa babaeng nangangalang Chepai.
Napatingin sa akin si Chepai at sabay masiglang ngumiti. Magkatulad lang din kami ng height, mga kinulang sa taas.
“Hi. Welcome. Pasok ka,” yaya niya sa akin at nahihiya akong pumasok doon sa loob ng kwarto dala-dala ang bag ko.
Pagpasok ko ay tumambad sa akin ang mabango, maaliwalas at hindi gaanong kalakihang kwarto. May dalawang double deck doon na may tag-iisang mga foam na walang sapin.
May maliliit na apat na lamesa na mukhang study table yata. At saka may malaking ding apat na cabinet na gawa sa kahoy, fully varnished din at magkakatabi lang ang mga ito sa isang gilid ng kwarto.
May dalawang bintana na grills lang ang nagsisilbing pangharang. Makalumang istilo ang bintana na iyon na sliding window na gawa sa kahoy. Mahangin din doon kasi malayang sumasayaw ang manipis na light green na mga kurtina.
“Dito ka,” sabi pa sa akin ni Chepai sabay turo roon sa isang double bed, doon mismo sa babang parte ng higaan. “Ikaw ang first room mate ko this coming school year. Welcome ulit!”
Nahihiyang ngumiti lang ako sa kanya at saka ko inilipat ang tingin sa Landlady nang muling magsalita ito.
“Chepai, ikaw na bahala sa room mate mo, ah.”
“Sige po, Ate Lydia. Ako na po ang bahala sa kanya,” narinig ko namang sagot ni Chepai sa landlady na ang pangalan pala ay Lydia. Ba’t hindi ko naisip kanina na tanungin ang pangalan ng landlady? Nakaligtaan ko lang yata.
Nang makalabas na si Ate Lydia sa kuwarto, masayang tiningnan ulit ako ni Chepai habang sinisimulan ko ng ligpitin ang mga gamit na dala ko.
“Tagasaan ka nga pala?” tanong niya sabay lingon ko sa kanya.
“Ah, taga-San Francisco, Quezon,” tipid ko namang sagot. Medyo naiilang pa ako kay Chepai dahil bagong magkakilala pa kami.
“Ang layo. Taga-Cavite ako, eh,” sagot naman niya kahit hindi ko naman tinatanong. “Siya nga pala, nakalimutan kong magpakilala sa iyo. Ako nga pala si Cherry Pie. Chepai for short,” pagpapakilala niya sabay lahad ng kamay niya sa akin.
Ah, kaya pala Chepai ang nickname niya kasi pinagsama lang ’yong ‘Cherry Pie’ na first name niya. Nice!
Walang pagdadalawang-isip na nagpakilala na rin ako sa kanya.
Sa nakikita ko naman ay hindi masungit si Chepai. Masayahin siyang tao. Lagi siyang nakangiti. Palasalita rin siya kaya hindi nagiging awkward ’yong pagitan naming dalawa.
Mayamaya ay nagpaalam muna ako kay Chepai na lalabas muna dahil muntikan ko ng makalimutan na nasa labas pa pala si John, naghihintay sa akin.
Sinamahan naman niya akong lumabas dahil nagpaalam siya na may bibilhin din siya kaya sabay na kaming lumabas ng kwarto.
Paglabas ko, nakita ko na nandoon pa rin si John sa kinauupuan niya. Natatawa ako kasi kitang-kita ko kung gaano siya ka-bored doon habang tinitingnan ang kabuuan ng bahay. Bigla rin siyang nag-iwas ng tingin nang may isang babaeng boarder na lumabas galing CR, at nagtatatakbo papuntang kwarto habang nakatapis ito ng tuwalya.
Napatayo naman siya nang makita niya ako kaya lumapit na ako sa kanya.
“Monics, una na muna ako sa labas, ah. Maya na tayo mag-usap,” paalam sa akin ni Chepai nang makapanhik na ito papuntang hagdanan. Kumaway lang siya sa akin at ginantihan ko lang din naman siya ng pagkaway.
“Sorry, John. Natagalan ako. Iniwan pa kita rito.”
“Wala ’yon. Ano ka ba? Aalis na rin ako kasi kailangan ko pang puntahan ’yong tutuluyan kong boarding house.”
“Teka! Sasama ako,” mabilis kong tugon sa kanya.
“Sure ka? Magpahinga ka na lang muna dahil kanina ka pa pagod sa byahe. Kaya ko na rin naman sarili ko, eh.”
“Nasisiraan ka ba ng bait? Gusto kong sumama para makita ko ang tutuluyan mo. Nakita mo naman na maayos itong boarding house na tutuluyan ko, ’di ba? Kaya gusto ko rin makita ’yong sa ’yo,” page-explain ko.
Hindi naman siya umangal pa kaya napapayag na lang siya sa gusto ko.
Mga ilang saglit pa ay sabay na kaming bumaba at lumabas ng boarding house. Tinulungan ko na rin siyang bitbitin ’yong dala niyang mga gamit kahit pa na ayaw niya.
Sana talaga maging maayos at mapayapa ang pagtira naming dalawa rito sa siyudad. Pagbubutihin ko talaga ang lahat. Promise ko iyan sa sarili ko!