Chapter 14

2682 Words
John’s Point of View HINDI ko na napigilan ang sarili ko nang malaman ko na nakapasa rin ako sa scholarship exam na kinuha namin ni Monica dalawang linggo ang nakakalipas. Noon pa man ay wala na talaga akong tiwala sa sarili ko. Hindi ako ganoon katalino katulad ni Monica, noong high school pa iyan. Pero ngayon, napabilib ako ng sarili ko. Ang hirap ng scholarship exam na iyon, sa totoo lang. Hindi ko talaga akalain na makakapasa ako’t makakakuha ng scholarship para makapag-aral sa kolehiyo. Salamat sa kababata kong si Monica kasi nang dahil sa kanya ay baka hindi ko makakamit itong scholarship na ito. Malaking tulong din ito sa akin para makapag-aral muli, at para na rin makita ko na ang totoo kong ina—na hindi ko pa rin alam kung may pag-asa bang magkikita kami. Kinagabihan, naroon muli ako sa bahay nina Monica. Doon ako kumain ng hapunan, doon na rin ako matutulog as usual. Habang kumakain kaming lahat ay nakikita ko sa mga mata ng magulang ni Monica kung gaano ito kasaya nang ibalita ng kaibigan ko ang tungkol sa pagpasa niya sa scholarship exam. Sobrang saya nilang tingnan. Para silang nanalo sa lotto. At masaya rin ako kasi nagawa ni Monica na makamit ang gusto niya. ’Yon naman kasi ang gusto niyang mangyari, eh. At masaya ako dahil nakamit niya ang kagustuhan niya. Proud na proud ako sa kanya. Minsan, naiinggit ako sa masayang pamilya nila. Wala kasi ako niyan. Ni minsan ay hindi ako naging masaya magmula nang malaman ko na ampon ako nina Nanay Melen at Tatay Alfredo. Kahit na laging sinasabi sa akin ni Monica na pamilya na rin ang turing nila sa akin, masaya naman ako. Pero iba pa rin talaga kapag kasama mo ang totoo mong mga magulang. Iyon ang inaasam-asam ko. Matapos naming maghapunan, nagpresinta ako na ako na muna ang maghuhugas ng pinagkainan naming lahat. Nagulat naman sina Monica at ang magulang niya sa alok ko. Tumutol pa ang mga ito pero nagpumilit ako. Wala naman silang nagawa kundi payagan ako sa gusto kong mangyari. Hindi nagtagal, habang naghuhugas ako, tinulungan na lang din ako ni Monica kasi nahihiya raw siya sa akin. Ngayon pa siya mahihiya niyan, eh, dapat ako nga ’yong mahiya sa kanila kasi parang dito na ako nakatira. At ni isa ay parang wala man lang akong inambag. “Masaya ka yata ngayon?” tanong ni Monica sa akin habang sinasabunan niya ’yong mga pinggan at ako naman ay binabanlawan ito pagkatapos. “Wala lang. Hindi ba puwedeng maging masaya?” “Hindi naman. Iba kasi ang awra mo ngayon. Ganyan dapat. Dapat lagi kang nakangiti,” sabi pa niya sa akin. Napailing na lang ako habang nananatiling nakangiti dahil sa tinuran niya. Pero napansin ko kaagad na nananatiling nakabaling ang mata niya sa mukha ko na para bang mas lalo pa niya akong pinagmamasdang mabuti. Kunot-noo akong tumingin sa kanya dahil do’n. “Ba’t ganyan ka makatingin sa akin?” “Hmm, nakakatawa lang. Bakit ngayon ko lang na-realize na gwapo ka pala, John,” sabi niya na mas lalong ikinakunot ng noo ko. Ano ba ’tong pinagsasabi niya? Pero sa kaloob-looban ng puso ko, pakiramdam ko kinikilig ako. Peste! Kalalaki kong tao, kinikilig ako! Pero ’di ko naman pinahalata ’yon sa kanya kasi baka kung ano’ng isipin niya sa akin. “Akala ko lalaki lang ang magaling mangbola, babae rin pala,” naisagot ko na lang. “Hoy! Hindi ako bolera, ah. Sadyang totoo ’yong sinasabi ko,” pagtatanggol pa niya sa kanyang sarili at saka siya nagpatuloy sa pagsasabon ng mga pinggan dahil naudlot ito kanina. Tumahimik na lang din ako upang gawin ko rin ang pagbabanlaw ko ng mga pinggan. Naroon pa rin si dibdib ko ang kilig at saya sa sinabi niya sa ’kin. Mayamaya, nagsalita na naman si Monica sa akin. “Pero sa totoo lang, John. Totoo ’yong sinabi ko. Gwapo ka. Malakas ang s*x appeal mo. Kaya nga pinagtataka ko kung bakit hanggang ngayon ay wala ka pa ring girlfriend, eh.” Hindi ko na alam tuloy kung ano ang isasagot ko. Noong nakaraang araw pa niya ’yan sinasabi. Paulit-ulit siya, nayayamot na akong pakinggan. Bakit ko naman sasagutin ’yang tanong niya? Eh, alam ko naman na ang sigaw ng puso ko ay siya lang ’yong babaeng gusto kong maging girlfriend balang-araw. May gusto nga ako kay Monica. Pero natatakot ako na umamin baka mayroong magbago sa pagkakaibigan naming dalawa. Kaya ’di na lang ako sumagot sa sinabi niya. “Umamin ka nga sa ’kin, bakla ka ba?” dagdag na tanong pa niya na ikinagulat ko. “P*ta! Hindi ako bakla!” pagtatanggol ko. “Oh, eh, sabihin mo sa akin ang rason kung bakit wala ka pa ring girlfriend.” “Hindi ba puwede na ayoko muna kasi… kasi… kasi mag-aaral pa ako,” pagdadahilan ko na lang para ’di na siya magtanong. Pero mukhang hindi yata effective. “Maniwala sa ’yo!” sagot niya at saka siya bumuntong-hininga. “Pero sabagay, may point ka naman, eh. Mag-aaral muna tayo. ’Di muna tayo papasok sa isang relationship, ’di ba?” Tumango ako para sabayan siya. Oo naman. Hindi muna. “Ikaw rin. Hindi ka muna magbo-boyfriend.” “Oo naman ’no. Promise ko ’yan sa ’yo. Sabay natin tutuparin ang mga pangarap natin. ’Di ba ’yan ’yong sinasabi natin no’ng mga bata pa tayo?” nakangiti niyang sagot sa akin at saka lang din ako tumango ulit bilang sagot. Matapos ang pag-uusap na iyon, wala na kaming pinag-usapan pa. Nagpatuloy lang kami sa paghuhugas ng pinggan, pagkatapos nagulat ako nang biglang ninakawan niya ako ng kurot sa pisngi bago siya nagpatuloy roon sa gagawin niya. Ang kulit niya talaga kahit kailan!   NAGPAALAM muna ako kay Monica na uuwi muna ako sa bahay upang ibalita kay Nanay Melen at Tatay Alfredo na nakapasa ako sa scholarship exam. Tumango lang siya sa akin at saka ako umalis ng bahay. Kahit na malaki pa rin ang galit ko sa mga magulang na nagpalaki sa akin, dahil na rin sa paglilihim nila sa tunay kong pagkatao, mas gusto ko pa rin na malaman nila ang magandang balita na nangyari sa akin ngayon. Lalo na’t ang makapag-aral sa kolehiyo ang gusto nilang mangyari sa akin noon pa man. Naglakad lang ako ng ilang minuto papuntang bahay. Nang makarating ako roon, bigla akong nagtaka nang marinig kong may sumisigaw sa loob ng bahay. “Ano ba, Jonathan! Tama na!” Mas ikinalalim pa ng guhit ng aking noo nang mapagtanto kong si Nanay Melen ang sumisigaw roon. Kasunod niyon ang pagsigaw rin ni Tatay Alfredo at saka malakas na bumukas ang pinto nang iluwa roon si Kuya Jonathan. Sa obserbasyon ko, parang lasing ito at walang kontrol sa sarili. “Jonathan, respetuhin mo kami bilang mga magulang mo!” sigaw ni Tatay sa kanya. Paika-ikang naglalakad si Kuya Jonathan papalabas. Wala itong saplot na suot pang-itaas at mukha ngang lasing na naman ito ngayon. Wala ito sa sarili na nagsasalita habang kinakausap si Tatay Alfredo. “Bakit ko kayo rerespetuhin? Nirespeto niyo rin ba ako bilang anak niyo?” Sumunod naman si Nanay Melen kay Kuya Jonathan upang pigilan ito ngunit malakas na tinulak siya ni Kuya Jonathan kaya napadapa si Nanay Melen sa lapag. “P*tang ina, bitawan mo ako!” sigaw pa ni Kuya Jonathan. “Kanina ka pa, ah!” dagdag pa niya sabay turo kay Nanay. Nagulat ako sa nangyari kaya mabilis na rumihistro ang katawan ko upang lapitan si Nanay Melen na kasalukuyang nakadapa sa lapag. “’Nay!” sigaw ko pa nang lapitan ko siya. “Oh, nandito na pala ’tong magaling niyong anak na ampon. Akala ko patay na ’to! ’Di na kasi nagpapakita rito sa bahay!” “Pwede ba, Jonathan, pumasok ka na roon sa bahay. Gabing-gabi na. Baka marinig ka ng mga kapit-bahay!” saway naman ni Tatay Alfredo kay Kuya pero hindi pa rin siya nito pinapakinggan. Tinulungan ko na lang si Nanay na makatayo. Nakita ko na may kaunting galos siyang natamo sa braso dahil sa pagkakatumba kaya dali-dali ko siyang ipinasok sa loob at hinayaan ko na lang sina Tatay at Kuya na nagtatalo sa labas. Nagtatalo silang dalawa tungkol sa pera. “Kukuha lang po ako ng first aid.” “’Wag na anak, galos lang ito.” Hindi ko siya pinakinggan. Nagpatuloy ako sa paghahanap ng alcohol at bulak upang gamutin ang sugat ni Nanay. Nang makuha ko na ang kailangan ko, kaagad na akong lumapit kay Nanay. Tahimik lang akong nilalagyan ng alcohol ang bulak, at dahan-dahan ko itong pinahid sa sugat na natamo niya sa kanyang braso. Napaungol siya sa sakit. Naiintindihan ko naman kasi mahapdi naman talaga ’tong alcohol. Pero ’di nagtagal, nawala lang iyon. “Bakit nagkakagulo na naman po kayo rito?” naitanon ko na lang bigla kay Nanay dahil hindi ko kaya ang katahimikan na bumabalot sa aming dalawa. “Ayun, napaaway na naman kanina sa kanto dahil natalo sa sugal. ’Tapos, lasing pa. Naidala pa kanina sa barangay dahil nga sa nangyari. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko riyan sa Kuya mo.” Pinakinggan ko lang si Nanay at hindi na ako nagsalita. Ini-expect ko talaga na iyan ang isasagot niya dahil laging ganyan ang kaso na laging nagagawa ni Kuya Jonathan araw-araw. “Siya nga pala, ano nga pala ang sadya mo at napauwi ka rito? Kailangan mo ba ng pera?” Umiling ako. “Hindi po. May pera naman po ako. May gusto lang sana akong sabihin sa inyo. Pero mukhang bad timing yata ngayon.” “Hindi naman. Puwede mong sabihin sa akin ngayon. Ano ba iyan?” Matagal bago ako nakasagot. Nagdadalawang-isip pa ako kung sasabihin ko ba kay Nanay ang magandang balita na dumating sa akin ngayong araw. Sa huli, nakapagdesisyon ako na sabihin na lang para naman maging masaya siya. Saka, ’di rin lang ’yan ang pakay ko sa kanya. Kundi meron ding iba. Kinuha ko muna ang papel para ipakita sa kanya. Iniabot ko ito kay Nanay at tiningnan naman niya iyon. “Nakapasa po ako sa exam for scholarship. Kaming dalawa ni Monica. Mukhang makakapag-aral na po ako sa kolehiyo,” pagbabalita ko. Halatang-halata sa boses ko ang saya. “Wow! Talaga, anak!? Naku! Nakaka-proud naman! ’Di ba ito ’yong gusto mo, ’yong makapag-aral sa kolehiyo? Naku! Matutupad na ’yong pangarap mo balang-araw kapag nakapagtapos ka.” Nahihiyang ngumiti ako kay Nanay. “Opo,” nasabi ko na lang sa kanya. “Teka? Eh, ’di, aalis kayo ni Monica papuntang Maynila? Kailan?” “Hindi ko pa po alam. Baka sa susunod na linggo na po yata kasi kailangan naming magpa-enroll.” “Ngayon mo sabihin sa akin na hindi mo kailangan ng pera. Alam kong kailangan mo talaga ng pera para pamasahe mo. Teka? May kukunin ako.” “’Nay, ’wag na,” pagpigil ko pa sa kanya kasi hindi naman pera ang pakay ko kung bakit ako nandito. “Hindi. May ibibigay akong pera para sa iyo. Allowance mo kapag aalis na kayo ni Monica papuntang Maynila.” Hindi ko na siya tuluyang napigilan pa dahil kaagad na siyang tumayo sa pagkakaupo. Naudlot lang ang pagpasok ni Nanay sa kwarto nang pumasok si Tatay sa bahay, kasama na niya si Kuya Jonathan na nakatulog na dahil sa sobrang kalasingan. Nakaalalay naman si Tatay kay Kuya. Tumayo naman ako para tulungan siyang buhatin at alalayin si Kuya papunta sa kabilang kwarto. Nang muli kaming nasa sala, doon na ibinalita ni Nanay kay Tatay ang sinabi ko kanina kaya tuwang-tuwa naman si Tatay sa akin. “Heto, John,” sabi pa sa akin ni Nanay sa mahinang boses. May iniabot siya sa akin. Pera iyon, malaking halaga. Kahit na hindi ko alam kung magkano iyon, alam kong malaking halaga iyon. Kaya gulat na gulat akong napatingin sa kanilang dalawa, lalo na kay Nanay. “’Nay, hindi ko po kailangan ng pera. Sa iyo na ito. Kailangan niyo po ito.” “Hindi, anak. Para sa iyo talaga iyan. Matagal naming pinag-ipunan iyan ng Tatay mo. Nilihim lang namin dahil… kilala mo naman ang Kuya Jonathan mo, ’di ba? Saka minsan ka na lang din namin makita, alam kong nahihirapan ka na kaya gusto ka namin tulungan kahit sa halaga lang na iyan, lalo na’t nakapasa ka sa sinasabi mong exam. Magagamit mo talaga iyan. Kaya tanggapin mo na lang ang pera, para sa aming dalawa ng Tatay mo.” Wala na rin akong nagawa kundi tanggapin iyon. May point din naman sila. Mukhang kailangan ko rin ng pera sa susunod na linggo dahil nga sa aalis kami ni Monica papuntang Maynila. “Salamat po,” nasabi ko na lang at saka ko tinanggap ang pera na iyon. “Ano nga pala ang pakay mo rito ngayon, Hijo?” tanong pa ni Nanay sa akin matapos kong tanggapin ’yong pera na binigay niya sa akin kanina. “Kumain ka na ba? Nagluto ang Tatay mo ng paksiw. ’Di ba, paborito mo ’yon?” “Ah, tapos na po akong kumain sa bahay nina Monica. May itatanong lang po sana ako sa inyong dalawa ni Tatay. Kung okay lang?” “Oo naman. Ano ba iyon?” Matagal ulit akong nagsalita dahil pinag-iisipan ko pa kung ano ang sasabihin ko. “Tutal pupunta na po ako ng Maynila sa mga susunod na araw, gusto ko lang po sanang itanong kung may ideya po kayo kung ano ang pangalan o hitsura ng totoo kong ina? Gusto ko pong hanapin siya roon kapag nagkataon.” Nakita ko kung paano nagkatinginan sina Nanay Melen at Tatay Alfredo sa isa’t isa nang tanungin ko sa kanila iyon. Mayamaya pa ay sinagot na nila ang katanungan ko. “Sorry, anak. Pero katulad ng sinabi namin sa iyo ng Nanay mo noon, hindi talaga namin kilala o nakikita pa ang ina mo noong bata ka pa. Ni hindi rin namin alam na may asawa pala si Victor, ’yong totoo mong ama. Basta ka lang niya ibinigay sa amin matapos siya pumalaot isang gabi at hindi na bumalik pa kahit kailan. Ni hindi nga namin alam kung buhay pa ba si Victor o patay na,” si Tatay Alfredo ang sumagot. “Bakit, John? Nakakasigurado ka ba na mahahanap mo talaga ang tunay mong ina roon?” Napabuntong-hininga na lang ako kasi wala akong nakuhang sagot sa kanilang dalawa. “Hindi naman po yata masama na hanapin ko ang tunay kong ina, ’Nay. Gusto ko lang siyang makausap kung bakit niya kami iniwan ni Tatay Victor.” Wala akong nakuhang salita sa kanilang dalawa. Matapos niyon, mabilis na akong tumayo at nagpaalam na aalis na. Pero bago ako makaalis, may huling salita pa na binitawan si Nanay sa akin. “Sana mapatawad mo na kami ng Tatay Alfredo mo, John. Hindi namin sinasadya na itago sa iyo ang katotohanan noon kasi gusto ko lang namin protektahan. Sana mapatawad mo pa kami.” Ramdam ko kung gaano ka sincere si Nanay nang sabihin niya iyon sa akin. Oo, naaawa ako sa kanilang dalawa. Pero sobrang sakit pa rin ng ginawa nila sa akin. Kaya hindi ko pa rin alam kung kailan ko sila mapapatawad. Medyo bato pa kasi ang puso ko sa kanila dahil masyado nila akong nasaktan noon. Mapait na ngumiti lang ako sa kanila at saka na ako nagpaalam. “Aalis na po ako. Ingat po kayo rito. Salamat po ulit sa pera na ibinigay niyo po sa akin. Makakatulong po ito bilang pamasahe ko papuntang Maynila.” Wala tuloy silang nagawa kundi magpaalam na rin sa akin. Medyo na-guilty ako sa ginawa ko kasi parang ang taas naman yata ng pride ko sa kanila. Pero sinunod ko lang ang nararamdaman ng puso ko. Nagpakatotoo lang ako. At iyon ang tunay na nararamdaman ko sa kanila. “John, ingat ka!” narinig ko pang sigaw ni Nanay Melen sa akin habang papalayo ako sa bahay nila. Lumingon lang ako sa kanila at ngumiti. At saka na ako nagpatuloy sa paglalakad pabalik sa bahay ng magulang ni Monica.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD