Monica’s Point of View
NANANATILING hindi kami nagkikibuan ni John nitong nakalipas na dalawang linggo. Matapos kaming magkainitan noong isang araw dahil sa ka-negahan niya, hindi ko na siya pinansin pa. Ni hindi na nga siya nakikitulog sa bahay, at hindi ko rin alam kung saan na siya nakikitulog ngayon.
Mataas kasi ang pride ko. Pero minsan naman, ako na ’yong humihingi ng sorry sa aming dalawa kapag alam ko na ako ’yong nagkamali.
Pero sa ngayon, ’di ko talaga siya papansin. Kahit pa na magmukha akong immature sa ginagawa ko.
Isang tanghali ay kasalukuyang nasa palengke ako. Tinutulungan ko kasi si Nanay na magtinda ngayon dahil may ginagawa sa bukid si Tatay.
May puwesto kasi si Nanay rito sa palengke. Nagtitinda ng mga sari-saring gulay si Nanay at kung ano-ano pang mga rekados.
Nakaupo lang ako sa isang gilid, hinihiwa ko ’yong gulay na puwedeng maibenta para pang-ulam. Si Nanay naman ay busy sa page-entertain ng mga suki niya.
Hanggang sa hindi ko inaasahan na dumating pala si John, bitbit nito ang isang basket na puno ng sayote. Nakangiti ito habang kausap niya si Nanay.
“’Nay Rosa, nandito na po ’yong sayote na pinabilin niyo po.”
“Sige, Hijo. Ibaba mo na lang diyan at kunin mo ’yong bayad kay Monica.”
Takte! Sa akin pa talaga pinaubaya ni Nanay ’yong bayad!
Bigla akong nataranta sa kinauupuan ko at umayos ng upo nang mapansin ko na papalapit na si John sa puwesto ko. Umarte ako na busy roon sa paghihiwa ng mga gulay at susubukan kong hindi siya kausapin. Bahala ka talaga sa buhay mo, John. ’Di talaga kita papansinin!
Naramdaman ko na lang na nasa unahan ko na pala siya. Nang itaas ko ’yong tingin ko sa aking harapan, hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit ako biglang napatulala sa kakisigan ng katawan ni John.
Tumambad sa akin ang hubad na katawan niya. Pumuputok ang maalon-alon nitong abs habang hindi ko maintindihan kung bakit parang naglalaway ako sa naninigas nitong magkabilang biceps. May puting towel na nakasampay sa balikat nito. Ganoon na lamang ang ngiti niya habang nakatingin at nakapamewang sa akin.
“Ang bayad daw sabi ni Nanay Rosa.” Napukaw ang atensyon ko ng magsalita siya. Napangiwi tuloy ako at walang salita na tumayo sa pagkakaupo ko.
Pumasok ako sa loob at kinuha ang wallet ni Nanay upang kumuha ng sapat na pera pangbayad sa sayote.
Nang maibigay ko sa kanya ang bayad, kaagad akong dumaretso sa pagkakaupo ko sa maliit na upuan kanina upang ipagpatuloy ang paghihiwa ko roon ng gulay. Hindi ko pa rin pinapansin si John.
“Psst,” narinig kong pagtawag niya. Bahala ka diyan!
“Pst!”
“Psssstttt.”
Ganoon pa rin. ’Di ko talaga siya pinapansin. Bakit niya ako sinisitsitan!? May pangalan ako!
Mayamaya, kinabahan ako bigla nang lumapit pa siya sa akin at tumabi roon sa gilid ko.
“Uy! Ba’t hindi mo ako pinapansin?” tanong niya sa malamyong boses. Naramdaman ko na hinawakan niya ang balikat ko. Kaya mabilis ko itong tinabig dahil naiinis pa rin ako sa kanya.
Kahit hindi ko siyang binabalingin, alam kong tinatawanan niya lang ako dahil sa inaakto ko sa kanya. Takte! Nakikipagbiruan ba ako sa lalaking ’to!? Hindi, ’di ba!?
Muli na naman niya akong kinalabit sa balikat at saka siya nagsalita. “Hindi mo ba talaga ako papansinin?” Medyo hindi na ganoon kaganda ang tono ng boses niya. Kaya napatingin na ako kay John.
“Ano bang ginagawa mo rito?” may pagtatampong tugon ko sa kanya at saka ko siya inirapan.
“Alam mo, hindi bagay sa ’yo ang nagsusungit,” sabi niya ’tapos bigla niyang hinawakan ang magkabilang pisngi ko. Ganoon na lamang ang pagkagulat ko ng bigla niyang iharap ang mukha ko sa kanya at saka niya pinisil-pisil.
“Sorry na. Please…” Para siyang bata habang ginagawa niya iyon. Nakanguso pa siya sa akin na mukhang nagmamakaawa.
Pekeng tumawa ako kay John. “Hindi rin bagay sa ’yo ’yang ginagawa mo.” At saka ko ibinalikwas ang dalawang kamay niya na nakakapit sa mukha ko upang makatayo ako’t makaalis sa tabi niya.
Hindi ko alam na sumunod pala siya sa akin. Nakangisi pa siya, na hindi ko alam kung bakit nakuha pa niyang maging masaya dahil sa pagtatampo ko.
“Sige ganito na lang. Mamayang hapon, sunduin kita rito. Kain tayo ng streetfoods. Gusto mo ’yon?”
Napatigil tuloy ako sa kinatatayuan ko. Pero hindi ko pa rin sinubukan na balingan siya dahil ayokong isipin niya na makukuha niya ako sa streetfood-streetfoods na ’yan—kahit na alam niya na ’yan din ang weaknesses ko aside sa Pan De Coco.
“Ano? Gusto mo libre kita? Saka may ipapakita rin ako sa ’yo mamaya. Sigurado akong magugustuhan mo ’yon.”
Bigla akong na-curious sa sinabi niya. Hindi rin naman ito ang kauna-unahan na nako-curious ako sa mga pasikreto at pa-hanging cliff ni John. Umakto lang ako na wala. Para maisip niya na hindi ako masyadong interesado at umaasa.
Dito na ako tuluyang humarap kay John. “Ano ang ipapakita mo sa akin?” tanong ko sa kanya.
“Basta. Surprise ko na lang sa ’yo. Ano? Sama ka sa akin mamayang hapon?”
Napangiwi pa ako para pag-isipan ang desisyon ko. Oo na. Hindi na ako magpapakipot pa. Papayag na akong sumama sa kanya mamaya.
Kaya tumango na ako bilang sagot. “Okay. Sabi mo ’yan, ah. Libre mo.”
Nakita ko kung gaano kasaya si John nang pumayag ako. Nagtatalon pa siya roon sa saya at saka siya nagpaalam sa akin. Loko-loko rin! Hindi naman obvious na excited siya mamaya, ah. Ano ba nangyayari sa lalaking ’yon!?
Napailing na lang ako at saka ko pinagpatuloy ang gagawin ko. Naroon sa dibdib ko ang kaba kung ano ’yong ipapakita ni John sa akin mamaya. Curious pa rin talaga ako hanggang ngayon.
MGA PASADO alas-kuwatro ng hapon nang sunduin ako ni John sa puwesto ni Nanay. Nagpaalam na rin ako kay Nanay ngayon. Mabuti na lang dumating si Tatay kanina kaya may kasama siya kapag umalis ako.
Hindi nagtagal ay nasa lugar na kami ng bayan kung saan maraming nagtitinda ng mga streetfoods. Kaagad akong tumakbo roon sa isang cart upang kumuha agad ng stick para simulan ang pagtutusok ko ng fishball.
“Hindi ka naman masyadong excited, ah,” biglang sabi ni John sa akin nang makalapit siya sa tabi ko. Tumingin ako sa kanya ’tapos isinubo ko ang isang fishball na nakatusok sa stick bago ako nagsakita.
“Libre mo, eh. Aangal pa ba ako?”
“Eh, ’di ang ibig sabihin niyan, pinapatawad mo na ako?” Napaka-genuine ng pagkakasabi niyang iyon. Masaya siya. Walang bahid ng kalungkutan ang mukha ni John.
Umakto pa ako na nag-iisip kung tatanggapin ko ’yong pagso-sorry niya sa akin. Sa huli, binale-wala ko na lang ’yong pagtatampo ko sa kanya. ’Di na rin kasi maganda.
“Okay. Pinapatawad na kita,” nakangiti kong sagot sa kanya sabay tusok ng isang fishball doon sa hawak kong plastic cup bago ko ito isinubo.
Narinig kong tumawa si John. “Pagkain lang pala ng fishball ang katapat mo. Ang tindi mo rin, eh, ’no! Dalawang linggo mo kaya ako hindi pinapansin. ’Tapos, ’yan lang pala ang magiging katapat mo para pansinin mo ako.”
“Eh, ikaw kasi! Nakakainis ka minsan. Ang nega-nega mo. ’Wag ka kasing maging nega kung mag-isip. Hindi maganda ’yan.”
Ngumiti lang siya at nagsimula na rin siyang tumusok ng fishball doon sa may maliit na kawali.
“Siya nga pala, ano ’yong ipapakita mo sa akin?” naitanong ko na lang bigla kay John nang makaupo kami sa isang bench habang kinakain namin ’yong fish ball na binili namin kanina.
“Gusto mo talagang malaman?”
Mabilis ang pagtango ko ng ulo. “Oo naman. Kanina ko pa iyan iniisip. Kinakabahan ako sa ’yo. Atat na atat na ako.”
“Okay. Kumalma ka lang. Wait, kunin ko muna sa bag ko.”
Inilagay muna ni John ang plastic cup niya na may lamang fish balls sa gilid niya. Bago niya kinuha ang sinasabi niyang ipapakita sa akin.
Mayamaya, may iniabot siyang puting sobre sa akin. Punit at nakabukas na iyon. Nagtataka naman ako kung ano ang laman ng sobreng binigay niya sa akin.
“Ano ’to?” tanong ko sa kanya habang nakakunot ang noo ko.
“Buksan mo para malaman mo,” sagot na lang ni John habang hindi nawawala ang ngiti niya sa labi. Kaya ginawa ko ang sinabi niya. “Sorry, ah. Hindi man lang ako nagpaalam sa ’yo. Binuksan ko na siya para makita ang laman.”
Isang papel ang nakuha ko sa loob. Pormal na nakatupi ito kaya binuksan ko na lang din.
Pagtingin ko, isang letter iyon. Galing sa munisipyo.
Dahan-dahan akong napatayo nang mahinang basahin ko ang nakasulat sa letter. “To Ms. Monica Bautista, we are glad to inform you that you have passed the Scholarship Examination…”
Hindi ko na naituloy pa ang pagbabasa dahil tuluyan na nga akong nagsisigaw, nagtitili, at nagtatalon sa kinatatayuan ko.
Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Naiiyak ako na natutuwa sa nalaman. Hindi ko maintindihan ’yong nararamdaman ko. Ang saya-saya ko, grabe!
Bumalik ako sa kinauupuan ni John. Umupo ako sa tabi niya pagkatapos at saka na ako napatakip ng bibig ko dahil hindi pa rin ako makapaniwala sa nalaman ko.
“Ano? Masaya ka ba?” tanong pa ni John sa akin habang nakangiti siya.
Binalingan ko siya at saka tumango. Iyon lang ang ginawa ko kasi hindi pa rin ako makapagsalita dahil sa tuwa.
“Sabi ko sa ’yo. Sasaya ka kapag pinakita ko ’yan sa ’yo.”
“Salamat. Hindi ko alam na dumating na pala ’to. Kailan ito dumating? At bakit nasa sa iyo.”
“Kahapon ’yan dumating. Doon sa bahay niyo. Pupuntahan sana kita kahapon kasi hihingi ako ng sorry sa iyo. Sakto namang nadatnan ko rin ang kartero sa tapat ng bahay niyo. Walang tao kaya ako na ang tumanggap para ibigay na lang sa iyo.”
“Ganun ba.”
“Oo.”
“Oh, eh, nasaan na ’yong sa iyo pala? Natanggap mo na?”
Doon ko napansin na biglang nagbago ang reaksyon ng mukha niya. Sa obserba kong ’yon, bigla tuloy akong kinabahan. ’Wag sanang magkatotoo ’yong iniisip ko ngayon. Nakakalungkot iyon para sa akin, lalo na kay John.
“Uy! Nasaan na ’yong sa iyo?” tanong ko pa sa kanya kasi ayaw niyang magsalita.
“Wala,” matamlay niyang sagot sa akin. “Tinago ko. Hindi ko pa nabubuksan.”
Napailing ako saka ko inilahad ’yong kamay ko sa kanya. Gusto kong malaman ang resulta kung nakapasa ba siya o hindi. Bakit ayaw niyang tingnan?
“Akin na.”
“Bakit?” natatakot niyang tanong sa akin.
“Ako ang magbubukas.”
“Ayoko.”
“Bakit? Natatakot ka kasi baka hindi ka nakapasa?”
Tumango siya bilang sagot. Sabi ko na nga ba. “Okay lang naman na makaramdam tayo ng takot, John. Pero kailangan mong malaman ang resulta para mawala na ’yang takot na nararamdaman mo. Kahit ano’ng mangyari, kahit na ano ang magiging resulta, wala tayong magagawa kundi tanggapin iyan. Malay mo naman nakapasa ka, ’di ba?”
“Eh paano kung hindi?” dagdag pa niya. Heto na naman siya. Nag-aalangan na naman siya. Ramdam ko ang takot niya ngayon. Pero kailangan ko siyang i-encourage.
“Advance ka lang mag-isip. Kaya ako na ang titingin at sasabihin ko na lang sa ’yo kung ano ang nakalagay. Huwag ka sanang maging nega ngayon, please.”
Nagdadalawang-isip tuloy siya. Pero sa huli, kinuha na rin niya ’yong puting sobre sa loob ng bag niya at saka niya ito dahan-dahan na ibinigay sa akin.
Inabot ko ito at kaagad na pinunit. Pero bago ko iyon mabuksan ng buo, nagsalita muna si John sa akin.
“Puwede doon ka sa malayo? Natatakot talaga kasi ako.”
Wala akong salitang tumango ako sa request niya. Kaya tumayo ako sa pagkakaupo ko at dumistansya muna ng ilang pulgada sa puwesto niya bago ko ipinagpatuloy ang pagbubukas ng sobre.
Makalipas ang ilang segundo, nabuksan ko na rin ang papel at sinimulang basahin ang nakasulat.
Laking gulat ko sa nabasa.
“To Mr. John Jerick Mendoza, we are glad to inform you that you have passed the… WHAAAAAAAAA!!!”
Tuluyan na akong naghisterikal doon. Ang lakas ng sigaw ko kaya nagtitingin na rin ’yong ibang tao sa paligid ko.
Mabilis akong lumapit kay John na kasalukuyang nakatayo na sa pagkakaupo. Nagtataka siya sa akin kung bakit ako nagsisigaw. Hindi ba obvious ang saya ko kasi nakapasa rin siya!?
“John!!!!!” sigaw ko pa no’ng makalapit ako sa kanya. Dahil sa sobrang saya ko, mabilis ko siyang niyakap ng mahigpit at doon na ako nag-iiyak sa dibdib niya. “Congrats, nakapasa ka!” dagdag ko pang sabi sa kaibigan ko.
Matapos kong sabihin iyon, naramdaman ko na lang ang mahigpit na yakap niya sa akin. Umiiyak din siya dahil sa galak.
“Salamat, Monica. Salamat,” naitugon na lamang ni John sa akin habang umiiyak siya sa balikat ko.
Ito na yata ang pinakamasayang araw na nangyari sa aming dalawa ng kababata kong si John. Sa wakas, makakapag-aral na ulit kaming dalawa. Sa wakas, matutupad na rin ang pangarap ko balang-araw.
At sana lang maging maayos ang mga susunod na mangyayari na kabanata ng aming buhay.