Sheila’s Point of View
NAGISING na lamang ako sa malakas na katok ni Papa sa pinto ng aking kuwarto. Napainat ako ng katawan nang magmulat ako ng mata at muli ko na namang naalala ’yong nangyari kagabi kaya parang automatic na naramdaman ko ulit ang sakit na naramdaman ko kahapon.
“Sheila, anak? Okay ka lang ba? Hindi ka ba papasok? Maga-alas nuwebe na ng umaga. Gising ka na ba?” sunod-sunod na tanong sa akin ni Papa habang patuloy pa rin siyang kumakatok doon sa pinto.
Napahawak ako sa ulo ko at napahilamos ng mukha gamit ang dalawang kamay ko pagkatapos. Hindi ko namalayan na maga-alas nuwebe na pala ng umaga. ’Di tuloy ako nakapasok sa first period class ko kaninang alas siyete. Saka napansin ko na suot-suot ko pa rin ’yong damit na sinuot ko kahapon. Mukhang kinatulugan ko na lang talaga ’yong pag-iyak ko kagabi.
Wala na akong nagawa kundi tumayo na sa pagkakahiga at matamlay na lumapit sa pinto upang pagbuksan si Papa. Nakita kong nakapustura na siya ng maayos na damit: sky blue long sleeves na tinernuhan ng brown na blazer, at itim na slacks at sapatos. Sakbit-sakbit na rin niya ang kanyang shoulder bag na itim na naglalaman ng mga gamit niya para sa trabaho.
Habang siya ay nakita niya akong sabog ang buong mukha at buhok. Para akong dinaanan ng malakas na hangin dahil sa porma ko.
“Okay ka lang ba, anak? May sakit ka ba?” iyon kaagad ang bungad na tanong niya habang nakatingin sa akin.
Umiling naman ako para sa tanong ni Papa. “Hindi po. Wala lang po akong gana ngayong araw,” sagot ko pa saka ako naglakad pabalik sa kama at muling humilata roon, yakap-yakap ang malambot kong stuffed toy na bigay sa akin ni Kent noong high school pa kami. Isa iyong We Bare Bears Stuffed Toy na regalo niya sa ’kin noong pasko.
Naramdaman ko ang pag-upo ni Papa sa kama kasi bigla akong napadausdos ng kaunti. Pagkatapos ay naramdaman ko rin ang paghipo ng likod ng kamay niya sa leeg ko upang i-check kung may sinat ba ako.
“Hindi ka naman mainit. Pero bakit ang tamlay mo ngayon? May nangyari bang hindi maganda kahapon?” nag-aalalang tanong ni Papa sa akin. Binalingan ko siya kahit na nakatagilid ako sa pagkakahiga. ’Tapos mapait na nginitian ko lang siya.
“I’m okay, ’Pa. Wala po kayong dapat na ipag-alala.” Pagkatapos kong sabihin iyon, saka ulit akong tumalikod sa kanya. Mas hinigpitan ko pa ang pagyakap ko sa stuffed toy dahil feeling ko ay naiiyak ako. Ayoko lang ipakita kay Papa at baka mag-alala pa siya.
“Sheila, kilala kita. Kapag matamlay ka, alam kong hindi ka okay. Don’t forget that I’m your dad. I’m here to listen to your worries. Ayokong nakikita kitang matamlay.”
“’Pa, you don’t have to worry. Okay lang po talaga ako. It’s just that I don’t have any interest to go to school today,” sabi ko pa habang hindi siya nililingon.
Bumuntong-hininga si Papa sa sinabi ko at hinawakan niya ako sa balikat ko. “Oh, siya. Sige. Hindi na kita pipilitin. Hindi ka ba talaga papasok ngayon?”
“Hindi po muna siguro. Gusto ko po munang magpahinga ngayon,” ani ko.
“Sige. Maiiwan muna kita rito sa bahay, ah. May trabaho pa ako. Bumaba ka na kasi may niluto na akong pagkain doon sa baba. Mauuna na ako,” paalam pa sa akin ni Papa. Tumango lang ako bilang sagot sa paalam niya at saka niya ako tinapik sa balikat ko. Siyempre, hindi mawawala ang good bye kiss niya sa akin sa pisngi.
“I love you, sweetheart.”
“I love you, ’Pa.”
Matapos niyon ay kaagad na siyang umalis sa kuwarto ko. At heto, tuluyan na naman akong nilamon ng katahimikan, lalo na ng kalungkutan.
Sa tuwing naaalala ko ang mga sinabi ni Kent sa akin kagabi, parang mababaliw na ako sa sakit na nararamdaman ngayon ng puso ko. Ang hirap pala ng ganito! Ang hirap pala kapag ni-reject ka ng taong mahal mo.
Rejection pa lang ito, ah. Paano na lang kaya kung dumating sa puntong maranasan ko rin na lokohin ako, o kaya hiwalayan ako. Siguro hindi lang doble ang mararamdaman kong sakit kapag nagkataon na maranasan ko iyon. Triple siguro ang sakit na mararamdaman ko.
Bumangon ako sa pagkakahiga makalipas ang trenta minutos. Nababagot ako. Gusto kong tanggalin itong lungkot sa mukha ko pero hindi ko alam kung paano.
Saka kung papasok ako ngayon, baka magkita lang kami ni Kent. Kapag nagkataon talaga na magkita kaming dalawa, hindi siguro ako makakatingin ng maayos sa kanya kapag nasa harap ko siya. Wala na talaga akong mukhang maihaharap sa lalaking iyon. Naiiyak ako!
Muli kong nahilamos ang mukha ko gamit ang dalawang kamay ko. Saktong pagkatapos kong gawin iyon ay namataan ko ang slum book na nakapatong doon sa study table ko. ’Yon ’yong slum book na matagal ko ng ginagawa para doon itago ang mga pictures at memories naming dalawa ni Kent. Doon ko rin inilalabas ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanya na hindi ko naman masabi-sabi ng harapan.
Mukhang useless na iyon para sa akin dahil rejected lang din naman ako. Ano pa ang silbi ng slum book na iyon? Itapon ko na lang kaya ’yon?
’Wag! Sayang! sabi ng isip ko. Tama nga naman ang sarili ko. Sayang din kung itatapon ko.
Umalis na ako sa kama ko upang puntahan ang slum book na iyon. Kinuha ito at binuklat. Tumambad sa akin ang mga pictures ni Kent na nagsilbing memories ko sa kanya. Ang slum book na ito ang nagsisilbing gamot ko kapag malungkot ako sa buhay. Titingnan ko lang ang pictures niya at magiging maayos na ako.
Pero bakit parang iba na yata ngayon? Nang tingnan ko ang mga litrato niya sa slum book na ito, parang walang nagbago sa nararamdaman ko. Imbes na maging maayos ang kalagayan ko, nadagdagan pa yata ang lungkot ko, lalo na nang muling marinig ko sa aking isipan ang sinabi niya kagabi—na mahal lang daw niya ako bilang isang kaibigan.
Alam kong maraming makakarelate sa akin ngayon. Ang hirap kasi talagang magmahal ng isang kaibigan, eh. Lalo na kung mare-reject ka lang niya dahil kaibigan lang ang turing niya sa iyo.
Bumuntong-hininga na lang ako at malakas na isinara ang slum book na iyon. Bigla ko kasing naisip na hindi dapat ako malungkot ngayon.
“Sheila, tumigil ka na sa pagiging ma-drama mo. Wala kang mapapala kapag ganito. Kumilos ka na!” ani ko habang nakaharap sa salamin. Kinakausap ko na ang sarili ko. Pinagsasampal ko pa ang pisngi ko para matauhan na ako. Mukhang natauhan naman ako kasi nanumbalik na rin ’yong sigla ko nang pagsabihan ko ang aking sarili.
Sige na nga! Papasok na lang ako. Tutal, alas onse pa naman sa umaga ang second class ko ngayong araw. May dalawang oras pa ako para makapaghanda.
Ang ginawa ko na lang ay kinuha ’yong slum book doon sa study table. Susubukan ko itong itago para hindi ko na maalala pa si Kent. Mula ngayon ay ipinapangako ko sa sarili ko na kakalimutan ko na ang nararamdaman ko sa lalaking iyon. Hindi ko siya kakalimutan bilang kaibigan ko pero kakalimutan ko lang na mahal ko siya. Ito ang nararapat para sa akin ngayon. Kailangan kong mag-move on kahit masakit.
Itinago ko na lang ang slum book na iyon sa isang malaking karton. Kasama rin doon ang mga picture frames na kasama siya, pati na rin ’yong We Bare Bears na bigay niya sa akin noon. Pagkatapos ay inilagay ko lang ’yong karton sa loob ng cabinet ko. Doon mismo sa pinakababa malapit sa mga nakatuping damit.
Although kahit na nakikita ko pa ’yong karton na iyon kapag bubuksan ko ang cabinet, mukhang hindi naman ako matutuksong kuhain iyon kasi hindi na siya ganoon nakikita sa taguan niya. Mabuti na rin iyon para mabilis akong makalimot at maka-move on.
Kaagad na akong kumilos nang makita ko sa wall clock na pasado alas nuwebe trenta na ng umaga. Dali-dali ko ng kinuha ang tuwalya ko para makaligo na.
Laban, Sheila. Kaya mo ito. Makaka-move on ka rin kay Kent, patuloy ko pang pagmo-motivate sa sarili ko habang nagsa-shower ako.
MALAPIT ng mag-alas diyes ng umaga nang makarating ako sa SJU. As usual, busy ang mga taong nadadaanan ko dahil may kanya-kanya ring mga klase ang mga ito na kailangan nilang habulin.
Mag-isa akong naglakad papunta sa department ko. Major subject ang papasukan ko kaya mas mabuting pumasok talaga ako ngayon.
Papasok na sana ako sa department nang biglang makita ko sa malayo ang isang lalaking kasalukuyang iniiwasan ko. Hindi si Kent ito kundi si Jeffty—manliligaw ko.
Oo, siya nga ang tinutukoy kong manliligaw ko kay Tita Olivia kagabi. Actually, noong first year college pa kami magkakilala ni Jeffty. Classmate ko kasi siya sa College Algebra noon at siya ’yong laging nagtuturo sa akin kung minsan may pagkakataon na nalilito ako sa computation o kaya sa problem solving sa subject na iyon.
Malaki ang naging role ni Jeffty sa akin pagdating sa College Algebra. Sobrang talino niya sa Math. At dahil magaling nga siya pagdating sa problem solving at numbers, hindi na ako magugulat na ang kinuha niyong kurso ay Civil Engineering. Kuwento pa niya sa akin ay gusto talaga niyang maging Engineer katulad ng Daddy niya na nasa ibang bansa nagtatrabaho.
Matangkad si Jeffty. Malinis at maayos ang pustura ng kanyang isinusuot. Maputi rin siya at nakakaakit ang ngiti niya. Medyo kulot ang itim niyang buhok at katamtaman lamang ang build ng kanyang katawan. Sa pagkakaalam ko ay newly varsity player din ito ng basketball team sa SJU. Kasamahan siya ni Vincent na boyfriend ng baklang frenny ko na si Lassy, remember?
Pero ’yon nga lang, sa dami-daming mga physical aspects na nabanggit ko tungkol kay Jeffty, masasabi ko namang ligwak siya pagdating sa attitude niya. Sobrang yabang niya kasing magsalita. Sobrang mahangin. Iyon ang hindi ko nagustuhan sa kanya.
At kapag magkasama kaming dalawa, medyo clingy siya. Lagi siyang nakahawak sa baywang ko o kahit saan mang parte ng aking katawan na hindi ako kumportable. In short, medyo may pagkamanyakis siya.
Pero bakit nga ba naging manliligaw ko siya? At bakit pumayag naman akong magpaligaw? Dahil iyan sa mga magagaling kong mga kaibigan na sina Ivy, Hannah, Lassy, at Geneva.
Nitong mga nakaraang araw ay nagkaroon ng basketball practice ang boyfriend ni Lassy na si Vincent. Dahil gustong makita ng mga kaibigan ko ang mga bagong varsity player ng basketball team ng SJU, sinama niya kaming apat na babae sa grupo dahil daw magbo-boys hunting daw sila habang manunuod ng practice.
Ayoko sanang sumama kaso pinilit nila ako. Wala naman akong magawa kasi naisip ko na hindi na kami ganoon masyadong nagba-bonding magkakaibigan. Kaya sumama na lang ako sa kanila.
Hanggang sa doon na nga nangyari ang biruan. Nakilala ko kaagad si Jeffty roon at nalaman ko na bagong varsity player pala siya ng SJU. ’Tapos ang nakakaloka lang ay umamin si Jeffty sa akin, sa harap pa talaga ng mga kaibigan ko, na may gusto raw siya sa akin noon pa man at kung puwede ba raw siyang manligaw sa akin.
Ayoko talaga noong una pero dahil nga sa mga kaibigan kong mga ambisyoso at maiingay, sa kadahilanang gusto na rin nila na magka-love life ako, ayun… pumayag ako na ligawan ako ni Jeffty.
Noong una ay hindi ako naging kumportable sa kanya kasi lagi niya akong sinusundan o ’di kaya naman ay nakaabang na siya sa pinto ng classroom para sunduin ako.
Magyayaya kaagad iyan na manuod daw ako ng practice niya pero umaayaw ako kasi may practice rin ako sa Taekwondo. Wala rin akong takas kay Jeffty kasi kapag tapos na akong mag-practice ng Taekwondo ay magugulat na lang ako na naghihintay na pala siya sa akin sa labas. Hinahatid niya ako sa bahay.
’Yon nga lang, nasampal ko siya isang beses ng bigla niya akong halikan. Pinilit pa niya ako sa gusto niya kaya ko siya nasampal. At mula niyon, iniiwasan ko na siya.
Tatlong araw ko na nga siyang hindi nakikita, eh. Mabuti na rin iyon. m******s kasi ang lalaking ‘yan.
Pero ngayong nakita ko na naman siya, dito pa sa DTE (Department of Teacher Education) na sobrang layo naman sa department ng Civil Engineering, hindi na ako magtataka pa na baka hinahanap ako ng bruhong ’yan.
Nang makita ko siya malayo sa kinatatayuan ko, kaagad akong napahinto sa paglalakad at sinubukang maglakad ng patalikod para iwasan siya.
Dahil dito, hindi ko namalayan na may nabangga na pala ako sa likod ko. Natapakan ko pa ang sapatos ng nabangga kong tao at sabay napalingon sa kanya. Shuta! Muntikan pa akong matapilok ng matapakan ko ang sapatos niya pero mabuti na lang at nahawakan ako no’ng taong natapakan ko.
“Miss, okay ka lang?” tanong sa akin no’ng lalaki.
“Ah, okay lang. Sorry nga pala’t natapakan ko ’yang sapatos mo,” paghihingi ko pa ng pasensya roon sa lalaki. Napatingin ako sa suot niyang sapatos. Mukhang bago pa iyon at nadampisan pa ng dumi dahil sa pagkakatapak ko. “Naku! Sorry! Mukhang bago pa ’yang sapatos mo. Hindi ko sinasadya na matapakan.”
Itinaas niya ang paa niya upang alisin ang dumi na nasa sapatos niya gamit ang isa niyang kamay. Ibinaba niya iyon pagkatapos niyang linisin kahit na meron pa itong kaunting dumi. “Okay lang. Daplis lang naman, eh.”
“Sorry talaga.”
“Wala ’yon.”
Muli akong tumingin sa lugar na kung saan nakita ko si Jeffty. Wala na siya roon at mukhang nakaalis na ang kumag. Kaagad ko ng ibinaling ang tingin ko sa lalaking kaharap ko ngayon.
“Uy, pasensya na ah. Natapakan ko pa ang sapatos mo.”
“’Wag kang mag-alala. Wala iyon para sa akin,” sabi niya sa akin habang nakangiti siya.
“Nakakahiya. Bago pa naman iyan.”
Mahinang natawa lang siya sa sinabi ko pagkatapos ay nagsalita siya. “May klase ka ba rito?” tanong niya sa akin.
Tumango. “Oo, eh. May iniiwasan lang ako kanina hehehe. Ikaw ba? May klase ka ba rito?”
“Wala naman. Susunduin ko lang ang kaibigan ko. Wala na kasi akong klase ngayong umaga at magsasabay kaming mag-lunch mamaya.”
“Ah, ganoon ba,” sabi ko pa habang patango-tango ang ulo ko. “Ay siya nga pala, ako nga pala si Sheila. Nice to meet you—ahm—ano nga pala ang pangalan mo?” tanong ko sa lalaki habang nakalahad ang kamay ko sa kanya upang makipag-kamay.
“Ah, John nga pala. Nice to meet you, too,” pagpapakilala naman niya sa akin bago niya abutin ang kamay ko.