Monica’s Point of View
SABI nila mas masarap daw ang magkaroon ng isang matalik na kaibigan na lalaki. At tama nga naman sila dahil napatunayan ko iyon nang dahil kay John. Hindi lang kaibigan ang maituturing ko sa kumag na ito kundi parang pamilya ko na rin siya. Sabi ko nga kanina ay lagi siyang nandiyan para sa akin. Lagi siyang nandiyan para sa tabi ko, at lagi naman akong nasa tabi niya.
Pero paano nga ba nagsimula ang lahat? Paano nagsimula ang pagiging magkaibigan namin ni John?
Nagsimula ang lahat noong anim na taong gulang pa ako. Patpat na bata ako kung tutuusin. Samahan mo pa ang uhugin kong mukha at mala-bruha kong buhok na animo’y dinaanan ng maraming bagyo dahil sa sobrang gulo.
At katulad ng maraming bata sa probinsya, mahilig akong gumala kahit saan. Minsan nga ay umaabot na ako sa tuktok ng burol upang mamitas lamang ng bayabas.
Mahilig akong mag-isa noon. Biktima kasi ako ng bullying dahil na rin sa hitsura ko na parang kulang sa aruga ng magulang. Sa gulo ba naman ng buhok ko, at lagi akong babad sa initan, sino ang bata ang hindi magkakakuto sa ulo? Samahan mo pa na lagi akong tulo-uhog dahil sipunin talaga ako noong bata pa.
At dahil sa hitsura kong dugyot, tampulan ako ng tukso ng maraming bata sa probinsyang kinalakihan ko. Siguro naman ay may katulad ko rin na nakaranas ng ganito noong bata pa. Hindi naging madali iyon sa akin dahil noon ay mabilis lang akong mapanghinaan ng loob. Kaunting panunukso lamang nila sa akin ay kaagad na akong umiiyak. Kaya nga nagawa kong mapag-isa kahit saan man ako mamasyal dahil ayoko silang makasama.
Isang araw, habang namimitas ako mag-isa ng mga bayabas sa madamong bahagi ng burol, bigla na lamang may nagbato ng malambot na bagay sa likuran ko.
Kaagad akong napatingin sa likod ko habang hawak-hawak ng kaliwa kong kamay ang likuran ng ulo ko. Napangiwi ako dahil sa nakapa ko.
“Hahaha! Monica, uhugin!” Rinig kong panunukso ng tatlong batang babae at dalawang batang lalaki sa akin habang pinagtatawanan nila ako.
“Monica, amoy tae!” sabi pa no’ng isang babae sa akin habang tinuturo niya ako. Halos hindi na ito makahinga dahil sa walang tigil na tawa nito.
Hindi nga ako nagkakamali sa naisip ko. Dumi ng baka ang ibinato nila sa likuran ko dahil nakapa ko na medyo mamasa-masa pa ito.
“Umuwi ka na, Monica! Amoy tae ka na, eh!” sabi pa no’ng isang lalaki sa akin habang pinagtatawanan ako.
As usual, wala akong ibang ginawa kundi tumakbo papalayo sa kanila. Wala naman kasi akong laban sa mga iyon dahil lima sila, nag-iisa lang ako. At kung lalaban naman ako sa mga ’yon, hindi ko rin kaya.
Habang tumatakbo ako ay hindi ko maiwasan na maluha. Tinutukso na naman kasi nila ako sa mga salitang ayaw kong marinig.
“Bilis! Habulin natin! Batuhin pa natin ng tae ng baka!” narinig ko pang sabi no’ng batang lalaki nang mabilis akong tumakbo sa kinatatayuan ko. Para akong nakikipaghabulan sa mga masasamang tao. Pinipilit ko na nga ang sarili ko na lumayo sa kanila, pero parati na lamang silang nandiyan upang asarin ako.
Binilisan ko pa ang pagtakbo ko habang nililingon ko rin ang aking likuran para tingnan kung nakasunod pa ba sila sa akin. Nang makita ko silang lima na hinahabol pa ako, mas lalo pa akong nataranta at hindi ko na alam kung saan ako tutungo. Tumakbo lang ako ng tumakbo hanggang sa makarating ako sa isang puno ng manga pababa na ng burol.
Sa hindi inaasahang pangyayari, bigla na lang akong natapilok nang hindi ko sinasadyang tapakan ang patay na kahoy roon. Malakas na napadapa ako sa maliit na damuhan at ang kasunod na lamang na nangyari sa akin ay pinagbabato na ako ng limang bata ng tae ng baka. May kasama pang pagtawa habang ginagawa nila iyon.
Napaiyak na lang ako habang nakadapa ako sa damuhan. Ang dungis-dungis na rin tingnan ng mukha ko dahil sa pag-iyak ko. Kahit na makita nila na sobra na akong umiiyak, hindi pa rin sila tumitigil sa pang-aasar sa akin.
Hanggang sa may isang batang lalaki na lumapit doon at bigla na lang pinagtutulak ’yong dalawang batang lalaki na nang-aasar sa akin. Pinagsusuntok pa niya ito sa mukha na naging dahilan upang mapasigaw ang tatlong batang babae, na kusa namang nagsitakbuhan papalayo sa lugar na iyon dahil sa takot.
Dahil nga sa tapang no’ng batang lalaking nagligtas sa akin, nagsitakbuhan na rin ang mga ito at nagawa pang magbanta sa aming dalawa.
Napatigil naman ako sa pag-iyak ko. Nang tumingin ang batang lalaki sa akin, biglang napakunot ang noo ko dahil hindi ko namalayan na si John pala iyon.
Lumapit si John sa kinauupuan ko at tinulungan niya akong tumayo. “Okay ka lang?” tanong pa niya sa akin na may halong pag-aalala. Hindi ko naman nagawa pang sumagot sa tanong niya dahil hindi pa rin naaalis sa utak ko ang nangyari kanina. Nananatili ding nakakagat lang ang isa kong kamay sa bibig ko. Pinagmamasdan ko lang siya habang pinipilit ko ang sarili na tumahan sa pagkakaiyak.
“Alam mo ba na hinahanap ka na ni Aling Rosalinda? Alas dose na ng tanghali, nasa galaan ka pa,” panenermon pa niya sa akin. At katulad nga kanina, wala pa rin akong imik sa kanya. Nakahangad lang akong nakatingin kay John dahil mas matangkad pa siya kaysa sa akin.
Patpatin din ang katawan nito at kayumanggi ang balat. Madungis ang mukha at medyo magulo rin ang itim nitong buhok. Nakasuot lamang siya ng lumang T-shirt na makikitang may butas pa ang parte ng balikat nito. Nakasuot din ito ng lumang short na dahil sa katagalan ay kumupas na ito.
Mayamaya pa ay bigla na lang niyang pinagpagpag ang tuhod kong may kaunting sugat dahil sa natamo kong pagkakadapa kanina. Napangiwi ako sa sakit at narinig naman ni John ito.
“Tingnan mo. Nasugatan ka pa. Uwi na tayo at hinahanap ka na ni Aling Rosalinda noong pagdaan ko sa inyo.”
Wala akong ibang ginawa kundi sumang-ayon sa kagustuhan niya. Wala na rin kasi ako sa mood na gumala at mamayabas dahil naamoy ko na rin ang masangsang na amoy ng tae ng baka sa katawan ko.
May kinuha lang saglit si John hindi kalayuan sa kinatatayuan ko. Pagbalik niya ay nakita ko ang isang nakakumpol na mga patay na kahoy buhat-buhat sa kaliwang balikat niya. Nang sabihin niya na sumunod lang ako sa kanya, ginawa ko naman iyon hanggang sa makababa na kami ng burol. Nakasunod lang ako sa likuran niya at makalipas ang ilang minuto ay nakarating na kami sa tapat ng bahay ng magulang ko.
Nakita ko pa si Kuya Marjun na sobrang nag-aalala habang palinga-linga siya sa labas ng bahay-kubo namin. Mukhang hinahanap niya ako dahil inutusan kasi siya ni nanay na bantayan ako. Hindi ko naman alam na mag-aalala siya ng ganyan dahil sa katigasan ng ulo ko.
“Monica, saan ka ba galing!? Patay ka talaga kay nanay niyan! Kanina ka pa hinahanap dahil magtatanghalian na!” naiinis na wika ni Kuya Marjun sa akin. “Saan ka ba galing, ah? Ba’t ang baho mo!”
Ang huling naalala ko na lang noong mga araw na iyon ay ang maamong mukha ni John na nakatingin sa akin bago pa ako makapasok sa loob ng bahay-kubo. Hindi ko alam na iyon na pala ang simula ng pagkakaibigan namin dalawa dahil sa sumunod na araw, nagkita ulit kami sa burol. Nakita ko siya na nangangahoy at nilapitan ko siya’t kinausap.
Sa totoo lang, sobrang sungit ni John sa akin. Walong taong gulang pa siya ay nakikita ko kung gaano siya sa kasungit pagdating sa akin, lalo na ibang bata. Katulad ko ay gusto rin niyang mapag-isa. Hindi dahil sa binu-bully siya ng mga bata, pero sa musmos niyang edad ay nakagawian na nito ang magbanat ng buto upang magkaroon lamang ng maliit na pera. At ang pangangahoy ang siyang ginawa niyang kabuhayan.
Dahil nga sa parang kumportable na ako sa kanya, hindi ko na napigilan ang sarili ko na maging kaibigan siya. Tinutulungan ko siyang mangahoy at kapag nagkakapera kami ay nililibrehan niya ako ng tsitserya o kaya naman ng tinapay. At doon na nga nagsimula ang pagkakaibigan naming dalawa.