Monica’s Point of View
MAKALIPAS ang ilang taon, walang naging hadlang sa pagiging magkaibigan namin ni John. Noong mga bata pa kami ay halos kami lagi ang magkasama lalo na tuwing hapon dahil nga sa tinutulungan ko siyang mangahoy para ibenta niya sa halagang bente pesos.
Kapag nakakabenta siya, nililibrehan niya ako ng pagkain. Masaya naman ako kasi lagi niya akong binibilhan ng paborito kong pan de coco. Iyon talaga ang paborito kong tinapay na hinding-hindi ko pagsasawaan sa buong buhay ko.
At dahil nga sobrang close kami ni John, hindi na ganoon masyadong nag-aalala si nanay kapag alam niyang kasama ko si John. Lalo na rin ang mga nakatatandang kapatid ko dahil nasanay na ang mga ito na laging nariyan si John sa bahay pagkatapos naming mangahoy. Sa katunayan nga ay parang anak na rin ang turing ni Nanay kay John. Hindi naman kasi ganoon kalayo ang bahay nito sa bahay namin. Maituturing na kapit-bahay pa rin namin siya kahit medyo malayo ang lalakarin papunta sa kanila.
Hanggang sa dumating ang panahon na nag-high school kami ng matalik kong kaibigan. Una pa siyang nag-high school sa akin. Nasa first year high school pa ako habang siya ay nasa second high school na.
Hindi kami ganoon laging nagkikita ni John sa school. Ngunit kapag dumarating ang lunch break, magkasama na kaming dalawa. Minsan kasi ay pinagsasaluhan naming dalawa ang isang ulam na bibilhin namin. Dahil sa sobrang mahal ng ulam na binibenta sa canteen, wala kaming magagawa kundi magsalo na lang sa iisang ulam.
Hindi rin diyan nagtatapos ang pagka-business minded namin ni John. Para may kaunting ipon din ako at mapanggagamitan sa eskwelahan, nagbebenta ako ng ice candy sa classroom. Habang si John naman ay nagbebenta ng buko salad sa classroom nila. Kami na rin dalawa ang gumagawa ng mga ito tuwing walang pasok at nakikilagay na lang kami sa kakilala ni nanay na kumare niya na may ref upang tumigas.
Isang araw, Sabado ng tanghali, nasa bahay ako ng mga magulang ni John dahil busy na namin kami sa pagbabalot ng mga ice candy at buko salad sa plastic upang may maibenta kami sa darating na Lunes. Nasa dirty kitchen ako ng mumunting bahay nila, ako lang mag-isa rito dahil nagpaalam si John sa akin na bibili siya ng gatas dahil kulang pa raw sa timpla ang buko salad na ginagawa niya.
Pumunta muna ito sa kuwarto. Mayamaya pa ay biglang may narinig akong sigaw mula sa sala nila. Ang mangiyak-ngiyak na sigaw ni John ang naririnig ko na para bang may kaaway siya. Kalabog din ng mga barya ang kasunod na narinig ko pagkatapos.
“Kuya Jonathan, akin ’yan! Hindi mo dapat kinukuha ang pera ko!”
“P*ta! Ang damot! Pambili lang ng sigarilyo!”
“Kahit na, Kuya! ’Wag mong ninanakaw ang pera ko dahil ipon ko ’yan!”
Dahil sa kaguluhan na naririnig ko mula sa sala, hindi ko na naiwasan na umalis sa puwesto ko at tingnan ang nangyayari roon. Doon ko nakita na nagtatagisan ng mga salita sina John at ang nakatatandang kapatid nito na si Jonathan, na medyo kinatatakutan ko dahil sa hitsurang mukhang adik para sa akin.
“T*ng-ina! Hindi ka titigil kakaputak diyan!? Hindi ko ninakaw ang pera mo! Hiniram ko lang kasi pinangbili ko ng sigarilyo at tinaya ko sa lotto!”
“Kuya naman, eh! Kaya pala laging kulang ang pera ko dahil ikaw lang pala ang kumukuha.”
“Hoy! ’Wag mo akong pagbibintangan ah. Sabing hindi ko nga iyan ninakaw, hiniram ko lang.”
“Ewan ko sa ’yo! Adik! Kahit ano’ng dahilan mo diyan, ninakaw mo pa rin ’yon! Hindi ko nga alam na may hiniram ka sa aking pera, ’tapos sasabihin mong hiniram mo lang. Bayaran mo ako, Kuya! Kundi hindi—”
Bigla akong natakot sa kinatatayuan ko nang makita ko na kinuwelyuhan ni Jonathan si John. Kitang-kita ko pa kung paano nakatirik ang mata nito sa kaibigan kong walang laban. “Kung hindi, ano!? Magsusumbong ka!?” sabi pa nito sa kanya. “Magsusumbong ka sa hindi mo tunay na mga magulang!?”
Napailing ako sa sinabi ni Jonathan sa kapatid niya. Hindi kaagad iyon rumehistro sa utak ko kasi natatakot ako sa nangyayari. Pero kung ano man ang sinabi niya, mukhang hindi yata maganda pakinggan iyon, lalo na kay John na hindi ko na alam kung ano na ang nangyayari sa kanya dahil nakatalikod siya sa akin. Hindi ko makita ang reaksyon niya nang sabihin ni Jonathan iyon sa kanya.
Nakahinga naman ako ng maluwag ng biglang dumating sina Aling Melen at Mang Alfredo sa bahay—mga magulang nina John at Jonathan. Kagagaling lang yata ng mga ito sa pag-aani dahil nakasuot pa ang mga ito ng luma at mahabang manggas na damit.
“Hoy, hoy, hoy! Ano’ng ginagawa niyo!?” ani ni Mang Alfredo sa dalawa nang madatnan ng mga ito ang dalawang lalaki sa ganoong posisyon. Biglang kumaripas ng takbo si Aling Melen patungo kay John at mabilis na pinaghiwalay ang mga ito upang hindi matapos ang pakikipag-alitan ng dalawa sa suntukan.
“Diyos ko! Ano ba ang nangyayari sa inyong dalawa!? Nag-aaway na naman kayo!” mangiyak-ngiyak na tugon pa ni Aling Melen habang hinihimas nito ang dibdib dahil sa nangyayari.
“Si Kuya Jonathan po kasi! Ninakaw niya po ang pera ko!” sumbong ni John kay Aling Melen.
“T*ng-inang ’yan! Ba’t ako ang sinisisi mo, eh, wala naman akong ginagawang masama!”
“Jonathan, ibigay mo na lang ang perang kinuha mo sa kapatid mo. Ipon niya ’yan. Mahiya ka naman!” sabat pa ni Mang Alfredo sa usapan.
“Ah! Mas kinakampihan niyo pa ’yang ampon niyo kaysa sa tunay niyong anak!”
“Jonathan, ano ba!? Tumigil ka na! Nag-usap na tayo tungkol dito!” saway naman ni Aling Melen sa anak nito. Doon na naliliwanagan ang isipan ko sa lahat na nangyayari. Pati ako ay hindi ko naiwasan na magulat dahil sa sinabi ni Jonathan—na ampon si John at hindi ito tunay na anak nina Aling Melen at Mang Alfredo.
“Hindi, ’Ma! Ako ang kawawa rito. Mas kinakampihan niyo pa ’yang ampon niyo kaysa sa akin! Kaysa sa tunay niyong anak!” singhal pa ni Jonathan sa ina niya na hindi na alam ang gagawin. Nakita ko naman si John na parang wala ng ibang masabi pa sa kinatatayuan nito.
Ang tahimik niya. Sobra. Hindi ko pa rin nakikita ang reaksyon ng mukha niya kasi nasa likuran niya lang ako. Pero kahit na ganoon, alam ko na nagulat siya sa rebelasyon. Nagdadasal ako na sana hindi totoo ang pinagsasabi ni Jonathan ngayon. Masasaktan si John kung totoo nga na ampon siya.
“Jonathan, hindi ka ba talaga titigil bata ka!?” saway ni Mang Alfredo sa anak nitong si Jonathan. Nilapitan na nito ang anak at parang may ibinulong pa rito. “’Di ba nag-usap na tayo rito. Ang ingay mo!”
“’Nay, totoo po ba ang sinasabi ni Kuya? Na ampon ako?” Sa pagkakataong ito ay narinig ko ng nagsalita si John sa ina nitong si Aling Melen. Basag ang tono ng boses niya dahil nararamdaman ko na nasasaktan na ito sa naririnig mula sa nakatatandang kapatid.
“Anak, huwag kang maniwala sa Kuya Jonathan mo. Anak ka—”
“’Nay, nagtatanong po ako ng maayos. Totoo po bang ampon niyo lang po ako ni Tatay Alfredo?”
Hinawakan ni Aling Melen ang magkabilang-balikat ni John upang kausapin ito ng maayos. “Anak ka namin ng Tatay Alfredo mo. Huwag kang maniwala sa Kuya mo.”
“Ampon ka! Totoong ampon ka dahil narinig ko sina nanay at tatay isang gabi na nag-uusap tungkol sa iyo. Narinig ko na ampon ka lang nila at hindi ka nila tunay na anak!” sabat pa ni Jonathan sa dalawa. Muling sinaway ni Mang Alfredo ang anak nitong si Jonathan at hinila ito papasok sa kuwarto.
“Huwag kang maniwala sa Kuya Jonathan mo. Sa akin ka maniwala, sa aming dalawa ng tatay mo. Naiintindihan mo ba ako, John? Naiintindihan mo ba ako!” Napansin ko na parang naluluha na si Aling Melen habang kausap si John. Naaawa na rin ako habang pinapanuod silang dalawa.
“Kaya pala,” narinig kong sabi ni John sa kausap.
“Kaya pala, ano?”
“Kaya pala maraming nagtatanong sa akin kung totoong magulang ko ba raw kayong dalawa ni tatay. Marami kasing nagtataka kung bakit hindi ko raw po kayo kamukha, o kaya ni tatay. Ang dami na rin pong nagsasabi na anak raw po ako sa labas ni tatay. Hindi ko lang po masabi sa inyo dahil baka magalit kayo sa akin. Pagkatapos—ngayon—malalaman ko na . . . hindi niyo pala ako tunay na anak . . . na ampon niyo lang po ako. Huwag na po sana kayong magsinungaling sa ’kin, ’Nay, dahil matagal na rin akong nagdududa sa lahat,” walang halong saya na pahayag ni John sa ina nito. Nang marinig kong pumiyok siya, doon ko na napagtanto na pinipigilan ni John ang pag-iyak niya.
“Anak . . . Hindi totoo ang lahat ng naririnig mo. Anak ka namin ng Tatay Alfredo mo.”
Hindi ko na narinig pang nagsalita si John. Paulit-ulit na umiiling na lamang siya na para bang ayaw na niyang pakinggan ang sinasabi ng Nanay Melen niya. Nagulat na lang ako nang biglang piglasin ni John ang dalawang kamay ng ginang sa balikat niya. Pagkatapos ay bigla na lang siyang tumakbo papalabas ng bahay.
“John!” Napatakbo rin ako sa labas upang sundan siya. At sa puntong iyon, dinala ako sa pagsunod sa kanya sa burol na kung saan doon kami laging tumatambay sa tuwing gumagala kami.
Nakita ko kung gaano siya nasasaktan. Nagsisigaw siya, pinaghahampas ang mga ligaw na d**o, at pumupulot ng kahit na anong bagay na nakikita niya sa lupa at binabato ito kahit saan upang mailabas lang niya ang galit na nasa dibdib niya.
Kahit na hindi pa nakumpirma na totoo nga bang ampon siya o hindi, sa idea lang na iyon, sobrang masakit na iyon para kay John. At naiintindihan ko siya.
Kahit ako na pinapanuod lamang siya sa pagdadalamhati niya roon, hindi ko na rin naiwasan pa ang maluha. Naaawa ako sa kaibigan ko. Sobrang bait niyang tao pero bakit parang napakasakim yata ng buhay na meron siya?
Hindi ko akalain na aabot sa ganito ang lahat. Mabuti na lang at nandito ako para sa kanya. Sa makalipas na taon na pagkakaibigan namin ni John, alam ko na kung paano siya mapapakalma. Alam ko na kung paano mapapagaan ang kalooban niya.
At sana naman maging maayos na ang lahat para sa kanya.