Chapter 4

2060 Words
Monica’s Point of View KAAGAD akong bumaba ng motor nang makarating kami ni John sa bayan ng San Francisco. Medyo malayu-layo rin ang biniyahe naming dalawa dahil nga ang gamit namin ay ang motor lang ng kaibigan ko. Hindi muna kami pumunta sa city hall dahil nagpagasolina pa si John. Muntikan na kasi kaming maubusan ng gas sa gitna ng kalsada kanina at mabuti na lang ay hindi kami tumirik. Kaya dumaretso muna kami sa isang gasoline station upang magpagasolina. At dahil walang pera itong kaibigan ko, ako na muna ang nagbayad sa pangpagasolina ng motor niya.  “Moni, ano’ng ginagawa niyo rito?” tanong sa akin ng gasoline boy na si Nelson. Naaalala niyo pa ba ’yong dalawang batang lalaki na nang-bully sa akin noon? Isa si Nelson sa dalawang batang lalaki na nang-bully sa akin noong bata pa ako. At nakakatawa lang isipin na ang batang lalaki na lagi akong inaasar noon ay mistulang naging anghel dahil sa kabaitan sa akin ngayon. Siguro dahil may gusto siya sa akin noon, iyon ang pagkakaalam ko. At hindi iyon chismis dahil totoo talagang may gusto si Nelson sa akin no’ng nag-second year high school ako. Muntikan pa nga niya akong ligawan pero dahil tutol si John sa lalaking ito, hindi tuloy nakaporma ng maayos si Nelson sa akin.  Lagi raw kasi siyang pinagsasabihan ni John na huwag daw akong ligawan kasi nag-aaral pa raw ako. Naalala ko pa nga dati na nagsuntukan itong dalawa dahil sa pinipilit talaga ni John na layuan ako ni Nelson. Napatawag pa tuloy silang dalawa sa guidance office dahil sa ginawa nilang pag-aaway. Ngayon, hindi ko na alam kung may gusto pa ba ’tong si Nelson sa akin. Pakiramdam ko naman ay wala na. Matagal na rin kasi magmula nang makapagtapos ako ng high school, at naniniwala ako na ang lahat ng nararamdaman ng isang tao ay nagbabago talaga kapag nalipasan na ng panahon. “Ahm, magte-take kami ng exam para sa scholarship diyan sa city hall,” sagot ko kay Nelson habang busy siya sa paglalagay ng gasolina sa motor. Habang nag-uusap kami ni Nelson ay napansin ko na kinuha ni John ang de-keypad niyang cell phone mula sa bulsa ng suot niyang kupas na maong. Mabilis na sinagot ng kaibigan ko ang tawag at dumistansya muna siya sa aming dalawa upang sagutin ang tumatawag. “Ganun ba. Sabagay, noon pa man ay gusto mo na talagang makapag-aral sa kolehiyo. Siguradong-sigurado ako na makakapasa ka sa exam na iyan at mukukuha mo ’yong scholarship na inaasam mo. Matalino kang tao, eh, at naniniwala ako sa iyo,” sabi pa sa akin ni Nelson na sobrang ikinalambot ng puso ko. “Salamat, Nelson.” “You’re welcome.” “Umagang-umaga, nakikipaglandian ka sa lalaking iyan.” Bigla akong napalingon sa gilid ko nang marinig ko ang boses ni John. Tapos na yata ang pakikipag-usap nito sa cell phone kaya hindi ko namalayan na nasa tabi ko na pala siya habang nakabusangot ang mukha. “Grabe ka naman!” pagrereklamo ko sa kanya. “Nag-uusap lang kami ni Nelson,” dagdag ko pa. “Nag-uusap? Ano naman ang pinag-uusapan niyo?” malamig ang tono ng boses ni John nang sabihin niya iyon. “Monica, hindi mo ba alam na may anak na ’tong Nelson na ’to. At may asawa na ’yan.” Hindi na ako magugulat pa sa sinabi ni John sa akin dahil alam ko naman na may anak na itong si Nelson. Oo, meron na. Sa edad na bente kuwatro, may isa ng anak na lalaki si Nelson. Naging issue pa nga sa Sitio namin ang pakikipagtanan nito sa isang mayamang babae na aksidenteng nabuntis niya. Hindi ko alam ang pangalan ng babae at hindi ko pa rin ito nakikita. Nakapagtataka nga lang kasi kung mayaman naman ang babaeng napangasawa ni Nelson, bakit nagtitiis pa rin itong magtrabaho bilang gasoline boy? Sa huli, ayokong makisawsaw dahil hindi ko naman buhay iyan. “Alam ko. Huwag ka ngang spoil diyan!” pagsasaway ko sa kababata ko dahil hindi maganda ang tabas ng dila niya sa sinabi nito tungkol kay Nelson. Hinarap ko muli si Nelson upang humingi ng sorry para kay John. “Pagpasensyahan mo na ’tong kasama ko, ah.” “Wala ’yon,” nakangiti pang sagot ni Nelson sa akin. “Baka kasi hindi pa nakakamove-on itong kaibigan mo kung ano ang natamo niya noong natalo ko siya sa pakikipagsuntukan dati,” pabirong tugon pa ni Nelson sa akin habang ang mata niya ay nakatingin kay John. Hinaluan din niya ito ng pagtawa na sadyang ikinainis ng kasama ko.  Kaya ang sumunod na nangyari, kusang susugurin na sana ni John si Nelson upang bigyan ito ng suntok sa mukha. Mabuti na lang at mabilis akong pumagitna upang pigilan siya. Ayoko kasing nakikipag-away itong si John sa kahit na sinong lalaki nang dahil lang sa akin. Maraming beses na rin itong nangyari at ayoko na talagang maulit pa. “Teka John! Maghunos-dili ka nga!” sigaw kong sabi sa kaibigan ko habang pinipigilan ko siya na hindi makalapit kay Nelson na patuloy pa rin sa pagtawa. “Ah, talaga! Lumapit ka sa akin, gago ka, at uupakan ko mukha mo!” sumbat pa ni John kay Nelson. Kitang-kita ko na namumula na ang kabuuan ng mukha niya. Kahit moreno itong kaibigan ko, nakikita ko pa rin sa mukha niya kung paano siya mamula. Ibig sabihin niyan ay sobrang naiinis na talaga ito. “John, please! Ano ba!? ’Wag kang mag-eskandalo rito!” pigil na pagsigaw ko pa sa kanya kaya napatigil siya sa pagsugod niya kay Nelson. Wala pa ring tigil ang katunggali sa pagtawa. “Oh, eto, Nelson. Kunin mo na ’yong bayad namin nang makaalis na kami rito. Masyadong mainitin ang ulo ng kasama ko ngayon.” Napangiwi na lang si John at saka masamang tinitigan niya si Nelson na abala naman sa pag-abot ng bayad namin doon sa cashier. Nananatiling nakangiti pa rin ang lalaki dahil sa nangyari. “Ikaw talaga! Pinaglihi ka ba sa eskandalo? Ba’t ba ang gaan-gaan ng kamay mo, ah!?” pagsaway ko sa kanya. ’Yon nga lang, hindi man lang niya pinakinggan ang sinabi ko kasi abala rin siya sa pagsuot ng kanyang helmet. Tinanggal niya kasi ito no’ng may katawag siya sa cell phone. “Wala,” malamig na sagot ni John sa akin. Malakas pa itong sumipa upang buhayin ang makina ng motor. “Sakay,” utos pa niya sa akin. Minsan talaga hindi ko maintindihan ang ugali nitong si John. Hindi ko alam kung may sayad ba ito sa utak o sadyang ’di na talaga mawawala sa ugali nito ang pagkamainitin ang ulo. Sobrang malalapitin sa gulo. Ayoko talagang nakikipag-away siya lalo na pagdating sa akin. Wala na akong nagawa kundi sumunod sa utos niya. Hindi maipinta ang mukha ko nang umangkas ako sa likuran ng motor ni John. “Kumain muna tayo bago tayo pumunta sa city hall. May isang oras pa naman tayo, eh,” saad ko na lang sa kanya dahil nagugutom na rin naman ako. Wala na akong narinig pang salita mula sa kanya at kaagad na niyang pinaandar ang motor. Mga ilang segundo ang nakalilipas, hininto ni John ang motor sa isang karinderya na mukhang kabubukas pa lamang. Doon na rin namin naisipan na kumain ng almusal bago kami sasabak sa exam mamaya. Nilagay ko ang dalawang platito sa lamesa na naglalaman ng ulam: isang putahe ng adobong baboy at ’yong isang platito naman ay naglalaman ng dalawang sunny-side up na itlog. “Ayoko ’yong inasal mo kanina doon sa gasoline station, ah. Nakaka-ilan ka na sa akin? ’Di ba sabi ko sa iyo, huwag kang magsisimula ng gulo,” panimulang salita ko sa kanya habang hinahanda ko na rin ’yong binalot ni Nanay na kanin kanina para sa aming dalawa ni John. “Hindi ba puwede na magtimpi ka muna ng inis mo bago ka sumugod.” “Ang sa akin lang, ayokong nakikipag-usap ka sa lalaking iyon,” iyon lang ang sagot ni John sa akin habang sinasandukan ko siya ng kanin doon sa plato niya. “Wala naman yatang malisya kung makikipag-usap ako kay Nelson. Saka kung iniisip mo na baka may gusto pa sa akin iyon hanggang ngayon, puwes, mali ang iniisip mo. Matagal ng walang gusto sa akin si Nelson matapos kong mag-high school.” Matapos kong lagyan ng kanin ang plato niya, ako naman ang gumawa ng sa akin. Hinayaan ko na rin siyang maunang kumain doon dahil mukhang gutom na gutom na yata ang kumag. “Kahit na. Ayoko na may kausap kang ibang lalaki,” sabi ni John sa akin habang walang tigil ang nguya niya ng pagkain. “Eto naman. Grabe ka maka-over protected sa akin. Hindi ako magkaka-boyfriend niyan ng dahil sa iyo, eh. Talo mo pa si Tatay,” pagbibiro kong tugon sa kanya at saka ko na sinimulan kainin ang pagkain na nasa harapan ko. Napansin ko na seryosong napatingin si John sa gawi ko. Hindi ko na lang siya pinansin pa dahil abala na ako sa pagnguya ko. “Bakit kailangan mo pang magka-boyfriend? Akala ko ba priority mo ang pag-aaral? Mag-aral ka na lang muna,” mahinang sambit niya pagkatapos. Bigla akong nagtaka kasi parang humina yata ang boses niya ngayon. Ibang-iba sa kaninang pagsasalita niya. “Ano ka ba! Babae ako. Saka dalaga pa. Natural lang naman siguro sa akin na mangarap na magkaroon ng lalaking mamahalin ako. ’Yong tanggap ako kung sino ako. Eh, ikaw? Kung tatanungin kita ngayon kung nangarap ka rin ba na magkaroon ng girlfriend sa buhay mo, siyempre, mage-expect ako na ‘oo’ ang sasagutin mo, ’di ba?” Matapos kong sabihin iyon, wala na akong narinig mula sa kanya. Tahimik lang siyang kumakain doon at muntikan na akong matawa dahil sa sobrang katahimikan niya. Ang seryoso kasi ng mukha niya. Para siyang jowang nagtatampo. “Okay ka lang? Sobrang sineryoso mo yata ang sinabi ko,” natatawa kong tugon muli sa kanya. “Hindi naman. May iniisip lang ako,” sagot niya sa akin. “Basta, ipapaalala ko lang sa iyo na huwag ka munang magbo-boyfriend. Mag-aral ka muna at tuparin mo muna ang pangarap mo. Nandito lang ako para suportahan ka.” Napangiti ako dahil sa sinabi ng kababata ko. Kahit kailan talaga ay hindi nawawala ang pagiging supportive niya sa akin. Lagi niya talaga akong pinapaalalahanan na dapat mag-focus lang ako sa goals ko sa buhay: iyon ay ang makapagtapos ako ng pag-aaral at matulungan ko sina nanay at tatay na makaahon sa kahirapan.  Hinding-hindi talaga mawawala iyon sa utak ko. ’Yon talaga ang main goal ko kapag nakapag-aral ako sa kolehiyo. Kapag nakapasa talaga ako sa exam na ito para sa scholarship, sisiguraduhin ko na mag-aayos ako sa pag-aaral. Hindi ko talaga bibiguin sina Nanay at Tatay dahil naniniwala ako na matutulungan ko sila balang-araw. Pinapangako ko iyan sa sarili ko. “Salamat, John. Mabuti na lang at naging kaibigan kita. Saka hindi rin ako makapapayag na ang pangarap ko lang din ang puwedeng matupad. Sana matupad na rin ’yang pangarap mo na makita mo na ang totoo mong nanay. Nandito lang din ako para tulungan ka. Naniniwala ako na mahahanap mo na siya kapag nakapag-aral ka na rin sa Maynila kasama ako.” Narinig ko ang pagsagitsit niya dahil sa sinabi ko. “Ang laki-laki ng Maynila. Paano ka nakasisigurado na mahahanap natin siya roon? At saka ’wag mo ng problemahin iyon. Nawalan naman din kasi ako ng pag-asa na makikita ko pa siya. Hindi ko rin alam ang mararamdaman ko kapag nakita ko siya isang araw. Kinamumuhian ko talaga siya sa totoo lang.” Nagkibit-balikat na lang ako sa sinabi ni John. Hindi ko naman siya masisisi dahil may karapatan naman din siyang magalit sa totoo niyang ina na inabandona siya noong baby pa siya. At saka ’yong totoo niyang ama, hindi na rin niya nakita dahil matagal na itong patay, base na rin ito sa kuwento nina Aling Melen at Mang Alfredo sa kanya noon.  At kung ano man ang sanhi ng pagkamatay nito, wala pa ring nakakaalam. Na kahit sina Aling Melen at Mang Alfredo ay wala ring ideya kung ano talaga ang sanhi ng pagkamatay ni Victor.  Mukhang magiging katanungan na lang yata para kay John ang lahat. At nandito lang din ako sa tabi niya upang tulungan siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD