1: Eskwela
"Hulyooooo!!! Bumangon ka na dyan! Wala ka bang balak pumasok sa eskwela?"
Agad napabalikwas ang binata sa pagkakahiga
ng maalimpungatan sa tinig ng kanyang ina.
"Bunganga talaga ni inay oh." maktol nya ng pupungas pungas nyang kunin ang tuwalya sabay baba sa hagdan papunta sa kubeta.
Naabutan nya ang nanay nya sa bungad ng hagdan. Mukhang inaantabayan sya kung bababa.
"Ano ka bang bata ka? Wala ka ba talagang pangarap na makatapos ng high school?" pagalit na tanong ng kanyang ina habang naka pamewang pa.
"Eto na nga po, liligo na." padabog dabog nyang yabag sa kahoy na hagdan.
Lunes na naman. Umpisa na naman ng araw para sa estudyanteng kagaya nya.
Bakit kailangan pumasok? Bakit ba kailangan mag-aral? Isip-isip nya habang nag uumpisang maligo.
Dali dali syang nagsabon dahil alam nyang tanghali na. Ilang buhos lamang nya ng tubig para banlawan ang kanyang katawan ay agad syang umahon sabay toothbrush. Hindi pa nya naubos ang isang timba ng tubig na inigib nya kagabi.
Dagli siyang umakyat at isinuot ang uniporme. Puting polo na naninilaw na sa kalumaan at isang nisnis na pantalon na slacks na kulay itim. Saglit na humarap sa salamin. Ang maikling buhok ay hinagod ng kaunti at hindi na nakuha pang suklayin. Hinagilap ang bag at agad isinukbit sa kanang balikat sabay muling bumaba ng hagdan. Nakita ang ina sa kusina na nagliligpit.
"Nay, pengeng baon."
"Baon? Ibaon kaya kita sa lupa. Alam mo naman wala tayong pera. Kung nakatapos ka ba naman kaagad ng pag aaral eh di sana katulong ka na ng iyong ama sa pagtatrabaho. Uuwi ka naman ng tanghalian kaya wag ka na mag baon." asik ng ina nya.
"Paano kung may contribution nay? Halimbawa may namatayan tapos nahingi ng abuloy. Ano ibibigay ko?" kontra nya.
"Bakit? Sapilitan na ba ang abuloy ngayon?" sagot naman ng ina.
"Wag na nga lang, ang dami nyo naman sinasabi." sabay ikot nya at agad lumakad papalayo sa ina ng makaramdam siya ng lagutok sa likod ng ulo.
"Aray!" kita niya ang basong plastic na ibinato ng kanyang ina na gumulong gulong pa sa lupa.
"Kailan ka pa natutong sumasagot sagot ha." sermon nito.
"Oh siya eto ang baon oh, bilis at baka magbago pa ang isip ko."
"Talaga nay!"
Mabilis siyang tumakbo papunta sa ina at agad inihain ang kanang palad, at binigay ng kanyang ina ang barya.
"Sampung piso? Anong mabibi...."hindi na siya nakatapos ng pagsasalita ng muling dukdukin ng kanyang ina ang kanyang noo ng isa pa uling plastic na baso.
"Ayaw mo ba? Akin na uli." sabi ng kayang ina.
"Pwera bawi nay, pwede na din to. Sige nay pasok na ako," paalam nya at agad tumalikod. Napatigil muli at napaharap sa ina ng marinig itong magsalita muli.
"Oy, Hulyo, dadaan ka naman kina Inang Censia diba? Mamayang tanghali pag uwi mo ay umutang ka ng dalawang kilong bigas at dalawang sardinas. Pasensya na kamo at babayaran na lang sa susunod." bilin nito sa kanya.
Lumabas siya ng bahay at inumpisahan tahakin ang paaralan. Malapit lang sa bahay nila ang eskwelahan kaya kahit tanghali ay pwede siyang umuwi.
Sa pagbaybay niya sa kalsada ay sumagi sa isip niya ang hirap ng buhay na dinaranas nila. Gumugulo pa rin sa isip niya kung bakit sa mahirap na pamilya pa siya ipinanganak at hindi sa isang mayaman.
Isa siyang tipikal na highschool student. "Bangkay" ito ang tukso sa kanya sa paaralan na kanyang pinapasukan. Ilang paaralan na rin ang kanyang nalipatan. Ngayon dito sila sa Cavite isa sa malayong kamag-anak ng kanyang ama ang nag magandang loob na patirahin sila sa isang bakanteng bahay. Isa sa dahilan ng kanilang paglipat ay ang pagiging biktima niya sa pam bubully. Halos dalawa o tatlong taon siyang napatigil ng pag aaral dahil lamang sa pam bubully ng kanyang mga kamag aral.
Sa edad na desi otso ay hindi pa rin siya nakatapos ng highschool. Pero ewan ba niya, sa lahat na lang ng puntahan nilang lugar ay lagi siyang biktama sa bullying. Marahil dahil sa kanyang hitsura kaya madalas siyang kinakawawa.
Matangkad siya, sa kanyang edad nasa 5'9 na. Payat na payat siya at maitim, ang pisngi niya ay hupyak na hupyak dahilan para ang mata niya ay parang nakaluwa. Para na siyang buhay na bangkay sa kakulangan ng timbang. Tukso pa ng iba, isang bulate na lang ang hindi nakapirma at pagpipiyestahan na siya sa ilalim ng lupa.
Bagamat hindi naman siya panget, may hitsura siya hindi lang naaalagaan at ganun na rin ang sistema dahil sa hindi din siya makapag suot ng maayos na damit.
Kalimitang sinusuot niya ay ang mga pinaglumaan ng ibang tao. Mga damit na hinihingi ng kanyang ina sa mga napagtrabahuan nito sa paglalabada.
Ang pan bubully sa kanya ang dahilan kung bakit nawalan siya ng gana sa pag aaral. Halos araw-araw na lang ay sapilitan ang kanyang pagpasok.
Sa kabila ng kanyang pag-iisip ay hindi niya namalayan na nasa harap na pala siya ng tindahan nina Inang Censia.
"Lola Censia, andyan pa po ba si Adrienne?" magalang niyang tanong sa matanda.
Bagkos na sumagot ay sumigaw ito.
"Adre! Andito na sundo mo!"
Si Adrienne, ito lang ang kanyang naging kaibigan sa buong buhay niya. Malayong malayo ang agwat ng pamumuhay nila dahil isa sina Adrienne sa pinakamayaman sa Barangay.
Bagamat magkahiwalay ang ama at ina nito ay hindi ito naghikahos sa buhay. Lola na niya ang halos nagpalaki sa kanya. Ang ama niya ay may pamilya ng iba na nakatira sa Laguna. Ang kanyang ina naman ay nasa Estados Unidos at isang Interior Designer doon.
Tuwing kasama niya si Adrienne ay lalong tumindi ang pambubully sa kanya. Napakaganda kasi nito sa kabila ng pagiging tomboy.
Maikli ang buhok nito, siyete ang istilo. Parang lalaking lalaki talaga kumilos. Mas lalaki pa nga sa kanya kung umasta.
Biglang kumudlit sa isipan niya at naalala ang utos ng ina.
"Lola Censia, pautang daw po si inay ng dalawang kilong bigas at dalawang sardinas mamayang tanghali." sabi niya sa matanda.
"Nako, July. Ang haba na ng listahan niyo oh." sagot sa kanya ng matanda habang iniladlad ang listahan.
"Babayaran naman daw po pag sahod ni Itay." pakiusap na niya.
"San ba nagtatrabaho ngayon si Raul?" siyasat uli nito.
"Eh nag aapply pa lang po." sagot niyang kakamot kamot sa ulo.
"Dyuskopo July, ako nga'y tigilan mo at ke aga-aga eh binubuwisit mo itong negosyo ko." tugon nito nang malamang wala pang trabaho ang kanyang Itay.
Isang karpintero ang kanyang ama ngunit bihira lang ang gawa dahil hindi naman araw-araw may makukuhang magpapagawa ng bahay.
"Pakisabi sa nanay mo na pasensya muna ha, kahit Pacensia ang pangalan ko ay nauubusan din ako kamo ng pasensya." bilin nito sa kanya.
Nalungkot siya sa naging pasya ni Lola Censia bagamat naiintindihan niya ang desisyon nito. Ikaw ba naman ang utangan ng umagang umaga at halos wala pang buwena mano.
Mga ilang saglit pa ay lumabas na si Adrienne. Naka blouse na uniporme at kahit anong pilit niyang itago ang pagka babae ay pilit pa rin ito lumabas ng kusa. Kita niya sa matalik na kaibigan na nakasuot ito ng breast binder chest compression para hindi bumukol ang dibdib nito.
"Pards, kanina ka pa ba?" bungad nito sa kanya.
"Hindi naman pards." sagot niya sa kaibigan.
Pards ang tawagan nila sa isa't isa simula ng maging mag best friend sila ng first year high school.
"Halika na." yakag nito sa kanya.
Agad silang tumulak patungo sa paaralan. Hindi siya umiimik ng may iabot sa kanya si Adre.
"Ano ito?" tanong niya.
"Bazooka." sagot nito.
Chewing gum na naging hilig gawin ng kaibigan na naging kontra siya.
"Kababae mong tao, nguya ka ng nguya niyan." sabi niya ng pabulong.
"Anong sabi mo?" pagalit na sabi ni Adre dahil alam niyang ayaw na ayaw nitong tawagin siyang babae.
"Ah wala, wala naman akong sinabi."
"Ayaw mo yata eh." pananakot ni Adre.
"Hindi ah, wala naman akong sinabing ayaw." sabay abot niya sa chewing gum at binuksan.
"Parang malungkot ka yata." Tinatamad ka na naman pumasok no?" urirat sa kanya ng kaibigan.
"Nakakatamad kasi ang mga subject, lalo na Araling Panlipunan. Cutting na lang tayo." yakag niya sa kaibigan.
"Ulol! Lahat naman ng subject tinatamad ka eh. Wala ka bang pangarap na makapag tapos ng pag-aaral at tulungan ang mga magulang mo?" wika nito sa kanya.
Hindi siya nakaimik sa mga tinuran ng kaibigan. Ito palagi ang lagi nitong pina alala sa tuwing nakikita nito na wala siya gana mag aral.
Fourth year highschool na sila at kakaumpisa pa lang ng pasukan. Ilang buwan na lang ang titiisin niya at pwede na siyang mag liwaliw. Plano niya na pagkatapos ng highschool ay samahan na lang ang ama sa trabaho. Wala rin naman siyang balak mag-aral sa kolehiyo at nakikita niyang walang kakayahan ang magulang niyang tugunan iyon.
Patuloy pa rin sa pag lalakad at hindi sinagot ang tanong ng kaibigan. Sa sobrang lapit nila sa isa't isa ay kapa na nila ang ugali ng bawat isa.
"May iba ka pa bang problema bukod sa tinatamad kang pumasok?" usisa pa uli ni Adre.
Hindi na siya nagpaligoy ligoy pa dahil wala naman siyang dapat pang ikahiya sa kaibigan dahil alam naman nito ang kanilang kalagayan.
"Pards, pwede mo ba akong idiskarte sa lola mo ng dalawang kilong bigas at dalawang sardinas?" pakiusap niya dito.
Napatingin sa kanya si Adre na medyo nakangiti at hindi nagtagal ay tuluyan na itong tumawa.
"Yun ba? Yun ba ang problema mo?" tanong nito sa kanya habang tumatawa.
"Pards namam eh, tinatawanan mo yata ako eh." sabi niya.
"Hindi naman pards, pero yung mga ganung bagay wag mo na alalahanin at magsabi ka lang sa akin."
"Salamat pards, buti ka pa at walang problema. Naiinggit nga ako sayo eh." sabi niya kay Adre.
"Ano ka ba pards. Ako nga ang nainggit sayo dahil kompleto at kasama mo ang pamilya mo. Kung ako siguro nasa katayuan mo, wala na akong ibang gawin kundi mag-aral." pangaral nito sa kanya.
Sa winikang iyon ng kaibigan ay parang gumaan ang loob niya. Tama nga ito at busog siya sa pangaral sa kanyang mga magulang lalong lalo na sa mga mura ng kanyang ina. Bunganga pa lang ng kanyang ina ay solve na at kahit hindi na magtanghalian ay busog na siya.
"Kailan ba uuwi ang mommy mo?" pagbabalik niya ng tema.
"Hindi ko alam eh, pabago bago kasi. Sabi niya February tapos April tapos May, anong buwan na ngayon? June na kaya hindi na rin ako umasa." sabi ng kaibigan na halatang nalungkot.
Labis siyang nagsisi kung bakit inungkat pa niya ang pag uwi ng ina nito galing Amerika. Agad siyang tumigil sa paglakad at napahinto rin si Adre.
"Oh bakit?" takang tanong ni Adre.
Umarte siya at nagkunwaring may mabigat na dinadala at saka biglang humirit sa kaibigan.
"Pwede bang... samahan mo na rin ng chicharong baboy at saka yung bigas na Simangdomeng ang kuhanin mo."
Agad napatawa ang kaibigan at nawala ang lungkot nito na siya rin ang nag umpisa.
"Bugok! Sinandomeng! sabi nito.
Marahil ito ang naging dahilan kung bakit naging malapit sila ni Adre. Ang mga sense of humor niya na laging patok at mabenta sa kaibigan.
Sinapit nila ang gate ng paaralan. Sa paglalakad nila sa hallway na papunta sa kanilang classroom ay may mga nakatambay na third year. Pagdaan nila ay pinatid siya ng isang estudyante na nakatambay. Nakita iyon ng kaibigang si Adre.
"Wala ka bang gagawin?" tanong nito sa kanya.
"Hayaan mo na, halika na." yakag niya kay Adre.
Sa paglalakad niya'y hinawakan siya ni Adre sa braso. Pinipigilan siya nitong umalis at parang sinasabi na huwag palampasin ang ginawa sa kanya dahil mas senior sila.
Binitawan siya nito at akmang babalik sa mga nakatambay na third year ng pigilan niya ito.
"Wag na Adre, hayaan mo na. Hindi mo ba kilala yan? Anak yan ni Mrs. Rodriguez." pangungumbinsi niya sa kaibigan habang hawak ang braso na hinihila papuntang classroom.
"Eh ano, hindi porke't anak sila ng teacher ay pwede na silang mang api ng ibang estudyante." sabay tanggal ng kanyang kamay at tuluyang lumapit sa mga ito. Wala na siyang magawa kundi sumunod. Ganito lagi si Adre sa buhay niya. Ang kanyang tagapag tanggol sa mga nang-aapi sa kanya. Inaamin niya na napapahiya siya dahil sa kabila ng pinakamatangkad at pinakamatanda sa paaralan ay siya pa ang nabubully at pinagtatanggol ng isang babae.
"Hoy! Anong problema mo ha? Bakit mo pinatid itong kaibigan ko?" matapang na sigaw ni Adre.
"Wala lang, para kasing palito yang kaibigan mo." sabay tawanan ng mga kasamahan nito.
Dahil sa narinig na pangungutya sa kanya ay lalong nagpanting ang tainga ni Adre. Lalo siyang lumapit sa anak ni Mrs. Rodriguez. Agad naman itong tumayo at inuuna ang dibdib.
Matangkad din ang anak ni Mrs. Rodriguez. Halos hanggang dibdib lang si Adre ng magtapat sila.
Mga ilang saglit din silang magkaharap at kinakalabit niya si Adre para yakagin ng umalis subalit hindi ito natitinag.
Yumuko ng kaunti ang anak ni Mrs. Rodriguez para magtapat ang mukha nila ni Adre at nagsalita ito.
"Alam mo kung hindi ka lang tomboy niligawan na kita." pang asar nito habang ang mga kasamahan ay nagbubungisngisan.
"Hoy! Kung ako hindi tomboy, hindi kita papatulan bukod sa panget ka na ay ang baho pa ng hininga mo." walang gatol na sabi nito.
Tinamaan ang anak ni Mrs. Rodriguez at hindi nakapag salita. Parang napansin niya na nangingilid ang luha nito sa pagka pahiya.
Muling kinuha ni Adre ang sitwasyon habang tulala ang kausap.
"Ano!? Hindi ka makapag salita kasi sisingaw ang bad breath mo?" sulsol pa nito.
Nakita niya na kung kanina ay sila ang pinagtatawanan ng mga kasama nito ay parang nabaligtad na ngayon. Pinagbubulungan ngayon ang anak ni Mrs. Rodriguez ng mga kasama nito.
Kita sa mukha nito na parang iiyak na.
"Isusumbong ko kayo kay mama." pananakot nito sa kaibigan.
"Huh! Eh di magsumbong ka. Ang laki laki mo manunumbong ka pala." pang aasar pa ni Adre.
Hindi nagtagal ay nagyakag ng umalis si Adre patungo sa classroom.
"Ang galing mo pards. Parang iiyak na si Paul. Pero siguradong yari tayo kay Mrs. Rodriguez."
Si Mrs. Rodriguez ay guro nila sa Araling Panlipunan at nagsisilbi nilang adviser sa kanilang section. Malupit ito at mataray, manang mana ang anak nito sa kasamaan ng ugali.
"Hayaan mo sila, kaysa naman na lagi kang pinagkakaisahan."
"Salamat ha, ewan ko ba, para kasing nanginginig na ako sa kaba kapag mga ganoong sitwasyon." paliwanag niya sa kaibigan.
"Tanda mo pa ba ang sabi ni Mommy ng umuwi siya at kausapin ka?"
"Oo, bantayan daw kita at ipagtanggol." sagot niya.
"Yun pala eh, paano mo ako ipagtatanggol kung duduwag duwag ka." sumbat sa kanya ni Adre.
"Pasensya na." malungkot niyang tugon.
"Hayaan mo na nga yun, halika na." Sabay silang pumasok at umupo sa lagi nilang pinag uupuan sa may unahang hanay.
Lumipas ang oras at inip na inip siya sa mga subject na nagdaan. Ang utak niya ay lumilipad hanggang sa dumating ang kanilang huling subject ng umagang iyon. Araling Panlipunan kung saan ang pinaka ayaw niyang guro ang nagtuturo at nagkataon pang adviser din nila.
Pumasok si Mrs. Rodriguez ng nakasimangot. Parang nakaramdam siya na ang dahilan noon ay ang nangyari kanina. Isa kasing kunsintidora itong si Mrs. Rodriguez. Walang ano-ano'y nagsalita ito.
"Open your book to page 60-75, basahin niyo at magkakaroon ako ng oral recitation sa inyong lahat, isa-isa kayo." masungit na sabi niya.
Mabilis na hinalungkat ng lahat ang kanilang mga bag at kinuha ang aklat maliban kay July na nakasilip lang sa backpack na nakapatong sa kanyang armchair.
"Putcha!" bulong niya na narinig din ng katabing si Adre.
"Bakit?" tanong nito sa kanya.
"Panghapong subject ang dala ko." iiling iling niyang tugon.
Napatawa si Adre.
"Ayaw mo non, hindi ka na magpapalit mamaya. Eto share tayo." alok ng kaibigan.
"Yari tayo, sigurado hihirapan ni mam ang tanong sa atin." bulong niya sa kaibigan habang unti unting inaabot ang aklat.
"Ano bang kinatakot mo? Di mag aral ka para kahit anong itanong sayo ay masagot mo." payo ni Adre sa kanya.
Napansin ni Adre na hindi siya nagbabasa ng libro at kung may anong ginagawa.
"Anong ginagawa mo July?" pabulong nitong tanong.
"Finger cross, pards. Sana mapaanak na si Mam mamaya."
"Sira!, November pa due date niyan bugok. Mag leave na din yan sa katapusan." kontra ni Adre.
Lumipas ang binigay na oras ni Mrs. Rodriguez at nag umpisa muli itong pumunta sa harapan.
"Class, bago tayo mag umpisa. Ayokong ayoko na mabalitaan na makikipag away kayo sa ibang year at kayo pa mismo ang mag uumpisa lalo pa at dito sa loob ng paaralan. Lalabas akong kahiya hiya niyan at ako ang adviser niyo." sermon nito na halatang pinatatamaan sila ni Adre.
"Adrienne at July, ano bang nangyari at inaway niyo daw si Paul." tanong nito sa kanila at kinuha na ang oras sa pagtuturo para sila sermonan. Hindi man lang sila kinausap ng pribado.
"Mam yun anak niyo po ang nag umpisa. Sadyang tinapid si July at binubully." pagtatanggol ni Adre.
Sa narinig ay lalong bumagsik si Mrs. Rodriguez.
"Aba! Adrienne, hindi porke main sponsor ng school na ito ang iyong Mommy ay pwede ka nang mang away basta basta."
Alama mater ng Mommy ni Adre ang pinapasukan nila kaya lahat ng donation galing Amerika ay dito bumabagsak. Nagpatayo pa nga ng isang building dito ang ina nito.
"Mam, wala pong kinalaman ang Mommy ko dito. Ang anak niyo ang hindi niyi tinuturuan ng magandang asal." sagot nito ng hindi mapigilan ang sarili ng idamay ang kanyang ina.
"Aba't! I want to see your guardian. Ma....." napatigil si Mrs. Rodriguez na hawak ang tiyan at ang pag agos ng likido sa binti nito.
"Class, tu- tulong, manganganak na yata ako."
Agad nag sitakbuhan ang kanilang mga kaklase para tulungan ang kanilang guro. Nanatili silang nakaupo sa silya.
"Galing mo pards, nagkatotoo ang hiling mo." tuwang tuwa wika ni Adre sa kanya.
Dahil sa pangyayari ay napaaga ng konti ang kanilang uwian at gaya ng kinagawian ay sabay sila ni adre.
Itutuloy...