GINAMIT ni Anna ang bakanteng oras na nalalabi upang makausap nang masinsinan si Danna. Inanyayahan niya ito sa lugar na tago sa lahat. Doon, alam niyang makakapaglabas ng saloobin ang kaklase. Nakaupo si Danna sa isang bench habang si Anna naman ay bumibili ng kanilang meryenda.
Tulad ng una nilang pagkikita, nakayuko lang si Danna. Para bang hirap itong ipakita sa lahat ang mukha nito. Saglit niya itong pinagmasdan bago nilapitan sa kinauupuan.
"Kain ka muna," alok niya, ibinigay ang sandwich kay Danna.
Inabot naman iyon ni Danna. "Salamat," mahina nitong wika.
Tinabihan niya ang kaklase. Kumagat ito sa inalok niyang pagkain pero kaunti lang. Marahil ay walang gana ito. Bakas pa rin kasi sa mga mata ni Danna ang mga luha sa mata.
"Ahm. . . Danna, p'wede ba 'kong magtanong?" pagbasag niya sa nakabibinging katahimikan sa pagitan nilang dalawa.
Sa wakas ay direkta nang tumingin sa kanya si Danna, "Ano 'yon?"
Napaisip siya kung dapat ba niyang itanong iyon sa kaklase. Pero naroon na rin naman sila kaya itatanong na rin niya, baka sakaling makatulong siya sa problema ni Danna. "M-May relasyon ba kayo ni Sir Pineda?"
Sa narinig niya kanina, posibleng may mamamagitan nga sa kanila. Hindi sumagot si Danna. Mukhang hindi pa ito handang sabihin ang lahat sa mga tao lalong-lalo na sa kanya.
"Okay lang kung hindi ka pa—"
"Secret boyfriend ko siya," agad nitong wika. "Limang buwan na naming tinatago ang relasyon namin dahil oras na malaman ng buong campus, pareho kaming masisipa sa Amadeus. Pero hindi ko alam kung maitatago ko itong pagbubuntis ko." Muling napahagugol si Danna nang bitiwan nito ang huling katagang sinabi.
Lumapit si Anna rito at hinaplos ang likod. Sa ganoong paraan man lang ay maibsan kahit kaunti ang bigat na nararamdaman ni Danna. "Shh. . . tumahan ka na. Dito lang ako, dadamayan kita," wika niya.
Tiningnan siya ni Danna na may halong pagtataka sa mga mata. "Salamat pala sa ginawa mo kanina noong binu-bully ako nina Jannica, pero bakit mo ginawa 'yon?" tanong nito.
"Gusto ko lang. Kasi, hindi ko kayang makita na may estudyanteng kinakawawa," saad niya.
Gumuhit ang pag-aalala sa mukha ni Danna matapos marinig ang sinabi niya. "Pero sigurado akong hindi ka titigilan ng mga 'yon. Alam mo bang notorius sila sa school na ito. Si Jannica, anak siya ng isa sa mga board of director ng Amadeus. Kaya nalulusutan niya lahat ng mga reklamo sa kanya ng mga biktima ng bullying."
"Kaya rin ba malakas ang loob niya na apihin ka na lang?" muli niyang tanong.
Tumango lang si Danna. "Oo, scholar lang kasi ako ng Amadeus kaya kung utus-utusan nila ako ay gano'n na lang."
Sa mga sinabing iyon ni Danna. Mas lalong nagkaideya si Anna sa mga bagay na itinatago pa ng Amadeus Academy sa mga tao. Mukhang mas marami pa siyang matutuklasan habang nag-aaral siya doon.
"Hayaan mo. Simula ngayon, ipagtatanggol na kita sa mga bruhang iyon." Inakbayan niya si Danna.
Ngumiti lang si Danna. "Salamat."
Hindi man naging maganda ang simula ng pagpasok ni Anna sa Amadeus Academy, nakakilala naman siya ng bagong kaibigan.
💀💀💀
HINDI na namalayan ni Anna ang oras. Gabi na nang makarating siya sa bahay. Nadatnan na lang niya ang inang si Aida na nagluluto ng hapunan. Pinuntahan niya ito sa kusina kung saan abala ang ina sa nilulutong tinola.
Agad siyang yumakap sa likod ni Aida. Nagulat pa ito noong una pero nang masilayan ang mukha niya ay awtomatikong umarko nang labi nito. "Ang bango naman niyan, Mama," wika niya.
"Asus! Bolera ka talagang bata ka. Magbihis ka na roon at kakain na tayo pagdating ng Papa mo," bilin ng ina.
"Sige po."
Akma sana siyang papanhik sa kuwarto subalit bago pa siya makahakbang napansin na ni Aida ang galos niya sa braso. "Teka, napa'no 'to?" tanong agad nito.
"Ah, wala po, Mama. Nagasgas lang kanina sa pader habang nakapila ako," pagsisinungaling niya. Ang totoo niyan, natamo niya ang galos na iyon nang humapas ang braso niya sa paa ng upuan ng classroom nila.
Subalit hindi niya maaaring sabihin ang tunay na nangyari sa ina dahil ayaw niya itong mag-alala. Lalo ngayon na may sakit ito at sa bahay nasa bahay na lang.
"Ganoon ba? Sige, gagamutin ko na lang mamaya pagkababa mo." Mukhang naniwala naman ang ina sa alibi niya.
Umakyat siya sa kanyang kuwarto at pabagsak na humiga sa sariling kama. Naisipan niyang mag-scroll mun sa kanyang social media kaya kinuha ang cellphone sa bulsa. Habang abala siya sa pag-i-scroll ay isang post ang nakita niya na nakapukaw kaagad ng kanyang atensyon.
Amadeus Secret Files
BLIND ITEM: Sino itong student daw ng Amadeus na nabuntis daw ng isang teacher?
Hindi niya akalaing dadaan sa feed niya ang post na iyon mula sa Amadeus Secret Files — isang page na nagpo-post patungkol sa mga estudyanteng pumapasok sa Amadeus Academy. Nabpabalikwas siya ng bangon nang mabasa ang post na iyon.
Sigurado siyang si Danna ang pinatutungkulan ng nasabing post. Pero sa pagkakaalam niya, siya lang naman ang pinagsabihan ng kaibigan tungkol sa kanyang pagbubuntis.
Hindi pa man nahihimasmasan si Anna ay bigla na lang may kumatok sa pintuan ng kanyang kuwarto.
"Anna, anak, may naghahanap sa iyo. Kaklase mo raw," wika ng kanyang ina.
Wala naman siyang inaasahang bisita sa mga oras na iyon.
"Sino daw po siya?"
"Danna ang pangalan, eh. Hinahanap ka."
Siguradong nakarating din kay Danna ang post na iyon. Sigurado din siya na siya ang sisisihin nito dahil siya lang naman ang nakakaalam ng tungkol sa pagbubuntis nito.
"O-Opo, pababa na po."
Gusto niyang linawin sa kaibigan na hindi siya ang gumawa ng bagay na iyon. Lalong-lalo na't hindi niya ugali ang ipagsabi ang sekreto ng iba. Binuksan niya kaagad ang pinto ng kuwarto at bumaba. Hindi pa man siya nakakahakbang sa unang palapag ng kanilang bahay, nakita na niya ang nanlilisik na mata ni Danna na bagama't nagpipigil ito ng iyak, halata naman dito ang galit na nararamdaman.
"Danna, puwede bang sa labas tayo mag-usap?" bulong niya.
Hinawakan niya lang ang kaklase at hinila ito palabas ng kanilang bahay. Sinigurado niyang hindi sila maririnig ng kanyang ina. Ayaw niyang magkaroon ng komosyon sa harap ng ina dahil baka kung mapaano ito kung sakali.
"Danna, wala akong—" Hindi pa man natatapos ni Anna ang sasabihin, agad namang dumapo sa pisngi niya ang malakas na sampal ni Danna.
"Napakasinungaling mo talaga!" May diin ang bawat salitang binitiwan ni Danna. Halata sa basag nitong boses ang poot na nararamdaman. Hindi niya alam kung makikinig ba sa kanya ang kaibigan pero sigurado siya na wala siyang pinagsabihan na ibang to tungkol sa lihim ni Danna.